frchito

Archive for the ‘Sunday Homily’ Category

YABANG O YABONG?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 1, 2007 at 14:51

Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 8, 2007

Mga Pagbasa: Is 66:10-14c / Gal 6:14-18 / Lk 10:1-12, 17-20

May mga bagay na hindi dapat itago. May mga pangyayaring hindi dapat ipagkaila. May mga pagkakataong dapat ipagmakaingay ang anumang ating pinagpapahalagahan na ating natamo o nakamtan. Ang isang ina ng batang nagtapos sa pag-aaral nang may malaking karangalan ay lubos ang kanyang kagalakan. Ang kagalakang ito ay hindi dapat ikubli. Dapat lamang na kanya itong ipagyabang.

Pagyayabang ang bukam-bibig ni San Pablo ngayong Linggong ito. Pero may kaibahan ang pagyayabang ni San Pablo. Ipinagmamakaingay niya, hindi ang kanyang nakamit, kundi ang nakamit sa kanya ng Panginoon. Ang krus ng Panginoon ang paksa, puno, at dulo ng kanyang pagyayabang. “Huwag nawa ako magyabang liban sa krus ng Panginoong Jesucristo.”

Sa unang pagbasa na halaw sa aklat ni Isaias, yabong, hindi yabang ang paksa. Sa pamamagitan ng paglalarawan ng Diyos na tulad ng isang ina na nagkakalinga sa kanyang mga anak, binibigyang hula ni Isaias ang darating na kasaganaan na magmumula sa Jerusalem. Ang pagyabong o paglago ng mga anak ng Diyos ay siyang binibigyang-larawan ni Isaias. Ang pagyabong na ito ang siyang magiging dahilan ng wastong pagyayabang na siyang kahulugan n gating tugon sa unang pagbasa: “Umawit nang buong kagalakan ang buong daigdig.”

Ang Ebanghelyo ni Lukas naman ay umiikot rin sa dalawang katagang ito. Pitumpu at dalawang disipulo ang nakuhang makapag-yabang sa kadahilanang nakagawa rin sila ng mga kababalaghan: “Panginoon, maging ang mga masasamang espiritu ay sumunod sa amin dahil sa iyong pangalan.” Subali’t ang pagyayabang na ito ay nakatuon sa pagyabong at paglago ng samahan ng mga sumasampalataya. Tinawag sila at isinugo ni Kristo nang dala-dalawa upang mauna sa mga bayang kanyang bibisitahin.

Ano ba ang ipinagtagubilin ni Jesus sa pitumpu at dalawang disipulo? Simple lamang. Hindi dapat yabang o porma ang mauna. “Huwag magdala ng lukbutan, sako, ni sandalyas, at huwag bumati sa kaninuman sa daan.” “Saan mang tahanan kayo pumasok, kainin ang anumang ihain sa inyo.” Isang mahalagang pagbati lamang ang kanyang ipinagtagubilin – ang pagbati ng kapayapaan.

Ang mga pagbasang ito ay may kinalaman lahat sa ating pagiging tagasunod ni Kristo. Noong isang Linggo, sinabi natin na balakid sa pagsunod at ganap na paglaya ang lahat ng uri ng “nguni’t, subali’t, datapwa’t” sa ating buhay. Ang pag-aatubili, ang mga pasubali, at lahat ng uri ng “teka muna” ay hindi mauuwi sa pagyabong ng samahan ng mga sumasampalataya.

Maraming iba-t ibang uri ng yabang ang dagdag na balakid sa paglago ng bayan ng Diyos. Nariyan ang yabang ng salapi. Nariyan din ang yabang ng katalinuhan at kakayahan. Nariyan ang yabang ng maling pagpapahalaga sa sarili.

Ang lahat ng ito ay hindi dapat mamayani sa isang tagasunod ni Kristo. Noong ang ilang mga disipulo ay nagyabang dahil sinunod sila ng masasamang espiritu, pinaalalahanan sila ng Panginoon: “Huwag kayong magalak sapagka’t pumasailalim sa inyo ang mga espiritu. Magalak kayo sapagka’t ang inyong pangalan ay nakatala sa langit.”

Napakadali para sa mga taong naglilingkod sa Panginoon at sa kapwa ang makalimot sa diwa ng tunay na paglilingkod. Hindi kaila sa lahat na ang namumuno sa bayan, ang mga namumuno sa simbahan, o saan man, ay sinasagian din ng yabang, ng pag-iimbot, at ng pag-iisip na sila ay napakahalaga. Hindi malayo sa buhay ng mga naglilingkod ang hayaang mauna ang pagyayabang, at hindi ang pagyabong ng kanilang pinaglilingkuran. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ang pinaka-tiwaling bansa at bayan sa buong Asia?

Maraming bentaha ang hatid ng paglilingkod sa kapwa. May mga dulot na gantimpalang makamundo para sa mga nagpapagal para sa kapakanan ng iba. Hindi natin sinasabing ang mga ito ay masama at dapat ituring na kasalanan. Nguni’t sa araw na ito, ito ang turo sa atin ng ating sinusundan at itinuturing na Panginoon. Yabong, hindi yabang ang tanging pakay at layunin ng isang tunay na tagasunod ni Kristo.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon sa mg Kristiyano
Paranaque City – Julio 1, 2007

PASUBALI, PAGSUNOD, PAGLAYA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 25, 2007 at 20:39

Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 1, 2007

Ang sinumang nakaupo na sa isang panunungkulan, o nakahawak na ng isang posisyon ay kagya’t makakaunawa nito. Mahirap utusan ang taong maraming dahilan. Mahirap pasunurin ang taong hindi nauubusan ng pasubali. Para sa taong gusto, maraming paraan. Para sa taong ayaw, maraming dahilan.

Ito ang paksa ng ating mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, natungyahayan natin kung paano kagya’t tumalima si Eliseo kay Elias. Walang pasubali; walang kondisyon; walang tanung-tanong. Nang ipataw ni Elias and kanyang balabal, iniwan ni Eliseo ang kanyang parang at sumunod kay Elias.

Ang pagsunod ni Eliseo ay naging daan sa kanyang ganap na paglaya.

Hindi madaling unawain ito. Ang pagsunod ay tila malayo sa paglaya. Nguni’t ituloy natin ang ating pagninilay…

Kalayaan ang paksa ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Galatas. Narito sa liham na ito ang susi ng ating tanong tungkol sa tunay na kalayaan. Dalawang batas ang puede nating sundan, ayon kay San Pablo: ang batas ng Espiritu at ang batas ng laman. Malinaw ang kaniyang pangaral. Ang tunay na paglaya ay nasa pagtalima o pagsunod, hindi sa batas ng laman, kundi sa batas ng Espiritu. Ipinagtatagubilin niya sa atin na tumindig nang matuwid at huwag muling pasailalim sa pamatok ng pagka-alipin.

Sa ebanghelyo naman, natatampok ang tatlong uri ng taong kay dami ng pasubali, kay dami ng dahilan, at kay dami rin ng kondisyon. Maaari nating sabihin na ang taong maraming “subali’t, datapuwa’t, nguni’t” at iba pang balakid ay hindi ganap na malaya. Alipin siya ng kanyang mga pasubali. Kung minsan, ang pagbabakod ng sarili, o ang pagtatrangka sa sarili ay nauuwi sa pagka-alipin.

Mayroong alipin ng paghahanap ng katiyakan o kasiguraduhan. Ito ang binabatikos ngayon ng Panginoon. Nang may nagsabi sa kaniya na handa siyang sumunod saanman siya magpunta, sumagot si Jesus: “ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may tirahan, nguni’t ang Anak ng Tao ay wala ni unan para sa kaniyang ulo.”

Mayroon namang taong maraming kadahilanan at laging nag-aatubili at patumpik-tumpik. Hindi nila mapanagutang lubos ang kanilang salita. Ito ang mga taong urong-sulong, na laging may dahilan upang ipagpaliban ang anumang desisyon. Nandiyan ang nagdadahilang kailangan muna niyang ilibing ang kanyang Ama. Ito ang mga taong nagsasabing susunod … mamaya … bukas … hindi, saka na lang siguro … Sa mga taong kagaya nito,  parang marahas pakinggan ang sagot ni Jesus: “Hayaang ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.” Mahirap kausap ang mga taong “hele-hele, pero quiere.”

Mayroon din namang alipin ng kanilang puso. Hindi nila maiwan ang mga tao o bagay na napamahal na sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay kasing sakit ng sagot niya sa nauna: “Ang taong nag-aararo at lumulingon sa kanyang pinagdaanan na ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Iisa ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Ang pagiging disipulo ni Kristo ay nangangailangan ng pagtalima o pagsunod. Nguni’t kabaligtaran sa karaniwang nagaganap sa mundong ito, ang pagsunod na ito ay siyang naghahatid sa ganap na paglaya. Mahirap man unawain, at lalung mahirap man tanggapin, ito ang kabalintunaan ng ating buhay Kristiyano. Ang taong maraming kondisyon at pasubali ay hindi malaya. Alipin siya ng kanyang sariling bakod na nagsisilbing balakid sa paglago. Ang pagdadahilan ay iba lamang tawag sa hindi pagsunod. Nguni’t ang taong walang kurap sa pagsunod, tulad ni Eliseo ay siyang nagpamalas ng wagas na kalayaan.

Marami tayong dahilan upang saka na magbago. Marami tayong pasubali at mga palusot upang makaiwas sa pagbabago ng ating lipunan. Subali’t gaya nang nasabi na natin, ang taong gusto ay maraming paraan; ang taong ayaw ay maraming dahilan. Nguni’t ang ganap na kalayaan ay hindi makakamit sa pagdadahilan. Ang tunay na kalayaan ay nasa daang tinahak ni Kristo – ang daan tungo sa Jerusalem, tungo sa kanyang ganap na pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang pagsunod ay daan tungo sa paglaya.