frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

PANGANGASIWA, PANGANGALAGA

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Amos, Sunday Reflections, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 17, 2010 at 08:58

Ika-25 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

Hindi nalalayo sa katotohanang nagaganap sa ating panahon ang mga binabanggit ni propeta Amos. Sa dami ng mga imbestigasyong naganap sa Senado at Kongreso sa nakaraang 10 taon sa bayan natin, tila mga barya at sencillo lamang ang ipinuputok ng damdamin ni Amos. Sa paulit-ulit na balitang lumalabas sa mga pahayagan at sa telebisyon at radyo, hindi sikreto sa lahat na walang pagtitiwala ang marami sa mga kapulisan, kahit sa mga pinakamataas na namumuno sa mga alagad ng batas. Hindi rin kaila na palasak ang lahat ng uri ng katiwalian, mapa loob o mapa labas man ng pamahalaan, sa lahat ng antas, sa lahat ng dako at sulok ng ating bayan. Pati ang tinamaan ng jueteng na jueteng ay patuloy pa ring namamayagpag sa maraming lugar ng bansa.

Pakinggan natin at tumbukin agad ang kalooban ng Diyos tungkol sa bagay na ito: “Hindi ko na maipatatawad ang masasama nilang gawa.” (Unang Pagbasa)

Subali’t ang mensahe ng Banal na Kasulatan ay wala sa mga pira-pirasong linya o taludtod, kundi nasa kabuuan ng kasulatan. Sa kabila ng katotohanang hindi kaaya-aya sa Diyos ang lahat ng uri ng katiwalian at panlalamang, nananatili ang matimyas na pagmamahal ng Diyos sa mga makasalanang tulad natin. Patuloy Siyang nananawagan at nagsusumamo, tulad ng pagsusumamo ni Pablo apostol sa atin: “ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao.”

Sa araw na ito, natatangi sa “lahat ng tao” na binabanggit ni Pablo ang mga may panunungkulan – ang mga nangangasiwa, ang mga nangangalaga, ang mga pinuno ng bayan, ang mga pastol ng simbahan, ang mga naghahawak ng posisyon sa lipunan.

Di kaila sa atin kung gaano ka tuso ang marami sa kanila. Di kaila sa atin na matapos makatikim ng kapangyarihan, ang mga dating simpleng tao lamang ay nag-iiba, matapos mabahiran ng dungis ng unti-unting pagmamalabis. Sa haba ng tinatawag nilang “paglilingkod sa bayan,” marami sa kanila ay ay mabilis na natuto kung paano mandambong, mangulimbat, magsamantala, at manlamang sa mga taong walang kamuang-muang. Hindi ba’t ito ang kinasadsarang burak ng mga pinuno sa Maguindanao na nakuhang pumatay ng mahigit na 50 katao, dahil lamang sa kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan?

May mataginting na mga aral para sa atin lahat ang pagbasa natin ngayon. Una: palasak ang kasalanan sa mundo … palasak ang katiwalian sa lahat ng antas ng lipunan. Ikalawa: hindi ito ang panghuling kabanata ng kasaysayan ng tao na nilikha ng Diyos sa Kanyang wangis at anyo. “Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan.”

Nguni’t ang ikatlo ay lubhang mahalaga. Dapat nating pagsikapan na tularan ang karunungang ginamit ng mayamang may katiwala sa kwento natin sa ebanghelyo. Dapat tayong maging “tuso” sa magandang paraan, upang gumawa ng kabutihan. Ang pagiging tuso ay isang kakayahang nagkukubli sa pagkatao nating lahat. Lahat tayo ay mga supling ni Adan at ni Eba, na may kakayahang gamitin ang talino at galing para sa kasamaan at sa kabutihan.

Sa mga naganap kamakailan, sa mga naganap na matagal na, at sa mga nagaganap pa sa ating panahon, malinaw na higit na nabibigyang-pansin ang madilim na bahagi ng ating pagiging bayan. Hindi nagiging balita ang kabutihang nangyayari saanman. Ang nabebentang balita ay yaong may kinalaman sa bagay na nakahihiya, nakagugulantang, nakabibigla, at nakaeeskandalo. Sa nakaraang trahedya sa Luneta, nagsipag-unahan ang mga peryodista at komentarista sa radyo at TV, upang ipamalita sa buong mundo kung gaano kapalpak at kung paano walang nangasiwa, nangalaga, at namahala sa isang pangyayaring naging malaking kahihiyan para sa atin lahat.

Iisa ang tinutumbok ng mga mahahalagang aral na ito. Tulad ng Diyos na pastol, gabay, at Ama, tinatawagan tayong matutunan ang pananagutan sa likod ng dalawang tungkuling nakaatang sa balikat natin bilang tagasunod ni Kristo: ang pamumuno ay may kinalaman sa pangangasiwa at pangangalaga. At para magampanan ito, kailangan natin ng karunungang nagmumula sa langit, karunungang mula sa Diyos.

HINDI SILA MAAAGAW NINUMAN SA AMA!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagkabuhay, Sunday Reflections, Taon K on Abril 23, 2010 at 06:40

Ika-4 na Linggo ng Pagkabuhay(K)
Abril 25, 2010

Mga Pagbasa: Gawa 13:14, 43-52/ Pahayag 7:9, 14b-17 / Juan 10:27-30

Hirap ako sa araw na ito, bilang pari, na gumawa ng anumang paliwanag sa mga salita ng Diyos na kababasa lamang natin. Ang tatlong pagbasa ay may kinalaman sa pagkalinga, pangangalaga, pagmamalasakit, at pagtataguyod sa buhay ng mga tupang ligaw, tupang maamo at inosente, tupang handang mahubog tungo sa isang malinaw na kinabukasan.

Ito ang pinagmalasakitan nina Pablo at Bernabe. Ito ang kanilang walang kapagurang pinanagutan at pinagpagalan. Ito ang halos ikamatay ng dalawa sa ilang mga pagkakataon – ang maging ilaw sa mga Hentil at magbalita ng kaligtasan “hanggang sa dulo ng daigdig.”

Subali’t ngayon, magmula sa lahat ng sulok ng daigdig, ay lumilitaw ang mga balitang salungat sa mabuting pastol. Ang lumalabas na pinagpipiyestahan ng mass media ay ang kabulukan ng ilang tupa sa simbahan na nanlaso at nanalasa sa mga inosenteng batang parang mga tupang walang kamuang-muang, nguni’t nasadlak sa nakaririmarim na pananamantala ng mga tinaguriang pastol ng simbahan.

Bagama’t hindi lahat ng sinasabi ng mga pahayagan, radio at telebisyon, at “you tube” ay pawang totoo, dapat tanggapin ng simbahan at ng lahat ng mga tagasunod kay Kristo na ang bahid ng kasalanan ay nanunuot sa lahat ng antas, dako, at kasuluk-sulukan ng Inang Simbahan, mula sa taas hanggang sa ibaba. Nguni’t dapat rin natin tanggapin na bahagi ng kulturang ito ng kasalanan ang kamuhi-muhing pagsisikap lahatin, at husgahan, hindi ang ilang mga nagkasala, kundi ang kabuuan ng simbahan, na para bagang ang Simbahan sa kanyang kabuuan ay bulok, at walang magagawa at maidudulot na magaling sa sangkatauhan.

Tayo ngayon ay nagtipon sa simbahan upang: una, tanggapin ang pagiging makasalanan natin; ikalawa, upang ihingi ito ng kapatawaran; at ikatlo, upang makarinig tayo ng mensahe ng pag-asa na maghahatid sa atin sa isang panibagong bukas, panibagong pagbangon, at panibagong pagsisikap upang mapanuto tayong lahat sa landas na naghahatid sa kapayapaan.

Dito ngayon papasok ang aking tungkulin sa kabila ng akin ring pagkamakasalanan, tulad ng lahat ng kasapi ng simbahan, tulad ng lahat ng anak ni Eba, at tulad ng mga sa ngayon ay nagkukumahug upang pukulin ang simbahan ng lahat ng uri ng masasamang tawag at kataga.

Madamdamin ang tunog ng sinasaad ng ebanghelyo: “nakikinig ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.”

Sa kaibuturan ng lahat ng ating pinag-uusapan, iisa ang totoong dapat mamaulo sa buhay natin … Tanging si Kristo ang pastol … kaming mga pari ay mga larawan lamang at kinatawan ng kanyang pagiging dakila at butihing pastol. Ang Inang Simbahan sa kanyang kabuuan ay siyang kumakatawan sa pagiging butihing pastol ni Kristo. At kahit na mayroong ilan sa hanay ng mga naglilingkod sa simbahan at sa bayan ng Diyos na malayo sa pagiging tunay na pastol, ang kabuuang larawan ng Inang Simbahan ay hindi nagbabago, hindi nasisira, at hindi kailanman magagapi ng kasamaan at kadiliman.

Mahigit na 28 taon na akong pari, sa biyaya ng Diyos. Marami na ako napagdaanan. Marami na ring pasakit ang idinulot sa akin ng maraming taon kong paglilingkod. May mga kapwa ako kaparian at mga nakatataas o nakabababa sa akin ang nagdulot sa akin ng iba-ibang mga problema at pasakit. May pagkakataong nanghinawa ako sa paggawa ng mabuti. May sandaling parang gusto ko nang sumuko at magtampo sa Inang Simbahan. Hindi lahat ng mga nakatataas ay may mabuting kalooban. May inggitan at iringan sa simbahan; may politika rin. May sapawan at payabangan.

Nguni’t sa kabila ng lahat, masasabi kong ang kabuuan ng Simbahan ay hindi nabawasan ng pagiging kung ano ang itinalaga para sa kanya ng Butihing Pastol na si Jesus.

Ito sana ang gusto kong baunin ninyo lahat matapos mabasa ito. Huwag sana tayo mawalan ng pag-asa at pagtitiwala bagama’t may ilang hindi na dapat pagtiwalaan. Ang lahat ng ito, kasama ang pinagdadaanang crisis ng simbahan, ay hindi makababawas sa kung ano at para kanino ang Simbahan. At ito ay pinaninindigan ngayon ni Kristong Panginoon mismo: “Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman.”

Ano ang patunay ko rito? Wala akong maipakikitang tarheta o diploma o anumang prueba, liban sa pangako ng Butihing Pastol: “hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”