frchito

Archive for the ‘Sunday Reflections’ Category

MAY KATUTURAN BA ANG KAKULITAN?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 23, 2007 at 19:35

Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 29, 2007

Mga Pagbasa: Gen 18:20-32 / Col 2:12-14 / Lucas 11:1-13

Bihasang-bihasa tayong mga Pinoy sa tawaran. Ang unang turing sa pamilihan, lalu na sa Divisoria, ay hindi natin agad tinatanggap. Tumatawad tayo, humihiling … nakiki-usap hanggang sa dumating ang sandaling ang mamimili at magtitinda ay nagkakasundo sa karampatang halaga.

Pwede nating unawain ang unang pagbasa sa liwanag ng tawarang ginagawa natin sa palengke tuwina. Bagama’t ang kwentong ito mula sa aklat ng Genesis ay hindi nangangahulugang ang awa at patawad ng Diyos ay bagay na makukuha sa paki-usap, sa isang walang sawang pagtawad, malinaw na ang kwentong ito ay may kinalaman sa dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayang nagkasala. Malinaw dito ang pagsasaalang-alang ng Diyos sa mga taong nagsisikap magpakabuti, sa mga taong hindi napadala sa kalakaran ng isipan at pag-uugali ng karamihan. Higit sa lahat, malinaw rito ang kahalagahan ng pamamagitan na ginawa ni Abraham sa ngalan ng kanyang bayan.

Maari nating sabihing may kahulugan at kahalagahan ang pagiging makulit sa panalangin. Kung ating bibigyang-pansin ang sinasaad ng mga pagbasa, malinaw na isa sa mga paksang malinaw na dapat natin pag-usapan ay ang pananalangin.

Ang kakulitang ito ang siya ring paksa sa ebanghelyo ni Lucas. Dapat nating tandaan na ang paksa ng ebanghelyo ay may kinalaman, higit sa lahat, sa panalangin. Hiling ng mga disipulo sa kanya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” Bukod sa pagtuturo niya ng modelo ng panalangin, ang “Ama Namin,” nagbigay si Jesus ng dalawa pang halimbawa na ang kakulitan sa paghiling ay nagbubunga ng magaling sa taong mapagpunyagi at mapagporsigue sa panalangin.

Ang lipunan natin saan man ay hindi na bihasang magpunyagi. Maikli ang pasensiya ng marami. Palibhasa’y nabihasa sa puro “instant” – instant mami, instant pansit canton, instant coffee, at sa mga “fastfood” – mga pagkaing makakamit mo sa “unang hiling” at “unang tawad” o “unang tawag,” ang kakulitan sa panalangin ay hindi na nakikita sa balana. Sa panahon ng mga instant messaging at texting, wala nang pasensiya ang tao sa walang patid na panalangin. Wala nang tawaran sa Pizza hut. Wala na ring hintayan … hate late? Tumawag lamang sa Pizza hut, at kapag nahuli kahit isang sandali ay libre na ang iyong pizza.

Subali’t hindi natin dapat isipin na ang sinasaad ng mga pagbasa ay may kinalaman lamang sa kakulitan. Ito ay isang bahagi lamang ng sinasaad ng mga pagbasa. Sa ikalawang banda, ang mga ito ay patungkol, higit sa lahat sa isang Diyos na may malasakit at malaking habag at pagmamahal sa kaniyang bayan.

Ang panalangin ay pagpapahayag ng kabatirang ito ng taong sumasampalataya sa Diyos. Alam ng isang mananampalataya ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Alam ng taong nagmamahal din sa Diyos na handa siyang magkaloob ng lahat ng hinihiling ng taong nagsusumamo. Batid niya na ang Diyos ay handang maglubag ang kalooban sa pagsusumamo ng taong lumalapit bunsod ng kanyang tiwala sa Kaniya. Subali’t bago maganap at mangyari ang kaniyang hinihiling, malinaw na turo ng Banal na Kasulatan na dapat munang aminin ito at ipahayag ng tao sa pamamagitan ng panalangin.

Marami akong halimbawa ng katotohanang ito sa aking maikling karanasan. Kamakailan lamang, mayroon akong kilala na nagkaroon ng malubhang karamdaman. Buong buhay niya ipinagdasal na siya ay pagkalooban ng Diyos ng isang magandang kamatayan. Noong siya ay pinanawan ng buhay, sarado ang Parokya at day-off ng mga pari sa maraming lugar. Subali’t sa sandaling iyon, hindi lamang aksidente o dala lamang ng tsamba na may dalawang pari na nasa tabi niya sa oras ng kanyang pagpanaw. Ipinagkaloob sa kanya ang kanyang hiniling buong buhay. At hindi lamang ito ang nasasa isip ko sa sandaling ito.

Magulo ang daigdig saan man. Walang katiyakan at kasiguraduhan sa maraming lugar sa daigdig na ito. Ang panganib na dulot ng terorismo ay laganap kahit saan. Marami ang patuloy na naghihirap at naghihikahos. Parang wala nang solusyon sa maraming larangan ng buhay ng marami.

Nguni’t ang ating liturhiya ngayon ay walang kinalaman sa kawalang pag-asa. Bagkus ito ay nagpapaala-ala sa atin lahat na ang Diyos na mapagmahal ay may maka-Amang pagkalinga sa ating lahat, sa buong daigdig – sa kabila ng lahat ng suliranin at pangamba ng balana.

May bisa ang panalangin … may katuturan … may kahulugan … at may saysay … lalu na’t dinadaan natin sa banal na kakulitan. Isang tao ang alam kong nangulit sa Panginoon hanggang sa huling sandali – ang mabuting magnanakaw na napako sa krus kasama ni Kristo. Ano ang sagot ni Kristo sa kanyang banal na kakulitan? “Sa araw na ito, ay magkakasama tayo sa Paraiso.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Julio 23, 2007

PAGDARASAL O PAGPAPAGAL: ALIN ANG TAMA?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 15, 2007 at 12:46

Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 22, 2007

Mga Pagbasa: Gn 18:1-10a / Col 1:24-28 / Lk 10:38-42

Noong isang Linggo, pinagnilayan natin ang buod ng pagmamahal sa kapwa. Ang kapwa ayon sa ating nabasa ay siyang nangangailangan sa anumang sandali ng atensyon, ng kalinga, ng pag-ibig na natutunghayan sa gawa. Ang Samaritano, na hindi inaasahang titigil at tutulong ay siyang lumingon at nagkalinga sa taong nilapastangan ng mga masasamang-loob sa kanyang paglalakbay. Ang lahat ng iba ay ni hindi lumingon bagkus lumihis ng landas.

Sa Linggo namang ito, kabukasang-puso at kabukasang-palad ang hiblang nag-uugnay sa tatlong pagbasa. Si Abraham ay tumanggap ng tatlong bisitang banyaga. Hindi nag-atubili si Abraham na paghandaan ang kanyang bisita. Pinapasok sila at pinakain, ayon sa batas ng hospitalidad sa mga banyaga. Ang kanyang kabukasang-palad ay ginantimpalaan ng Diyos. Nagka-anak sila ni Sara sa kanilang katandaan. Sa ikalawang pagbasa naman, nakita natin kung paano tinanggap ni Pablo nang maluwag sa kalooban ang sari-saring dalamhati na kanyang dinanas, at itinuring niya ang mga ito na pakikibahagi sa pagdurusa ni Kristong Panginoon. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang saloobin maging sa mga pasakit sa buhay.

Ang ebanghelyo ay malinaw na may kinalaman din sa kabukasan ng loob sa pagtanggap ng bisita. Si Jesus ay naging bisita ni Marta at ni Maria. Si Marta ay naging punong-abala sa pag-aasikaso sa mahalagang panauhin sa pamamagitan ng pagluluto at paghahanda. Nguni’t si Maria ay nagsalampak sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanyang pangaral, habang ang kanyang kapatid ay nagpapawis.

Madaling magkamali ang nagbabasa nito at ipakahulugang ang Panginoon ay namimili at may kinikilingan sa dalawang magkapatid. Umangal ng kaunti si Marta. Bakit daw baga hindi tumulong sa kanya ang kanyang kapatid na nakasalampak lamang sa sahig at nakikinig sa Panginoon. Umangal siya sa kadahilanang siya ay nagpapagal habang si Maria ay nagdarasal.

Alin ba ang tama?

Sa biglang-wari, para bagang namili si Jesus at pinaboran si Maria sa kanyang sagot kay Martang medyo nagdadabog. “Abalang-abala ka at balisa sa maraming bagay, nguni’t tanging isa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang higit na mainam at hindi ito ipagkakait sa kanya.” Ito nga ba ay isang pahiwatig na mas mainam ang magdasal kaysa magpagal? Ito nga ba ay isang pangaral tungkol sa higit na kahalagahan ng panalangin kumpara sa pagtatrabaho?

Ito ay isang lumang usapin sa kasaysayan ng simbahan. Ang kasagutan dito ay siyang naging dahilan kung bakit may mga taong nagkamali sa pagsasabing ang buhay ng mga monje at mga monja sa monasteryo ay higit na dakila sa buhay ng mga taong nasa mundo.

Malaki ang kinalaman ng kinapapalooban o konteksto para maunawaan nang wasto ang mga pagbasa ngayon. Ang kinapapalooban at konteksto ay may kinalaman sa kabukasang-puso at kabukasang-palad. Ito ang pagpapahalagang siyang batayan ng ating pag-unawa sa mga pagbasa. Ang maluwag na pagtanggap sa Diyos ang siyang pagpapahalagang dapat nating maisaloob at maisabuhay. Ito ang kahulugan ng ating binasa noong isang Linggo – na dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaisipan, at nang buo nating lakas. Sukdulan dapat ang ating pagpapahalaga at pagtanggap sa Kaniya.

Ito ang diwa na dapat nating gamitin upang unawain ang ebanghelyo. Walang intensiyon ang Panginoon na pamiliin tayo sa dalawang gawaing parehong mahalaga at kinakailangan sa ating buhay. Kailangan nating magpagal at kailangan rin nating magdasal. Hindi natin dapat pagsabungin ang dalawa at ituring na magkasalungat. Hindi dapat sabihing mas dakila ang mga nasa monasteryo at mas mababa ang mga nasa mundo. Ang kadakilaan ng tao ay wala sa kung ano ang kanyang ginagawa. Ang kadakilaan at dignidad ng tao ay angkin niya sa mula’t mula pa, anuman ang kanyang ginagawa – magdasal man o magpagal.

Subali’t may isang bagay na mahalaga para sa ating lahat. Lahat tayo ay tinatawagan sa kabukasan ng puso, at kabukasan ng palad. Lahat tayo ay inaasahang magbigay puwang sa ating puso para sa Diyos. Tulad ni Abraham, tulad ni Pablo, tulad ni Marta at ni Maria, tinatawagan tayo  upang tanggapin at papasukin sa ating buhay at bahay ang Panginoon.
Tinanggap ni Marta si Kristo sa kanyang bahay. Tinanggap rin ni Maria si Kristo sa kanyang bahay. Si Maria ay nagpasyang sumalampak sa sahig at makinig at makipagniig sa Panginoon. Si Marta ay nagpasyang magpagal para sa kanyang Panginoon.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga. Tumpak. Nguni’t ang pinili ni Marta ay wasto rin at tama. Ang higit na mahalaga ay ang Diyos. Kung bukas ang puso natin sa Diyos, alam nating parehong wasto at tama ang magpagal at magdasal. Hindi na problema kung alin man ang ating pagpasyahan – magdasal at magpagal – basta’t ito ay para sa Diyos na siyang dapat mahalin nang ating buong puso, ng ating buong katawan, at ng buong kaisipan.

Kung pinahahalagahan natin at tinatanggap ang Diyos nang higit sa lahat, pahahalagahan din natin ang dalawang daan patungo sa kanya: ang pagdarasal at pagpapagal na nakatuon sa kanyang kadakilaan.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City
Julio 15, 2007