frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

KAHINAAN, KAHINAHUNAN, KAPAYAPAAN, KALIGTASAN!

In Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Homily, Taon A on Enero 5, 2011 at 08:51

Pagbibinyag sa Panginoon (A)
Enero 9, 2011

Mga Pagbasa: Is 40:1-5, 9-11 / Gawa 10:34-38 / Lucas 3:15-16, 21-22

Noong isang Linggo, pangarap ang nagbunsod sa mga mago upang maghanap sa bagong silang na maghahawak ng natatanging misyon mula sa itaas. Ang kanilang paghahanap ay naging batayan ng paghaharap ng Diyos sa kanyang bugtong na Anak, na kung tawagin natin sa tradisyong kristiyano, ay epipaniya.

Sa paghaharap ng Diyos sa kanyang Anak, nabunyag ang kanyang pagka-Diyos … nakilala siya bilang isang Diyos na, sa mga kataga ni Juan, ay “nakipamayan sa atin.” Subali’t kung ang Pasko ay puno ng lahat ng mataginting, matunog, at makulay, tulad ng sari-saring ilaw na nagbigay-liwanag sa maraming lugar sa buong daigdig, ang Epipaniya ng Panginoon ay naghatid at patuloy na naghahatid sa atin sa isang ganap at buong pag-unawa kung sino ang Diyos, at kung ano siya para sa atin.

Ito ang kabuuan ng kanyang pagharap na ngayon ay ating pinagtutuunan ng pansin.

Ano ba ang napapaloob sa ganap na pagkakilalang ito sa Mananakop? Ito ba ay binibigyang-kaganapan lamang ng kumukutitap na mga ilawan? Ito ba ay nabibigyang-kabuuan lamang ng imahen ng sabsaban, kasama ng mga hayop, at katabi ng mga pastol na madudungis at mababaho? Ito ba ay may kinalaman lamang sa mga anghel na nag-aawitan ng Gloria in excelsis Deo?

Ganap na pagkilala sa kung sino ang Mananakop ang sinisimulan ng kapistahan natin sa araw na ito – ang pagbibinyag sa Panginoon.

Una sa lahat … tunghayan natin ang sinasabi ni Propeta Isaias. Siya ang parehong propeta na nangako tungkol sa ilaw na daratal, upang pawiin ang kadiliman ng kasalanan. Siya rin ang nagsulat tungkol sa prinsipe ng kapayapaan na magpapabago sa kalakaran ng buong daigdig: mga leon at tigre na manginginain kasama ng mga bisiro na larawan ng ganap na kapayapaan na darating!

Ano ba ang sinasaad sa unang pagbasa? Wala na ang mga matulain at mataginting na mga pangitain … wala na ang liwanag na kumukutitap sa dilim. Mas derecho at tahasan na ang binabanggit ni Isaias – isang LINGKOD na maghahatid ng kapayapaan … LINGKOD, na di maglalaon ay magiging Lingkod ni Yahweh na magdadaan sa iba-t ibang uri ng kahirapan at mag-aalay ng sakripisyo.

Teka …. Mukhang nawawala na ang diwa ng Pasko! Di ba’t ang pasko ay may kinalaman sa lahat ng nakagagaan ng puso, ng lahat ng mataginting, makintab, at kaaya-aya?

Ito ang malaking pagkakamali ng marami … ang mapako sa iisang diwa ng Pasko, ang manatili sa saloobin ng Pasko na panay ang kain, panay ang party, at pulos pagsasaya, na walang kaakibat na pananagutan!

Ang pagpapakilala ng Diyos sa kanyang bayan ay dapat maging ganap. Ang Diyos ay tagapagligtas at ang kanyang kaligtasan ay hindi kailanman nagtanggal o nag-alis ng makataong pananagutan! Ang Diyos ay hindi lamang pampasko, pang-piyesta, o pang-kasiyahan lamang! Ang Diyos ay naparito at ang kanyang pagparito ay may kaakibat na pananagutan, may kasamang pagsusulit at makataong pakikipagtulungan!

Paano nakipagtulungan ang bagong silang na Mesiyas ayon kay Isaias? Ang pagiging ganap na lingkod ni Yahweh, ang pagiging mahinahon at banayad … ang pagiging kabaligtaran ng inaasahan ng madla – isang inaakala nilang matipuno at matapang na sundalo o mandidigma na lilipol sa lahat ng kalaban ng Diyos.

Ang Mesiyas na dumatal ay tagapagligtas, tumpak … at ang una niyang iniligtas ay ang maling paniniwalang siya ay isang mandirigmang gagawa ng karahasan upang ang pangarap ng Diyos ay maganap.

Tayong lahat ay napaka mainipin. Gusto natin na ang lahat ay parang instant noodles o instant coffee. Gusto natin lagi ay fastfood, mabilisan, tahasan, walang sinasanto, at walang iginagalang. Gusto natin mawala sa ibabaw ng lupa ang lahat ng kasamaan, kasakiman, katakawan, at kasalanan – sa isang iglap. Gusto natin ang Mesiyas na walang ka-kiyeme-kiyemeng gagawa ng nararapat – ang lipulin ang lahat ng kasamaan sa mundo.

Ayaw natin ng mahabang daan ng pagtitiis, at mahinahong paggawa, at matagalang panghihintay!

Dito nagsimula ang Mesiyas – ang magpasa-ilalim kay Juan Bautista, ang magpabinyag sa kanyang mga kamay, ang magpamalas ng kahinaaan at kahinahunan.

Mahirap tanggapin ito ng taong marahas at mapusok. Tulad natin … gusto natin ang milagrosong mga pagbabago sa lipunan, pero tingnan natin kung sino ang gumagawa ng problema … hindi ba’t tayong lahat ang dahilan ng pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa buong kapuluan? Hindi ba’t tayo ang tumatakas sa mga batas, at kanya-kanyang tigil dito, tigil duon, tigil kahit saan? Hindi ba’t tayo ang umaasang makalulusot tuwina sa gusot, kahit na tahasang mali ang ginagawa natin? Hindi ba’t tayo ang nagpapabayad sa mga politika, at nagpapaloko tuwina sa eleksyon, at naniniwala sa kanilang panloloko sa pamamagitan ng mass media? Hindi ba’t tayo ang madaling matangay ng mga bulaan sa TV at saan man, na madaling makuha ng mga kababawan ng mga taong diumano ay nagmamalasakit sa mahihirap, nguni’t sa katotohanan ay nagsasamantala sa kanilang kamangmangan at kahirapan?

Nakipamayan nang lubos sa atin ang Mesiyas. At ito ay pinatunayan niya … naging isa siyang lingkod – lingkod ni Yahweh, na nagpamalas ng kanyang gawang pagliligtas sa pamamagitan ng pagyakap sa kahinaan at kahinahunan, hindi sa karahasan.

Kapatid, hindi araw-araw ay pasko… at lalung hindi araw-araw ay puno ng kumukutitap at mataginting na ilaw ang buhay natin. Hindi araw-araw ay may hamon at keso de bola, ubas at mansanas, at bagong iPod o aPad!

Magpakatotoo na tayo. Maging ang Mesiyas ay dumatal sa isang mundong hindi perpekto, hindi ganap, hindi nababalot ng lahat ng uri ng kagandahan tuwina. Dumating siya sa isang mundong dapat iligtas, dapat sagipin, at ang kaligtasang dulot niya ay nakuha niya sa kahinaan, kahinahunan, at kapayapaan!

Ito ang nagdulot ng kaligtasan! Ito ang kwento ng lingkod ni Yahweh na iniharap, itinanghal, at itinaas ng Diyos!

TANGING INA, HINDI ITO ANG “LAST”

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Enero 1, 2011 at 00:02

KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2011

Hindi ko napanood pa ang “Tanging Ina, Last na Ito.” Pati nga yung una, at ang mga sumunod, hindi ko rin nakita. Pero sa mga narinig ko ay isang malaking tagumpay ang sineng ito, at ang huling ito ay hindi kakaiba.

Kapag ang pinag-uusapan ay ang ina, bumebenta, tumatawag ng pansin, humihila ng mga tagapanood. Ang ina ay tampulan ng maraming atensyon sa drama, sa panitikan, sa larangan ng sining. Libo libong mga pintor ang nagpinta sa figura ng ina, at ang Inang Birheng Maria ay naging inspirasyon ng libo-libo ring mga pintor na tanyag at di tanyag.

Nguni’t hindi lamang mga pintor, manunulat, at mga nagsusulong ng sining ang nabighani sa Mahal na Birhen. Pati ang simbahan, bilang pagtalima sa sinasaad ng Banal na Kasulatan, ay patuloy na nagsusulong ng debosyon sa figura ng Mahal na Birheng Maria, bilang Ina ng Diyos.

Ayon sa mga lumikha ng kwento at screenplay ng “Tanging Ina,” ito na ang pinakahuli. Hindi na sila muli gagawa ng kasunod pa nito. Naubos na kumbaga ang kanilang mga hinahabing mga kwento tungkol dito.

Mahigit nang dalawang libong taon na ang kwentong ito tungkol sa isang tanging babaeng hinirang, at pinutungan ng natatangin ring tungkulin at misyon ay ipinagdiriwang at patuloy na inilalahad.

Sa bagong taong ito, 2011, hindi ito ang “last.” Nagpapatuloy ito. Patuloy na naghahabi ng isang salaysay na may kinalaman sa ating lahat.

Isang librong hindi ko makalimutan magpahangga ngayon ay pinamagatang “The Man who Got Even with God.” Kwento ito tungkol sa isang monghe na nagdaan sa sari-saring pagsubok hanggang sa makaganti siya, kumbaga, sa Diyos. Isa sa mga linyang hindi ko malimot ay ito: ang bata sa ating lahat ay naghahanap ng isang ina. Ang lalaki sa ating lahat ay naghahanap ng isang babae, at ang conde sa ating lahat ay naghahanap ng isang condesa. Lahat tayo, bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap, malakas, mahina, ay nangangailangan ng isang ina.

Tanging ina ang siyang ipinagdiriwang natin ngayon. Natatangi siya, una sa lahat, sapagkat hindi siya napadala sa agos ng kultura. Hindi niya kinitil ang kanyang anak, bagama’t hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi niya iwinaksi ang batang nabubuo sa sinapupunan dahil lamang na hindi niya lubos na maarok ang milagrong nagaganap sa kanyang pagkatao.

Siya ay tanging ina sapagkat tumalima, sumunod, nakibagay, nakipagtulungan, at nakisama sa balak at kalooban ng Diyos. Sa panahong ito kung kailan saksakan ng dami ng mga pasaway sa bayan natin, kung saan kay raming mga katiwalian, at kawalang pagsunod sa batas, kailangan natin ng modelo ng tanging inang na si Maria.

Nagulumihanan? Sumunod pa rin siya. Natakot? Tumalima pa rin siya. Nangamba? Sumagot pa rin siya ng “Oo” sa Diyos.

Ito ang kwento ng ating Ina, ng Ina ni Kristo, Diyos at tao. Ang pistang ito ay hindi tungkol sa kanya, kundi tungkol, una sa lahat, kay Kristo ng kanyang Anak. Kung si Kristo ay Diyos, ang nagluwal sa kanya ay Ina ng Diyos. Ito ang kwentong inilalahad at ipinagdiriwang pa rin natin ngayon.

Tanging Ina natin si Maria, sapagka’t kapatid natin si Kristong kanyang anak. At ang kwentong ito ay hindi ang last. Patuloy itong nagaganap, patuloy na pinagyayaman, at patuloy nating ipinagdiriwang. Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!