frchito

Archive for the ‘Tagalog Sunday Reflections’ Category

PASIBULIN, PAIRALIN, PALAGUIN AT PAG-ALABIN!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Nobyembre 26, 2009 at 21:15


Unang Linggo ng Adviento – Taon K
Nobyembre 29, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 33:14-16 / 1 Tesalonika 3:12 – 4:2 / Lucas 21:25-28, 34-36

Mahirap tanggapin na sa panahong ito, mahigit na 50 katao ang mauutas at malalagutan ng hininga dahilan sa karahasang walang saysay. Mahirap unawain kung paano, sa kabila ng lahat ng pagsisikap, ay kagya’t mapapawi ang pag-asang disin sana ay namumuo na sa ating kamalayan, hatid ng mga bayaning tulad ni Pacman, ni Kuya F, at ng maraming mga ordinaryong taong walang kaya, walang kapangyarihan, nguni’t nabubuhay bilang matatayog na halimbawa ng pag-asa sa gitna ng kawalang-pag-asa na bumabalot sa buhay ng Pinoy, saanmang dako ng ating maliiit na bansa.

Puno ng pangako ang liturhiya ng unang Linggo ng Adviento. Hindi natin maipagkakaila na si Jeremias ay isang tagapaghatid ng matimyas na pag-asang umiinog sa katotohanang isang “matuwid na sanga” ang “pasisibulin” at “paiiralin.” Pag-asa at maalab na paghihintay ang mensaheng lumulutang sa matulaing mga katagang binibitawan ni Jeremias.

Ito ang pag-asang tila naaagnas at naglalaho sa lipunang iniikutan natin lahat. Ito ang pag-asang sa biglang wari ay napapalitan ng sindak, pangamba, at takot hatid ng isang namumuong kabatiran na ang pinaka-aasam-asam natin sa kaibuturan ng ating puso, ay patuloy na lumalayo kundi naglalaho sa lipunang pinamumugaran ng mga taong tila pinanawan na ng kahit isang hibla man lamang ng pagkatao at kahit pahimakas lamang ng kahihiyan at paggalang sa buhay ng kapwa-tao.

Subali’t bilang pari at pastol, tungkulin ko ang magpahayag ng walang patid at walang sawang pahayag ng Banal na Kasulatan. Tungkulin ko ang iangat kahit kaunti ang pangitain at tanawin ng puso nating patuloy na naghahanap ng mga kasagutan sa likod ng mapapait nating karanasan sa lipunang nabubuhay sa lupang bayang kahapis-hapis.

Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Sisibol at iiral ang katarungan ng Diyos. Naganap na ito. Nagaganap ito, at magaganap pa. Naganap ito sa kasaysayan, sa pagsilang ng Mananakop. Nagaganap ito sa kahiwagaan, sa larangan ng pananampalataya … sa sandaling ito, bagaman at tayo ay nalalambungan ng balag ng alanganin at pangamba. Magaganap pa ito. Ito ang diwa ng pag-asang hatid ng mga pagbasa natin.

Pero, sandali lang. Ito bang diwa ng Adviento ay isa lamang paghihintay sa wala? Ito ba ay isang masidhi lamang na pagnanasa dahil sa wala nang iba pang maaring masandigan ang tao? Ito ba ay isang konsuelo de bobos lamang … isang pacifier na isinasalpak sa bibig ng bata upang tumahan?

Hindi ito ang aking naririnig sa araw na ito. Oo … sisibol at iiral ang katarungan … Ito ang saad ni Jeremias. Pero ito ay nalalakipan ng mga pahatid ni Pablo sa liham sa mga taga Tesalonika … palaguin, aniya … pag-alabin ang pag-ibig. Ito ay isang masidhing hangad, totoo. Nguni’t hindi lamang isang hangad. Ito ay isang plataporma ng wastong pamumuhay – ang mapasa-ilalim sa pamamatnubay ng Diyos – ang kagustuhang tumalima sa kalooban ng Diyos.

Di ba’ t ito ang ating hiling sa Poon na kabibigkas lamang natin pagkatapos ng unang pagbasa? “Sa ‘yo ako’y tumatawag, Poong Diyos na nagliligtas!”

Patuloy ang pagdami ng mga problemang hinaharap ang lipunan natin. Patuloy ang paglago ng mga suliranin at paghamon sa daigdig. Hindi madali ang manatiling nakaugnay sa Poong sandalan at sagkaan ng pag-asa natin.

Nanghihinawa tayong lahat … nanghihina … naghihingalo sa maraming paraan. Ang larawang paulit-ulit natin nakita sa kasagsagan ng bagyong Ondoy ay hindi makatkat sa guni-guni natin – mga taong inanod ng baha na mabilis na pasalpok sa isang tulay na naging sanhi ng pagkamatay ng karamihan sa kanila sa sandaling yaon. Isa itong larawan ng lipunan natin na ngayon ay muling tinatawagan ng Diyos upang hindi paanod sa baha ng kawalang-pag-asa.

May tugon ang Diyos sa ating panalangin. Nakita natin kung paano sa pagkakaisa ng mga tao sa cyberspace ay maraming himalang naganap. Nakita natin na kung mayroong kapasyahan ay mayroon ding kaparaanan. Isa ako sa paulit-ulit na bumoto para kay Efren Penaflorida. Isa ako na naghangad at nanalangin na manalo siya bilang CNN hero of the year. Mahigit 2 at kalahating milyong boto ang tinanggap niya. Mayroon tayong kakayahan. Mayroon tayong pag-asa. At ang pag-asang ito ay hindi naka-ugat sa pagnanasa lamang, kundi sa paggawa.

Mismong si Kuya F ang nagsabi kung ano ang pag-asang binabanggit ng Banal na Kasulatan. Tayo ang pagbabagong hinahangad nating lahat. Tayong lahat ay may angking kakayahang maging bayani sa paglilingkod, sa pagsisikap na iangat mula sa lusak ang espiritu ng taong hindi kailanman mapapatay ninuman at ng ano pa man.

57 katao ang pinaslang nang walang awa at walang pakundangan sa angking dignidad pantao. Pinatay ng salarin ang 57 katao. Nguni’t ang diwa ng pagkatao at ang angking kakayahan ng tao na umasa at pumailanlang sa langit ng pag-asa ay hindi makikitil ninuman.

Magsimula tayo sa ating sarili. Pasibulin natin …. Pairalin, palaguin, at pag-alabin. Sa kanya tayo tumatawag, sa Poong Diyos na nagliligtas!

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO NG IGOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2009 at 04:56

dead tree
Ika-33 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 15, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 12:1-3 / Hebreo 10:11-14,18 / Marcos 13:24-32


Maraming aral ang maaaring dulot ng liturhiya natin ngayon. Sa Linggong ito, bago magwakas ang taong liturhiko, puno ng mga aral ang mga pagbasa, at ang buong liturhiya natin sa Simbahang Katoliko. Isa sa mga lumulutang na aral ay walang iba kundi ito: may wakas ang lahat … ang panahon, ang daigdig, ang buhay na makalupa, ang kapangyarihan, ang yaman, ang katanyagan at lahat ng pinahahalagahan ng tao sa mundong ibabaw, kasama rin ang paghihirap ng tao.

Sa susunod na Linggo, huling Linggo ng taon, paksa ng liturhiya ang isang katotohanang walang wakas – ang paghahari ni Kristong Panginoon sa buong daigdig at sa kalangitan.

Subali’t tunghayan muna natin ang sinasaad ng mga pagbasa. Sa hula ni Daniel, mataginting ang katotohanang umaalingawngaw sa ating pandinig: may hinaharap tayong buhay na walang hanggan. Ito ay lumilitaw sa mga pananalitang punong puno ng pag-asa: “mga pangalang nakasulat sa aklat ng Diyos, mga parang tala sa kalangitan magpakailanman, mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig” …

Ang lahat ay tumutuon sa wakas – wakas ng lahat ng totoong alam natin, wakas ng lahat ng karanasang kaakibat ng ating pagiging tao sa lupang bayang kahapis-hapis.

Subali’t ang wakas na ito ay hindi lamang isang pagtatapos na tulad ng pagwawakas ng isang sine. Ang pagtatapos na ito ay kaakibat ng isang mataginting ring katotohanan – ang pagka-Diyos at Panginoon ni Kristong Mananakop at tagapagligtas. Ito ay isang wakas na may dahilan, may batayan, at may hantungan – ang paghahandog ni Kristong Punong Pari “dahil sa mga kasalanan,” na sapat na sapagka’t siya ay “naluluklok sa kanan ng Diyos.”

Malimit nating sabihin bilang Pinoy na “nasa huli ang pagsisisi.” Nasa wakas ang pagkatuto at pagkadala kumbaga. Nasa wakas ang pagkabatid na tayo ay nagkamali.

Subali’t ito nga ba ay totoo para sa atin? Natututo nga ba tayo?

Maraming buhay ang nagwakas dahil sa tatlong magkakasunod na bagyong dumatal sa bayan natin. Maraming kinabukasan ang nawasak o lumabo dahil sa matindi pang kahirapang hatid ng bagyong nagdaan. Maraming buhay ang nalagutan ng hininga at pangarap na naparam ng baha at unos at pagguho ng lupa.

Maraming iba pang sakunang hatid, hindi ng bagyo, kundi ng politika at mga tampalasan at makasariling mga namumuno ang paulit-ulit na dumating sa bayan natin.

Marahil ay mayroon tayong aral na mapupulot sa mga pahatid sa atin ngayon. Ito ang aral na pahiwatig sa atin na may kinalaman sa tama at wastong pagbabasa sa mga tanda ng panahon. Ito ay batay sa katotohanang ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag ng sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Patuloy siyang nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga nagaganap sa lipunan natin.

Sa mga labi mismo ng Panginoon ay narinig natin ang pangangailangang magbasa nang nagaganap, matuto sa mga aral ng kalikasan, at maging bihasa sa pagtunton ng kung ano ang niloloob ng Diyos para sa atin.

Ang unang liksiyon na dapat natin ngayon alalahanin ay ito: ang mga huling bagay, kumbaga … ang katotohanan na may kamatayan, may langit, may purgatoryo, at may impyerno. Ito ang apat na mahahalagang aral sa atin sa pagsapit ng wakas ng taon ng simbahan. Ito ang apat na katotohanang dulot sa atin ng pagkabatid na may wakas ang panahon sa daigdig na ito.

Pero ang aral na ito ay may taglay na sangang aral na karugtong at kaakibat nito. Kung may wakas ang lahat, mayroon higit na mahalaga kaysa sa lahat. Mayroong katotohanang hindi naaagnas, hindi nagwawakas, at hindi naglalaho. Ito ang katotohanang mapagligtas – ang katotohanang ang punong pari na nag-alay ng sarili para sa atin, ay maghahari magpakailanman.

Kung ito ang pinakamahalaga, may aral din itong kaakibat para sa atin habang tayo ay naglalakbay sa buhay makamundo.

At ang aral na ito ay may kinalaman sa puno, sa igos, sa ilat, sa ilog, sa lawa, sa dagat at lahat ng nilikha ng Diyos. Hindi atin ito. Sa kanya ang lahat. Hindi natin angkin ang mundong ito. Tayo ay tagapag-alaga lamang. Hindi natin dapat abusuhin ito, kundi gamitin lamang nang tama, sapagka’t ang liksiyon ng puno ay malinaw.

Nakalimot na yata ang marami sa atin na tayo ay mga temporaryo at pansamantala lamang sa mundong ito. Ito ang liksiyon ng puno ng igos. Subali’t nang matuto tayong gawing diyus-diyusan ang pera, natuto rin tayo maging sakim, natuto rin tayong maging mapagkamal, madamot at walang kabubusugan.

Hindi ba’t ito ang dahilan sa mga baha? Bukod sa binabago na natin ang klima, at bukod sa kinalbo na natin ang lahat ng gubat, ay tinakpan nating lahat ang daluyan ng tubig, kung kaya’t ang liksiyon ng puno ay hindi na natin pinakinggan at inalintana.

May bukas pa. May pag-asa pa. Nguni’t dapat tayo magising sa katotohanan. May hangganan ang lahat. May wakas ang lahat. At habang naghihintay tayo ay dapat tayo maging mapagmasid at marunong bumasa ng mga tanda.

“Unawain ang aral mula sa puno ng igos…”

Hayward, CA
November 9, 2009