frchito

Archive for the ‘Taon A’ Category

PEKSMAN!

In Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 15, 2010 at 13:45

N.B. PAGSISIKAPAN KONG GUMAWA NG MGA PAGNINILAY SA BAWAT ARAW NG SIMBANG GABI. KAYA NARITO ANG PARA SA UNANG ARAW.

Unang Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 16, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 54:1-10 / Lucas 7:24-30

PEKSMAN!

Peksman! … Walang biro … Mamatay na ang nagsisinungaling! … Alam nating lahat kung ano ito. Parang laro ng bata, pero totoo … malimit tayo sumusumpa, nagsasalita nang patambis, at nagwiwika ng kalalabisan. Peksman! … cross my heart!

Ginagawa natin ito kung may inaakala tayong mahalagang bagay na gusto natin bigyang-diin. Gusto natin maniwala ang nakikinig sa atin. Ginagarantiyahan natin, kumbaga, at sa pagbibigay-diing ito, ay nadidiin rin ang ating kawalang kakayanan na makapagpatotoo sa sinasabi natin.

Kung kaya’t kinakailangan natin sumumpa kung minsan, sa maling pag-aakalang ang sinumpaan natin ay nagiging totoo.

Ito ang malaki nating problema ngayon bilang bayan. Kay rami ang panunumpa na nakikita natin tuwing matatapos ang eleksyon. Kay raming paglalapat ng kamay sa Biblia, upang sumpaan ang walang kamatayan at walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan. Susun-suson ang mga larawan ng mga kriminal na sumusumpa sa korte, nguni’t alam ng lahat na wala nang ibang pumatay sa 57 katao sa Maguindanao, liban sa mga nagmamaang-maangan, tulad ng alam rin ng lahat na may nabusog at napuno ang bulsa matapos mapirmahan ang maraming mga proyekto ng gobyerno.

Sa unang araw na ito ng Simbang Gabi, likas na sa atin ang mangakong tapusin ang siyam na araw. Sa buong Pilipinas, puno ang lahat ng simbahan ngayon. Gising na gising ang lahat, patungo sa simbang gabi, at sa unang araw, ay tila nagkakaroon ng isang panibagong buhay at talatakdaan ang buong bansa. Bukod sa trapikong buhol-buhol kahit saang dako ng bansa, ang bilang ng nagsisimba tuwing Simbang Gabi, ang isa sa mga malinaw na palatandaan na ang Pasko ay sadyang malapit na.

Pero alam rin natin na sa bandang gitna, matapos ang una at ikalawang araw, ang naturaleza ay bumabalik. Inaantok tayo at tinatamad. At ang mga Christmas Party na patong-patong, ang pagiging abala sa paghahanda ng mga regalo at handa sa araw ng Pasko, ay nangangahulugang paunti nang paunti ang bilang ng nagsisimba, liban sa araw ng Sabado at Linggo!

Kailangan natin mag-asal tila Isaias na sumusumpa rin. Maglaho man, aniya, ang mga kabundukan! Nguni’t bagama’t sa biglang wari ay tila sumpa ito ni Isaias, ang diwa ng kabuuan ng unang pagbasa ay walang kinalaman sa pagsumpa, kundi si pagpapatunay tungkol sa katotohanang namamaulo sa diwa ng Kapaskuhan.

At ano ito?

Simple lamang ang turo ni Isaias … maglaho man ang bundok, matipak man ang mga burol, “ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kailanman kukupas.”

Walang kupas! Parang PCSO ang pag-ibig ng Diyos… walang kupas! Walang puknat! Walang duda, at walang hanggan.

Sa dinami-dami ng mga sumpang narinig natin, sa dinami-rami ng mga pangakong binitiwan ng mga sanga-sanga ang dilang mga politico; sa dinami-rami ng mga pagtanggi ng mga alam naman ng lahat ay mga mandarambong at mamamatay-tao; sa dinami-rami ng mga kababalaghang nagaganap sa customs, sa BIR, sa immigration, at pati sa Barangay, at sa Sangguniang Pangkabataan, may dapat pa kayang paniwalaan sa mga sumpang ito at mga pangakong napako sa dahon ng Bibliang malimit natin ginagamit?

Ito ang magandang balitang nais sana iwanan ko sa inyo mga kapatid … ang magandang balita ni Juan Bautista.

Siya ay nagpatotoo. Nagpatotoo siya nguni’t hindi sumumpa. Nagpatotoo siya sa pamamagitan ng kanyang buhay at kamatayan. Peksman! … Hindi niya sinabing “mamatay man ako, hindi ako ang Mesiyas.” Wala siyang sinabi kundi ang totoo at walang ka-peksman-peksman o panunumpang pinatotohanan niya ang pangaral sa pagtupad nito, hanggang sa kamatayan, hanggang sa siya ay pugutan ng ulo. Mismong si Jesus ang nagpatotoo sa kanya … “Siya ay propeta at higit pa sa isang propeta.”

Walang peksman. Walang panunumpa. Puro at panay na katotohanan, na pinagbayaran niya ng buhay. Ito ang dapat matutunan ng mga mahilig sumumpa sa tapat ng camera sa dinami-daming mga imbestigasyon sa Senado, na walang nangyayari at nakakamit.

Kasama tayong lahat sa kulturang ito. Unti-unti tayong nagumon sa takbo ng isipang ito. Ito ang dahilan kung bakit sinimulan natin ang Misa na ito sa isang pagtanggap, sa isang pagkukumpisal, sa isang pag-amin. Bahagi tayo ng lipunang mapagbalatkayo, mapagbulaan, at palasinungaling.

Panahon na upang gumising, hindi lamang para magsimbang-gabi, kundi gumising sa katotohanan. Tayo ang mga bulubundukin na dapat pantayin, ang mga burol na dapat patagin, at mga lubak na dapat punuin. Yan ang totoo … Peksman!

MAGLILIHI, MANGANGANAK, MAGAGANAP!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Taon A on Disyembre 14, 2010 at 12:35

N.B. Ngayong ang relikya ni San Juan Bosco ay naglalakbay sa Pilipinas (at sa buong mundo, bago ang kanyang ika-200 taon ng kapanganakan sa 2015), nais ko sana ibahagi ang opisyal na MTV at opisyal na awit sa aking mga mambabasa, yayamang isa siya sa mga binabanggit ko sa pagninilay na ito

Ika-4 na Linggo ng Pagdating (A)
Disyembre 19, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Roma 1:1-7 / Mateo 1:18-24

Ang pinakahihintay ng lahat ay malapit na. Limang araw na lamang at Pasko na. Ang pinapangarap ng bata at matanda ay parating na.

Ngunit ang katuparan ng anuman ay hindi mararating kung hindi nagsisimula sa pangarap at sa masidhi at matagalang pagpaplano.

Ito ang aking natutunan sa mula’t mula pa. Walang “instant coffee” at “instant noodles” sa tunay na buhay. Ang mga bagay na ito ay lako lamang ng Lucky Me at Niisin. Sa tunay na buhay, hindi ka magigising na lamang at sukat na may magarang bahay at mamamahaling kotse. Walang karera sa kolehiyo ang daglian at biglaang makakamit. Pinag-iisipan, pinagmumunian, pinagbabalakan nang mataman ang lahat ng mahalagang bagay.

Ang aking ama ay isang magsasaka kung wala siya sa trabaho noon sa Maynila. Nagsimula siya sa pagtatanim ng kape magmula pa noong siya ay labing-isang taong gulang, katulong ang kanyang tangi at nakababatang kapatid. Ang inani naming kaunti noong kami ay naglalakihan, ay hindi galing sa isang iglap na pagpupunla, kundi sa maraming taong pagpupunyagi at pagsusuloy at pag-aabono ng mga puno. Ang pag-aani ay hindi makakamit kung walang pagsisikap, at maraming maagang paggising at mahabang mga araw ng pagpapagal.

Totoo ito sa lahat ng bagay. Totoo ito sa paggawa ng bagay na masama at mabuti. Kamakailan dito sa Guam, ginulantang kaming lahat sa balita ng pagpaslang sa isang 28 taong gulang na ama ng apat na musmos sa Las Vegas. Lumaki siya dito malapit sa amin sa Yona, Guam. Nguni’t ang kalunos-lunos ay tila ang asawa niya ang nagbalak ng lahat, nagplano, at nagpasya, kasama ang kanyang kalaguyo, upang makuha ang malaking halagang insurance.

Nguni’t kay rami ko rin naman nakilalang mga taong, ang kakayahang magplano, magbalak, at magpasya ay ginamit sa mabubuting bagay. Hindi ko makakalimutan ang aking guro sa Pilipino noong unang taon ko sa kolehiyo. Galing sa mahirap na pamilya, napagtiyagaan niya ang pag-aaral sa kabila ng lahat, at, ika nga, ay iginapang ng magulang makapagtapos lamang. Sa mula’t mula pa ay mayroon na siyang pangarap – pangarap na natupad nang maglaon. Malungkot kami noong siya ay nagpaalam sa amin upang mangibang-bayan sa Canada. Sa kanyang paglisan, iniwanan kami ng isang tulaing naging buod ng kanyang pagkatao. Ang pamagat ng tula ay “Awit ng Makahiya.”

Hindi ko rin malilimutan ang isa ko pang guro sa Speechpower, maraming taon na ang lumipas. Lumaking hirap at salat, nakapagtapos siya sa public school, hanggang sa unibersidad. Simple lang ang punto ko. Hindi niya mararating ang rurok ng tagumpay kung hindi masinsin ang pagpaplano, pagsisikap, at pagpupunyagi. Nagsimula ang lahat sa isang pangarap …

Tulad ni San Juan Bosco. Sa edad na siyam na taon, isang pangarap ang naging simula ng lahat ng kanyang nagawa para sa kabataan hanggang sa siya ay namatay sa gulang na 73, noong 1888. Ang sinimulan ng isang pangarap ay laganap na ngayon sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo.

Sa araw na ito, ika-apat na taon ng panahon ng pagdating, muli tayong pinaaalalahanan tungkol sa isang nangarap kasama ng Diyos … isang babaeng hinirang at inatangan ng isang matayog na pangarap ng Poong Maylikha. Nguni’t para matupad ang lahat, kinailangan ang kanyang pakikipagtulungan. Ang pangarap ng Diyos ay naging pangarap ni Maria. Ang paghihintay niya sa Mananakop ay naganap sapagka’t kumilos siya, tumalima, at pumayag na maganap ayon sa wika ng anghel. Hindi siya umupo na lamang at lumupasay, tumingala sa langit at buka ang bibig na naghintay. Kumilos siya, tumakbo patungo kay Elizabet, at matapos sagutin ang anghel ng kanyang “Fiat,” ay nagbuhos ng panahon at kakayahan para sa isasakatuparan ng pangarap ng Diyos.

Sa masugid na pagsunod at pagtalima ni Maria, nangyari ang balak ng Diyos. Naganap ang pangarap ng Diyos. Si Maria, na siyang sagisag ng tunay na paghihintay, ang siyang kapupulutan natin ngayon ng aral, limang araw bago mag-Pasko … naglihi, nagluwal ng isang saggol, at dahil dito ang pangarap ng Diyos para sa atin ay naganap, nagaganap, at magaganap pang muli!