frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

PUMALAOT, IHULOG ANG LAMBAT, UPANG MAKAHULI!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 2, 2010 at 13:03

Ika-5 Linggo ng Taon(K)
Pebrero 7, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a, 3-8 / 1 Taga-Corinto 15:1-11 / Lucas 5:1-11

Ayaw natin ng lahat ng uri ng kababawan. Ayaw natin ng puro pa-cute lamang sa mga naglilingkod sa bayan. Hindi natin gusto ang puro palabas lamang, bagaman at, tila ang mananalo bilang Presidente ay isang taong katulad lamang ng mga kalsadang aspaltado na kanyang pinagkakaabalahan. Ayaw rin natin ng mga kandidatong kaya lamang tumanyag ay dahil sa kanilang apelyidong tanyag. Ayaw natin ng mga pangakong parang ampaw lamang – hungkag at walang laman. At higit sa lahat, ayaw natin ng mga taong sa kabila ng lahat ng pangako at mababagsik na salita laban sa katiwalian, ay tiwali rin palang walang katulad.

Kababawan … ito ang hindi ipinagawa ng Panginoon sa mga disipulo. Tumbukin agad natin … Nang buong magdamag na nagsikap makahuli ang mga disipulo ng isda, muli niyang inutusan ang mga puyat at pagod, at marahil ay wala nang pag-asang mga disipulo: “Pumalaot kayo …”

Isang magandang panalangin ni Sir Francis Drake ang hindi makatkat sa aking isipan. Hiniling niya sa Diyos na hindi siya matulad sa mga taong nanatili lamang sa pampang at malapit sa dalampasigan … mga taong ayaw pumalaot sapagka’t nangangamba, natatakot, nag-aalanganin, nag-aatubili.

Ang pananatili sa pampang ay isang malinaw na tanda ng isang taong ayaw mangahas, ayaw isugal, ika nga, ang katiyakan, at kapanatagan ng kalooban, at walang kakayahang isuong ang sariling kapakanan sa ikabubuti ng pangkalahatan. Ito ang mga taong sukat na sukat ang bawa’t kilos, mga namumunong hindi gagalaw hangga’t wala silang mahihita o kikitain sa anumang transaksyon.

Takot ako sa kababawang ito ng isang taong walang kurap na nagnanakaw sa kaban ng bayan, at naniningil ng labis sa pamahalaan, kahit na ang tunay na kikita ng malaki ay siya rin.

Takot ako sa kababawan ng mga panoorin sa TV na nagsasamantala sa kahirapan, kamangmangan, at kasalatan ng mga taong ang tanging pinanghahawakan lamang ay isang hungkag na pag-asang sila ay baka sakaling maambunan ng biyaya mula sa lahat ng uri ng kababawan at panlilibak sa kapwa na nagaganap sa telebisyon.

Takot rin ako sa kababawan ng mga pastol ng simbahan na laging wala sa kanilang mga parokya, parang mga retiradong mga “tagapaglingkod” na may oras para sa golf at panonood ng TV, nguni’t walang oras sa pagpapakumpisal at pagbisita sa mga maysakit.

Kababawan … ito ang sakit ng mga taong ang gusto ay manatili sa pampang at dalampasigan, namamaybay lamang sa mababaw na tubig ng katiyakan at kawalang-pansin.

Mayroon tayong ilang halimbawa ng kabaligtaran ng kababawan. Una si Isaias, na hindi nag-atubiling sumagot sa Panginoon: “Narito po ako. Ako ang isugo ninyo.” Ang taong handang sumuong sa trabaho ay hindi isang taong mababaw at walang kakayahang lumalim at maging makahulugan.

Isa ring halimbawang tumataginting si San Pablo … Itinuring niya ang sarili bilang “tulad ng isang batang ipinanganak nang di kapanahunan,” subali’t naging apostol. Anong uring apostol ba si Pablo? Siya na mismo ang nagsabi. Hindi basta basta. Hindi patakbuhin. Hindi mababaw at pakitang-tao lamang. Siya na rin ang nagsabi: “Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagama’t hindi ito sa sarili kong kakayanan.”

Pumalaot si Isaias. Pumalaot rin si Pablo. Ngunit higit sa lahat, si Jesus ay hindi lamang pumalaot. Mayroon pa siyang ginawa … nagpatihulog siya sa kamay ng mga tampalasan sa ikapapanuto ng sambayanan. Ngayon, sinasabi niya sa atin … Hindi sapat ang kababawan. Walang mararating ang pagkukunwari, panlilinlang, at pangbabalasubas ng bayan. Walang mahihita ang lahat ng uri ng pakitang-tao at pahapyaw na pagtupad sa tungkulin. Hindi makakalayo ang kalsadang pinalitadahan lamang ng manipis na patong ng alkitran o semento.

Malinaw ang tagubilin ni Jesus … pumalaot … lumayo … lumalim … lumarga pa … at ipagtagubilin ang sarili sa Diyos. Higit rito, sinabi niyang kailangang “ihulog” ang lambat sa kalaliman. Kailangang ihulog ang lahat ng personal na katiyakan at kasiguraduhan. Kailangang tulad ng binhi ng mustasa, ay mahulog sa lupa upang yumabong at mamunga.

Iisa ang tinutumbok nito … kailangang lumalim… kailangang magpakatunay, magpakatapat, magpaka-totoo.

Pumalaot … ihulog ang lambat, ibagsak ang lahat ng kababawan at ka-plastikan … magpakatotoo, magpakatunay, at ano ang bunga ng lahat ng ito?

Upang makahuli!

Isang mungkahi para sa lahat … mag-ingat sa lahat ng uri ng kababawan, kabulastugan, at kasakiman … Lahat ng ito ay nauuwi sa kapariwaraan. Pumalaot upang makahuli!

MAGPAKATAPANG, HUMAYO, AT MANGARAL!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Jeremias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 28, 2010 at 06:16

Ika-4 na Linggo (K)
Enero 31, 2010

Mga Pagbasa: Jeremias 1:4-5, 17-19 / 1 Corinto 12:31 – 13:13 / Lucas 4:21-30

Higit sa limang libong kaparian mula sa buong Pilipinas ang nagmistulang parang Jeremias sa mga nagdaang araw sa linggong ito. Masugid silang nagtipon, nakinig, at nagnilay na sama-sama. Mataman nilang pinakinggan ang mga propetikong pananalita ni Father Raniero Cantalamessa, sa kanilang pagnanasa na maging higit na karapat-dapat na mga tagapaglingkod ng Inang Simbahan at sugo sa bayan ng Diyos.

Alam nating lahat ang kwento tungkol sa buhay ni Jeremias … isang talubatang sa simula ay tila napilitang gumampan sa tungkulin bilang isang propeta, isang binatilyong tila nag-atubili, natakot nang kaunti marahil, at pansamantalang umurong sa tungkuling iniaatang sa kanya ng Diyos.

Pero alam rin natin kung ano ang kinahinatnan ng kwento. Siya mismo ang nagsalaysay sa sinabi sa kanya ng Panginoon sa pamamagitan ni Josias: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”

Bagaman at mahigit na isang libo at kalahating milya ang layo ko sa aking mga kapatid na pari, kaisa nila ako sa kanilang marubdob na pagnanasang maging higit na karapat-dapat na mga sugo ng Diyos. Kaisa rin nila ako sa gitna ng kanilang mga pangamba, pag-aatubili, at maging sa kanilang mga panimdim at suliranin.

Mahigit na 27 taon na ako bilang pari, at mahigit 32 taong nagtuturo at nangangaral. Sa edad ko ngayon, lihis sa aking paniniwalang ang magiging trabaho ko ay higit na tahimik – pagsusulat, pagtuturo, at pagbibigay payo bilang counselor, naatangan na naman ako ng tungkuling magpatakbo ng isang paaralan para sa mga high school malayo sa Pilipinas.

Mahirap ang magpasan ng anumang tungkulin. Mahirap ang mangaral lalu na’t ang pangaral ay hindi na magandang pakinggan sa panahong nababalot ng posmodernismo. Hindi madali ang manindigan para sa tama at angkop sa kalooban ng Diyos at pangaral ng simbahan. Gustuhin mo man o hindi, mayroon laging magagalit, magtatampo, at masasaktan ang kalooban dahil sa pangaral na hindi maaaring baliin, bale-walain, at ibahin. Mismong si Jeremias na rin ang nagsalaysay: “Ang mga saserdote at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo.”

Nguni’t tinumbok ni San Pablo na naghirap din ng katakot-takot dahil sa ebanghelyo ang siyang batayan, simulain, at kadluan ng lakas na siyang ngayon ay pinagsisikapang pagyamanin ng mga kaparian sa buong Pilipinas – ang pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya!
Nais ko sanang manawagan sa lahat ng mga layko na katuwang ng mga kaparian sa maselang tungkuling ito. Nais ko sanang hilingin sa kanila ang lubos na pang-unawa, lubusang pagtulong at pagsuporta sa aming mga kaparian hindi lamang sa linggong ito, kundi sa mga taong darating.

Hindi kami perpekto at ganap. Hindi kami kasing banal ng ayon sa inyong kagustuhan at paniniwala. Marami kaming kapalpakan. Marami kaming kamalian. Sa kabila ng maraming taong pag-aaral, hindi namin alam ang lahat, bagama’t malimit kaming kumilos na tila alam namin ang lahat, at siguradong-sigurado kami sa aming sarili.

Pero ang katotohanan ay ito. Kaming lahat ay mga talubatang Jeremias na nangangamba rin, nag-aatubili, nagkakamali, nagkakasala.

Ang ebanghelyo natin sa araw na ito ay angkop na angkop. Nang si Jesus ay pumasok sa sinagoga, pinangatawanan niya ang kanyang misyon, ang dahilan kung bakit siya naparito sa daigdig. Nang binasa niya ang sipi mula kay Isaias, daglian niyang idinagdag ang katotohanang ito: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Totoo na tao rin kaming lahat. Totoo na tulad ng lahat ng tao, kami ay mahina, marupok, at kay daling lumimot, tulad ng inawit ni Rico Puno. Totoo rin na tulad ni Jeremias, di miminsan na kami ay nag-aatubili, natatakot, at nangingimi lalu na’t pinupukol kami ng lahat ng uri ng tsismis, angal, at akusasyong susun-suson, totoo man o kathang-isip.

Kailangan namin ang tapang ni Jeremias. Kailangan naming ang pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ng bayan ng Diyos. Kailangan namin kayong lahat. At sapagka’t nagkakasala rin kami sa inyo, sa bayan ng Diyos, hinihiling rin namin na ang inyong pag-asa, pag-ibig, at pananampalataya ay hindi mabuwag, manghina, at malugmok dahil sa aming kahinaan – at maraming kasalanan.

At kung mayroon kaming dapat isapuso, isaisip, at isadiwa sa mga araw na ito, ang lumulutang na pangaral na ito ay parang isang taludtod ng tula o awiting dapat namin marinig, hindi lamang kay Jeremias, kundi lalu na sa inyo: “Magpakatapang, humayo, at mangaral!”

Tai, Mangilao, Guam
Enero 28, 2010