frchito

Archive for the ‘Taon K’ Category

KALAYAAN TUNGO SA PAGLILINGKOD

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Hunyo 23, 2016 at 19:00

 

Ika-13 Linggo ng Taon(K)
Junio 26, 2016

Mga Pagbasa: 1 Hari 19:16b, 19-21 / Gal 5:1, 13-18 / Lk 9:51-62

KALAYAAN TUNGO SA PAGLILINGKOD

Mahirap kahit kailan ang napipilitan lamang. Walang sinumang matutuwa kung ang
ginagawa niya ay bunga ng pamimilit ng kapwa. Walang sinumang magagalak sa
paggawa ng anumang iniatang sa kanyang balikat nang wala niyang pahintulot, ni
wala siyang kaalaman, at pagsang-ayon.

Ewan ko sa inyo, pero susunod kaya si Eliseo kung wala siyang paggalang at
paniniwala kay Elias? Isa itong palaisipan para sa ating lahat na naglilingkod sa
Diyos, sa bayan, at sa Inang Santa Iglesya.

Ito ang binibigyang-diin ng mga pagbasa ngayon – ang pagiging disipulo, ang
pagiging tagasunod, ang paglilingkod na bunga ng kalayaan at hindi sapilitan.

Alam nating lahat kung ano ang ibinubunga ng pamimilit. Alam nating ang
napipilitan ay hindi masayang naglilingkod, hindi maaasahan, hindi
mapagkakatiwalaan. Kung pilit ang paglilingkod, hindi ito magtatagal. Hindi
maglalaon at manghihinawa, magsasawa, at maglalaho na lamang na parang bula,
pagdating ng panahon. Kahit bayaran, kung sapilitan ang ginagampanan, ay hindi rin
magtatagal, hindi lalawig, at hindi makalalayo at papanawan ng pagpupunyaging
maglingkod nang bukal sa kalooban.

Mahirap ang gawain ng isang tagapaghatid ng magandang balita. Malimit, ang
kausap naming mga pari ay ang mga taong ebanghelisado na, ang mga taong hindi
na kailangan makarinig sa aming mga pangaral. Ang tunay na nangangailangan ng
pangaral at mabuting balita ay ang mga taong nagbibigay rin ng sakit ng ulo sa atin –
ang mga pasaway, ang mga walang paggalang sa krus, ang mga taong nanlilibak sa
doktrina ng Santa Iglesya, ang mga grupong galit sa Misa, sa Eukaristiya, sa
debosyon kay Santa Maria at sa mga banal, at ang inaakala nating pagsamba sa mga
diyus-diyusan.

Ito ang mga taong namumuhi sa Iglesya, hindi sapagkat ang Iglesya Katolika at tunay
kamuhi-muhi, kundi sapagka’t hindi nila lubos na nauunawaan at naiiintidihan ang
mga pangaral ng banal na Iglesya. Galit sila hindi sapagka’t masama ang Iglesya,
kundi masama ang pagkakilala nila sa Iglesya. Galit sila sa larawan, hindi sa
katotohanan ng kung sino at ano ang Santa Iglesya.

Bilang pari, di miminsan akong nakatikim at nakaramdam ng pagkamuhing ito …
lalu na ngayon kung kailan ang larawan ng pagkapari ay nabahiran ng susun-susong
mga karumihang nagawa ng ilan sa amin. Ang sabi ng marami, ay wala raw kami
karapatang mangaral kung kami mismo ay pinamumugaran ng mga marurumi ang
budhi na nagsasamantala sa kawalang-malay ng mga kabataan.

Walang iniwan dito ang karanasang tumambad sa Panginoon at sa kanyang mga
alagad. Sa pagpasok nila sa Samaria, ay sinalubong sila ng pagtutol ng madla. Ngali-
ngaling tawagin ng mga alagad ang kapariwaraan sa lupaing yaon, upang sila ay
lipulin at puksain ng apoy.

Subali’t hindi sumang-ayon ang Panginoon … Nanatiling nakatuon ang kanilang
layunin sa kanilang tungkulin, sa kanilang mithiin, sa kanilang adhikain.

Sa ating panahon, ito pa rin ang adhikain ng Simbahan, sa kabila ng kawalang tiwala
ng marami sa Inang Santa Iglesya. Ito pa rin ang mithiin, ang layunin at panuntunan
ng Santa Iglesya, kahit na marami na ang pinanawan na ng paniniwala at
pananampalataya sa kapangyarihan ng ebanghelyo upang papagpanibaguhin ang
mundo, at iayon sa landas ng kaligtasan.

Dito ngayon papasok ang bawa’t isa sa ating lahat – ang pangangailangan ng tulad
ng kabataang nagwika, “susunod ako saan ka man magpunta.” Nguni’t nang ilahad ni
Kristo ang kabayaran sa pagsunod na ito, malamang na napag-isip ang mga mabilis
pa sa agos ng rumaragasang tubig ang bibig sa pagbibitaw ng pangako. Kailangan
nito ang isang matibay at matinding pagpapasya na bunga ng malalim na kalayaan.
Hindi ito isang salitang itinatapon na lamang at sukat. Ito ay katagang
pinaninindigan, pinananagutan, at pinagyayaman at buong pusong tinutugunan.

Ito ang kahulugan ng pagiging disipulo… mahirap, masalimuot, mapanganib, at tigib
ng makamundong pangamba, at pag-aalinlangan.

Ito ang pagiging disipulo sa panahong ito na maraming namumuhi sa aming mga
pari, sa Simbahan, na hindi maipagkakailang hindi madali, mahirap, at puno ng
hilahil, problema, at pagsubok.

Tama ang nanay ni San Juan Bosco … ang pagsisimulang mag-Misa, ay simula rin ng
paghihirap at pagsasakripisyo – kung tutuparin lamang namin ang aming misyon,
nang puno ng kalayaan, pagpupunyagi, at pagsisikap.

Ganap na kalayaan ang kailangan nito … kalayaang hindi lamang nauuwi sa pamimili
sa dalawa o higit pang pagpipilian, bagkus isang kalayaang malalim na nagbubunsod
sa ganap at wagas na paglilingkod … ang kalayaan sa pagbibigay ng sarili at wagas
na paglilingkod.

Ang bayaran at swelduhan ay madaling manghinawa. Ang disipulo ay parang
energizer na baterya … patuloy ang pagsulong, patuloy ang paggawa, tigib ng
kalayaan tungo sa lubusang paglilingkod.

PAGKAUHAW SA DIYOS

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Karaniwang Panahon, Taon K, Uncategorized on Hunyo 14, 2016 at 22:50

Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon (K)
Hunyo 19, 2016

PAGKAUHAW SA PANGINOON

Ilang beses na rin natin naranasan ang El Nino, ang kasalatan ng tubig, ang tagtuyot
na nagdadaan sa ilang bahagi ng mundo ng ilang beses makailang taon. Batid natin
ang suliraning dulot ng El Nino – ang pagkalanta ng halaman, ang kakulangan ng
tubig na sariwa, ang kainitan sa kapaligiran na wari’y nagiging tigang na disyerto
ang maraming lugar sa daigdig.

Batid rin natin kung gaano kahirap ang umasa na walang aasahan, ang maghintay sa
wala, ang humingi at hindi mapagbigyan. Marahil ay alam rin natin na ang higit na
nakararami sa lipunan natin ay wala nang anu pa mang dapat hintayin. Anim sa
sampung batang isinisilang sa Pilipinas ay hindi makakakita sa tanang buhay nila ng
isang duktor, at hindi makakatikim kailanman ng kalinga sa klinika o ospital. Sa
kabila ng mga babala at utos ng Department of Health na mag-ingat sa pagkalat ng
Swine Flu, alam ng lahat na walang kakayahan ang karamihan.

Nandiyan ang walang sabong panghugas ng kamay; nandiyan ang walang gripo o
kung may gripo man, ay walang dumadaloy na tubig. Nandiyan ang aapat na
palikuran sa libo-libong mga estudyante sa mga paaralang pampubliko. Mahaba ang
listahan natin.

Tigang na tigang ang lupa nating hinirang, ang perlas ng silanganan!

Marami tayong pangarap bilang Pinoy; maraming adhikain; maraming balakin.
Subali’t saan man tayo sumuling, iisang katotohanan ang tumatambad sa ating
paningin. Ang lahat ng antas at sulok ng lipunan ay nagmimistulang tigang na ilang
na hindi man lang dinadampian ng kaunting hamog ng pag-asa.

Pag-asa … Ito ang isa sa mga pinapaksa ng mga pagbasa. Ito ang pag-asang awit ni
Zacarias para sa atin: Magpapadaloy ako sa bahay ni David at sa mga nakatira dito
ng espiritu ng biyaya at paghiling; titingalain nila ang kanilang niyurakan, at
magluluksa sila tulad ng pagluluksa sa kanilang tanging anak na lalaki, at tatangis
sila tulad ng pagtangis para sa isang lalaking panganay.

Matalinghaga ang mga katagang ito, nguni’t hindi mahirap unawaing ito ay
tumutuon sa diwa ng pag-asa.

Ang pag-asang ito ay nagbubunsod sa isang madamdaming panalangin: Nauuhaw
ang kaluluwa ko sa Iyo, O Panginoon. Ang pagkauhaw na ito ay tinugunan ng Diyos,
ayon sa sinabi ni Pablo: Sa pamamagitan ng pananampalataya, kayo ay naging anak
ng Diyos kay Kristo Jesus.

Subali’t ang pagkauhaw na ito ay tinutugunan ng Diyos sa maraming paraan.
Nariyan ang hula ni Zacarias, at ang katuparan nito sa pagkatao at pagka Manliligtas
ni Kristong Panginoon. Nandiyan ang kaloob na kaligtasang naganap sa katauhan ng
Panginoong Jesucristo.

Nguni’t hindi kabilanin ang Diyos. Hindi ito isang one-way na daan. Mayroon din
tayo bilang tagasunod ng Panginoon na ating sariling tungkuling walang
makagagawa liban sa atin. Ang tupa ay nakikinig sa aking tinig, wika ng Panginoon;
Kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.

Sa ebanghelyo, isa pang malaking katungkulan ang naka-atang sa balikat ng disipulo
ni Kristo … Tinanong sila ng Panginoon: Sino ba ako, ayon sa mga tao? Natinag ang
mga disipulo. Nagkaripas sila ng pagbibigay ng kani-kanilang mga sagot … Subali’t
hindi mga sagot na ito ang hanap ng Panginoon. Hindi isang pagka-uhaw lamang sa
mababaw na kaalaman ang kanyang hanap. Ang hanap niya ay ang wagas, malalim,
at matimyas na pagka-uhaw sa kung sino si Kristo para sa atin; kung sino ang Diyos
para sa Kanyang bayan.

Tigang at tuyot ang daigdig na ito sa maraming bagay. Walang pag-asa kung ang
pag-uusapan ay mga suliraning bumabagabag sa atin lahat. Magulo ang mundo at
lalung higit na magulo ang tao. Tuyot sa wastong paniniwala ang maraming tao.
Nguni’t ang disipulo ni Kristo ay hindi maaaring manatili sa tagtuyot, o sa kadiliman
ng kawalang kamalayan sa pagkanaririto ng Diyos at sa kung sino Siya para sa
Kanyang bayan.

Kung kaya’t muling itinanong ni Kristo sa kanila: Nguni’t kayo …. Kayo … ano ang
sabi ninyo tungkol sa akin? Sino ako para sa inyo? At dito bumulwak ang daluyong
ng wagas na pag-asa, pagnanais, at pagka-uhaw ng tao sa Diyos: Ikaw ang Kristo ng
Diyos.

Uhaw na uhaw rin tayo sa Panginoon. Iyan ang pangaral ni San Agustin: Hindi
mapalagay ang puso namin Panginoon, at mananatili silang balisa hangga’t hindi
namin nakakamit ang kapanatagan sa Iyo, O Panginoon.

Ito ang daloy na dapat natin patuloy na pagyamanin … ito ang tanda ng pagka-uhaw
na dapat natin ding patuloy na siyasatin at bigyang-kasagutan, kahit na ito ay
nasagot na ni Kristo, kahit na ito ay nabigyang-lapat na ng Diyos na mapanligtas.