frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

BUKAS-LOOB NA PAGKAKALOOB

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 21, 2010 at 15:55

Ika-7 araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 22, 2010

Ang pinagkalooban ang siya ngayong nagkakaloob … si Ana, nagsumamo sa Diyos sa pamamagitan ni propeta Eli, upang pagkalooban siya ng supling. Nguni’t sa pagkakataong ito, sa kabatirang ang kanyang sanggol na si Samuel ay bunga ng pagkakaloob ng Diyos, nakuha niyang bumalik muli sa templo at di lamang magpasalamat, kundi magkaloob sa kanyang una sa lahat ay nagkaloob sa kanya at tumugon sa kanyang taimtim na panalangin.

Bilang isang educador, at tagahubog ng kabataan … bilang isang guro sa nakaraang 33 taon (at patuloy pa ring nagtuturo), alam ko kung ano ang hugis, kulay, amoy, at anyo ng pasasalamat. Nakita ko ito sa mga nagdaan sa aking silid aralan noong ako ay 20 anyos pa lamang, noong ako ay isang tila inosenteng brother na nagtuturo ng katesismo sa Barrio Mabato, sa Barrio Bunggo, sa mga lugar, na ika nga nila noong araw, ay singko sentimos na lamang, ay langit na!

Nakita ko ito sa mga seminaristang nagdaan rin sa aking silid aralan noong 1977, noong 1983, at magmula 1992 hanggang 2002. Nakita ko rin ito sa mga estudyante ko sa high school noong 1986 hanggang 1990, at mga kasama kong naglakbay sa Pamayanang Kristiyano sa Roma, noong taong 1990-1992, at mga parokyano sa Dundalk, Baltimore, noong 2003 hanggang 2005!

Dama ko ang pasasalamat at pagpapahalaga ng tao, saan man, kailan man. Dama ko ito sa mga regalo nilang isang pares na medyas tuwing pasko sa Mayapa noong ako ay brother pang payat at gusgusin. Dama ko rin ito sa mga maliliit na halaga nilang pakipkip maging sa Dundalk, at higit na mahahalaga nilang kontribusyon sa aking pag-aaral sa Virginia, USA, maging sa aking pilgrimahe kamakailan patungo sa mga lugar kung saan tumahak si San Pablo sa Grecia, sa Turkia, at sa Israel.

Nakita ko ito kamakailan kay Tim Tebow, ang tanyag na star player ng football sa America. Noong siya ay nasa sinapupunan pa ng kanyang Ina, na isang misyonarya noon sa Pilipinas, pinayuhan ang nanay niya ng mga duktor na ilaglag si Tim. Hindi sumunod ang magulang niya. Siya ngayon ang poster boy ng pasasalamat sa kadahilanang kung siya ay inilaglag, ay hindi rin siya magiging tanyag na manlalaro ngayon.

Nakita ko ito kay Angela, na anak ng isa kong dating estudyante sa High School. Nang siya ay ipinagbubuntis pa, ganuon din ang ipinayo sa kanyang mga magulang. Hindi nila ginawa. Hindi sila namili. Nagdesisyon silang sumunod na lamang sa kalooban ng Diyos. Ngayon, ang bata ay napaka biba, napaka-talino, at napakaganda!

Tulad sa kwento ni Maria, tulad rin sa kwento ni Ana, mayroong mahalagang liksyon para sa atin sa araw na ito. At ang buod nito ay nasa katagang LOOB … ang kaibuturan ng lahat ng katotohanang may kinalaman sa yaman ng ating pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang LOOB ang kumakatawan sa kabuuan ng pagkatao natin. Ang LOOB rin ang kumakatawan sa kabuuan ng pagka-Diyos ng Diyos. Ang Diyos na ang katangian ay magbahagi ng kanyang LOOB, ay siyang nagkaloob sa kanyang bugtong na Anak, na si Jesus. Siya rin ang nagmagandang-loob kay Ana. Siya rin ang nagkaloob ng kung ano ang kinakailangan ng talubatang si Maria, na naglihi, nanganak, at tumawag sa kanyang anak bilang Emmanuel, Jesus, Diyos na nagliligtas.

Magaan ang kalooban ko tuwing may nagbabalik na dating estudyante. Nakatataba ng puso kapag may nagmamagandang-loob at nagkakaloob ng tunay na niloloob – ang pasasalamat. Bagama’t hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyon, nakapagpapagaan ng mabigat na trabaho, at nakapagbibigay lubay ng kalooban, marami man ang problema at hilahil.

Dalawang babae ngayon ang tampulan ng ating pagninilay … dalawang babaeng marunong tumanaw ng utang na loob … dalawang babaeng pinagkalooban ng biyaya, na ngayon ay nagkakaloob ng luwalhati, at nakapagbibigay halimbawa sa lahat ng taong may mabubuting kalooban!
Sa ikapitong araw ng Simbang Gabi, hindi sama ng loob ang paksa natin, kundi kabutihan at kagandahang-loob. At ito ay dahil sa dalawang babaeng, nagkusang-loob, nagmagandang-loob, at nagkaloob ng papuri at pasasalamat sa Diyos na nagkaloob ng lahat sa kanyang mahal na bayan. Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa lahat ng taong may mabuting kalooban!

PAGDATING NG PANAHON!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating on Disyembre 8, 2010 at 19:53

IKATLONG LINGGO NG ADVIENTO (A)
Disyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 35:1-6a,10 / Santiago 5:7-10 / Mateo 11:2-11

Malaon na ring panahon ang nagdaan magmula nang sumikat ang kantang ito ni Aiza … pagdating ng panahon. Bukod sa diwa ng isang taong marunong maghintay, bukod sa larawan ng isang nilalang na handang magpalipas ng panahon sa pag-aasam, hindi maipagkakailang ang bawa’t kataga, ang bawa’t linya ay nangungusap tungkol sa pag-asa.

Ito ang isang larawang hindi makakatkat sa mga awit na kundiman nating mga Pinoy. Hindi na marahil kilala ng aking tagabasa si Cenon Lagman, nguni’t isa siya sa mga mang-aawit sa aking pagkabata na tumimo sa aking guni-guni at alaala. Kilala man ninyo siya o hindi, may karapatan akong sabihing ang kanyang mga awit ay pawang nangungusap tungkol sa malalim na damdaming may kinalaman sa pag-ibig, pag-irog, pagsuyo, sagutin man o hindi … kundiman … “kung hindi mo man ako mahalin,” ika nga!

Ito ang buod ng kundiman … pag-asa at pagsuyo, paki-usap at pagsusumamo “kung hindi mo man ako mahalin,” ay sapat na ang kabatirang napahatid ng isang umiirog ang kanyang dinarama sa kaibuturan ng puso!

Talosaling man ang Pinoy at maramdamin, matampuhin man at mapagtanim, mapagpanibugho man o matiisin, hindi maipagkakaila, na ang pusong Pinoy ay hindi pusong mamon, kundi pusong tigib ng pag-asa, paghihintay, pagsusumamo, at pagpupunyagi … kung hindi mo man ako mahalin!

Pagpapahalagang makatao ang taguri dito …. na maaari natin gawing batayan ng pagpapahalagang Kristiyano. Kung gayon, ano bang pagpapahalagang Kristiyano ang tinutumbok nito? Mayroon ba itong kaugnayan sa ikatlong Linggong ito ng panahon ng Adviento?

Malaki … marami … at walang duda. Masahol pa sa isang talosaling at maramdaming Pinoy ang halimbawa ni Isaias – ang “ulilang” lupain! Malaon nang tigang at tuyot, ito ay ginawa niyang sangkalan upang maghabi ng isang larawan ng pag-asang darating: “muling sasaya,” aniya, “mananariwa at mamumulaklak ang ilang!”

Tuyot na tuyot ang kapaligiran natin ngayon. Hindi lamang ito … may mga islang tila siguradong maglalaho sa karagatan di maglalaon, tulad ng Marshall Islands. Tipak-tipak na lupa at bato ang unti-unting nilalapa ng tubig, at ang mga maliliit na isla ay tila lalu pang mahahati at liliit kapagdaka. Sa sarili nating kalagayan, hindi na natin malaman kung ano ang uunahin: ang bigyan ng trabaho ang mahihirap o ang sundin ang batas ang lubusang pagbawalan ang mga kuliglig na hindi sumusunod sa batas trapiko.

Ang bansa natin ay larawan ng kawalang pag-asa sa maraming antas, sa maraming aspeto, at sa maraming pagkakataon. Takot at pangamba ang bumabalot sa puso natin at kaisipan tuwina.

Subali’t hindi ito ang himig ng mga pagbasa natin ngayon. Lalong hindi ito ang tonalidad ng kabuuan ng pagsamba natin tuwing Linggo, at hinding-hindi rin ito ang buod ng pahayag sa atin ng taon ng pagsamba sa simbahan.

Ano baga ang buod at himig ng taon ng pagsamba?

Pag-asa … pagsusumamo … panunuyo … paghihintay at masintahing pag-asa sa darating na pagliligtas ng Diyos … pagdating ng panahon!

Ano ang darating na panahon?

Kagalakan ang buod nito. Magalak sa Panginoon! Ito ang pahatid ni Pablo. At bakit dapat magalak? Sa matulaing mga pananalita ni Isaias, “ang mahinang mga kamay ay palalakasin, at ang mga tuhod na lupaypay ay patatatagin.”

Katubusan ang pahatid, ang puno at dulo ng lahat ng ito. Bagamat wala pang katuparan, ang katubusang ito ay magkakaroon ng kalubusan, pagdating ng panahon!

Kaya’t ang mungkahi ni Santiago ay ito: “Magtiyaga kayo, hanggang sa pagdating ng Panginoon.”

Matibay at malalim na aral ang hatid sa atin ng mga kundiman, pati na rin ang tumanyag na kantang ito ni Aiza … Ang Pinoy ay talosaling, matampuhin, maramdamin, at mapagtanim … Oo … tanggapin na natin. Pero may isang tumataginting na kakayahan ang Pinoy na maaaring maging batayan at pundasyon ng pangaral ng Advient … Alam kong ang lahat ng pangako ng Diyos ay magaganap, mangyayari. Ang katubusan ay mayroong kalubusan. At ang lahat ng ito ay may kaganapan … pagdating ng panahon!

Disyembre 8, 2010
Paranaque City
Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria