frchito

PAGDATING NG PANAHON!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating on Disyembre 8, 2010 at 19:53

IKATLONG LINGGO NG ADVIENTO (A)
Disyembre 12, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 35:1-6a,10 / Santiago 5:7-10 / Mateo 11:2-11

Malaon na ring panahon ang nagdaan magmula nang sumikat ang kantang ito ni Aiza … pagdating ng panahon. Bukod sa diwa ng isang taong marunong maghintay, bukod sa larawan ng isang nilalang na handang magpalipas ng panahon sa pag-aasam, hindi maipagkakailang ang bawa’t kataga, ang bawa’t linya ay nangungusap tungkol sa pag-asa.

Ito ang isang larawang hindi makakatkat sa mga awit na kundiman nating mga Pinoy. Hindi na marahil kilala ng aking tagabasa si Cenon Lagman, nguni’t isa siya sa mga mang-aawit sa aking pagkabata na tumimo sa aking guni-guni at alaala. Kilala man ninyo siya o hindi, may karapatan akong sabihing ang kanyang mga awit ay pawang nangungusap tungkol sa malalim na damdaming may kinalaman sa pag-ibig, pag-irog, pagsuyo, sagutin man o hindi … kundiman … “kung hindi mo man ako mahalin,” ika nga!

Ito ang buod ng kundiman … pag-asa at pagsuyo, paki-usap at pagsusumamo “kung hindi mo man ako mahalin,” ay sapat na ang kabatirang napahatid ng isang umiirog ang kanyang dinarama sa kaibuturan ng puso!

Talosaling man ang Pinoy at maramdamin, matampuhin man at mapagtanim, mapagpanibugho man o matiisin, hindi maipagkakaila, na ang pusong Pinoy ay hindi pusong mamon, kundi pusong tigib ng pag-asa, paghihintay, pagsusumamo, at pagpupunyagi … kung hindi mo man ako mahalin!

Pagpapahalagang makatao ang taguri dito …. na maaari natin gawing batayan ng pagpapahalagang Kristiyano. Kung gayon, ano bang pagpapahalagang Kristiyano ang tinutumbok nito? Mayroon ba itong kaugnayan sa ikatlong Linggong ito ng panahon ng Adviento?

Malaki … marami … at walang duda. Masahol pa sa isang talosaling at maramdaming Pinoy ang halimbawa ni Isaias – ang “ulilang” lupain! Malaon nang tigang at tuyot, ito ay ginawa niyang sangkalan upang maghabi ng isang larawan ng pag-asang darating: “muling sasaya,” aniya, “mananariwa at mamumulaklak ang ilang!”

Tuyot na tuyot ang kapaligiran natin ngayon. Hindi lamang ito … may mga islang tila siguradong maglalaho sa karagatan di maglalaon, tulad ng Marshall Islands. Tipak-tipak na lupa at bato ang unti-unting nilalapa ng tubig, at ang mga maliliit na isla ay tila lalu pang mahahati at liliit kapagdaka. Sa sarili nating kalagayan, hindi na natin malaman kung ano ang uunahin: ang bigyan ng trabaho ang mahihirap o ang sundin ang batas ang lubusang pagbawalan ang mga kuliglig na hindi sumusunod sa batas trapiko.

Ang bansa natin ay larawan ng kawalang pag-asa sa maraming antas, sa maraming aspeto, at sa maraming pagkakataon. Takot at pangamba ang bumabalot sa puso natin at kaisipan tuwina.

Subali’t hindi ito ang himig ng mga pagbasa natin ngayon. Lalong hindi ito ang tonalidad ng kabuuan ng pagsamba natin tuwing Linggo, at hinding-hindi rin ito ang buod ng pahayag sa atin ng taon ng pagsamba sa simbahan.

Ano baga ang buod at himig ng taon ng pagsamba?

Pag-asa … pagsusumamo … panunuyo … paghihintay at masintahing pag-asa sa darating na pagliligtas ng Diyos … pagdating ng panahon!

Ano ang darating na panahon?

Kagalakan ang buod nito. Magalak sa Panginoon! Ito ang pahatid ni Pablo. At bakit dapat magalak? Sa matulaing mga pananalita ni Isaias, “ang mahinang mga kamay ay palalakasin, at ang mga tuhod na lupaypay ay patatatagin.”

Katubusan ang pahatid, ang puno at dulo ng lahat ng ito. Bagamat wala pang katuparan, ang katubusang ito ay magkakaroon ng kalubusan, pagdating ng panahon!

Kaya’t ang mungkahi ni Santiago ay ito: “Magtiyaga kayo, hanggang sa pagdating ng Panginoon.”

Matibay at malalim na aral ang hatid sa atin ng mga kundiman, pati na rin ang tumanyag na kantang ito ni Aiza … Ang Pinoy ay talosaling, matampuhin, maramdamin, at mapagtanim … Oo … tanggapin na natin. Pero may isang tumataginting na kakayahan ang Pinoy na maaaring maging batayan at pundasyon ng pangaral ng Advient … Alam kong ang lahat ng pangako ng Diyos ay magaganap, mangyayari. Ang katubusan ay mayroong kalubusan. At ang lahat ng ito ay may kaganapan … pagdating ng panahon!

Disyembre 8, 2010
Paranaque City
Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: