frchito

Posts Tagged ‘Homilya sa Tagalog’

PINAMUHUNANAN: KAYAMANAN O KABIGUAN?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 29, 2010 at 08:21

Ika-18 Linggo ng Taon(K)
Agosto 1, 2010

Mga Pagbasa: Eccl 1:2, 2:21-23 / Col 3:1-5,9-11 / Lc 12:13-21

Atubili ang mga palakpak ng mga mambabatas sa unang SONA ni PNoy … malamya, mahina, at hindi nakitaan ng masigabo at marubdob na pagsang-ayon! Bagama’t hindi ako lubos na palo at paniwala sa kanyang mga numero at mga pasabog na kalagiman, sang-ayon ako sa isang bagay – na dapat puksain, putulin, at puknatin ang lahat ng uri ng katiwalian … mapasa bigas, mapasa tubig, mapasa anumang bagay na tanging pag-asang nalalabi para sa mga mahihirap.

Alam natin kung ano ang dahilan dito … marami sa mga mambabatas ay namuhunan sa huling administrasyon. Marami sa kanila ay kasabwa’t, kaakibat, at kasama sa pangungulimbat sa pamamagitan ng pork barrel. Alam rin natin na marami sa kanila ay namuhunan kasama ng mga dating Lakas-Kampi-CMD na ngayon ay nagkalagas-lagas na sapagka’t namumuhunan na ang marami sa Liberal Party!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Lahat tayo ay namumuhunan sa isa o higit pang bagay. Ang mga nagnanais sumali sa Wowowee ay namumuhunan ng oras, ng dangal, ng amor propio, at ng paggalang sa sarili, magkaroon lamang ng pagkakataon kumita nang kaunti sa programa. Pati ang mga tumataya sa Lotto o sa jueteng ay namumuhunan rin … ng kaunti nilang pera, magkaroon lamang ng pagkakataon tumama at biglang magkamal ng maraming salapi! Alam natin ang bunga nito … Sa halip ng kayamanan ay kabiguan!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Ipinupuhunan ng mga mahihirap ang dangal, pati ang sariling paggalang magkaroon lamang ng pagkakataon kumita. Pati mga bobo ay puedeng kumita sa Wowowee, basta handa silang libakin ng madla na sila nga ay bobo at kulelat sa paaralan!

Walang kakabu-kabuluhan! Wa-epek ang lahat! Walang saysay, walang silbi, walang patutunguhan! Hindi ba’t ito ang kahihinatnan ng lahat ng bagay na nasusukat, natitimbang, ang nabibilang? Buhok nga natin sa ulo, hindi natin mapigil sa paglagas. Ngipin nga natin, hindi natin patuloy na maiiwas sa dentista at gaano man kaingat tayo sa pagsisipilyo araw-araw o maya’t maya!

Ano kaya ang saysay ng lahat ng mga katiwaliang nabunyag noong isang araw sa SONA ni PNoy? Sobrang bigas na inangkat. Sobra-sobrang mga bonus sa mga naluluklok sa upuan ng mga makapangyarihan!

May kabuluhan ba ang mga ito? May patutunguhan kaya? O ito kaya ay walang iniwan sa isang pasabog na nagbubunga ng ingay at usok na wala namang bungang nananatili o naghahatid sa mabuti?

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Opo, mga kapatid! Walang kabuluhan ang lahat kung ito ay hindi bumabagtas sa mga bagay na nabibilang, nahihipo, nasusukat! Ito ang kawalang kabuluhan ng kwento ng ebanghelyo na isang tao ang humiling kay Jesus na hatiin ang mana nilang magkapatid. Ano ang puhunan niya? Isinangkalang niya ang pagmamahalang magkapatid at tumawag pa ng abogado upang hatiin ang mana na dapat sana ay kaya nilang hatiin bilang magkapatid!

Mali ang kanyang puhunan … palpak. Ipinuhunan niya ang pagkakaunawaan nila bilang magkapatid, at isinugal ang magandang samahan, dahil sa kapiranggot na lupa. Ang puhunan ay nauwi sa kabiguan … kabiguan ng pagmamahalan bilang magkapatid. Nauwi ito sa isang pagiging mangangalakal na ang tanging nais ay tubo at kita.

Ano kaya ang pinupuhunan natin? Tama kaya na gawing puhunan ang kapalpakan ng datihang gobyerno bilang sangkalan tungo sa isang diumano ay bagong pamumuno? Tama kaya na ang plataporma ng isang pinuno ay ang siraan ang nauna upang magmistulang mabango, kumpara sa dating puno ng kabulukan?

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Tama kaya na puhunanin ang sarili sa paglalasing, pagsasaya tulad ng tao sa ebanghelyo na matapos palakihin ang mga kamalig ay hindi na nag-unat ng buto at nagpagal para sa kinabukasan?

Nguni’t sa kasawiang palad, ganito tayo noon, at ganito pa rin tayo ngayon! Namumuhunan sa mga maling bagay … tumataya sa mga maling pato, at umaasa sa mga palsong mga pangako!

Malaki ang pananagutan natin sa ating puhunang tinanggap natin mula sa Diyos. Ito ay puhunan ng dangal, puhunan ng buhay, puhunan ng kagandahang-asal. Nilustay ng nakaraang mga administrasyon ang puhunang ito … Hindi naglaon ay talamak ang katiwalian kahit saan, kahit sa mga pribadong institusyon, kahit sa barangay, kahit sa mga homeowners’ associations.

Maling mga puhunan ang pinagkakitaan. Pati ang ihi na kinokolekta sa LTO tuwing kukuha ng lisensya … nagbabayad tayo ng ilang daang piso, at ang ihi ay alam naman nating itinatapon lamang. Wala namang drug test na nagaganap!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Puhunang tama at wasto ang siya nawang dapat nating pagtuunan ng pansin. Puhunan ng dangal at wagas na paggalang sa sarili at sa kapwa … na nakikita sa paninindigan sa kapwa, hindi ang paglipat na parang paro-paro sa mga partido sapagka’t naroon ang salapi, ang pork barrel at ang mga kontrata mula sa gobyerno. Ang mga datihang kakosa ng dating Pangulo ay nagkumahug na sa paglipat sa bagong partidong nasa poder!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan! Walang dangal, walang puri, walang kagalang-galang – at – tabi sa kaluluwa ay – walang hiya!

Kailangan tayo mamuhunan sa wasto, sa tama, sa bagay na hindi pinalakpakan ng mga ungas sa lehislatura! Kailangan natin mamuhunan sa higit na mahalaga: “Sa gabing ito ay babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo? Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Phinma Training Center, Tagaytay City
July 26, 2010

HINDI SA ATIN, KUNDI SA DIYOS LAMANG

In Adviento, Homily in Tagalog, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 23, 2009 at 18:21

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 24, 2009

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5, 8b-12, 14a,16 / Lk 1:67-79

Natural na yata sa tao, na kapag nakatikim ng kaunting kapangyarihan ay nagbabago ang pagtingin sa mga bagay-bagay. Hindi rin kakaiba si Haring David. Di naglaon, ang kanyang kapangyarihan ay nagbunsod sa kanya na isiping sa kanya nagdidipende ang maraming bagay.

Wala namang masama sa pagpapaganda ng tirahan ng kaban ng tipan. Kapuri-puri ang balakin ni David. Sa katunayan, ang propeta Natan sa simula ay sang-ayon. Nguni’t sa pagkakataong ito, may higit na mahalagang liksyon ang itinuro ng Diyos kay David. “Ang kaban ng tipan ay nasa isang tolda lamang, samantalang nahihilata ako sa isang bahay na gawa sa matibay na kahoy ng sidro,” ani David. Dahil dito, nagbalak siyang magpatayo ng magarang bahay para sa kaban ng tipan.

Dito siya sinansala ng Diyos at binigyang-aral na dapat rin natin matutunan. “Ako ang tumawag sa iyo mula sa pagpapastol sa parang. Ako ay naparoon saan mo man ninais, at aking pinuksa ang lahat mong mga kaaway. Ako ang magtitiyak na ikaw ay magiging tanyag, at ako ang magtatalaga ng isang lugar para sa aking bayan.”

Malayo ito sa isang taong nagmula sa pagpapastol na ngayon ay biglang nagpapasya ng mga bagay na mahahalaga.

Kalakaran ito ng buhay ng tao. Nagmula sa lupa, nagbabalik sa lupa. Pero malimit na tayo ay nabubulagan ng panandaliang katanyagan, kayamanan, at katalinuhang kumukupas. Mula sa isang malamang na mabaho at gusgusing pastol, si David ay naging hari ng bayan ng Israel. Di naglaon, inakala niyang kaya niyang pagpasyahan ang lahat. Inakala niya ring kaya niyang takasan ang malaking krimen ng pagsusuong sa kamatayan ng asawa ni Batsheba, upang mapasakanya ang alindog ni Batsheba.

Ito ang kalakaran ng tao … marupok at kay daling lumimot.

Pero meron bang magandang kinahinatnan ang kwentong ito tungkol sa konting kayabangan ni David? Nais kong isipin na meron … Ito ang layunin ng banal na kasulatan – ang ipahayag sa atin ang kahulugan ng kasaysayan – ang ipamulat sa atin na lahat ng nagaganap ay nagaganap upang mapulutan natin ng aral na may kinalaman sa kasaysayan ng kaligtasan.

At ito ang magandang balita para sa atin. Ang Diyos ang may akda ng lahat. Ang Diyos mismo ang gagawa ng isang bahay para kay David at sa kanyang mga supling. Ang Diyos at ang Diyos lamang ang may pagpapasya kung ano ang mahalaga para sa ating kaligtasan. “Ako ang pipili sa iyong tagapagmana, at gagawin kong matatag ang kanyang paghahari. Ako ay magiging isang ama sa kanya, at siya ay magiging isang butihing anak ko.”

Katatapos ko lang basahin ang isang bestseller – ang librong ang pamagat ay “The Narcissism Epidemic” nina Twenge at Campbell (2009). Ang buod ng aklat na ito ay simple lang. Ang buong daigdig, anila, ay nababalot ng isang epidemia ng pagkamakasarili. Ang pagkamakasarili o ang pag-iisip ng tao na siya ay higit na mahalaga, higit na magaling, at karapat-dapat paglingkuran ng buong mundo, kahit wala namang ibubuga. Ito ang nasa likod ng mga batang hindi makatanggap ng sagot na “hindi.” Ito rin ang dahilan kung bakit malaking pera ang ginagastos sa plastic surgery, sa pagpapaputi ng balat, sa pagpapatangos ng ilong. Ito rin ang nasa likod ng mga kabataang handang pumatay kapag hindi napagbigyan sa gusto nila. Ilang mga kabataan na ang narinig nating pumatay sa sariling magulang sapagka’t hindi sila napagbigyan, o mga batang sinasaktan ang kapwa mag-aaral sapagka’t hindi nila nakursunadahan.

May kaunting bahid ng narsisismo sa pasya ni David. Ako ang magpapagawa. Ako ang magpapasya. At kagya’t inilagay ng Diyos si David sa kanyang karampatang puesto. Hindi ikaw, David, kundi ako. Ako mismo ang magtatayo ng isang tahanan para sa iyo. Ako ang pipili at tatawag, at ako ang magsisikap upang mapanuto ang kaharian niya.

Sa hinaba-haba ng mga taong pinagdaanan ko sa paghuhubog ng kabataan, marami na akong natutunan. At ako ay sang-ayon kina Twenge at Campbell, sa kanilang pagsasabing ang pagdami ng mga narsisista sa mundong ito ay patuloy na dumadami, tulad ng pagdami ng mga batang hindi mapakali sa isang lugar, at walang kapapaguran maghapon … mga batang hindi makapokus sa anumang paksa o gawain, at laging alumpihit sa pagkakaupo (ADHD). Sa kasawiang-palad, ayon sa mga sikologo at mananaliksik, isang katlo ng lahat ng mga pari, madre, guro, politico at lahat ng mga “naglilingkod sa kapwa” ay pawang mga narsisista – makasarili, puno ng sarili, bilib sa sarili, at sobra ang pagpapahalaga sa kanilang sarili, sa kanilang kakayahan at kagalingang wala namang batayan sa totoo.

Isa sa mga makatotohanang salmo ay salungat sa saloobing ito. Ayon sa salmong ito, tanging sa Diyos lamang dapat nakalaan ang papuri at pasasalamat, tulad ng isinagot natin pagkatapos ng unang pagbasa: “Aawit ako ng papuri sa Iyong kagandahang-loob, O Diyos, magpakailanman.”

Hindi tayo, David. Hindi tayo ang nagpapaikot sa mundo. Hindi tayo, mga politico at mga namumuno sa simbahan at lahat ng makapangyarihang kapantay sa luwalhati ng mga mamamatay-tao sa Maguindanao at sa iba pang lugar … hindi tayo ang nagpapasya kung sino ang dapat mabuhay at mamatay.

Tanging sa Diyos lamang ang ating pananalig. Tanging Siya lamang ang makapaghahari at makapangyayari. Purihin nawa ang kanyang ngalan magpakailanman.