frchito

HINDI SA ATIN, KUNDI SA DIYOS LAMANG

In Adviento, Homily in Tagalog, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 23, 2009 at 18:21

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 24, 2009

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5, 8b-12, 14a,16 / Lk 1:67-79

Natural na yata sa tao, na kapag nakatikim ng kaunting kapangyarihan ay nagbabago ang pagtingin sa mga bagay-bagay. Hindi rin kakaiba si Haring David. Di naglaon, ang kanyang kapangyarihan ay nagbunsod sa kanya na isiping sa kanya nagdidipende ang maraming bagay.

Wala namang masama sa pagpapaganda ng tirahan ng kaban ng tipan. Kapuri-puri ang balakin ni David. Sa katunayan, ang propeta Natan sa simula ay sang-ayon. Nguni’t sa pagkakataong ito, may higit na mahalagang liksyon ang itinuro ng Diyos kay David. “Ang kaban ng tipan ay nasa isang tolda lamang, samantalang nahihilata ako sa isang bahay na gawa sa matibay na kahoy ng sidro,” ani David. Dahil dito, nagbalak siyang magpatayo ng magarang bahay para sa kaban ng tipan.

Dito siya sinansala ng Diyos at binigyang-aral na dapat rin natin matutunan. “Ako ang tumawag sa iyo mula sa pagpapastol sa parang. Ako ay naparoon saan mo man ninais, at aking pinuksa ang lahat mong mga kaaway. Ako ang magtitiyak na ikaw ay magiging tanyag, at ako ang magtatalaga ng isang lugar para sa aking bayan.”

Malayo ito sa isang taong nagmula sa pagpapastol na ngayon ay biglang nagpapasya ng mga bagay na mahahalaga.

Kalakaran ito ng buhay ng tao. Nagmula sa lupa, nagbabalik sa lupa. Pero malimit na tayo ay nabubulagan ng panandaliang katanyagan, kayamanan, at katalinuhang kumukupas. Mula sa isang malamang na mabaho at gusgusing pastol, si David ay naging hari ng bayan ng Israel. Di naglaon, inakala niyang kaya niyang pagpasyahan ang lahat. Inakala niya ring kaya niyang takasan ang malaking krimen ng pagsusuong sa kamatayan ng asawa ni Batsheba, upang mapasakanya ang alindog ni Batsheba.

Ito ang kalakaran ng tao … marupok at kay daling lumimot.

Pero meron bang magandang kinahinatnan ang kwentong ito tungkol sa konting kayabangan ni David? Nais kong isipin na meron … Ito ang layunin ng banal na kasulatan – ang ipahayag sa atin ang kahulugan ng kasaysayan – ang ipamulat sa atin na lahat ng nagaganap ay nagaganap upang mapulutan natin ng aral na may kinalaman sa kasaysayan ng kaligtasan.

At ito ang magandang balita para sa atin. Ang Diyos ang may akda ng lahat. Ang Diyos mismo ang gagawa ng isang bahay para kay David at sa kanyang mga supling. Ang Diyos at ang Diyos lamang ang may pagpapasya kung ano ang mahalaga para sa ating kaligtasan. “Ako ang pipili sa iyong tagapagmana, at gagawin kong matatag ang kanyang paghahari. Ako ay magiging isang ama sa kanya, at siya ay magiging isang butihing anak ko.”

Katatapos ko lang basahin ang isang bestseller – ang librong ang pamagat ay “The Narcissism Epidemic” nina Twenge at Campbell (2009). Ang buod ng aklat na ito ay simple lang. Ang buong daigdig, anila, ay nababalot ng isang epidemia ng pagkamakasarili. Ang pagkamakasarili o ang pag-iisip ng tao na siya ay higit na mahalaga, higit na magaling, at karapat-dapat paglingkuran ng buong mundo, kahit wala namang ibubuga. Ito ang nasa likod ng mga batang hindi makatanggap ng sagot na “hindi.” Ito rin ang dahilan kung bakit malaking pera ang ginagastos sa plastic surgery, sa pagpapaputi ng balat, sa pagpapatangos ng ilong. Ito rin ang nasa likod ng mga kabataang handang pumatay kapag hindi napagbigyan sa gusto nila. Ilang mga kabataan na ang narinig nating pumatay sa sariling magulang sapagka’t hindi sila napagbigyan, o mga batang sinasaktan ang kapwa mag-aaral sapagka’t hindi nila nakursunadahan.

May kaunting bahid ng narsisismo sa pasya ni David. Ako ang magpapagawa. Ako ang magpapasya. At kagya’t inilagay ng Diyos si David sa kanyang karampatang puesto. Hindi ikaw, David, kundi ako. Ako mismo ang magtatayo ng isang tahanan para sa iyo. Ako ang pipili at tatawag, at ako ang magsisikap upang mapanuto ang kaharian niya.

Sa hinaba-haba ng mga taong pinagdaanan ko sa paghuhubog ng kabataan, marami na akong natutunan. At ako ay sang-ayon kina Twenge at Campbell, sa kanilang pagsasabing ang pagdami ng mga narsisista sa mundong ito ay patuloy na dumadami, tulad ng pagdami ng mga batang hindi mapakali sa isang lugar, at walang kapapaguran maghapon … mga batang hindi makapokus sa anumang paksa o gawain, at laging alumpihit sa pagkakaupo (ADHD). Sa kasawiang-palad, ayon sa mga sikologo at mananaliksik, isang katlo ng lahat ng mga pari, madre, guro, politico at lahat ng mga “naglilingkod sa kapwa” ay pawang mga narsisista – makasarili, puno ng sarili, bilib sa sarili, at sobra ang pagpapahalaga sa kanilang sarili, sa kanilang kakayahan at kagalingang wala namang batayan sa totoo.

Isa sa mga makatotohanang salmo ay salungat sa saloobing ito. Ayon sa salmong ito, tanging sa Diyos lamang dapat nakalaan ang papuri at pasasalamat, tulad ng isinagot natin pagkatapos ng unang pagbasa: “Aawit ako ng papuri sa Iyong kagandahang-loob, O Diyos, magpakailanman.”

Hindi tayo, David. Hindi tayo ang nagpapaikot sa mundo. Hindi tayo, mga politico at mga namumuno sa simbahan at lahat ng makapangyarihang kapantay sa luwalhati ng mga mamamatay-tao sa Maguindanao at sa iba pang lugar … hindi tayo ang nagpapasya kung sino ang dapat mabuhay at mamatay.

Tanging sa Diyos lamang ang ating pananalig. Tanging Siya lamang ang makapaghahari at makapangyayari. Purihin nawa ang kanyang ngalan magpakailanman.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: