frchito

Posts Tagged ‘LIngguhang Pagninilay’

LINGKOD NA ITINAAS, PINILI AT KINALUGDAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 4, 2010 at 17:10

BINYAG NG PANGINOON
Enero 10, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 40:1-5, 9-11 / Gawa 10:34-38 / Lukas 3:15-16-21-22

Paumanhin sa taga-basa: ako ay masyadong natabunan ng gawain matapos ang simbang gabi kung kaya’t hindi ko nagampanan ang pinakagusto kong gawain – ang magsikap maging daan ng magandang balita sa pamamagitan ng blog na ito. Pasensya na po!

Kay bilis ang daloy ng panahon … tapos na ang panahon ng pagsilang o Kapaskuhan sa araw na ito. Noong isang linggo lamang, pinagnilayan natin ang epipaniya ng Panginoon – ang kanyang pagpapakilala sa madlang-tao. Sa araw na ito, itinutuloy natin ang paggunita sa kanyang malalim na pagpapakilala at pagpapahayag ng sarili bilang Diyos.

Pero matay nating isipin, hindi sa kanyang balikat lamang napatong ang tungkuling magpahayag at magpakilala. Ang kanyang Ama mismo, ang Diyos Ama, ang siyang nagkusa at nagbalak upang siya ay makilala ng tanan bilang Anak ng Diyos mula sa kaitaasan.

Mahabang panahon ang ginugol ng Diyos upang maganap ang pagpapahayag na ito. Isinapaloob ng Diyos ang kanyang pagpapahayag sa takbo ng kasaysayan ng bayang pinili – ng bayang Israel. Sa katunayan, sa unang pagbasa, ang mapait na karanasan ng pagkatapon sa Babilonia ang naging daan upang bigkasin ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias ang matamis na balita ng kaligtasan sa kabila ng kapaitan at kapighatian.

Mataginting ang tunog ng magandang balitang ito … ang pagpapakilala ng Diyos sa “lingkod na aking itataas na aking pinili at kinalulugdan.” Ang kapaskuhan ay walang iba kundi pagdiriwang ng naganap na ito sa ating kasaysayan – ang pagdatal ng Mananakop sa katauhan ni Kristong Panginoon!

Ito rin ang parehong magandang balitang naganap rin sa kasaysayan ng bayang hinirang ng Diyos, na mismong ang Ama sa langit ang nagwika at nagpakilala: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ito rin ang ipinagmamakaingay ni Pedro sa aklat ng mga Gawa: “Ipinagkaloob sa kanya ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang. Sapagka’t sumasakanya ang Diyos.”

Kasaysayan ang naging daan at panuto ng Diyos sa Kanyang pagpapahayag at pagpapakilala ng sarili. Ito ang malinaw na tinutumbok ng Banal na Kasulatan.

Nguni’t ang pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ng kasaysayan ay nangangahulungang may kinalaman rin Siya sa takbo ng ating kasaysayan ngayon, bukas, makalawa, at magpakailanman. Siya ang Panginoon ng kasaysayan, at sa Kanya umiinog at umiikot ang takbo ng kasaysayan. Siya ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang simulain at siyang hantungan.
Bilang maestro at panginoon ng kasaysayan, mayroon siyang maaaring ituro sa kasaysayan rin natin ngayon, bukas, at kailanman, dito, doon, at saanman.

Sa yugtong ito ng kasaysayan ng ating bayan, nararapat magkatotoo sa buhay natin ang pinananampalatayanan natin, ang pinaniniwalaan natin, ang inaasam at hinihintay natin sa diwa ng pag-asa. Nais kong isipin na habang tayo ay naghahanda sa eleksyong darating, habang tayo ay namimili ng kung sino ang dapat mamuno sa atin, dapat nating kilalanin ang Diyos na nagpahayag at nagpakita sa atin sa katauhan ni Kristo. Dapat nating tandaan na ang Diyos na nagpahayag sa pamamagitan ni Kristo, ay dapat nating pakinggan at sundin.

Subali’t sa kasawiang palad, marami tayong ingay na higit na pinakikinggan. Nandiyan ang mga estasyon ng TV, mga komentarista, mga mangangalakal na silang nagluluklok halos sa mga manok na gusto nilang umupo sa kapangyarihan. Nandyan ang mga komersyanteng nakagagawa ng paraan upang ang kanilang manok ang siyang maghari at magmando sa bayang hibang na hibang sa showbiz at sa mga palabas na puro pugad ng kababawan.

Maraming tinig ang nagwiwika at nagpaparamdam. Sala-salabat ang daang tinatahak ng tapat na taong ang hangad lamang na tunay ay maglingkod at isulong ang kaunlarang pangkalahatan ng bayang Pinoy.

Batay sa kasaysayang natutunghayan natin sa Kasulatan, hindi lahat ng mga nagnanais mamuno sa bayan ay kinasihan ng Diyos. Hindi lahat ay kapani-paniwala at hindi lahat ay may angking kakayahang isulong ang kalooban ng Diyos, bagkus ang kaloobang makatao lamang nila. Hindi lahat ay may takot sa Poong Maykapal, at lalung hindi lahat ay kaanib, kapanig, at kapanalig ng taong may takot sa Diyos.

Malinaw ang turo ng kasaysayan ng kaligtasan … ang Diyos ang nagluluklok as pinunong kanyang napupusuan. Ang Diyos ang siyang dapat masunod kung ang pag-uusapan ay may kinalaman sa ating kapakanang pangkalahatan at pang kabuuan.

Maliwanag pa sa tanghaling tapat ang kaloobang pahatid Niya sa pamamagitan ni Isaias: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”

Naganap ito sa pagsilang ni Kristong Panginoon. Nagaganap ito kung ang tao ay may takot sa Diyos at pumipili ng siyang karapat-dapat, hindi yaong mga ungas at sakim sa salapi at sa kapangyarihan – mga tampalasang nagkukubli sa likod ng isang mababaw na pagsasakanya ng pangaral at halimbawa ng mga personahe sa Biblia.

Nagpakilala ang Diyos sa pamamagitan ng buhay at pagkamatay ni Jesus. Ang nakakilala sa kanya ay nagpugay at tumalima sa kanyang mga pangaral. Walang saysay ang anumang gimik, anumang palamuti, at anumang mga ka-ek-ekan kung walang kumilala at tumalima sa kanyang mismong ang Diyos ang nagwika: “Ito ang pinakamamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Handa ba tayong pumili ng pinunong napupusuan ng Diyos? Handa ba tayong sumunod sa kanyang mismong si San Juan Bautista ang nagwika: “Hayan ang kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.”

Siya ay Diyos at tao … taga-sunod at pinuno … Guro at Panginoon … payak, dukha, at mayamang walang katulad … lingkod na itinaas, pinili at kinalugdan!

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, San Juan Bautista, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 7, 2009 at 09:54

Ika-3 Linggo ng Pagdating(K)
Diciembre 13, 2009

Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filemon 4:4-7 / Lucas 3:10-18

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

Noong isang Linggo, binigyang pansin natin ang kahalagahang panatiliing magkasama at magka-agapay ang dalawang aspeto ng turo ng Panginoon: pangako at pangaral. Mahalaga, sabi natin, na hindi lamang puro pangako ang panghawakan natin, kundi pati ang mas mahalaga – ang pangaral. Bawa’t pribilehiyo o kaloob ay may kaakibat na pananagutan. Bawa’t pangako ay may kalakip na pangaral.

Sa Linggong ito, tinaguriang Gaudete Sunday, o araw ng pagsasaya, dahil malapit na ang pagdatal ng Mananakop, dalawa na namang magkatuwang at magkalakip na katotohanan ang atin matutunghayan: pagsasaya at paggawa!

Unahin natin sa una: magsaya … gaudete … ito ang tinutumbok ng una at ikalawang pagbasa. Maraming salita ang ginamit upang ikintal ito: “umawit nang malakas … sumigaw … magalak nang lubusan … masayang aawit sa laki ng kagalakan” … Si Pablo sa liham kay Filemon, ay pareho rin ang sinasabi: “magalak kayong lagi sa Panginoon … inuulit ko, magalak kayo!”

Sa kalagitnaan ng panahon ng Pagdating, wasto lamang na bigyang-pansin natin ang diwa ng panahong ito – hindi pagpepenitensya, bagkus, marubdob na paghihintay sa diwa ng pag-asa ang siyang bumabalot sa ating kamalayan sa araw na ito.

Nguni’t ang paghihintay bang ito at pag-asa ay isa lamang mababaw na damdaming dapat manaig sa kabila ng lahat ng kabuktutan at kasalanang naghahari sa daigdig na iniikutan natin? Tayo ba ay dapat mabalot ng kagalakan dahil sa 57 katao ang pinaslang nang ganoon na lamang at sukat nang walang kalaban-laban? Tayo ba ay dapat magpanggap na masaya ang lahat sa kabila ng walang awa at walang pusong pagkitil sa inosenteng buhay sa kadahilanang sila ay nasa maling lugar sa maling oras? Tayo ba ay dapat magkunwaring masaya ang bayang Pilipino kahit na puro pandaraya at panlilinlang ang inaatupag ng naka luklok sa kapangyarihan? Totoo bang sa ikatlong linggo ng panahon ng pagdating ay dapat tayong “umawit sa laki ng kagalakan?”

Hindi ito ang naririnig ko sa mga pagbasa. Totoo na ipinagtatagubilin ni Pablo at ni Sofonias na tayo ay kailangang magalak. Nguni’t ang kagalakang ito ay nakatuon sa isang pangakong ang katuparan ay bumabagtas at lampas sa mga makamundong adhikain at hangarin na atin ngayong inaatupag sa mundong ibabaw.

Ang kagalakang ito ay may kinalaman sa mga pangakong mesiyaniko na dumating na, patuloy na dumarating, at darating pa. Ang kaganapan nito at katuparan ay hindi kailanman natin makakamit ngayon at dito, kundi sa kaganapang darating sa muling pagbabalik ng Mananakop.

Ito ang kagalakang malalim, wagas, lubos, at pang sa walang hanggan!

At dito papasok ang tunay na magandang balita … Hindi ito isang malikhaing pagnanasa lamang … hindi ito isang paghahangad na walang basehan sa kasaysayan at sa anumang turo ninuman. Sa likod ng pangakong ito, ay isang pangaral, tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo.

Ano ba ang pangako? “’ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon” … “wala nang kasawiang dapat pang katakutan” … “nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos” … “malapit nang dumating ang Panginoon.”

Subali’t ano ba ang pangaral? Narito … sa katauhan, buhay, at pagkamatay ni Juan Bautista. Siya ang naging tampulan ng lahat ng katanungan ng mga tao: “Ano ba ang dapat naming gawin?” Si Juan Bautista, na isinugo ng Diyos upang maging tagapaghatid ng balita at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon, ang siyang tinanong ng mga taon.

Ano nga ba ang dapat natin gawin? Heto … Una, “huwag sumingil nang higit.” Ikalawa, “huwag manghingi sa pamamagitan ng pamimilit o pagpaparatang nang di totoo.” Ikatlo, “masiyahan sa iyong sahod.”

Ano ang dapat natin gawin? Simple lamang! … ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katarungan. Ang katarungan ang siyang buod ng ipinangangaral ni Juan Bautista. Ito ang magandang balitang ating hinihintay – ang katarungan ng Diyos na darating sa atin sa pamamagitan ng “prinsipe ng kapayapaan,” na maghahatid sa atin sa daan tungo sa kapayapaan.

Sa madaling salita, hindi ito isang walang batayang paghihintay … hindi ito isang paghahangad na walang kapalit na pagsisikap. Hindi ito isang trabahong tamad na pagnanais, na walang kaakibat na pagpupunyagi. Hindi ito isang hungkag na pangako na walang kahugpong na pangaral!

Dito natin makikita kung tunay at wagas ang ating pagiging Kristiyano. Dito natin mapatutunayan kung ang ating pagnanasa at may kalakip na pagsisikap.

Kung meron, kung ang dalawang ito ay tunay na magkadaup-palad sa buhay natin, nasasa atin na ang pangako … nasasa atin na ang pagpapatotoo ng pahayag ng Panginoon: “Magsaya … “Nasa piling mo na ang Panginoong Diyos” … “masaya kang aawit sa laki ng kagalakan.” Kung gayon, alam mo na ang dapat mong gawin!