frchito

Posts Tagged ‘Paghahanda sa Pasko’

UKAY-UKAY O WASTONG PAMUMUHAY?

In Adviento, Homily in Tagalog, San Juan Bautista, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 18, 2012 at 17:15

samson

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ika-4 na Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 19, 2012

Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a / Salmo 70, 3-4a. 5-6ab. 16-17 / Lucas 1, 5-25

UKAY-UKAY O WASTONG PAMUMUHAY?

Dalawang batang lalaki ang paksa ng dalawang pagbasa – si Samson at si Juan Bautista. Dalawang taong hinirang … dalawang misyong ginampanan … isang adhikaing pinangatawanan, at iisang Diyos ang pinaglingkuran.

Sa taong ito ng pananampalataya, ang parehong iisang Diyos na nagpakilala at nagpahayag ng sarili sa kasaysayan ang siya rin nating pinagsisikapang paglingkuran. Pero ayon sa Porta Fidei, na nagbigay sa atin ng mga alituntunin at prinsipyo ng pagdiriwang ng buong taong ito ng pananampalataya, ang paniniwala natin ay IPINAHAHAYAG, IPINAGDIRIWANG, ISINASABUHAY at nagiging isang GAWAIN O PANANAGUTAN ng bawa’t isa sa atin.

Napakadali ngayon ang mangako. Ngayong malapit na ang eleksyon, malulunod tayo muli sa pangako ng mga politiko. Sa bawa’t taong may nagtatapos sa kolehiyo at universidad at pumapasa sa Board, ang bawa’t bagong gradweyt ay nagbibigkas ng pangako … mga bagong abogado, bagong duktor, bagong akawntant, at bagong inhinyero. Ang mga bagong mahistrado ng Korte ay nangangako rin, tangan ang Biblia.  Maging kaming mga pari, bago ma-ordenahan bilang Diakono ay nangako rin at pumirma.

Subali’t ang pangako ay hindi napapako sa tubig, at hindi rin nasusulat sa buhangin. Sa buhay ni Samson, ang pagkahirang sa kanya at panata ng kanyang Amang si Manoah ay pinagtibay na kanyang buhok na hindi dapat nakatikim ng gunting – tandang malinaw at matibay na siya ay nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos.

Maging si Juan Bautista ay hinirang rin at itinalaga … At ano ang tanda? Walang alak, o inuming nakalalasing … pagkaing kakaiba sa kinakain ng ibang tao … buhay na matiwasay sa ilang, kasama ng mga mababangis na hayop. May patunay at patibay rin, gaya ng nasabi natin kagabi, ang kanyang pagiging hinirang ng Diyos.

Ayon sa Porta Fidei, ang pananampalataya ay hindi lamang ipinagbubunyi at ipinagdiriwang, bagkus pinangangatawanan at isinasabuhay.

Marami ngayon ang nagsasabing sila raw ay katoliko. Bininyagan. Nag-aral sa paaralang katoliko. Sanay sila sa mga gawaing banal, sa pagsisimba, (kahit panaka-naka lamang), sa pagdarasal (kahit pahapyaw lamang). Mayroon raw silang pananampalataya. Pero ang ibig sabihin ng pananampalatayang ito ay isang mababaw na pagsang-ayon sa turong may Diyos, may langit, may impyerno, at may purgatoryo. Pero para sa karamihan ng mga katolikong ito, ang pahapyaw na damdaming may Diyos ay parang gripong puedeng buksan at saraduhan, depende kung nasaan sila. Buksan kapag Linggo. Sarahan kapag nasa trabaho, nasa party, o nasa eskwela. Iba ang simbahan; at iba ang lipunan. Ito ang pananampalatayang maganda lamang tuwing Pasko, Pista, o Graduation. Ito ang pananampalatayang walang paninindigan, walang pananagutan, at walang pakundangan sa kalikasan, sa kapakanang pangkalahatan.

Ang tawag dito sa Ingles ay “fiduciary faith,” na batay lamang sa damdamin, sa pansamantalang magagandang hangarin. Ito ang pananampalataya ng mga politikong handang isakripisyo ang paniniwala sa altar ng eleksyon at popularity ratings, at sa mga pragmatikong mga hangarin at adhikain. Ito ang pananampalatayang magandang kuhanan ng piktyur sa mga pray over kasama ng mga born again na panay ang hikbi at pikit at iyak sa prayer meeting sa entablado.

Pero nakita natin na may patunay at patibay si Samson at si Juan. Hindi lamang nagdiwang. Hindi lamang nangako, bagkus tinupad at iniaalay ang buhay para sa pangako.

Hindi natin kailangan ngayon ng fiduciary faith na walang kinalaman sa paggawa. Ang kailangan natin ay performative faith, isang pananampalatayang nakaumang sa kung ano ang tama at dapat.

Ang tama at dapat ay hindi ayon sa bugso ng damdamin. Hindi ito ayon sa iyak o sa tibok ng puso. Ito ay ayon sa kalooban ng Diyos, na nababatay sa desisyon, hindi sa lukso ng dugo. Ang pagiging katoliko ay hindi parang pagpunta sa cafeteria, na parang namimili ka ng putahe o parteng gusto mong paniwalaan. Hindi ito ukay-ukay na pipili ka at kukuha ng gusto mo at hindi mo papansinin ang ayaw mo.

Minsan sa ukay-ukay, sinuswerte ang tao. Nakakatiba, ika nga. Ang galing naman ng mga oportunistang katoliko na katoliko raw pero hindi katoliko ang ugali at saloobin. Paiikutin pa tayo sa mga salitang mababaw, tulad ng pro quality life raw sila, pero handang kumitil o pondohan ang saloobin at kaugaliang nagdudulot ng kultura ng kamatayan. Sinuswerte sila sa ukay-ukay.

Tapatin natin ang sarili. Ang buhay ay hindi ukay-ukay. Ang pananampalataya ay hindi isang eat-all-you want, at tapos ay itulak ang ayaw. Ito ay pakyawan, hindi ukay-ukay at utay-utay.

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 17, 2012 at 15:52

Joseph_and_Mary_76-15Ikatlong Araw ng Simbang Gabi (K)

Disyembre 18, 2012

Mga Pagbasa: Jeremias 23:5-8 / Mt 1:18-25

PANLASA AT LIWANAG; PATUNAY AT PATIBAY!

Pangatlong araw na. Puyat na marahil ang marami … pagod na. Sa maraming taon ko nang pagmimisa, alam kong sa ikatlo at ika-apat na araw, ay nangongonti ang sumisimba, liban sa mga nagpanatang tatapusin ang siyam na araw.

Magbalik-tanaw tayo. Sa unang araw, TIWALA at PANANAMPALATAYA ang ating paksa, sa kabila ng mundong tila pakawala. Kahapon, binigyang-diin natin ang diwa ng pinto ng pananampalataya. Dalawa ang sabi nating may hawak ng susing ito – ang Diyos at tayo mismo. Para mabuhay at magbunga ang pananampalataya, dapat nating buksan ang pinto ng puso at isipan natin, kung kaya’t pati ang pagsisimba ay dapat hindi lamang simbang tambay, simbang tabi, bagkus tunay na simbang gabi.

Ngayon, hindi lamang pinto ang pag-uusapan natin, kundi dalawang mahahalagang bagay tuwing magpapasko. Ang una ay ang asin.  Ang ikalawa ay ang ilaw. Ang asin at ilaw ay hindi puedeng mawala sa pasko. Ang asin ay sahog sa lahat ng ating handa sa pasko – mapa hamon, mapa spaghetti, at marami pang iba. Walang lasa ang pagkain kapag walang asin, at kung walang lasa ay halos hindi kinakain, ni pinapansin.

Ang liwanag naman ay bagay na lubha ring mahalaga. Hindi ito ang nakikita ng tao. Ang nakikita ng tao kapag may liwanag ay lahat ng naliliwanagan, hindi ang liwanag mismo. Sa madaling salita, ang lahat ay nakikita at napapansin kung magkaroon ng liwanag, pero ang liwanag mismo ay hindi natin napapansin, ni pinapahalagahan.

LASA at LIWANAG … Ito ang ating susing kataga sa ikatlong araw. Lasa … ang lasa ay patunay. Ito ang ninanamnam sa bibig. Ito ang bunga at patunay na may namamagitan sa pagkain at sa ating dila at bibig. Hindi lang patunay, kundi patibay – na nagiging dahilan upang hindi mabulok agad ang pagkain.

Nais kong imungkahi na ito ang ginampanan ni Jeremias. Siya ang nagpatibay sa pangakong darating: “Darating ang panahon,” aniya, “kung kailan magpapausbong ako ng makatarungang sanga sa angkan ni David.” Ano ba ang patunay na ang sanga ay may katuturan sa buhay natin? “Bilang hari, siya ay mamumuno at mamamahala nang may katarungan.”

Pangako itong hindi matabang, hindi malabnaw. May patunay, may patibay, may lasa at may katuturan. Lasap na lasap ni Jeremias, tulad ng salmistang nagwika: “Tikman at namnamin ang kagandahang loob ng Diyos.”

LIWANAG … may taong dilim, hindi liwanag ang dulot. Sa anumang samahan, mayroong taong kapag pumasok ay gumagaan ang puso at damdamin ng marami. Mayroon namang kapag sumama sa grupo, ay bumibigat ang damdamin ng marami … nangangamba, natatakot, nag-aatubili. Bakit? Sapagka’t wala silang kalinga, walang pag-iingat, mabigat ang mga yapak, at padalos-dalos ang paglalapat ng kanilang mga kamay. Sa Ingles, may tinatawag na “gentle presence” ang mga sikolohista. Hindi sila napapansin, o nagiging tampulan ng atensyon, ngunit, dahil sa kanila ay nakikita ng marami kung ano ang dapat mapansin at kagya’t nalalapatan ng atensyon.

Ito ang naging papel in San Jose. Banayad. Mahinahon. Mapagkalinga. Bagama’t nagduda, hindi niya iniwan si Maria. Ang kanyang pag-ibig ay tunay na may “pulp bits” ika nga. May bunga, may patunay, at lalung may patibay.

Dito ngayon papasok ang turo ni Papa Benito XVI mula sa PORTA FIDEI, o sa taon ng pananampalataya. Sabi niya, napakarami pa rin ang taong naghahanap at nag-aasam kay Kristo, sa Diyos, sa mga bagay na banal, at sa buhay na walang hanggan. Nguni’t ang suliranin ay ito … maaring ang tagapaghatid ng balita ay parang asin na wala nang lasa, parang ilaw na wala nang liwanag, walang bisa, walang tapang, at walang silbi.

Ito ang paghamon ngayon sa atin. Hindi daw katanggap-tanggap na ang asin ay mawalan ng lasa, at ang ilaw ay matago sa ilalim ng mesa. Bilang Kristiyano, tungkulin natin ang pagyamanin ang asin ng pagiging kristiyano at ang ilaw ng pagiging tagapaghatid rin ng magandang balita ng kaligtasan.

Huwag sana tayong manatili sa gilid, sa tabi, sa dilim, o sa walang sasapiting pahapyaw na pagkakilala sa ating pananampalataya. Gaya ng sinabi natin kahapon, nasa mga kamay rin natin ang susi ng pinto. Hindi kayang gawin ng Diyos ay ayaw mong gawin sa iyong ganang sariling kakayahan. God helps those who help themselves.

Bigyan nating bisa ang ating pagiging asin. Magpakita tayo ng bunga, patunay, at patibay. Bigyan nating liwanag ang ating mga ilawan. Hayaan nating ang lahat ng uri ng kadiliman ay mapawi ng liwanag ni Kristong ngayon ay nagsusumikap bumusilak sa ating pagkatao, sa ating buhay.

Hali! Pumasok na’t iwanan ang tagiliran, gilid o tabi ng simbahan. Sumali. Makilahok at makisangkot! Bilang asin, hubugin natin ang panlasa ng kapwa. Bilang liwanag, bigyan sila ng halimbawa ng kung paano ang maging patunay at patibay ng kagandahan at bisa ng magandang balita ng kaligtasan.