frchito

Posts Tagged ‘Paghahanda sa Pasko’

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

In Panahon ng Pasko, Propeta Malaquias, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 22, 2011 at 15:00

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 23, 2011

Mga Pagbasa: Mal 3:1-4.23-24 / Lucas 1:57-66

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

Gayak na sana akong mamuno sa isang pag-akyat muli sa bundok sa Benguet matapos ang Pasko, sa Mt. Pulag, ang ikalawang pinakamataas ng bundok sa Pilipinas, sunod sa Apo. Subali’t sa mga araw na ito, bukod sa sinapit ng mahigit isang libo sa Mindanao, at marami pang tumatangis at naghihirap, at sapagka’t pati sa hilagang Luzon ay tila wala pa ring tigil ang ulan, hindi angkop na kami ay sumuong sa panganib para lamang makipagniig sa kalikasang nagmamaktol, kumbaga.

Kinancela ko na ang aming lakad. At gagamitin ko na lamang ang panahon sa paghahanda para sa isang serye ng seminar na aking ibibigay sa Hong Kong sa unang Linggo ng Enero sa bagong taong darating.

Isang pagdadalisay ang proseso ng pag-akyat sa bundok. Bago pa man gawin ito, matinding preparasyon ang kinakailangan … pagbabawas ng timbang, pagsusunog ng taba, at pagsasanay ng buto at kalamnan upang mabata ang walang patid na tila pag-akyat sa walang katapusang hagdan patungo sa alapaap. Bukod sa rito, ang kasanayang umiwas sa mga balakid, sa mga natural na patibong saanmang dako, ang maging bihasa sa pag-iwas sa potensyal na mga panganib, lalu na ang kakayahang manguyabit at gumapang sa mga lugar na kung ikaw ay madulas ay isa ka nang estadistika pag-uwi, kung iuuwi ka ng mga kasama mo.

Ang pagdadalisay na ito ay mahirap. Mahirap magbawas ng timbang. Mahirap magpatatag ng mga kalamnan at kasu-kasuan. Mahirap magpawis at magbanat ng mga butong matagal nang napahinga sa trabahong mental ay trabahong laging nakaupo at nag-iisip.

Nguni’t tapatin natin ang sarili. Kailangan natin tuwina ng pagdadalisay. Kailangan natin ng walang tigil na pagpapanibago, walang katapusang pagsisikap maging higit pa, lampas pa, at lalu pang mahusay sa lahat ng aspeto ng buhay.

Ito ang isang tinutumbok ng unang pagbasa halaw kay Propeta Malaquias. May halong takot at pangamba ang mga larawang ikinikintal niya sa atin. “Sino,” aniya, “ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y nagpakita na?” Larawan ito ng sugong mananakop na magpapamalas ng tiyakang paglilinis, tiyakang paghahanda, at hindi isang larawan ng isang sugong patumpik-tumpik ang malamya sa paghahanda sa mga taong naghihintay sa kanyang pagdating.

Ito ang larawan ng isang sugong hindi patay-patay kumbaga, hindi urong sulong, at lalung hindi tila isang jellyfish na walang buto at walang kalasag na matigas at matibay.

Heto ang tinutumbok ni Propeta Malaquias. Ang sugong darating ay may mga hinihingi sa atin, may mga dapat tayong gampanan at gawin, at may mga dapat na mga alituntunin.

Hindi ito isang pasyal lamang sa Luneta o sa ilalim ng buwan. Ito ay may kinalaman sa tama at wastong pag-uugali at pamumuhay. At para marating ang wasto, ay dapat magdaan sa pagdadalisay.

Walang lantay na ginto ang hindi magiging puro at dalisay kung hindi manggagaling sa isang lantayan, sa isang proseso ng paglilinis, pagpapakabuti, at pagdadalisay. At alam nating lahat na ang lantayan ng ginto ay hindi lamang nakukuha sa ihip ng hangin. Hindi ito nakukuha sa simpleng pagtatahip, o pagpapahangin lamang tulad ng pinahahanginan ang bagong bayong palay. Ang lantayan ng ginto at pilak ay pinadadaanan ng matinding apoy, at tanging sa pamamagitan lamang ng apoy, nagiging dalisay at lantay ang ginto at pilak.

Ang ating bayan ay matagal nang nagdadaan sa matinding lantayan. Hanggan ngayon, tayo ay sinusubok at pinadadalisay sa maraming mga suliranin at problema, at mga trahedyang patung-patong. Sa makamundong pagkilatis, tila walang katuturan ang mga suliraning ito. Nguni’t sa mata ng Diyos, ang lahat ay may kabuluhan, may katuturan, may dahilan, at may patutunguhan.

Tumatangis ang marami ngayon sa trahedyang naganap sa Mindanao. Tumangis na tayo di lang miminsan sa Ondoy at Pepeng, sa Marikina at sa Bulacan, at sa marami pang lugar na binisita ng matinding trahedya. Di man tayo natuto sa una, sa ikalawa, sa ikatlo, o sa mga susunod pa, malinaw sa mata ng pananampalataya na tayo ay dapat magising, tayo ay dapat matuto, at tayo ay dapat tumalima sa kalooban ng Diyos. At walang dalisay na ginto at pilak na hindi hinulma sa lantayan sa pamamagitan ng matinding init at apoy ng pagdadalisay.

Dangan nga lamang at hindi apoy ang dumadalisay sa atin, kundi sunod-sunod na baha. Pero iisa ang dapat nating matutunan sa lahat ng ito. Tinatawagan tayo sa isang panibagong buhay. Tinatawagan tayo upang matutong sumunod, matutong maging maka-Diyos, at matutong iwaksi ang lahat ng uri ng kabuktutan, kaswapangan, at panlalamang sa kapwa tao.

Maliwanag na matinding liksiyon ang naghihintay sa atin – ang iwaksi ang pagbebenta ng lupa sa mga alam na nating lugar na daanan ng tubig, ng mga lugar na hindi dapat tinatayuan ng mga bahay. Maliwanag na dapat nating matutunan na ang puno ay hindi na basta na lamang at sukat at walang habas na tinatabas at pinatutumba, para lamang sa ikayayaman ng kaunti. Maliwanag rin na dapat nating tanggalin sa puwesto ang mga namumunong tampalasan at silang pasimuno sa lahat ng uri ng panggagahasa sa kalikasan. Maliwanag rin na ang buhay ng tao ay dapat natin pahalagahan, at hindi itrato bilang animal, bilang insekto na puede paglaruan ng mga banyagang ang tanging pakay lamang ay panatiliin ang level ng kanilang luho at pansariling kapakanan.

Maraming liksyon … sanlaksang aral … sandamakmak na pawis at luha ang kailangan. Wala tayong ibang daan liban sa daang tinahak ng Mananakop. Ang daang ito ay tila daan ng parang apoy na nagpapadalisay, hindi lang sa bakal, kundi sa kabuuan ng ating pagkatao.

Halina, Panginoon, at papadalisayin kaming lahat, ayon sa iyong anyo at wangis!

KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN; NAMUMUHAY AYON SA TUNTUNIN

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 18, 2011 at 07:10

Simbang Gabi, Ika-apat na Araw
Disyembre 19, 2011

Mga Pagbasa: Hukom 13:2-7.24-25 / Lucas 1:5-25

KALUGUD-LUGOD SA PANINGIN; NAMUMUHAY AYON SA TUNTUNIN

Maraming tao ang naantig ang puso at damdamin sa isang video na nagpatanyag kay Lola Cevera, isang palimos na araw-araw nagtutulak ng kanyang kariton at nabubuhay sa kusang anumang ibigay ng sinumang makapansin sa kanya. Sa loob ng ilang araw, parang isang matinding mikrobyo o virus sa facebook ang video na naipaskil tungkol kay Lola.

Tunay na kalugud-lugod sa paningin, bagama’t nakapanlulumo nating isipin at limiin. Matay nating isipin, ilang daan, ilang libo kayang Lola Cevera ang naglipana sa mga lansangan, na tulad niya, ay kailangang hindi lang kaawaan, bagkus tulungan? Ilan kayang matanda na dapat sana ay nagpapalubog na lamang ng araw sa katahimikan at konting luho, ang nagkakayod pa rin, sa bawa’t araw na ginawa ng Diyos?

Nakapanlulumong isipin … nakatatakot mabatid at malaman natin. Ang totoo kung minsan ay hindi lang masakit … mapanuot rin, at mapagsuri … tumitimo, hindi lang sa puso, kundi pati sa kalamnan at kasu-kasuan ng taong handang humarap sa totoo.

Panalangin kong ang bayan natin ay makapansin, hindi lamang kay Lola Cevera, kundi, pati sa lahat na ikinakatawan ng kahinaan, kawalang-kaya, at kasalatan ni Lola Cevera.

Tumbukin natin agad ang masakit na katotohanan … dalawang uri ng tao ang mahina, walang kaya, at walang kalaban-laban sa mga malalakas, matitikas, matipuno, at walang pansin sa tunay na kahalagahan ng tao – ang matatanda (tulad ni Lola Cevera) at ang mga bata, lalu na ang hindi pa isinisilang!

Pero tingnan muna natin ang kwento ng ebanghelyo. Tinutumbok nito ang dalawang matanda, na nagpapalubog na ng araw … si Zacarias at si Elisabet. Dapat sa dalawa ay naka-upo na lamang sa tumba-tumba, habang nanonood sa pagdaloy ng panahon at pagtakbo ng mga nagaganap sa kapaligiran. Dapat silang dalawa ay wala nang inaalala, wala nang pinoproblema, at wala nang dapat pang alagaan at panagutan.

Pero, ibahin natin ang mga taong “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” Ibahin natin ang taong may takot sa Diyos. Ibahin natin ang dalawang matandang, mayroong tunay na pinagtandaan, at tunay na may pananagutan.

Bagama’t matanda, sila ay may dangal at pananagutan, may pinanghahawakan … may tinutupad at pinaglilingkuran, … may pagpapahalagang pinangangalagaan.

Dalawa silang matanda na hindi lang matandang walang silbi. Ayon kay Lucas, hindi lamang sila “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, kundi namumuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon.”

At ito ay hindi lamang isang press release o pakawalang scoop sa mass media. Hindi lamang ito isang viral video na dahil sa isang may kayang nagpaskil ng video, ay natanghal at nakilala ng balana.

Tingnan natin kung ano ang kanilang ginawa. Inatangan pa sila ng Diyos ng isang pananagutan. Naglihi si Elisabet sa kanyang katandaan. Naging abalang ama si Zacarias sa kanyang kahinaan. Sa kanilang dapat sana’y panahon na ng pamamahinga, muli pa silang tinawagan ng Diyos, muli pang inaasahan, muli pang inatangan ng pananagutan – ang maging ama at ina ni Juan Bautista.

Paano na lang ang kanilang retirement? Paano na lang ang kanilang inipong pera sa bangko? Paano na lang kanilang pangarap na makabili ng condominium sa tabing dagat, sa Nasugbu, o sa Palawan kaya? Paano na lang ang inaasam sana nilang pagpapasasa sa sarili, tutal sila naman ay retirado na? at nakapangahoy na kumbaga?

Paano na lamang ang pag-aalaga ng isang bagong “asungot” sa buhay? Paano kaya nila itataguyod ang isang batang kailangan pasusuhin, kailangang arugain, kailangan paramitin at pakainin at pag-aralin? Ang lahat ng mga tanong na ito ay hindi biro, hindi isang nakatatawang pansing video, na matapos mapanood ay wala nang kinalaman sa buhay ng nakakita!

Ang mga pangambang ito ay walang iniwan sa pangamba ngayon ng mga tao, kung kaya’t sang-ayon silang kitlin ang bawat buhay na nabubuo sa sinapupunan … sobrang dami na raw ang tao, sobrang dami na raw ang mahirap, sobrang dami na ang nag-aagawan sa yaman ng mundo, at dapat pigilin na ang tao sa pag-aanak at pagpaparami. Hindi tamang sila ay lumabas at mabasa at baka dumaming parang gremlins.

Isipin natin sandali … Kung si Zacarias kaya’y nakinig sa Senate investigation, o nakinig sa mga maka-kaliwang mga mambabatas, o sa mga madadamot at masisibang makapangyarihan na ayaw ibahagi ang kanilang yaman, matutuloy kaya ang drama ng kaligtasan? May dahilan ba kaya tayong magtipon tuwing simbang gabi at patuloy na umasa?

Dalawang bagay ang malinaw na liksiyon ng matandang tulad ni Lola Cevera, Zacarias at Elizabet, at ng mga walang kayang musmos, o batang nabubuo pa lamang sa sinapupunan … pawa silang mahalaga sa Diyos. Kalugud-lugod sila sa paningin ng Diyos. Nguni’t may ikalawang dapat tayong bigyang pansin … hindi sapat ang pa-cute … hindi sapat ang puro porma, at grandstanding tuwing Senate investigation o kampanya tuwing eleksyon … hindi sapat na kalugud-lugod tayo sa paningin ng tao. Dapat rin tayong kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, at higit sa lahat, tulad ni Zacarias at Elizabet, na sa halip na maupo na lamang sa balconahe at uuga-uga sa tumba-tumba, ay nagbanat-buto pa, nagsikap pa, at nakipagtulungan pa sa Diyos, at namuhay ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon.”

Halina! Bumangon at gumising. Bata man, matanda, buhay na o binubuo pa sa tiyan, o uugud-ugod nang tulad ni Lola Cevera, ang lahat ay tinatawagan sa buhay na mahalaga at hindi natutumbasan ng anumang makamundong bagay na labag sa utos at tuntunin mula sa Panginoon.