frchito

Posts Tagged ‘Panahon ng Pagdating’

BUKAS-LOOB NA PAGKAKALOOB

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 21, 2010 at 15:55

Ika-7 araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 22, 2010

Ang pinagkalooban ang siya ngayong nagkakaloob … si Ana, nagsumamo sa Diyos sa pamamagitan ni propeta Eli, upang pagkalooban siya ng supling. Nguni’t sa pagkakataong ito, sa kabatirang ang kanyang sanggol na si Samuel ay bunga ng pagkakaloob ng Diyos, nakuha niyang bumalik muli sa templo at di lamang magpasalamat, kundi magkaloob sa kanyang una sa lahat ay nagkaloob sa kanya at tumugon sa kanyang taimtim na panalangin.

Bilang isang educador, at tagahubog ng kabataan … bilang isang guro sa nakaraang 33 taon (at patuloy pa ring nagtuturo), alam ko kung ano ang hugis, kulay, amoy, at anyo ng pasasalamat. Nakita ko ito sa mga nagdaan sa aking silid aralan noong ako ay 20 anyos pa lamang, noong ako ay isang tila inosenteng brother na nagtuturo ng katesismo sa Barrio Mabato, sa Barrio Bunggo, sa mga lugar, na ika nga nila noong araw, ay singko sentimos na lamang, ay langit na!

Nakita ko ito sa mga seminaristang nagdaan rin sa aking silid aralan noong 1977, noong 1983, at magmula 1992 hanggang 2002. Nakita ko rin ito sa mga estudyante ko sa high school noong 1986 hanggang 1990, at mga kasama kong naglakbay sa Pamayanang Kristiyano sa Roma, noong taong 1990-1992, at mga parokyano sa Dundalk, Baltimore, noong 2003 hanggang 2005!

Dama ko ang pasasalamat at pagpapahalaga ng tao, saan man, kailan man. Dama ko ito sa mga regalo nilang isang pares na medyas tuwing pasko sa Mayapa noong ako ay brother pang payat at gusgusin. Dama ko rin ito sa mga maliliit na halaga nilang pakipkip maging sa Dundalk, at higit na mahahalaga nilang kontribusyon sa aking pag-aaral sa Virginia, USA, maging sa aking pilgrimahe kamakailan patungo sa mga lugar kung saan tumahak si San Pablo sa Grecia, sa Turkia, at sa Israel.

Nakita ko ito kamakailan kay Tim Tebow, ang tanyag na star player ng football sa America. Noong siya ay nasa sinapupunan pa ng kanyang Ina, na isang misyonarya noon sa Pilipinas, pinayuhan ang nanay niya ng mga duktor na ilaglag si Tim. Hindi sumunod ang magulang niya. Siya ngayon ang poster boy ng pasasalamat sa kadahilanang kung siya ay inilaglag, ay hindi rin siya magiging tanyag na manlalaro ngayon.

Nakita ko ito kay Angela, na anak ng isa kong dating estudyante sa High School. Nang siya ay ipinagbubuntis pa, ganuon din ang ipinayo sa kanyang mga magulang. Hindi nila ginawa. Hindi sila namili. Nagdesisyon silang sumunod na lamang sa kalooban ng Diyos. Ngayon, ang bata ay napaka biba, napaka-talino, at napakaganda!

Tulad sa kwento ni Maria, tulad rin sa kwento ni Ana, mayroong mahalagang liksyon para sa atin sa araw na ito. At ang buod nito ay nasa katagang LOOB … ang kaibuturan ng lahat ng katotohanang may kinalaman sa yaman ng ating pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang LOOB ang kumakatawan sa kabuuan ng pagkatao natin. Ang LOOB rin ang kumakatawan sa kabuuan ng pagka-Diyos ng Diyos. Ang Diyos na ang katangian ay magbahagi ng kanyang LOOB, ay siyang nagkaloob sa kanyang bugtong na Anak, na si Jesus. Siya rin ang nagmagandang-loob kay Ana. Siya rin ang nagkaloob ng kung ano ang kinakailangan ng talubatang si Maria, na naglihi, nanganak, at tumawag sa kanyang anak bilang Emmanuel, Jesus, Diyos na nagliligtas.

Magaan ang kalooban ko tuwing may nagbabalik na dating estudyante. Nakatataba ng puso kapag may nagmamagandang-loob at nagkakaloob ng tunay na niloloob – ang pasasalamat. Bagama’t hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyon, nakapagpapagaan ng mabigat na trabaho, at nakapagbibigay lubay ng kalooban, marami man ang problema at hilahil.

Dalawang babae ngayon ang tampulan ng ating pagninilay … dalawang babaeng marunong tumanaw ng utang na loob … dalawang babaeng pinagkalooban ng biyaya, na ngayon ay nagkakaloob ng luwalhati, at nakapagbibigay halimbawa sa lahat ng taong may mabubuting kalooban!
Sa ikapitong araw ng Simbang Gabi, hindi sama ng loob ang paksa natin, kundi kabutihan at kagandahang-loob. At ito ay dahil sa dalawang babaeng, nagkusang-loob, nagmagandang-loob, at nagkaloob ng papuri at pasasalamat sa Diyos na nagkaloob ng lahat sa kanyang mahal na bayan. Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa lahat ng taong may mabuting kalooban!

ALAY, ALAB, LAGABLAB

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 21, 2009 at 07:14

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 22, 2009

Mga Pagbasa: 1 Samel 1:24-28 / Lucas 1:46-56

Si Hannah ay larawan ng lahat ng ina sa mundong ito na nag-aalab ang puso para sa kanilang anak. Walang anak na hindi kaaya-aya para sa kanyang sariling ina. Walang anak na hindi ipinag-aalab ng puso ng kanyang sariling ina. At walang ina na hindi naglalagablab ang damdamin sa pagmamalasakit sa kanyang anak.

Hindi naiiba si Hannah sa bagay na ito. Tulad ng isang mapagkalingang ina, inaraw-araw niya marahil si Eli upang ipag-alay sa templo ang kanyang anak at upang mapaanyo kumbaga ang kanyang kinabukasan. Bilang isang asawa at maybahay, inasam niya na magbunga ang kanyang sinapupunan. At ang kanyang maalab na dasal ay nagkabunga sa pagsilang ng isang bata.

Inaraw-araw niya rin ang templo sa naglalagablag na kagustuhang magka-anak. Ang kanyang pag-aasam na ito ay binendisyunan ng paring si Eli na naghulang siya ay pagkakalooban ng Diyos ng pinakamimithing anak.

Ang maikling mga linya natin na halaw sa unang aklat ni Samuel ay ang naganap matapos magkatotoo ang hula ni Eli. Matapos ang maraming taon, bumalik si Hannah sa templo sa Shiloh. Hinanap muli si Eli at sa kanya ay nagtapat: “Ako ang tumabi sa inyo at humiling ng isang anak. Narito siya ngayon, at handa ko siyang ipagkaloob sa Panginoon habang buhay.”

Tuwing darating ang Pasko, para bagang nabubuksan ang puso ng maraming tao. Lumalambot kumbaga … nagiging maamo, mabait, at mapagbigay ang lahat. Bagama’t dumarami ang nangongotong na mga pulis, at biglang bumabait ang mga basurerong tuwing Pasko ay biglang nagsisipag (magbigay ng envelop sa mga bahay-bahay!), hindi maipagkakaila na mas mapagbigay ang lahat, mas bukas ang palad, at mas madaling mag-pasensya sa kapwa.

Pero ito ang problema … pagdating ng mga unang linggo ng Enero, kapag tapos na ang mga party at ubos na ang budget, balik tayo lahat sa dating ugali. Wala na namang basurerong nangongolekta ng basura, at natutulog na muli ang mga guardia, na noong simbang gabi ay busyng-busy sa pamumudmod ng envelop. Ang mga public servants (politico) ay hindi na naman makita sa kapitolyo at ang mga mayor ay wala nang inaatupag kundi ang susunod na halalan.

Kakaiba si Hannah. Sino sa atin ang makapagsasabing matatandaan ni Eli ang pangako ng babaeng si Hannah? Sino sa atin ang makapagsasabing ang binitiwang pangako ni Hannah ay hindi na dapat tuparin sapagka’t isa iyong pangakong binitiwan noong siya ay nag-aasam magka-anak? Ilan sa mga pangako ng mga politico ang tunay nilang tinupad? Ilan ang mga pangako natin ang tunay nating pinagsikapang gawing makatotohanan?

Balik tayo sa buhay ni Hannah. Nag-asam, nag-alab ang puso para sa isang pinamimithing anak. Nag-alay, nagkaloob, at nagsakatuparan ng kanyang panalangin ang Panginoong Diyos. Naganap ayon sa kanyang nasa, sa biyaya ng Diyos.

At ito ang magandang balita para sa atin. Pagkaraan ng 12 taon, nagbalik si Hannah at nagtapat kay Eli: “ako ang tumabi sa inyo at nanikluhod.” Nagbalik ako upang ipagkaloob ang aking anak sa Diyos.”

Nagbalik si Hannah upang magpasalamat. At ang kanyang pasasalamat ay kung ano rin ang kanyang tinanggap. Ang kanyang pasasalamat ay katumbas rin ng alay ng Diyos sa kanya. Ibinalik niya sa Diyos ang kanyang ipinagkaloob, kung kaya’t nakuha niyang sabihin kay Eli: handa akong ialay siya sa Panginoon.

Pahimakas ni Abraham? Tumpak … Isang pahiwatig tungkol sa nag-aalab ring kaloob ni Maria at ni Jose? Tumpak. Nang mawala si Jesus noong 12 taong gulang sa templo, niyurakan ang puso ni Maria ng tugon ng bata: “Di ba’t dapat ay ginagampanan ko ang gawain ng aking Ama?” Masakit man sa damdamin ni Maria, ay tinanggap niya. Isa itong pasakit na muling mauulit sa paanan sa krus, sa kanyang sukdulang pag-aalay ng sariling anak hanggang sa kamatayan sa krus.

Malimit na ang ating ma kaloob ay may kawit. Nagbibigay tayo sapagka’t naghahanap tayo ng kapalit. Naghihintay tayong pagkalooban din ng higit na malaking regalo, higit na mahalaga.

Sa araw na ito, dalawang babae ang nagtuturo sa atin ng kung paano magpasalamat. Bukal sa puso, bukas ang loob, at lubos ang nag-aalab na pag-aalay ng kasukdulan. Walang sukat. Walang pakipot. Walang hele-hele at walang hangganan … tulad ng panalangin ni Maria sa ebanghelyo ayon kay Lucas. “Nagbubunyi ang aking kaluluwa sa kadakilaan ng Panginoon … ang aking espiritu ay nagagalak sa aking tagapagligtas.”

Ano ang maipagkakaloob natin sa Panginoong nagkaloob ng lahat? Alay na maalab, at pag-ibig na naglalagablab, tulad nang kay Hannah .. . tulad nang kay Maria.