frchito

BINYAG, BANSAG, BUNYAG, BUNYI!

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagbibinyag kay Jesus, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Enero 12, 2008 at 10:07

KAPISTAHAN NG PAGBIBINYAG KAY JESUS
Enero 13, 2007

Mga Pagbasa: Is 42:1-4,6-7 / Gawa 10:34-38 / Mt 3:13-17

Binibigyang-wakas ng kapistahang ito ang panahon ng kapaskuhan. Bukas ay magsisimula na naman tayo sa karaniwang panahon. Pero sa ating bayang Pilipinas, laging may huling hirit, may pahabol, may dagdag … Sa susunod na Linggo ay kapistahan naman ng Santo Nino, ng Banal na sanggol na si Jesus. Malaking pagdiriwang ang magaganap sa maraming lugar sa buong kapuluan, lalu na sa Aklan, Cebu, Tondo, at marami pang lugar.

Sa ating pang-unawa, ang Binyag ay hindi lamang pagkakaloob ng pangalan. Ito ay isang pagkakataon upang itanghal ang isang bata o tao sa daigdig. Ito ay isang pagpapasinaya sa isang pangarap, sa isang hangarin, sa isang panagimpan, o layuning marangal.

Subali’t may isa pang kahulugan para sa atin ang pagbibinyag … ang pagbabansag. Ang binibigyang pangalan o binibinyagan, kalimitan ay binabansagan din. Kung ano ang tawag ay siyang turing. Kung ano ang turing ay siyang pagkakilala sa binabansagan. May mga pagkakataon na ang bansag ay hindi maganda, hindi kaaya-aya. Nguni’t sa higit na nakararaming pagkakataon ay may kinalaman sa pinaka maganda, pinaka mabuti, at pinaka kaaya-aya sa isang tao.

Si Jesus ay nabansagan din. Tinawag siyang Nazareno. May halong pangungutya at panliliit at panlalait sa bansag na iyon. “Ano bang magaling ang puedeng manggaling sa Nazaret?” Pero mayroon ring bansag na puno ng paghanga, puno ng paggalang … tulad ng bansag ni Juan Bautista na nagsabing “tingnan ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.”

Subali’t ang pagbibinyag ay isa ring pagbubunyag … Sa binyag ni Jesus ay nabunyag kung sino siya: “ito ang pinakamamahal kong anak, na lubos kong kinalulugdan.” Nabunyag sa binyag, hindi lamang kung sino siya, kundi pati na rin kung ano siya at ano ang pangarap ng kanyang Ama para sa kanya.

Sa kanyang binyag, si Jesus ay nabansagan. Sa kaniya ring binyag, si Jesus ay nabunyag. At ang natunghayan ng mga tao ay kung ano siya at sino siya: Anak ng Diyos, manunubos, kordero ng Diyos, tagapagligtas, tagapagpagaling, tagapangaral, at marami pang iba.

Nabunyag sa binyag, hindi lamang bansag kundi ang kaganapan ng kanyang pagkatao at pagka-Diyos.

Narito ang susi ng isang malawak, tumpak, at malalim na pagkaunawa kung sino si Jesus. Dito sa pagkakataong ito binigyang pasinaya ng Diyos Ama mismo ang tungkulin at misyong ipinagkaloob sa kanyang bugtong na Anak. Dito natin natunghayan ang isa sa mga pangunahing pagpapakilala ng Diyos sa sanlibutan. Dito naganap ang hiwaga ng Epipaniya o Pagpapakilala ng Diyos sa sanlibutan, kasama ng pagdalaw ng mga Mago at ang unang himala ni Jesus sa Cana ng Galilea.

Nguni’t lubhang kailangan na atin ring tunghayan kung ano ang tungkulin ng taong pinagpakilalanan. Dapat natin tingnan kung ano ang pananagutan ng tao na pinagpahayagan ng Diyos. Kung sa kanyang binyag ay nabunyag kung sino siya para sa atin, Manliligtas, Panginoon, Mananakop, at Tagapamagitan sa Ama, isang malaking katanungan kung ano at paano ang pagtanggap natin sa kaniya.

Malinaw ang halimbawa ni Juan Bautista. Hindi lamang siya naghanda para sa kanyang daraanan at matapos maghanda ay lumisan. Bukod sa paghahanda ay aktibo siyang nagturo at nangaral: “Hayan ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Hindi lamang ito … ang buong buhay niya ay naging isang alay. Ibinuwis niya ang kanyang buhay bilang patotoo. Nagpatotoo siya at nagpaka-totoo. Tulad ng Diyos Ama, naging saksi siya at nagbunyag kung sino si Jesus para sa kanya.

Ang kanyang pagbubunyag ay nauwi sa pagbubunyi, sa pagsamba, sa pagpapatotoo.

Sa kasulatan, lahat ng napagbunyagan ay nagbunyi. Si Elizabeth na napagbunyagan ng dakilang pag-ibig ng kanyang pinsang si Maria na napagbunyagan rin ng anghel Gabriel, ay nagbunyi: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan.” Maging ang matandang mag-asaw ni Simeon, nang nabunyag sa kanya ang bagong silang na sanggol, ay nagbunyi: “Sapagka’t nakita ng aking mga mata ang kaligtasan …”

Hindi mahirap makita kung ano ang tinutumbok nito. Simple lamang. Malinaw na may koneksyon ang binyag, ang bansag, ang bunyag, at ang matimyas na pagbubunyi. Sa araw na ito kung kailan ginugunita natin ang pagbibinyag, at pagbabansag kay Jesus, nabunyag rin naman sa atin kung sino siya at ano siya sa ating buhay – Panginoon at Tagapagligtas.

Ang kabatirang ito ay nauuwi sa iisang bagay na angkop at nararapat sa harapan ng isang tinaguriang “kordero ng Diyos” na “nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” – ang ipagbunyi siya at papurihan, dinggin at itanghal sa dambana ng puso natin lahat … sapagka’t siya ang lubos na kinalulugdan ng Ama.

Papuri sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo, kapara noong unang-una, ngayon, at magpasawalang hanggan. Amen.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: