Ikatlong Linggo ng Adviento – Taon B
Disyembre 14, 2008
Mga Pagbasa: Is 61:1-2a, 10-11 / 1 Tesalonika 5:16-24 / Juan 1:6-8, 19-28
Si Isaias ang isa sa mga bida sa telenobela ng Adviento. Isa pa, at lalung higit, si Juan Bautista. Tumulak si Juan, ayon sa ebanghelyo, mula sa balak ng Ama. “Isang nagngangalang Juan ang sinugo ng Diyos … Naparito siya upang magpatotoo, ang magpatotoo sa liwanag, upang ang lahat ay maniwala sa pamamagitan niya.”
Alam natin ang kinasadlakan ng bayang naghahanap at naghihintay sa Mesiyas – ang lusak ng kasalanan at kamatayang bunga nito. Alam natin ang pinakaaasam ng madla na nakatunghay sa nakamamanghang ginawa ni Juan Bautista. Si Juan Bautista ay hindi katumbas ni Manny Pacquiao – tanyag kahit saang dako ng daigdig lalu na ngayong umuwi siyang hatid na naman ang isang malaking karangalan para sa ating bayan. Si Juan Bautista ay hindi kilala. Tago ang buhay na kanyang tinahak … sa ilang. Pagkaing mahirap ang kanyang lamang tiyan – balang at pulut-pukyutan, kahit ano na lamang na masumpungan sa disyerto.
Nguni’t pinagkalipumpungan siya ng mga katumbas ng mga kapuso at kapamilyang mga tagapaglathala. “Ikaw ba ang Cristo? … Ikaw ba si Elias? … Ikaw ba ang propetang pinakahihintay?” Malutong na “hindi” ang sagot niya sa mga tanong na sunud-sunod at susun-suson. Hindi … Sapagka’t siya, aniya, “ay isang tinig sa ilang na humihiyaw: Ihanda ang daraanan ng Panginoon.”
Ang sugo ay hindi nag-asam ng hindi para sa kanya. Ang mensahero ay hindi nagbuhat ng sariling bangko o nagyabang. Buong kababaang-loob niyang idineklara: “Hindi man lang ako karapat-dapat magkalas ng tali ng kanyang sandalyas.”
Nguni’t ang kanyang balita ay siyang pinakaaasam ng maraming dantaon na … ang kanyang itinuturo ay walang iba kundi ang pinakahihintay ng maraming salinlahi magmula nang masadlak ang bayang pinili sa lusak ng sari-saring uri ng kamatayan.
Ito ang buod ng patuloy nating salaysay sa Adviento at sa buong taong liturhiko. At kung mayroong musikang dapat sumaliw sa salaysay na ito, ay isang himig na nag-uumapaw ng galak ang dapat na tema. Galak ang buod ng mga pagbasa ngayon. Galak ang bumungad sa ating tainga sa introito sa pagpasok: “Magalak sa Panginoon tuwina … Muli kong sinasabi … magalak, sapagka’t malapit na ang Panginoon!”
Bakit nga ba? Ano ba ang dahilan at tayo ay tinatawagan sa kagalakan? Ano ba ang nagtutulak sa atin upang umahon sa lusak ng kalungkutan at kawalang-pag-asa?
Tuntunin natin sa mga pagbasa ang hibla ng kagalakang ito … Una, ito ang sinasaad sa pagbasa mula kay Isaias … “Ang Espiritu ng Panginoon ay nagtulak sa akin, aniya, upang maghatid ng magandang balita sa mga dukha …” Ito ang hula ni Isaias na nagtulak sa bayan ng Diyos upang umahon mula sa lusak ng kalungkutan. Ito ang naging dahilan upang ang nakatutunghay at nakababatid ng balitang ito ay nakukuhang magdasal tulad ng ating tugon matapos ang unang pagbasa: “Nagagalak ang aking Espiritu sa aking Diyos.”
Ito rin ang nagtulak kay Pablo upang magwika nang buong tatag: “Magalak tuwina … Magdasal nang walang patid. At sa bawa’t sandali ay magpasalamat.” … “Ang tumatawag sa inyo ay tapat … siya rin ang maghahatid sa inyo upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang pangako.”
Galak na galak na naman ang bayang Pinoy. Umuwi ang pambansang kamao nang may pasalubong na malaking karangalan para sa ating nanlulupaypay na pagpapahalaga sa sarili. Mababa ang tingin ng buong mundo sa atin. Hindi sila naniniwala sa ating mga diploma na nabibili sa Recto o Legarda. Hindi sila naniniwala sa mga sertipiko na galing sa ating bansa sapagka’t lahat ay napepeke. Hindi sila kumbinsido sa ating mga protesta, sapagka’t totoo namang ang ating bayan ay pinamumugaran ng mga mandarambong at mandarayang mga politikong hindi maruong tumanggap ng pagkatalo. Hindi sila naniniwala sa resulta ng eleksiyong sa mula’t mula pa ay nabahiran na ng lahat ng uri ng kadayaan at karahasan.
Nguni’t hindi nila maipagkakait ang karangalang hatid ng isang simpleng tao na nakarating sa rurok ng tagumpay sa pamamagitan ng sariling sikap at tiyaga, pawis, at pasakit sa sarili. Malinaw na malinaw ang panalo ni Pacman. Malinaw na malinaw ang kanyang pagtitiwala, una sa Diyos, at pangalawa sa kanyang sarili.
Ang kagalakang ito ay mainam. Nguni’t hindi lamang ito ang kagalakang tulak ng liturhiya ngayon. Ang galak na dulot ng magandang balita sa araw na ito ay bunga ng malalim at mas makapangyarihang tulak ng Espiritu Santo. Ito ang parehong tulak na binabanggit ni Isaias. Ito rin ang tulak tungo sa kagalakan na sinasaad ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Payo niya sa atin, na huwag siphayuin ang Espiritu. Tagubilin niya na ating pakinggan, pakiramdaman, at suriin ang tulak na ito ng Espiritu. Hindi lahat ay maghahatid sa tunay na galak. Hindi lahat ay magdudulot ng wagas na kaligayahan. Ani Pablo, dapat daw nating subukan ang lahat, ngunit dapat lang natin hawakan ang pawang mabuti at umiwas sa dilang masama.
Masaya ang mga nakakaisa sa kapwa. Masaya ang mga nakapanlalamang sa ibang tao. Malaki ang kita ng mga masisiba at madadaya. Malayo ang mararating ng mga hindi tapat sa sarili, sa Diyos, at sa kapwa. Nakabibili sila ng magagara at malalaking bahay saanman nila masintahan. Nguni’t ang halimbawa ni Juan Bautista ay nagtuturo sa isang mahalagang katotohanan … ang wagas at tunay na galak ay wala sa mga bagay na material, bagkus, makikita sa pagtalima sa tulak o inspirasyon na mula sa Diyos.
Ito ang tulak ng ating liturhiya sa araw na ito. At ang tulak na ito ay naghahatid sa tunay na galak, galak na hindi maipagkakait ninuman sa sinumang ang puso at damdamin ay nakatuon sa Diyos na Siyang tanging simulain at bukal ng kagalakan.
Maging masaya tayo sa pagwawagi ni Pacman. Subali’t maging puno nawa tayong lahat ng galak sa dakila at walang kapantay na pagwawagi ng Diyos para sa atin – ang kanyang pagdating at pagliligtas na siyang balitang tulak ni Juan Bautista. Ni hindi siya karapat-dapat na magkalas ng sintas ng sapin sa paa ni Jesus. Ni hindi niya nakita at natunghayan ang bunga ng kaniyang balitang naging sanhi ng kaniyang maagang pagkamatay sa kamay ni Herodes.
Siya ang bida natin sa buong panahon ng Adviento. Mula sa lusak ng kamatayan, ang kanyang tulak at dulot sa atin ay walang iba kundi galak. Magalak. … Magalak … Nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.