Ikalawang Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 17, 2008
Mga Pagbasa: Gen 49:2.8-10 /Mt 1:1-17
Salin-salin ang lahing binabanggit sa ebanghelyo ngayon ni Mateo. Parang walang katuturan, walang kahulugan … Ano ba ang kinalaman ng angkan ni Jesus sa ating buhay ngayon? Ano ba ang mahihita natin sa kaalamang pasalin-salin ang lahi na siyang pinagmulan ni Kristong Panginoon?
Isa itong palaisipan sa atin sa tuwing darating ang Pasko. Nguni’t kung ang Salita ng Diyos ay kinasihan ng Espiritu Santo, at walang nalimbag liban kung ito ay mula sa Diyos, may malaking kahulugan ito sa atin magpahangga ngayon.
Ito ang paghamon ng kahulugang naghihintay sa atin. Ito ang nararapat nating siyasatin ngayon upang kumbaga’y mabuksan ang susi ng kapalinawagan.
Kung ating pagtatabihin ang dalawang pagbasa, ang diwang malinaw na lumilitaw ay may kinalaman sa malasakit. Malaki ang malasakit ni Jacob (Israel) sa kanyang anak na si Juda. Kung kaya’t habang may lakas pa siya ay pinagtagubilinan na niya si Juda kung kanino niya binitiwan ang isang pangako at hula ng isang matingkad na kinabukasan … “Ikaw Juda ay pupurihin ng iyong mga kapatid.” Alam natin sa ebanghelyo ni Mateo na binasa rin natin na si Juda ay ang angkang pinagmulan ni Haring David, na siya ring pinagmulan ni Jesus.
Ito ay natupad ng isilang si Jesus na mula sa angkan ni David. Si Jesus ang siyang itinanghal na “anak ni David,” tulad ng sinabi ng bulag na nagwika sa kanya, “Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin.”
Nakakainip ang listahan ng mga pangalang binasa natin. Salin-salin ang lahi, nguni’t hindi bitin. Hindi singaw si Kristo. May pinagmulan siya … may pinanggalingan. At iisa ang katotohanang tinutumbok ng lahat ng ito. Ang pag-ibig, katapatan, at pangako ng Diyos ay hindi “short-time” lamang, hindi bitin. Ang katapatan ng Diyos ay susun-suson … salin-salin,sapin-sapin, dugtong-dugtong, sunud-sunod … nakahanay … magkakawing-kawing … magkarugtong … walang patid … salin-salin, oo …nguni’t hindi bitin!
Kawing-kawing at sali-salimuot ang ating mga suliranin sa mundo. Walang lagot, walang patid, tila walang katapusan. Ang masamang balita na gumugulantang sa atin ay tila walang hangganan … tulad ng telenobela … iyakang walang patumangga … sampalang walang katapusan. Nguni’t sa kabila ng kawing-kawing na problemang bumabagabag sa atin, tila wala tayong natatanaw na wakas, walang tuldok sa pinapasan ng tao.
Para sa mga may edad na, balik-isipin natin ang nakaraan. Ilang beses tayo nag-people power? Ilang beses tayo nag-rally at naghumiyaw sa Mendiola, sa EDSA, at sa Liwasang Bonifacio? Ilang pagkakataon tayo nagpalahaw sa Luneta upang gulantangin ang konsiyensiya ng bayan o ng pamahalaan upang maganap ang tama at ang makatarungan? Susun-suson ang ating paghahanap ng solusyon sa mga suliraning bumabalot sa atin. Sunud-sunod ang pagpupursigue natin. Parang listahan ng mga angkan ni Jesus, na parang walang katapusan.
Subali’t lahat ng ating pinagsikapan ay laging naging bitin … hindi sapat … kulang … kapos … kalpot … Kulang at kulang pa rin ang lahat ng ating ginawa. Masiba pa rin ang mga namumuno sa atin … Lumayas man si Ali Baba, ay nanatili naman at patuloy na namamayagpag ang 40 mandarambong. Patuloy na yumayaman ang mga heneral at nakapagbabaon ng milyon-milyong piso sa Rusya. Patuloy na nauubos ang pork barrel funds sa mga tarpaulin, mga kalsada at tulay na walang patutunguhan, at sa mga state universities na nagiging mga diploma mills o pagawaan ng sertipikong hindi pinaniniwalaan sa America at sa ibang dako ng daigdig. Parang tinuhog na mga tigbi o sigay na walang simula at walang katapusan.
Ito ang buhay natin sa lupang bayang kahapis-hapis ng mga anak ni Eba at ni Adan. Bitin tayong lahat ng namatay nang napakabata si Marky Cielo. Napukaw ang ating nagdadalamhating puso sa habag sa kanyang Ina at kapatid na nabigla sa kanyang pagpanaw. Bitin ang buhay niya. Bitin ang marami nating karanasan.
Ito ang konteksto kung saan tayo ay napapaloob. Ito ang konteksto ng Misa natin, ngayong ikalawang araw ng Simbang Gabi.
Iisa ang tinutumbok ng listahang tatlong pulutong ng mga salinlahi ang binabanggit. Parang mga tinuhog na sampaguita, ang mga salinlahing ito ay pawang tumuturo sa iisang katotohanan – tulad ng binanggit ni Jacob sa kanyang anak na si Juda … pagmamalasakit at katapatan.
Mahirap ang bayan natin. Patuloy na humihirap dahil sa katiwalian at kasalanan natin lahat. Subali’t ang katapatan ng Diyos ay parang tinuhog na sigay, sampaguita, o tigbi o anumang butil na walang patid … Di magmamaliw at di mapapatid ang pagmamalasakit niya sa atin. Ito ang magandang balitang dulot ng ikalawang araw na ito ng Simbang Gabi.
Parang sapin-sapin ang katapatan ng Diyos … Susun-suson … sunud-sunod … dugtong-dugtong, patong-patong … oo … salin-salin, pero hindi bitin! Hindi bitin ang pag-ibig ng Diyos … walang patid … walang lagot … walang linsad … walang kupas … mula kay Abraham magpahanggang kay Jose, ang asawa ni Maria … tatlong pulutong na tig lalabing apat na salinlahi bawa’t pulutong. Pasalin-salin man ay walang patid at walang duda … Si Jesus ang pinakahihintay na Mananakop at Mangliligtas. Siya ang dahilan kung bakit hindi bitin ang pananampalataya at pag-asa natin.