frchito

Archive for Disyembre, 2009|Monthly archive page

ALAY, ALAB, LAGABLAB

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon K on Disyembre 21, 2009 at 07:14

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 22, 2009

Mga Pagbasa: 1 Samel 1:24-28 / Lucas 1:46-56

Si Hannah ay larawan ng lahat ng ina sa mundong ito na nag-aalab ang puso para sa kanilang anak. Walang anak na hindi kaaya-aya para sa kanyang sariling ina. Walang anak na hindi ipinag-aalab ng puso ng kanyang sariling ina. At walang ina na hindi naglalagablab ang damdamin sa pagmamalasakit sa kanyang anak.

Hindi naiiba si Hannah sa bagay na ito. Tulad ng isang mapagkalingang ina, inaraw-araw niya marahil si Eli upang ipag-alay sa templo ang kanyang anak at upang mapaanyo kumbaga ang kanyang kinabukasan. Bilang isang asawa at maybahay, inasam niya na magbunga ang kanyang sinapupunan. At ang kanyang maalab na dasal ay nagkabunga sa pagsilang ng isang bata.

Inaraw-araw niya rin ang templo sa naglalagablag na kagustuhang magka-anak. Ang kanyang pag-aasam na ito ay binendisyunan ng paring si Eli na naghulang siya ay pagkakalooban ng Diyos ng pinakamimithing anak.

Ang maikling mga linya natin na halaw sa unang aklat ni Samuel ay ang naganap matapos magkatotoo ang hula ni Eli. Matapos ang maraming taon, bumalik si Hannah sa templo sa Shiloh. Hinanap muli si Eli at sa kanya ay nagtapat: “Ako ang tumabi sa inyo at humiling ng isang anak. Narito siya ngayon, at handa ko siyang ipagkaloob sa Panginoon habang buhay.”

Tuwing darating ang Pasko, para bagang nabubuksan ang puso ng maraming tao. Lumalambot kumbaga … nagiging maamo, mabait, at mapagbigay ang lahat. Bagama’t dumarami ang nangongotong na mga pulis, at biglang bumabait ang mga basurerong tuwing Pasko ay biglang nagsisipag (magbigay ng envelop sa mga bahay-bahay!), hindi maipagkakaila na mas mapagbigay ang lahat, mas bukas ang palad, at mas madaling mag-pasensya sa kapwa.

Pero ito ang problema … pagdating ng mga unang linggo ng Enero, kapag tapos na ang mga party at ubos na ang budget, balik tayo lahat sa dating ugali. Wala na namang basurerong nangongolekta ng basura, at natutulog na muli ang mga guardia, na noong simbang gabi ay busyng-busy sa pamumudmod ng envelop. Ang mga public servants (politico) ay hindi na naman makita sa kapitolyo at ang mga mayor ay wala nang inaatupag kundi ang susunod na halalan.

Kakaiba si Hannah. Sino sa atin ang makapagsasabing matatandaan ni Eli ang pangako ng babaeng si Hannah? Sino sa atin ang makapagsasabing ang binitiwang pangako ni Hannah ay hindi na dapat tuparin sapagka’t isa iyong pangakong binitiwan noong siya ay nag-aasam magka-anak? Ilan sa mga pangako ng mga politico ang tunay nilang tinupad? Ilan ang mga pangako natin ang tunay nating pinagsikapang gawing makatotohanan?

Balik tayo sa buhay ni Hannah. Nag-asam, nag-alab ang puso para sa isang pinamimithing anak. Nag-alay, nagkaloob, at nagsakatuparan ng kanyang panalangin ang Panginoong Diyos. Naganap ayon sa kanyang nasa, sa biyaya ng Diyos.

At ito ang magandang balita para sa atin. Pagkaraan ng 12 taon, nagbalik si Hannah at nagtapat kay Eli: “ako ang tumabi sa inyo at nanikluhod.” Nagbalik ako upang ipagkaloob ang aking anak sa Diyos.”

Nagbalik si Hannah upang magpasalamat. At ang kanyang pasasalamat ay kung ano rin ang kanyang tinanggap. Ang kanyang pasasalamat ay katumbas rin ng alay ng Diyos sa kanya. Ibinalik niya sa Diyos ang kanyang ipinagkaloob, kung kaya’t nakuha niyang sabihin kay Eli: handa akong ialay siya sa Panginoon.

Pahimakas ni Abraham? Tumpak … Isang pahiwatig tungkol sa nag-aalab ring kaloob ni Maria at ni Jose? Tumpak. Nang mawala si Jesus noong 12 taong gulang sa templo, niyurakan ang puso ni Maria ng tugon ng bata: “Di ba’t dapat ay ginagampanan ko ang gawain ng aking Ama?” Masakit man sa damdamin ni Maria, ay tinanggap niya. Isa itong pasakit na muling mauulit sa paanan sa krus, sa kanyang sukdulang pag-aalay ng sariling anak hanggang sa kamatayan sa krus.

Malimit na ang ating ma kaloob ay may kawit. Nagbibigay tayo sapagka’t naghahanap tayo ng kapalit. Naghihintay tayong pagkalooban din ng higit na malaking regalo, higit na mahalaga.

Sa araw na ito, dalawang babae ang nagtuturo sa atin ng kung paano magpasalamat. Bukal sa puso, bukas ang loob, at lubos ang nag-aalab na pag-aalay ng kasukdulan. Walang sukat. Walang pakipot. Walang hele-hele at walang hangganan … tulad ng panalangin ni Maria sa ebanghelyo ayon kay Lucas. “Nagbubunyi ang aking kaluluwa sa kadakilaan ng Panginoon … ang aking espiritu ay nagagalak sa aking tagapagligtas.”

Ano ang maipagkakaloob natin sa Panginoong nagkaloob ng lahat? Alay na maalab, at pag-ibig na naglalagablab, tulad nang kay Hannah .. . tulad nang kay Maria.

BANGON NA SINTA, HALINA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 20, 2009 at 13:57

Ika-6 na araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 21, 2009, Lunes

Mga Pagbasa: Awit 2:8-14 / Lk 1:39-45

Tadtad ng pahimakas ng pag-asa ang maalindog na pananalita ng unang pagbasa. Hango ito sa isa sa pinakanakaka-intrigang aklat ng Banal na Kasulatan, na sa biglang wari ay tila isang nobelang pang-tinedyer na babae. Isa itong awit ng pagsuyo, ng matamis na panunuyo ng magkasintahang parang matagal na napigilan sa pagkikita dahilan sa mahabang tag-yelo o taglamig.

Bumangon na at halina sa piling ko! Ito ang mainit na paanyaya ng magsinta sa isa’t isa. Nguni’t alam natin na ang banal na kasulatan ay isang mahabang salaysay ng marubdob na pagsinta ng Diyos para sa kanyang bayan. Ang salaysay na ito ay bahagi ng mahabang salaysay na ito (meta narrative) na magpahangga ngayon ay salaysay pa ring nagaganap, nangyayari sa pagitan natin at ng Diyos.

Ano ba ang pangunahing hibla ng salaysay na ito? Ano ba ang mayor na elemento o takbo ng salaysay na ito?

Sinagot ito ng Bagong Tipan … Ganoon na lamang at sukat ang pag-ibig na Ama sa atin, kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na anak! Ito ang saad ng ebanghelyo ni San Juan. Ito ang buod ng kasaysayang bumukadkad sa kapaskuhan … isang salaysay na magpahangga ngayon ay atin pa ring sinusuyod at pinagtatagni-tagni, sa kagustuahan nating mabigyang-kahulugan ang karanasan natin bilang tao.

Ano ba ang ating karanasan?

Umiikot ang salaysay ng buhay ng tao sa pagkasalawahan, ang kakayahan nating tumalikod sa tipanan, at mamangka sa dalawang ilog. Ito ang salaysay ng taong, hindi lamang salawahan, kundi balimbing, doble kara, at baligtaran. Ito ang buod ng kasalanan ni Eva at ni Adan at nating kanilang mga supling.

Nguni’t ano ang kinahinatnan ng salaysay na ito? Siniphayo ba tayo ng Diyos at tinikis sa ating pagkagupiling?

Dito ngayon papasok ang ating maalindog na awit … Bumangon na sinta, at halina sa piling ko. Tapos na ang hilahil. Wala na ang unos at ulan, ang nieve at ang taglamig. Sumibol na ang mga figo, namumakadkad na ang mga bulaklak. Panahon na upang suluyan ang mga ubas, at muling nangagsisipag-awitan ang mga bato-bato sa parang!

Awit ito ng patuloy na pag-ibig ng Diyos sa taong salawahan. Awit ito na nagbabaybay ng lahat ng dahilan upang tayo ay bumangon, bumalik, at makipagniig muli sa Diyos.

Hindi ko maubos isipin na ang awit na ito ay puno ng pag-aasam, paghihintay, pag-asa! Kung gayon, ito ay angkop na angkop sa diwa ng ginaganap natin sa simbang gabi – diwa ng pag-aantabay, pag-aantay, at pag-aaguanta sa dilim ng madaling araw, na parang mga abay na naghihintay sa nobyong ganap ikasal sa kanyang kasintahan. Ang galak na bumabalot ay hindi maitago, hindi maipagkaila, kung kaya’t umaawit tayo, tulad ng ginawa natin matapos ng unang pagbasa ng ganito: “Magsaya kayo mga banal sa Panginoon! Umawit ng isang bagong awitin.” (Salmong tugunan).

Wala tayong nieve sa Pilipinas. Pero panay ang bisita ng unos at ng ulan. Wala tayong taglamig sa bayan natin, ngunit masahol pa sa taglamig ang iringan at awayan natin. Ang patayang naganap sa Maguindanao ay masahol pa sa taglamig … masahol pa sa tagtuyot at pagkamatay ng mga punong igos.

Nagkasala tayong lahat at naging hindi karapat-dapat sa luwalhati ng Diyos, ayon kay San Pablo.

Nais kong isipin na ang ating paggising nang maaga at pagpupuyat ay walang iniwan o walang kaibahan sa inaawit ng magkasintahan sa unang pagbasa. Ang Diyos ay tumatawag sa atin. Bangon na, sinta, at halina! Nananawagan Siya sa pagbabalik natin sa kanya. Ang pagpupuyat natin ay simulain ng isang tugon na hindi panandalian lamang. Isa itong tugon rin ng pag-ibig, tulad ng tugon ni Mariang sa kanyang pagkadinig sa balita ng anghel, ay kagya’t umakyat ng bulubundukin ng Judea, upang tumulong kay Elizabet.

Si Maria ay tila tinawagan din ng Diyos: Bangon na, sinta, at halina! Halina at tumulong sa iyong pinsang kagampan! Humayo at ibahagi ang pag-ibig sa kapwa. At pati ang pagpapalang tinanggap niya sa anghel ay ibinahagi niya. At siyang namahagi ay lalu pang higit na pinagpala hindi lamang ng anghel kundi pati ng tao: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala rin naman ang iyong anak na si Jesus!”

Ganyan kahalaga ang tawag ng sinisinta … Bangon na at halina! Kung kaya’t pati ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet ay halos bumangon rin upang magsaya. Nagtatalon ang bata sa kanyang sinapupunan!

Masaya tayong lahat sa Pasko … ang mayroon at ang wala … ang salat at ang sagana. Walang naiiwang malungkot sa Pasko sa Pilipinas, kahit isang plato lamang ng spahetting matamis at ilang hiwa ng manok ang pinagsasaluhan. Sapagka’t ang puno at dulo at batayan ng tunay na kaligayahan ay malayo sa kung ano ang meron ang magsinta, walang kinalaman sa kalansing ng pera sa bulsa. Ito ay nakasalalay sa maalindog na tinig ng sumisinta sa kanyang sinisinta: “Bangon na sinta, at halina!”