frchito

Archive for Disyembre, 2010|Monthly archive page

BUKAS-LOOB NA PAGKAKALOOB

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 21, 2010 at 15:55

Ika-7 araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 22, 2010

Ang pinagkalooban ang siya ngayong nagkakaloob … si Ana, nagsumamo sa Diyos sa pamamagitan ni propeta Eli, upang pagkalooban siya ng supling. Nguni’t sa pagkakataong ito, sa kabatirang ang kanyang sanggol na si Samuel ay bunga ng pagkakaloob ng Diyos, nakuha niyang bumalik muli sa templo at di lamang magpasalamat, kundi magkaloob sa kanyang una sa lahat ay nagkaloob sa kanya at tumugon sa kanyang taimtim na panalangin.

Bilang isang educador, at tagahubog ng kabataan … bilang isang guro sa nakaraang 33 taon (at patuloy pa ring nagtuturo), alam ko kung ano ang hugis, kulay, amoy, at anyo ng pasasalamat. Nakita ko ito sa mga nagdaan sa aking silid aralan noong ako ay 20 anyos pa lamang, noong ako ay isang tila inosenteng brother na nagtuturo ng katesismo sa Barrio Mabato, sa Barrio Bunggo, sa mga lugar, na ika nga nila noong araw, ay singko sentimos na lamang, ay langit na!

Nakita ko ito sa mga seminaristang nagdaan rin sa aking silid aralan noong 1977, noong 1983, at magmula 1992 hanggang 2002. Nakita ko rin ito sa mga estudyante ko sa high school noong 1986 hanggang 1990, at mga kasama kong naglakbay sa Pamayanang Kristiyano sa Roma, noong taong 1990-1992, at mga parokyano sa Dundalk, Baltimore, noong 2003 hanggang 2005!

Dama ko ang pasasalamat at pagpapahalaga ng tao, saan man, kailan man. Dama ko ito sa mga regalo nilang isang pares na medyas tuwing pasko sa Mayapa noong ako ay brother pang payat at gusgusin. Dama ko rin ito sa mga maliliit na halaga nilang pakipkip maging sa Dundalk, at higit na mahahalaga nilang kontribusyon sa aking pag-aaral sa Virginia, USA, maging sa aking pilgrimahe kamakailan patungo sa mga lugar kung saan tumahak si San Pablo sa Grecia, sa Turkia, at sa Israel.

Nakita ko ito kamakailan kay Tim Tebow, ang tanyag na star player ng football sa America. Noong siya ay nasa sinapupunan pa ng kanyang Ina, na isang misyonarya noon sa Pilipinas, pinayuhan ang nanay niya ng mga duktor na ilaglag si Tim. Hindi sumunod ang magulang niya. Siya ngayon ang poster boy ng pasasalamat sa kadahilanang kung siya ay inilaglag, ay hindi rin siya magiging tanyag na manlalaro ngayon.

Nakita ko ito kay Angela, na anak ng isa kong dating estudyante sa High School. Nang siya ay ipinagbubuntis pa, ganuon din ang ipinayo sa kanyang mga magulang. Hindi nila ginawa. Hindi sila namili. Nagdesisyon silang sumunod na lamang sa kalooban ng Diyos. Ngayon, ang bata ay napaka biba, napaka-talino, at napakaganda!

Tulad sa kwento ni Maria, tulad rin sa kwento ni Ana, mayroong mahalagang liksyon para sa atin sa araw na ito. At ang buod nito ay nasa katagang LOOB … ang kaibuturan ng lahat ng katotohanang may kinalaman sa yaman ng ating pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang LOOB ang kumakatawan sa kabuuan ng pagkatao natin. Ang LOOB rin ang kumakatawan sa kabuuan ng pagka-Diyos ng Diyos. Ang Diyos na ang katangian ay magbahagi ng kanyang LOOB, ay siyang nagkaloob sa kanyang bugtong na Anak, na si Jesus. Siya rin ang nagmagandang-loob kay Ana. Siya rin ang nagkaloob ng kung ano ang kinakailangan ng talubatang si Maria, na naglihi, nanganak, at tumawag sa kanyang anak bilang Emmanuel, Jesus, Diyos na nagliligtas.

Magaan ang kalooban ko tuwing may nagbabalik na dating estudyante. Nakatataba ng puso kapag may nagmamagandang-loob at nagkakaloob ng tunay na niloloob – ang pasasalamat. Bagama’t hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyon, nakapagpapagaan ng mabigat na trabaho, at nakapagbibigay lubay ng kalooban, marami man ang problema at hilahil.

Dalawang babae ngayon ang tampulan ng ating pagninilay … dalawang babaeng marunong tumanaw ng utang na loob … dalawang babaeng pinagkalooban ng biyaya, na ngayon ay nagkakaloob ng luwalhati, at nakapagbibigay halimbawa sa lahat ng taong may mabubuting kalooban!
Sa ikapitong araw ng Simbang Gabi, hindi sama ng loob ang paksa natin, kundi kabutihan at kagandahang-loob. At ito ay dahil sa dalawang babaeng, nagkusang-loob, nagmagandang-loob, at nagkaloob ng papuri at pasasalamat sa Diyos na nagkaloob ng lahat sa kanyang mahal na bayan. Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa lahat ng taong may mabuting kalooban!

Advertisement

PAGSUYO, HINDI PAGSAWAY!

In Adviento, Homily in Tagalog, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 20, 2010 at 08:44

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 21, 2010

Mga Pagbasa: Awit ng mga Awit 2:8-14 / Lucas 1:39-45

Bagama’t panay ang ulan sa atin, ngayong papalapit ang Pasko, na dati-rati ay hindi nangyayari, laman ng unang pagbasa ang mga larawan ng magandang pag-asa. Sa matulaing panulat ni Solomon, sa Awit ng mga Awit, isang larawan ng pag-asa ang namumulaklak sa mga labi ng manunulat …

Iisa ang pakay ng pagbasang ito, ang pukawin ang natutulog nating pag-asa na may darating na tiyak na kaligtasan … ang kabatirang ang Mesiyas ay tiyak na darating upang tuparin ang mga pangakong nilalaman ng mga pangaral ng mga propeta.

Sa panahon natin, kailangan natin ang patuloy na paalaala. Madali tayong lumimot, kay bilis manghinawa, at magsawa sa paggawa ng mabuti. Madali tayong lipasan ng pag-asa, at mabilis tayong panawan ng kakayahang magtiis.

“Hanggang kailan, Panginoon” ang malimit nating tanong sa gitna na sari-saring paghamon sa buhay. Pagtangis at pagtatanong ang malimit na laman ng puso at kaisipan natin. May pag-asa pa kaya si Lauro Vizconde na malaman ang tunay na salarin na walang awang pumatay sa kanyang asawa at dalawang anak? May mahihintay pa kayang mabilis na kalutasan ang walang pakundangan at walang-awa ring pagpatay sa 57 katao sa Maguindanao? May magbabayad pa kaya sa mga bilyon-bilyong ninakaw sa taong bayan sa dinami-dami ng mga katiwaliang naganap sa mga nagdaang administrasyon?

Unos, ulan, baha, at lahat ng uri ng pagkawasak ang nakikita natin sa kapaligiran. Mayroong mga isla na alam ng mga paham na maglalaho sa mapa, di maglalaon, tulad ng Marshall Islands sa Pacifico. Alam natin na sa walang ampat na pagtaas ng temperatura sa buong mundo, ay hinahagupit ng mga unos at bagyo at kalalabisan sa klima ang maraming bahagi ng planeta. At hindi pa natin pinag-uusapan ang mga panukalang batas na walang paggalang sa inosenteng buhay ng mga hindi pa isinisilang!

Ito ang dahilan kung bakit paborito kong panahon sa taon ng pagsamba ang Adviento o Pagdating. Tigib na tigib ng pag-asa at pag-aasam sa lahat ng urin ng napipintong kabutihan ang dulot sa atin. At lalung lalo na sa simbang gabi …

Sa araw na ito, pinupukaw muli ng pagbasa ang katiyakan na dapat ay laman ng puso at damdamin ng bawa’t kristiyano … huhupa ang unos … matatapos ang ulan … at tayo ay makakaranas ng masugid na pagsuyo ng Diyos na lubhang nagmamahal sa atin.

Sinuyo ng Diyos si Maria … Huwag kang matakot Maria …. Iyan ang mensahe ng anghel … Sinuyo ng Diyos rin si Jose … Huwag kang matakot, Jose, na tanggapin siya bilang iyong esposa … Alam natin ang nangyari … Isinama ni Jose si Maria sa kanyang tahanan. Sumagot ng “Oo” si Maria sa kanyang “fiat.” Naganap ang pangarap ng Diyos, sapagka’t nakipagtulungan si Maria at Jose!

Nais kong isipin na tayo ngayon ay sinusuyo rin ng Diyos. Sinuyo Niya tayo upang gumising ng maaga sa loob ng siyam na araw. Sinusuyo pa rin niya tayo upang tumugon sa abot ng ating makakaya sa kanyang paanyaya. Sinusuyo Niya tayo upang maging tagapaghatid ng kanyang magandang balita ng kaligtasan. Sinusuyo Niya tayo upang hadlangan ang anumang masamang balak ng mga taong tampalasan at hindi maka-Diyos.

Sinusuyo Niya tayo tulad ng pagsuyo na binabanggit sa matulaing awit ng mga awit ni Solomon.

Ang tanong kung gayon ay ito … Handa ba tayong sumagot sa kanyang pagsuyo? May pitak ba sa puso natin ang Diyos na patuloy na nagsusuyo at nagsusumamo upang tayo ay mabilang sa kanyang angkan?

Tayo ba ay mga pasuyuin na tumatalima o mga pasaway na nag-aalma ang puso at kaisipan? Tayo ba ay mga magaang dalahin o mabigat na pasanin ng Diyos?

Sa Paskong ito, hindi si Santa Claus at ang kanyang pabor ang dapat nating hanapin. Ang siya natin dapat bigyang pansin ay ang pagsuyo ng Diyos sa kanyang mahal na bayan… Pagsuyo hindi pagsaway … pagsunod, hindi pagtanod sa mga pansarili nating kagustuhan …. Pagtalima, hindi pagiging pakawala sa harap ng kagustuhan at kalooban ng Diyos!