KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2011
Hindi ko napanood pa ang “Tanging Ina, Last na Ito.” Pati nga yung una, at ang mga sumunod, hindi ko rin nakita. Pero sa mga narinig ko ay isang malaking tagumpay ang sineng ito, at ang huling ito ay hindi kakaiba.
Kapag ang pinag-uusapan ay ang ina, bumebenta, tumatawag ng pansin, humihila ng mga tagapanood. Ang ina ay tampulan ng maraming atensyon sa drama, sa panitikan, sa larangan ng sining. Libo libong mga pintor ang nagpinta sa figura ng ina, at ang Inang Birheng Maria ay naging inspirasyon ng libo-libo ring mga pintor na tanyag at di tanyag.
Nguni’t hindi lamang mga pintor, manunulat, at mga nagsusulong ng sining ang nabighani sa Mahal na Birhen. Pati ang simbahan, bilang pagtalima sa sinasaad ng Banal na Kasulatan, ay patuloy na nagsusulong ng debosyon sa figura ng Mahal na Birheng Maria, bilang Ina ng Diyos.
Ayon sa mga lumikha ng kwento at screenplay ng “Tanging Ina,” ito na ang pinakahuli. Hindi na sila muli gagawa ng kasunod pa nito. Naubos na kumbaga ang kanilang mga hinahabing mga kwento tungkol dito.
Mahigit nang dalawang libong taon na ang kwentong ito tungkol sa isang tanging babaeng hinirang, at pinutungan ng natatangin ring tungkulin at misyon ay ipinagdiriwang at patuloy na inilalahad.
Sa bagong taong ito, 2011, hindi ito ang “last.” Nagpapatuloy ito. Patuloy na naghahabi ng isang salaysay na may kinalaman sa ating lahat.
Isang librong hindi ko makalimutan magpahangga ngayon ay pinamagatang “The Man who Got Even with God.” Kwento ito tungkol sa isang monghe na nagdaan sa sari-saring pagsubok hanggang sa makaganti siya, kumbaga, sa Diyos. Isa sa mga linyang hindi ko malimot ay ito: ang bata sa ating lahat ay naghahanap ng isang ina. Ang lalaki sa ating lahat ay naghahanap ng isang babae, at ang conde sa ating lahat ay naghahanap ng isang condesa. Lahat tayo, bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap, malakas, mahina, ay nangangailangan ng isang ina.
Tanging ina ang siyang ipinagdiriwang natin ngayon. Natatangi siya, una sa lahat, sapagkat hindi siya napadala sa agos ng kultura. Hindi niya kinitil ang kanyang anak, bagama’t hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi niya iwinaksi ang batang nabubuo sa sinapupunan dahil lamang na hindi niya lubos na maarok ang milagrong nagaganap sa kanyang pagkatao.
Siya ay tanging ina sapagkat tumalima, sumunod, nakibagay, nakipagtulungan, at nakisama sa balak at kalooban ng Diyos. Sa panahong ito kung kailan saksakan ng dami ng mga pasaway sa bayan natin, kung saan kay raming mga katiwalian, at kawalang pagsunod sa batas, kailangan natin ng modelo ng tanging inang na si Maria.
Nagulumihanan? Sumunod pa rin siya. Natakot? Tumalima pa rin siya. Nangamba? Sumagot pa rin siya ng “Oo” sa Diyos.
Ito ang kwento ng ating Ina, ng Ina ni Kristo, Diyos at tao. Ang pistang ito ay hindi tungkol sa kanya, kundi tungkol, una sa lahat, kay Kristo ng kanyang Anak. Kung si Kristo ay Diyos, ang nagluwal sa kanya ay Ina ng Diyos. Ito ang kwentong inilalahad at ipinagdiriwang pa rin natin ngayon.
Tanging Ina natin si Maria, sapagka’t kapatid natin si Kristong kanyang anak. At ang kwentong ito ay hindi ang last. Patuloy itong nagaganap, patuloy na pinagyayaman, at patuloy nating ipinagdiriwang. Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!
i like this one. Very simple pero maganda gaya ng ating Mahal na Ina. I am an avid subscriber to Sabbath. The best po ang mga gawa nyo. Pangmasa tlg!
salamat, Rommel. salamat rin sa pagbabasa mo ng sabbath.
Araw-araw nagbabasa kami ng homily po nyo. Sana meron din pong mga live stream sa web site nyo para mapanood at madinig ng madaming Filipino hindi lamang dito sa Calgary at sa iba pang mga bansa.
salamat arvin. hindi ko akalain na pati sa canada ay mayroong sumusunod sa munting panulat na ito. pangarap ko ang gumawa ng podcast, sa hinaharap, o you tube account. pagdating ng panahon!