frchito

Archive for 2012|Yearly archive page

KUNG ANONG KALTAS, SIYANG LUNAS; BUHAY NA IPINANTUBOS, BUHAY NA GANAP AT LUBOS!

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2012 at 07:09

Ika-32 Linggo (B)

ImageNobyembre 11, 2012

Mga Pagbasa: 1 Hari 17:10-16 / Heb 9:24-28 / Mc 12:38-44

KUNG ANONG KALTAS, SIYANG LUNAS!

May mga nagdaang panahon na, kapag maysakit o nag-aapoy sa lagnat ang tao, ang alam lamang gawin ng mga duktor ay ang bawasan ng dugo ang maysakit, at ang lagnat ay humuhupa. Kung tawagin ito noong panahon yaon ay bloodletting. Ang lunas ayon sa kanilang paniniwala at kaalaman noon, ay nakasalalay sa pagkaltas o pagbawas.

Nakatutuwang isipin na maging sa counseling, mayroon kaming tinatawag na paradoxical intervention, na walang iba kundi ang pagpapayo sa taong may suliranin na gawin mismo ang kanyang problemang kinagawian o paulit-ulit na ginagawa. Ang lunas ay nakasalalay sa pagkakaloob ng kung ano mismong kailangan ng tao.

Salat ang buong kaharian sa panahong tinutukoy sa unang pagbasa. Tagtuyot at taggutom. Sa mga panahong ito, ang pinaka nauunang magdusa ay ang mga pinakadukha, ang mga walang pagkukunan, walang kakayahang mag-imbak ng pagkain, at walang dudukutin pag dumating ang kagipitan. Sa mga mahihirap na mga ito, ang pinaka masahol sa kahirapan ay ang mga balo at mga ulila.

Subali’t sa dalawang pagbasa, sa una at sa ikatlo, isang balo ang naging halimbawang wagas ng kabukasang palad at ng isang himalang dulot ng kanilang kabukasang-palad. Dalawang balo ang bida sa istorya natin ngayon … dalawang babaeng wala nang ibang inaasahan at pagkukunan, nguni’t dalawang biyudang nagkaloob ng lahat ng taglay nila para sa propeta at para sa Diyos.

Mahirap ang maghikahos, tulad ng mahirap ang paapu-apuhap sa dilim, tulad ng pinag-usapan natin noong nakaraang dalawang Linggo. Napakahirap ang damdamin ng isang taong walang ibang pagkukunan, at kumbaga ay nasa huling buhol na ng kanilang lubid.

Tayong lahat ay nagdadaan sa iba-ibang uri ng kasalatan at taggutom. May pagkakataong nauubusan tayo ng pasensiya, tulad ng may panahong natutuyuan tayo ng pag-asa. Kung minsan, sa buhay natin, pati pananampalataya natin ay tila nasusubukan nang lubusan, at tulad ni Abraham, pati iyong pinakamahalaga sa atin, ang tanging natitira o naiiwanan, ang siya pang hinihingi sa atin. Ang maliit nang nalalabing pananampalataya sa Diyos ang siya pang hinihingi sa atin.

Wala nang iba pang puedeng asahan ang dalawang balo. Tanging ang taglay at hawak lamang nila ang nalalabi, at sa kabila nito ay sila pa ang naatangan at nahingan ng malaki – ng lahat, kung tutuusin natin.

Kung anong kaltas, siyang lunas! Totoo ito sa maraming antas ng buhay natin. Kung tayo ay nauubusan ng pasensya, ito rin ang lunas – ang kaltasan at kalusin ang nag-uumapaw o sobrang kawalan ng pasensya. Kung ang pag-ibig ay sinusubukan, ang mismong tugon ay ang matutong pang umibig sa kabila ng lahat.

Ang ipinakita ng dalawang balo ay walang iba kundi ito … walang sinumang sobrang hirap na walang kakayahang magkaloob at magbahagi. Hindi ito kwento ng paramihan ng alay, kundi palaliman at palawakan ng pag-ibig at kabukasang-palad.

Sa aking karanasan sa maraming pagkalap ng pondo at paghingi ng tulong sa mga tao, hindi ang laki ng bigay o donasyon ang pinakamahalaga. Ang halaga ay nasa kadakilaan ng taong nagkaloob, ang pinakamahalaga ay ang bigay ng isang taong kulang na lamang ay isubo ang ipagkakaloob ay ibinigay pa nang maluwag sa kalooban.

Ito ang kadakilaang hindi batay sa laki ng bigay, kundi sa laki ng puso ng nagbigay – ang kadakilaang nababatay sa kabukasan ng puso at ng palad. At dumarating ang panahon na kung sino pa ang tila nawawalan ng pag-asa, o anuman, ay sila pa ang higit pang sinusubok at inaasahang maging lakas at timon ng karamihan.

Sabi nga nila, kung gusto mong may mangyari, iatang mo ito sa balikat ng isang taong maraming ginagawa at pinagkakaabalahan. Silang halos walang panahon ay sila pang higit na maraming nagagampanan.

Si San Pedro Calungsod ay halimbawa rin nito. Ang buhay na sagana ay nakamit niya nang ipinagkaloob niya nang maluwag sa kalooban ang sariling buhay para ipagtanggol at hindi iwanan ang kanyang pinaglilingkuran, si Beato Diego de San Vitores. Kung ano ang halos mawala na o tila nauubos o nauupos, ay siya pang bagkus ipinagkaloob ng binatilyong itinanghal na ganap na Santo noong nakaraang buwan.

Kung ano ang kaltas, siyang lunas! Buhay na ipinangtubos, siyang buhay na naging ganap at lubos!

Teresa Espinelli Retreat House

Tagaytay City

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Jeremias, Taon B on Oktubre 26, 2012 at 20:41

Ika-30 Linggo ng Taon (B)

Oktubre 28, 2012

Mga Pagbasa: Jer 31:7-9 / Heb 5:1-6 / Mc 10:46-52

SA MGA BUKAL NG TUBIG AT MAAYOS NA LANDAS

 

Ewan ko kung naranasan na ninyong mag-hiking na naubusan kayo ng tubig na baon. Tanging isa lamang ang inyong panalangin – ang makatagpo ng bukal! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maglakad sa dilim, paakyat ng bundok … walang maapuhap, walang mahawakan, at walang makitang katiyakan! Sa mga sandaling yaon, ipagpapalit mo ang iyong bote ng tubig sa isang lampara! Ewan ko rin kung naranasan na ninyong maligaw sa gubat, at tila paikot-ikot lang kayo sa napagdaanan na ninyo, nguni’t wala kayong makitang labasan … maski na bote ng tubig, kargada, at lampara ay inyong itatapon, makita lamang ninyo ang daan pauwi!

Mahirap ang mauhaw. Mahirap ang maging bulag. At lalong mahirap ang maligaw ng landas, mawala, at walang makitang katiyakan sa buhay!

Ang lahat ng ito ay naranasan ng bayan ng Diyos, ang mga Israelita. Nauhaw sila sa ilang. Natapon sila sa bayang walang katiyakan, sa Babilonia! Naranasan nila ang walang makitang tiyak na kaligtasan, sa pagka-alipin sa banyagang lugar, malayo sa templo, malayo sa mga kababayan, at malayo sa kinasanayan o kinagawian.

Dalawa o tatlong beses ako nakaranas maglakad sa dilim … noong wala pang nabibiling mga LED lamps at kung meron man ay sobrang mahal. Matinding karanasan, ang makaramdam ng ganap na kabulagan. Napagdaanan ko na rin ang maubusan ng tubig at malayo pa ang tuktok. Wala kang iisipin kundi ang makatagpo ng bukal, upang maipagtawid-buhay.

Nguni’t matay nating isipin, ito ang kwento ng bawa’t isa sa atin … Ito ang karanasang mapait ni Jeremias, ang propeta noong pagkatapon sa Babilonia. Ito rin ang matinding pagdurusang naranasan ni Bartimeo – ang tuyain, ang libakin, at ang ituring na walang silbi, bilang bulag na umaasa lamang sa iba.

Pero hindi lang yan. Lahat tayo ay naging alipin sa katumbas ng banyagang lugar. Ilan sa mga pamilya ninyo ang hindi nyo kasama, nagbabanat ng buto sa ibang bansa? Ilan sa inyo ang matagal nang nagtitiis na mabuhay sa malayo upang maipag-tawid buhay ang mahal ninyo? Ilan sa atin ang nakaranas ng siphayuin ng kapwa, at hindi tanggapin, o isa-isang tabi dahil sa inggit, galit, tampo, o anuman? Ilan sa atin ang naging banyaga sa sariling bahay, o sa sariling bayan dahil sa sari-saring dahilan?

At hindi lang iyan. Tayo man, ay tulad lahat ni Bartimeo … bulag … hindi nakakakita ng maraming bagay. Hindi man lang natin batid ang tunay nating motibasyon sa pagkilos. Hindi man lang natin alam ang kinabukasan. Nabubuhay tayo at napapaligiran ng kawalang katiyakan sa ekonomiya, sa pamemera, at sa larangang political. Hindi man lang natin matukoy kung kailan ang susunod na lindol, o kung kelan raragasain na naman tayo ng walang patid na ulan o bagyo.

Bulag tayo sa maraming bagay … at tayo ay paapu-apuhap, pakapa-kapa, at walang katiyakan kung saan patutungo.

Kung meron mang dapat sana ay nawalan ng pag-asa, nanghinawa, nagtampo, siguro ay si Jeremias ang may karapatan dito. Kung meron mang dapat nanghinawa at nawalan ng lakas upang lumapit kay Jesus, ay si Bartimeo. Sinansala siya at kinutya, at pinagtangkaang patahimikin ng mga tao.

Subali’t hindi siya napadala . Hindi siya nag-atubili. Patuloy siyang lumapit kay Jesus at ang panalangin ay sadyang mula sa kaibuturan ng puso: “Guro, ibig ko po sanang makakita.”

Ito ang pag-asa ni Bartimeo. Ito rin ang pag-asa ni Jeremias, na nagbunsod sa kanya upang magbitaw ng salitang lubhang kailangan nating lahat ngayon, sa sitwasyon ng kawalang katiyakan: “Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin ko sa maayos na landas upang hindi sila madapa!”

Gutom. Uhaw. Pagod. Hirap. Bulag. Ito tayong lahat ngayon. Subali’t ayon sa ikalawang pagbasa, ang Dakilang Saserdote ay gumanap sa kanyang misyon upang tayo ay mapanuto at mapabuti.

Tulad ng ginawa ni Jesus kay Bartimeo… Tulad ng ginawa ng Diyos para kay Jeremias …

Panginoon, ihatid mo kami sa bukal ng tubig at paraanin kami sa landas upang hindi na muli kami madapa!