frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

TULAD NG SUPLING MULA SA ISANG TUOD!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Taon A on Disyembre 2, 2010 at 07:43

Ikalawang Linggo ng Pagdating(A)
Disyembre 5, 2010

Mga Pagbasa: Is 11:1-10 / Roma 15:4-9 / Mateo 3:1-12

Larawan ng imposibilidad ang mga ipinipinta ng mga pagbasa. Imposible magsama ang asong gubat at mga kordero, ang guya at ang batang leon, ang leopardo at mga batang kambing. Imposible umusbong ang isang supling mula sa isang tuod. Imposible … malayong mangyari … hindi kailanman maaaring maganap.

Ito ang malimit sumagi sa isipan natin. Humahaba ang listahan natin ng mga bagay na hindi kailanman puedeng mangyari. Sa panahon natin, kung kailan tila lahat na lamang ng bagay ay humuhulagpos mula sa ilalim ng pananampalatayang Kristiyano, tila imposible na yata na mangyari pa ang paghahari ng kalooban ng Diyos: kung bilang ng mga taong sang-ayon sa reproductive health bill ang pag-uusapan, tila imposible nang mabaligtad ang balakin ng mga mambabatas … Kung bilang ng mga taong walang malasakit sa kapakanan ng kapwa ang pag-uusapan, tila wala nang solusyon sa problema ng terorismo, at dagdagan man natin ang mga makinarya sa mga paliparan, ay patuloy pa ring maghahari ang terorismo saanman.

Tila isang mahabang listahan ng kawalang pag-asa ang nasa harapan natin sa mga panahong ito.

Noong isang Linggo, unang araw ng panahon ng pagdating, ilang magkakasunod na karanasan ang gumulantang sa aking parang natutulog na pag-asa. Sinimulan ito ng Misa para sa libing ng isang kapatid ng aking kakilala at kaibigan. Nang makita ko ang mga batang naiwan, nakaramdam ako ng kurot sa puso. Nguni’t nang makita ko ang kanilang katatagan sa harap ng paghihirap, at tapang sa harap ng pagsubok, muling naantig ang kakayahan kong umasa, at sumampalataya pa sa kapangyarihan ng Diyos at kakayahan ng tao.

Nguni’t dalawa pang mga pangyayari ang nakahanay sa araw na yaon na nagpatibay sa kung ano ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon, at sa diwa ng buong panahon ng pagdating. Isang grupo ng mga pawang lalaking mga kabataan, na bumuo ng isang koro, bagama’t walang pormal na pagsasanay, ang narinig kong nagpamalas ng kakayahan. Mula sa Isabela pa, umawit sila sa libing at nagpamalas ng isang impormal na konsiyerto.

Sinundan ito ng isang family therapy session para sa tatlong magkakapatid na binatilyo, kasama ang kanilang ina, matapos ma-ambush at paslangin ang kanilang ama sa edad na 49. Hindi lang kurot sa puso ang naramdaman ko. Naghalong awa at galit ang pumasok sa aking kalooban, awa sa tatlo na alam kong nahihirapan sa nangyari, at galit sa karumal-dumal na gawi ng mga taong sobra na ang layo sa Diyos ang pamamalakad sa buhay.
Wala na kayang pag-asa ang lahat para sa atin?

Tinugon ito ng aking karanasan noong isang Linggo. Tinutugon rin ito ng mga pagbasa natin ngayon. Mga pangitaing tila imposible ang laman ng unang pagbasa … supling mula sa isang tuod, baka at osong magkasamang manginginain, at iba pa!

Tumpak ang sinabi ni Pablo: “Anumang nasa kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagka’t lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.”

Subali’t ang pag-asang ito ay may halaga, may kabayaran, may puhunan. Ang imposible ay nagiging posible lamang kung ang tao ay makikipagtulungan sa Diyos. Ang kaganapan ng pangitain ni Isaias ay makakamit kung mayroong kaakibat na paggawa at pagpupunyaging makatao. Ito ang paalaala sa atin ni Juan Bautista: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagka’t malapit nang maghari ang Diyos!”

Imposible ba kayang maayos pa ang trapiko sa buong Metro Manila? Sa biglang wari, parang wala. Ang pinakamadaling gawin ay magasawalang bahala, ang sumuko, at ang magpadala sa kawalan ng batas, ang pagkakakanya-kanya, at ang sumuko sa kawalang kaayusan, at hayaan na ang mga kuliglig makipagpaligsahan sa mga bus at kotse.

Bilang Kristiyano, patuloy tayong nangagarap at umaasa. Ngunit bilang Kristiyano rin, ang pangarap na ito ay may kalakip na paggawa, pagsisikap, at pagpupunyagi. Kung meron tayong nakikitang imposible, nasa atin, sa tulong ng grasya ng Diyos, ang tungkuling gawin itong posible. Sapagka’t sa lingguahe ng Diyos, tuod man, ay puedeng gumawa ng supling!

PANAHON NA UPANG GUMISING SA PAGKAKATULOG!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Taon A on Nobyembre 24, 2010 at 12:37

Unang Linggo ng Pagdating(A)
Nobyembre 28, 2010

Mga Pagbasa: Is 2:1-5 / Roma 13:11-14 / Mateo 24:37-44

Pumanaw na muli ang lumang taon. Isang bagong taon ng pagsamba ang pinasisinayaan natin sa araw na ito … sinisimulan, kinamumulatan! Isa na namang tila pagbangon mula sa pagkakatulog ng matagal na panahong di miminsang pinanawan ng pag-asa, dahil sa napakaraming bagay.

Marami ang dahilan upang panawan ng pag-asa ang puso ng tao. Sa Indonesia, dose-dosena ang pinanawan ng buhay dahil sa pagkagising na muli ng bulkan ng Merapi. Sa Sorsogon, ang bulkan ng Bulusan ay tila nagulantang rin at handa na muling mag-alboroto. Sa Korea, ginulantang ang buong mundo nang magpaputok sa isang isla ang mga taga hilaga bilang isang babala o pananakot. Muli na namang niyanig ng mass media ang usapin tungkol sa reproductive health nang ang isang panayam ng Santo Papa ay binaligtad ng mga manunulat o mananalathala at ginamit upang tukuran ang kanilang mga plataporma, o poot at galit sa Inang Simbahan.

Sa mga sandaling ito, kay hirap gumising, kay hirap bumangon. Sa panahong ang simbahan at ang kaparian at paboritong tampulan ng hindi lamang paninisi, kundi panlilibak ng balana, kay hirap tumayo o tumindig ng tuwid. Mas madali ang magpadala sa agos. Mas madali ang sumang-ayon sa takbo ng karamihan, at magpadala sa palasak na kaisipan ng madla.

Sa mga sandaling ito, higit na madali ang matulog na lamang. Mas madali ang magtulog-tulogan at magpanggap na ang mga suliraning hinaharap natin ay maglalaho rin balang araw. Mas madali ang magkibit-balikat na lamang, lumingon sa kabilang dako, at mag-isip na ang problemang hinaharap ay isa lamang masamang panaginip.

Nguni’t alam nyo at alam ko rin na ang mga ito ay tunay … ang lahat ng ito ay hindi mabuburang parang isang pagkakamaling puedeng palitan at patungan ng panibagong salita o kataga. Alam natin na ang mga pumatay sa 57 katao sa Maguindanao ay hindi makakagawa ng ganoong karumal-dumal na pamamaslang kung walang koneksyon, walang tulong, at walang suporta ng marami, kasama rito ang mga namumuno sa itaas ng gobyerno. Alam natin na ang nauubos na isda sa dagat, mga puno sa gubat, at mga hayop na napipintong maglalaho sa loob ng 12 o 15 taon sa balat ng lupa, ay kagagawan hindi lamang ng kaunting tao ngayon, kundi maraming generasyon na nagdaan. Alam natin na ang mga baha ngayon sa lahat ng dako ng daigdig, ay hindi lamang sa tindi ng ulan, bagkus dahil din sa pagkamakasarili at pagkasakin ng tao.

Harapin natin ang totoo … Tulog tayo sa maraming bagay. Tulog na ang konsiyensiya ng tao na hindi na nagugulantang at nangangamba kahit pumapatay sila ng mga batang nasa sinapupunan sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Tulog na ang pagnanasa ng tao sa mabuti at ganap na maganda, sapagkat kinitil na sa puso ng bawa’t tao ang likas na pagkilala sa masama at mabuti.

Tulog, hindi lamang ang konsiyensiya ng tao, kundi pati na rin ang kanilang pananampalataya. Marami ang higit na naniniwala sa pungsoy kaysa sa maniwala sa sinasaad ng Biblia, o pangaral ng Simbahan. Pati sa facebook ay laganap ang daily horoscope, na parang salita ng Diyos kung bigyan pansin ng marami.

Sa bagong taong ito ng pagsamba, unang sa tatlong taong siklo ng mga pagbasa sa Misa, nais kong isipin na iisa, at tanging iisa ang buod na dapat natin maunawaan. At ito ay ang konsepto o pangaral sa pananatiling gising.

Isang panggising ang mga larawang ipinipinta ni Isaias – mga pangitaing umiikot sa isang himala … Isang himala itong nangangako ng isang panibagong takbo ng panahon at takbo ng pamumuhay … mga pangitain tungkol sa mga tabak na magiging sudsod, mga sibat na magiging karit – na ang lahat ay may kinalaman sa kapayapaan!

Parang isang masamang pangarap ang nakalantad sa harapan natin. Sa katotohanang ito, ayaw na natin magising at makita at maranasan ang lahat. Pagod na tayo. Pagod na ang lahat sa pagtutungayaw. Pagod na ang isipan ng lahat sa pangamba. Kami rito sa Guam ay takot at nangangamba na kung lumala ang tension sa Korea ay kami ang unang babanatan ng mga bomba mula sa kabilang panig.
Sa Pilipinas, pagod na tayo sa puro simula, na sa bawa’t pagluklok sa kapangyarihan ng mga bagong pinuno, ay nag-rereset kumbaga ang lahat, ang nagsisimula muli sa zero. Pagod na ang bayan sa mga imbestigasyon, at mga drama ng mga lukarit sa Congreso at Senado na walang inuuwian. Pagod na ang madla sa walang kabuluhang mga bangayan sa lahat ng antas ng lipunan.

Para ba akong pinapanawan na ng pag-asa?

Hindi! Isang madiing hindi! At dito ngayon sa unang linggong ito ng panahon ng pagdating pumapasok ang bagong silay ng isang panibagong umaga at panibagong panahon. Bilang tugon sa paanyaya ni Isaias, “halina at umahon sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Diyos ni Jacob,” nagtitipon tayo sa dambanang ito upang mangako, upang umako sa tungkulin natin, sapagka’t kung kailan madilim at puno ng kawalang katiyakan, ay nararapat na gunitain na “panahon na upang gumising sa pagkakatulog.”

Noong araw, kung kailan wala masyadong mga gamit tulad ngayon, kung kailan walang karangyaan sa buhay ang marami, maaga ang gising ng lahat. Madaling araw pa ay nag-aararo na, nagpapakain ng mga hayop na alaga, at nagsasaka na. Kung kailan salat, lalu tayong nagbabanat. Sa panahong ito na puno ng lahat ng uri ng paghamon, hindi lamang kasalatan ang dapat pagbanatan ng buto. Kailangan natin magising. Kailangan natin bumangon. “Panahon na upang gumising sa pagkakatulog!”