frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

PAG-ASA SA LIKOD NG PAGDURUSA

In Homily in Tagalog on Hulyo 3, 2008 at 10:00

Ika-14 na Linggo – Taon A
Julio 6, 2008

Mga Pagbasa: Zacarias 9:9-10 / Roma 8:9,11-13 / Mateo 11:25-30

Di kaila sa lahat ng aking tagabasa na napakarami sa buong mundo ang nagdadaan ngayon sa matinding pagsubok. Hindi rin kaila sa lahat ng tumuntong na sa wastong isip, na ang suliranin at pagbabata ng sari-saring pagsubok ay bahagi ng buhay ng tao sa mundo. Libo-libo ang hanggang ngayon ay tumatangis sa pagkamatay ng napakaraming tao sa China matapos ang kagimbal-gimbal na lindol at baha. Gayun din ang karanasan ng higit na maraming tao na hinagupit ng malakas na bagyo sa Myanmar. At para sa atin sa Pilipinas, magpahangga ngayon ay libo-libo pa rin ang nagpapasan ng napakabigat na problemang hatid ng napakalakas na bagyo na kumitil sa buhay ng napakarami, kasama na rin dito ang pumanaw sa pagtaob ng isang barko sa may Romblon. Ang hindi matanggap ng marami ay ang katotohanang ang sakunang nabanggit ay bagay na dapat sana ay naiwasan, kung ang wastong pag-iingat at pagmamalasakit sa kapakanan ng kapwa ay lubhang pinag-ibayo.

Nagtitipon tayo tuwing Linggo para sa iba-ibang layunin. Ang una rito ay upang bigyang puri ang Diyos, ang sumamba at magpasalamat sa Kaniya na kinikilala natin bilang Diyos. Ngunit tayo ay nagtitipon rin upang  maghanap ng kahulugan sa lahat ng nagaganap sa ating buhay, sa ating lipunan, dito man o sa ibayong dagat. Alam natin na batay sa Banal na Kasulatan, ang Diyos ay nagpakilala sa pamamagitan ng kasaysayan at patuloy pa ring nagpapakilala sa atin.

Sa buong kasulatan, natutunghayan natin ang susun-susong mga hilahil na pinagdaanan ng bayang hinirang ng Diyos – ang Israel. Nakita natin kung paano paulit-ulit na ipinamalas ng Diyos sa kanyang bayan ang kahulugan ng pagtalikod sa Kaniyang kalooban at ang kinahihinatnan ng gawang kasalanan. Batid natin kung paano paulit-ulit na ipinaalala ng Diyos kung ano ang mga liksiyon na dapat matutunan nating lahat. Bagama’t hindi natin masasabing ang pagdurusa ay bunga ng kasalanang personal, ang pangaral ng Kasulatan ay malinaw – na ang kasalanan ay laging nagbubunga ng hindi maganda – kung hindi man sa gumawa, ay sa ibang tao, o sa buong lipunan.

Kung itong katotohanang ito ay malinaw sa Kasulatan, malinaw rin ang pangaral na taglay ngayon ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Ano bang mga pangaral ang mga ito? Ano bang katotohanan ang dapat natin ngayong pagyamanin sa ating puso at kaisipan?

Una sa lahat, ang pangaral ng dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayan. Itong pagmamalasakit na ito ay nagbunga sa isang mensahe ng pag-asa. Ito ang mataginting na pahatid ni Zacarias: “Magsaya O anak na babaeng si Zion, magalak o anak na babaeng Jerusalem!” At ano ba ang dahilan? Sinabi ni Zacarias sa kanyang hula – ang pangako ng darating na manliligtas, lulan ng isang asno, na magiging pinuno ng buong sanlibutan.

Ikalawa, binabanggit ni San Pablo sa atin kung paano dapat natin kilalanin at pahalagahan ang ating sarili. Tayo, aniya, ay hindi lamang laman, hindi lamang katawang makalupa. Tayo ay nabubuhay sa antas at larangang espiritwal, yayamang tayo ay binubuo ng katawang lupa at kaluluwa.  Sa madaling salita, ang tao ay nakatuon at tinatawagan upang bagtasin ang larangang material, patungo sa antas ng espiritu.

Nguni’t ang pinakamagandang balita sa araw na ito ay ang napapaloob sa ebanghelyo. Napakayaman ang ebanghelyo natin sa araw na ito. Una sa lahat, ang bungad ng siping ito ay isang pasasalamat mula sa Anak sa kanyang Ama. Ang pasasalamat na ito ay may kinalaman sa dakilang biyaya na ipinagkaloob ng Ama sa mga itunuturing ng daigdig na walang kwenta, walang sinasabi, at walang karapatan – mga taong maliliit sa mata ng mundo. Ang malalim na pag-uugnayan ng Ama at ng Anak ay iniugnay ng Panginoon sa kanyang katumbas na pagmamalasakit sa mga walang kaya, sa mga aba, at sa mga kulelat sa mundo.

Hindi natin dapat pabayaang maglaho itong diwang ito dahil sa yaman ng sipi ng ebanghelyo. Maigting ang pagmamahalan ng Ama at ng Anak. At kasama sa maigting at mahigpit na pagmamahal na ito ang kanilang pagpapahalaga at pagmamahal din sa mga aba at sa mga kaawa-awa sa daigdig. Malapit sa puso ng Ama at ng Anak ang mga dukha, ang mga hindi aral, at mga maliliit sa daigdig.

Ito ang magandang balita na nais kong ikintal sa lahat ng mga nagtitiis at naghihirap sa anumang kadahilanan.

Kung ating susuriin, bagama’t ang puso ng Diyos ay malapit sa mga aba, at mabababa, hindi niya sinabing aalisin niya ang nakapatong na pasanin sa kanilang balikat. Ang sinabi niya ay napakahalaga … Ito ang nagbibigay kahulugan sa anumang pasaning nagpapabigat sa ating buhay. Ang sinabi niya ay may taglay na malaking aral: Matuto kayo sa akin … sapagka’t ako man ay mababa ang loob at aba rin tulad ninyo.

Samakatuwid, ang mahalaga ang kanyang sinasabi sa atin. At ang mahalagang ito ay ang katotohanang siya man ay may pasan na ibinabahagi sa atin … “kunin ninyo ang aking pamatok at pasanin …” Ang mahalaga ay ang kabatirang siya ay kasama natin sa bawa’t sandali ng paghihirap. Siya man ay nag-aral sa paaralan ng matinding pasakit at paghihirap.

Ang puso ko ay nakatuon sa mga tumatangis ngayon sapagka’t dahil sa mga sakuna at trahedyo ay hindi na nila mararamdaman ang init ng pagmamahal ng mga mahal sa buhay na pumanaw na. Ang aking isipan ay lubhang naantig sa kaalamang ang pagdurusang ito ay hindi dapat nangyari kung higit na maingat at propesyonal lamang ang mga may-ari at nagpapatakbo ng barko, at kung ang korupsyon ay hindi talamak sa ating lipunan.

Tulad ng Panginoon, wala akong maiaalay na dagliang solusyon. Wala akong malinaw na silogismo na tutugon sa napakaraming katanungan sa isip at puso ng taong tumatangis at naghihirap. Subali’t ako ay nakikiisa sa Panginoon, at nagsisikap ring pagyamanin nang higit pa ang kanyang magandang balita sa ating mga tumatangis – ang kaniyang pagdamay sa atin, tulad ng pagdadamayan ng Ama at ng Anak, tulad ng kanilang maigting na pagmamahalan.

Walang katugunan sa pagdurusa ng tao. Wala maliban sa isang nagsabi sa atin ngayon: “Matuto sa akin, sapagka’t ako man ay maamo at mababa ang loob.” “Tanggapin ninyo ang aking pamatok at pasanin, at makakakita kayo ng kapahingahan.”

Walang sagot sa tanong tungkol sa problema. Subali’t mayroon tayong karamay. Mayroon tayong kasama sa pagpapakasakit. At kung kasama natin Siya, anu pa ang hahanapin natin? “Pupurihin ko ang iyong ngalan magpakailanman, aking hari at Panginoon.”

KATATAGAN, PAGPAPAYAMAN, AT PAGLAGANAP

In Homily in Tagalog, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 23, 2008 at 21:31

Kapistahan ni San Pedro at San Pablo
Junio 29, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 12:1-11 / 2 Timoteo 4:6-8, 17-18 / Mt 16:13-19

Mahalaga ang araw na ito para sa lahat ng kristiyano. Bukod sa ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng dalawang matatag na haligi ng iglesya katolika, at ng pananampalatayang kristiyano, bibigyang pasinaya ng Santo Papa ang taon ni San Pablo. Ayon sa tradisyon at sa kasaysayan, isinilang si Pablo sa pagitan ng 7 – 10 BC. Samakatuwid, ika-2000 libong taon ng kanyang pagsilang sa Tarsus, Asia Minor, na ngayon ay bahagi ng Turkey.

Hindi natin mabibigkas ang ating pananampalataya sa iisang banal na iglesia, apostolika, catolica at romana kung hindi natin ipapasok sa usapin ang pangalan ng kambal na dakilang santo na si Pedro at Pablo. Sa mula’t mula pa, ay naisadiwa na ng mga kristiyano ang tambalang Pedro at Pablo.

Ngunit ito ay isang tambalang hindi batay sa pagka-pareho kundi pagkakaiba – pagkakaibang nagdulot ng yaman at tibay sa simbahan mula pa sa simula. Si Pedro ay sagisag at muog ng katatagan at pagpapatuloy. Si Pablo naman ay sagisag ng pagpapayaman at pagpapalaganap.

Katatagan … Ito ay higit na kinakailangan ng ating lipunan ngayon sa panahong ito. Kay daling mabago ang simoy ng hangin … kay daling mapalitan ang katayuan ng isang tao sa harap ng balanang nagbabago ang isipan ayon sa direksyon ng hangin. Kay daling maglaho ang pinaghihirapan ng tao sa maraming taon. Sa isang iglap, sa isang daluyong ng malakas na bagyo, tulad ni Frank, ay lubusang napuksa ang pangarap ng napakaraming naging biktima ng masamang panahon. Ang puso ko ay  nakatuon sa daan-daang taong ang buhay ay kagya’t napuksa ng kalikasan at ng kapalpakan ng Sulpicio lines. Kay daling maglaho ang anu mang ating pinahahalagahan at pinagmamalasakitan.

Katatagan … ito ang bagay na hindi natin makita sa lipunang umiikot sa isang uri ng politikang pinamumugaran ng mga sinungaling at tampalasang mga politikong sanga-sanga ang dila. Katatagan … ito ang pinaka-aasam-asam ng lahat ng taong umaasa pang ang buhay nila ay masisilayan pa ng isang bagong umaga ng pag-asa.

Katatagan … ito ang dulot ni Pedro na sa loob ng maraming dantaon, sa kabila ng napakaraming pagsubok na pinagdaanan ng barkong kanyang ginabayan … sa kabila ng personal niyang paghihirap, pagpapakasakit, at pagkapako sa krus tulad ng kanyang Panginoong si Jesucristo, ay siyang naghari at patuloy na namamayagpag sa buhay ng Inang Santa Iglesia magpahangga ngayon.

Paglaganap … ito naman ang yamang dulot ni Pablo. Noong isang buwan, nagkapalad akong makapunta sa ilang lugar na tinahak ni San Pablo. Nakita ko sa Rodos, Grecia ang isa sa mga pantalang dinaungan ni Pablo noong taong 58 AD. Naging sagisag ito para sa akin ng diwa ng kanyang pagpupunyagi upang lumaganap ang Santa Iglesia. Totoong si Pablo ay dapat itanghal bilang haligi ng pagpapayaman at pagpapalaganap ng pananampalataya.

Paglaganap … Lubha rin natin kailangan ito. Kay raming lumalaganap ngayon na kakaibang mga pangaral. Nandiyan ang New Age … Nandiyan ang mga iba-ibang uri ng science of the mind … nandiyan din ang mga palsong propetang nagsasamantala sa kawalang katig ng marami nating paniniwala dahilan sa dami ng mga salu-salungat na mga pangaral sa ating kapaligiran.

Paglaganap … Ito ang isang suliraning tila bumabalot sa buong daigdig – ang paglaganap ng globalisasyon at ang lahat ng negatibong aspetong dulot nito. Laganap sa daigdig ang pagkamuhi. Ang terorismo ay walang iba kundi malalim na pagkagalit at pagkamuhi.

Paglaganap … kay raming mga bagong sakit ang lumalaganap sa lahat ng dako ng daigdig. Laganap rin ang mga iba-ibang uri ng droga at mga bawal na gamut. Laganap rin ang kahirapan, at kamangmangan, at kawalang kakayahan sa harap ng mga makapangyarihang tao at gobyernong nagtataglay ng malaking tipak ng kapangyarihan sa mundo.

Ang dalawang katagang ito ang kumakatawan sa kapistahan natin ngayon. Si Pedro at Pablo ang haligi ng katatagan at paglaganap. Subalit kakaibang katatagan at paglaganap ang kinakatawan nilang dalawa.

Ito ang magandang balita para sa  atin ngayon. Ngunit ang magandang balita ay hindi lamang mga katagang nakapagpapagaan ng puso at damdamin. Ang magandang balitang dulot ng kambal na banal na sina Pedro at Pablo ay mga katagang paghamon – mga katagang kumakatawan sa tungkuling naka-atang ngayon sa ating balikat bilang kanilang tagasunod.

Noon pang 1989 ay binigyang-diin na ni Papa Juan Pablo II ang tungkulin nating magdulot ng katatagan at paglaganap sa ating pananampalataya. Tinawagan ng Santo Papa, Juan Pablo II ang lahat na magpagal sa ngalan ng isang bagong ebanghelisasyon. Hindi ito nangangahulugang bagong mensahe, kundi bagong pamamaraan, bagong pag-iibayo, at  bagong pagsisikap upang maipamahagi ang magandang balita ng kaligtasan.

Ito ang pamana sa atin ni Pedro at Pablo. Ito ang kanilang magandang halimbawa, at ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagdiriwang sa araw na ito. Iisa lamang ang nananatiling dapat nating isagawa – ang magpagal, ang magsikap, ang ipagpatuloy ang kanilang sinimulan – ang maging sanhi rin ng katatagan, pagyaman, at paglaganap ng pananampalataya.