frchito

Archive for the ‘Mahal na Birheng Maria’ Category

TANDA, TAKDA, TADHANA

In Adviento, Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Jose, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 18, 2008 at 21:49

life-from-barrenness

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 20, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Lk 1:26-38

Panganib at pangamba ang nasa puso ng mga angkan ni Juda, sapagka’t akmang sasakupin ng Assyria at Samaria ang kaharian ni Acaz. Ito ang unang eksena sa ating makabagbag-damdaming kabanata sa ikalimang araw ng ating simbang gabi. Simple lamang ang tagubilin ni Isaias … magtiwala sa Diyos at ipaubaya sa Kanya ang lahat. Tila nagpatumpik-tumpik pa si Acaz. “Hindi ko susubukin ang Diyos … hindi ako hihingi ng tanda.” Tila nagmatigas at nagmagaling si Acaz. Sa kabila ng kanyang pangamba, hindi niya nakuhang humingi ng tanda mula sa Diyos.

Sa kanyang pagsiphayo sa balak ng Diyos, sa kanyang maalab na pagmamahal sa Kanyang bayan, hindi lamang tumanggi si Acaz sa isang tanda. Kanya ring tinanggihan ang takdang magaganap ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagbunsod kay Isaias na magwika nang tahasan. Patuloy ba ninyong titikisin ang Diyos? Siya na mismo, aniya, ang magkakaloob ng isang tanda.

Ito ang tanda na nagtakda sa ating tadhana. “Isang birhen ang maglilihi at manganganak ng isang lalaki, na papangalanang Emmanuel.”

Isang tanda na galing sa Diyos mismo. Wala nang iba. Kay raming tanda ang tinitingala ng tao ngayon: ang tanda ng yaman, kapangyarihan, at posisyon sa lipunan. Ang buong mundo ng kabataan ay hibang sa mga tanda na nakapaskil sa kanilang kasuotan – Nike swoosh, buwaya (Lacoste), dalawang paa (Hang Ten), at marami pang iba. Ang lahat ng iyon ay mga tanda, nguni’t tanda na galing, hindi sa Diyos, kundi sa tao.

Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tanda … isang dalagitang magluluwal ng sanggol. Kay raming mga halimbawa sa Kasulatan ng nagluwal ng sanggol, tulad ni Sara, ng asawa ni Manoah, ni Elisabet, at iba pa. Nguni’t tanging isa lamang sa Kasulatan ang nakatakdang magluwal ng sanggol sa pagkabirhen. Ito ang nakatakdang maganap sa Bagong Tipan sa buhay ni Maria. At ito ang takdang salaysay na binasa natin sa ebanghelyo sa araw na ito.

Kay daming tanda na galing sa tao at sa makamundong mga kalalagayan. Nguni’t tanging Diyos lamang, tulad ng sinabi ni Isaias kay Acaz, ang may angking kakayahang iligtas ang Kanyang bayan.

Kay raming palatandaan sa lipunan natin na nagpapanggap magbigay ng solusyon sa maraming problema. Nariyan ang tanda ng House Bill 5043 … tanda raw ito na naghuhudyat upang kitlin na ang mga batang hindi na dapat kumitang liwanag sa mundong ibabaw. Tanda raw ito na naghuhudyat na pauntiin na ang nag-uumapaw na populasyon sa Filipinas. Nariyan din ang tanda ng kalakaran sa lipunan. Wala nang kadayaan. Ang lahat ay hatid ng malaking pangangailangan. Ang lahat ay tanda ng kung ano ang uso at takbo ng mga bagay-bagay, at takbo ng pag-iisip sa mundo. Itong lahat ay tanda ng pagiging postmoderno o makabago. At ito rin ay tanda na dapat magpadala na lamang sa agos ng postmodernismo, na wala nang kinakatigang totoo at tama.

Nariyan din ang tanda ng pagkamakasarili at pagkakanya-kanya. Ang tanda ng “personal computer,” “personal digital assistant,” “personal entertainment,” – lahat ng personal at pang-isahang pamamaraan ng pagbibigay-aliw sa sarili … ang lahat ng ito ay tanda na ang lipunan ay nilikha upang manggayupapa sa kagustuhan at pagnanasang makasarili.

Nguni’t ang Diyos na mismo ang magbibigay ng tanda sa atin. Naganap ang dakilang tanda na ito sa pagsilang ni Jesus, na atin ngayong ginugunita sa araw ng Pasko. Ito ang takdang kaloob ng Diyos – na ang lahat ay maligtas at tumanggap ng buhay – buhay na ganap at walang hanggan.

Marami ang tanda sa ating paligid. Nguni’t iisa lamang at wala nang iba ang takdang maghahatid sa atin sa kaganapan ng itinatanda at itinuturo ng tandang nabanggit – ang buhay na walang hanggan na dulot ng Panginoon sa pamamagitan ni Kristong Panginoon at Mananakop.

Ito ay hindi lamang tanda. Ito ay takda … nakatakda upang ang sanggol na isinilang ay maging daan sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ang dakilang tanda na hatid ni Gabriel kay Maria. Sa balak at dakilang habag ng Diyos, siya ay itinakda bilang pinagpalang lubos nang higit sa dilang babae. Ito ang tanda na nagtakda maging kay Jose bilang isang mahalagang katuwang sa katuparan ng Kanyang balakin.

Hindi madaling tanggapin ang tanda mula sa itaas. Nagulumihanan si Maria. Nangamba siya at ang balita ay naghatid sa pagkabalisa. Nguni’t itinakda at itinalaga ni Maria ang sumunod sa utos ng Diyos. Niyakap ni Maria ang tadhanang naghihintay sa kanya at nagwika nang buong pananampalataya: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong wika.”

Maraming tanda ang nakatambad sa atin ngayon. Patuloy na humihirap ang marami at patuloy na yumayaman ang kaunti. Marami ang wala nang paniniwala sa eleksiyon at sa tunay na katapatan ng mga politicong sanga-sanga ang dila. Maraming tanda ang lumalaganap … natutuyot ang tubig na sariwa at malinis sa maraming lugar. Nagiging putik ang lupa mula sa kabundukang nakatakda na ang wakas sapagka’t nakalbo na ng mga tampalasang loggers na walang patumanggang nagpuputol ng kahoy sa bundok. Ang mga kagubatan ay nagiging palaruan ng mga mapagsamantalang minero na sumisipsip sa dugo ng bayan nating sinilangan.

Maraming tanda at ang lahat ng ito ay hindi galing sa Diyos. Walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng libo-libo sa pagkaguho ng bundok na inahitan ang tuktok at kinalbo ng mga masisibang nagkakalakal ng ating kinabukasan. Ang mga tanda na galing hindi sa Diyos kundi sa tao ang siyang nagtatakda sa atin upang manatiling mahirap at maging higit pang mahirap paglaon.

Nguni’t sa araw na ito ang magandang balita ay nasasalalay sa isang natatanging tanda na galing sa Diyos. Isang sanggol na lalaki. Isang dalagitang birhen na nagluluwal ng sanggol. Isang lalaking nagtakda ng sarili upang panagutan ang kanyang asawang si Maria at ang anak ni Mariang birhen.

May dakilang tadhana ang naghihintay sa mga taong nakakakita ng tanda at nagbibigay-halaga dito. Diyos na mismo ang nagbigay nito. Wala nang iba. At ang tandang ito na naganap na ang siya natin ngayong pinanghahawakan nang buong pananampalataya. Isang tanda. Isang takdang buhay na ganap. At isang mataginting na tadhana sa piling ng Diyos na siya nating lunggati at sanghaya. Purihin nawa Siya magpakailanman.

NAHAN KA, KAPATID?

In Homily in Tagalog, Inmaculada Concepcion, Mahal na Birheng Maria, Taon B on Disyembre 5, 2008 at 20:37

KAPISTAHAN NG KALINIS-LINISANG PAGLILIHI KAY MARIA
Disyembre 8, 2008

Mga Pagbasa: Gen 3:9-15, 20 / Efeso 1:3-6, 11-12 / Lucas 1:26-38
immaculate-conception2

Ang dakilang kapistahan ng kalinis-linisang paglilihi kay Maria ay parang isang paglihis sa diwa ng Adviento na ating sinimulan noong nakaraang dalawang Linggo. Para bagang ito ay walang kinalaman sa diwa ng pagdating, sa diwa ng paghihintay sa Mananakop na Siyang pinakahihintay ng buong sangkatauhan.

Subali’t kung iisipin natin mabuti kung ano ang papel na ginampanan ni Maria, ay magbabago ang ating hinuha. Magpapalit ang ating maling akala, at lilinaw ang ating pagtingin at pagturing sa kanyang, ang Banal na Kasulatan na mismo ang nagtanghal bilang “bukod na pinagpala sa babaeng lahat.”

At bakit hindi? Kung tayo ay naniniwala na si Kristo ay Diyos Anak na nagkatawang-tao, tulad ng pangaral na malinaw ng Ebanghelyo ayon kay San Juan, malinaw na ang babaeng nagsilang o nagluwal sa Anak ng Diyos ay mayroong isang natatanging papel na ginampanan.

Alam natin lahat ang kahulugan nito. Tingnan natin ito sa pamamagitan ng isang katotohanang malapit sa pang-araw-araw nating  karanasan. Tuwing Pasko, marami sa atin ang tumatanggap o nagbibigay ng regalo. Hindi ninyo ba napansin na kung ang regalo ay lubhang mahal o mahalaga ay bumabagay din ang sisidlan, ang balot, o supot? Hindi ba’t kung singsing na diamante ang kaloob ay isinisilid ito sa isa ring mamahaling kahon, o lalagyan. Hindi ba’t iniaangkop natin sa halaga ng regalo ang siya nating pinaglalagyan? Hindi ba’t kung gintong relos ang regalo ay hindi lang natin binabalot sa manila paper ang regalo, bagkus inilalagay sa isang kahon na medyo malaki rin ang halaga at maganda ang hubog, anyo, at kulay?

Simple lamang ito at madaling maunawaan.

Itumbas natin ito sa Mahal na Birheng Maria. Siya ay siyam na buwan na nagdalang-tao kay Jesus na Anak ng Diyos. Siya ang naghatid sa Mesiyas na nagkatawang-tao. Siya ay isang sisidlan na sa tradisyon ng Simbahan ay itinumbas sa “kaban ng tipan” … o sisidlang ang halaga ay ibinagay sa nilalamang kaloob ng Ama sa sangkatauhan.

Ito ang malalim na dahilan kung bakit sa mula’t mula pa ay itinanghal ng Simbahan si Maria bilang isang babaeng pinagpala nang higit sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit, sa kapistahang ito, ang ating pinagyayamang katotohanan ay ang malaking paghahanda ng Diyos mismo upang ang magluluwal sa Kanyang Anak ay maging isang sisidlang kaaya-aya at angkop sa pagka-Diyos ng Panginoong Jesucristo. Kung ginto ang kaloob ay ginto rin halos dapat ang kahong kalalagyan ng kaloob.

Nguni’t sa tuwina, ang pagdiriwang sa Simbahan ay dapat kakitaan ng kaugnayan sa buhay natin sa pang-araw-araw. Ang batas ng pagsamba ay batas rin ng paniniwala, at batas rin ng pagkilos at paggawa. Sa Simbahang Katoliko, wala tayong itinatanghal sa liturhiya na hindi rin natin itinatanghal sa larangan ng buhay, ma pansarili o panlipunan.

Nais kong gawing simulain ng aking pagninilay ang salaysay sa unang pagbasa na halaw sa aklat ng Genesis. Matapos magkasala si Adan at si Eba, ay naghanap ang Diyos – isang paghahanap na tigib ng pag-ibig at puspos ng pagmamalasakit. Ang tanong ng Diyos ay napakasimple: “Nahan ka, Adan?” At si Adan, na alam niyang siya ay nagkasala, ay nagkukubli at nag-aatubiling magpakita sa Diyos na kanyang tinalikuran.

Ito ang kwento ng ating buhay bilang tao. Ito ang patuloy na salaysay ng buhay nating lahat. Kasalanan … pagtatago … pagtanggi … di pagtanggap ng kamalian. Ito ang araw-araw nating nakikita sa susun-susong mga imbestigasyon. Walang umaamin. Walang tumatanggap. Lahat ay tumatanggi. Wala ang umaangkin ng kasalanan. Wala ni isa sa kanila ang nagpamalas ng pagsisisi. Ang milyon-milyong pisong baon sa Russia ay hindi pa alaw kung saan nanggaling magpahangga ngayon. Ang pinuntahan ng mahigit na 700 milyong piso sa abono kuno  ay hindi pa natutunton hanggang ngayon. At ang nanagana sa NBN-ZTE deal kahit na hindi natuloy ang kontrata ay hindi pa napangalanan. Ang mga politicong natulungan ng umaagos na pondo sa eleksyon ay pawang walang masamang nagawa. Walang nakukulong. Walang nahuhuli. Walang nangyayaring masama sa bansa. Lahat ay tila bulag, pipi, at bingi. Lahat … ang legislativo, ang ejecutivo, at ang majestrativo. Nababayaran at nasusupalpalan ang lahat.

Ito ang kwento ni Adan at ni Eba. Nahan ka, Adan? Nag-imbento pa siya ng dahilan … nagtago daw siya sapagka’t siya raw ay hubad. Nguni’t ang kanyang kahubarang higit na masahol ay ang kahubaran sa katotohanan, kahubaran sa pagtanggap ng kamalian.

Babae ang sinisi agad ng lalake. Si Eba ang itinuro ni Adan. At ang babae ay kagya’t naghanap rin ng maituturo. Sisihang umaatikabo ang buod ng kwento … tulad ng salaysay ng ating lipunan na walang malamang gawin kundi maghanap ng mapagbibintangan at mapagtatapunan ng sisi.

At dito ngayon papasok ang larawan ng babaeng bukod na pinagpala sa lahat. Walang sinisi. Walang itinuro. At walang itinanggi. “Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo.” Umako … yumuko … tumango sa paanyaya ng Maykapal na nagwika sa pamamagitan ng anghel. Kung babae ang sinisi ni  Adan, babae ang naging susi ng ating pagbabagong anyo. Babae ang umako. Babae ang nagbaligtad sa ginawa ni Eva, na siya namang tinawag ng  anghel na “Ave.” Ave Maria, gratia plena, Dominus tecum.”

Ito ang dahilan kung bakit tayo nagdiriwang. Hindi na natin kailangan pang magkubli sa Diyos, sapagka’t may umako, may yumuko, at may tumango sa kanyang kagustuhang iligtas muli ang tao. At ang kaligtasang dulot Niya sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak ay naganap, nangyari, at naging makatotohanan sapagka’t may isang babaeng nakipagtulungan sa Kanya.

Magtataka pa ba tayo kung bakit itinanghal Niya ang Kanyang Ina bilang tunay at ganap na pinagpalang bukod sa babaeng lahat? Magtataka pa ba tayo kung ginawa Niya ang babaeng ito na ipinaglihing walang bahid ng kasalanang mana?

Kung ano ang halaga ng kaloob ay siya rin ang halaga ng sisidlan – ang “kaban ng tipan” ang “tore ni David” at “toreng garing” na walang kapantay sa kaninuman.

Nahan ka, kapatid? Ikaw ba’y kasama at kapanig ng mga nagsisikap tumugon, umako, at tumanggap sa patuloy na paanyaya ng Diyos?