KAPISTAHAN NG KALINIS-LINISANG PAGLILIHI KAY MARIA
Disyembre 8, 2008
Mga Pagbasa: Gen 3:9-15, 20 / Efeso 1:3-6, 11-12 / Lucas 1:26-38
Ang dakilang kapistahan ng kalinis-linisang paglilihi kay Maria ay parang isang paglihis sa diwa ng Adviento na ating sinimulan noong nakaraang dalawang Linggo. Para bagang ito ay walang kinalaman sa diwa ng pagdating, sa diwa ng paghihintay sa Mananakop na Siyang pinakahihintay ng buong sangkatauhan.
Subali’t kung iisipin natin mabuti kung ano ang papel na ginampanan ni Maria, ay magbabago ang ating hinuha. Magpapalit ang ating maling akala, at lilinaw ang ating pagtingin at pagturing sa kanyang, ang Banal na Kasulatan na mismo ang nagtanghal bilang “bukod na pinagpala sa babaeng lahat.”
At bakit hindi? Kung tayo ay naniniwala na si Kristo ay Diyos Anak na nagkatawang-tao, tulad ng pangaral na malinaw ng Ebanghelyo ayon kay San Juan, malinaw na ang babaeng nagsilang o nagluwal sa Anak ng Diyos ay mayroong isang natatanging papel na ginampanan.
Alam natin lahat ang kahulugan nito. Tingnan natin ito sa pamamagitan ng isang katotohanang malapit sa pang-araw-araw nating karanasan. Tuwing Pasko, marami sa atin ang tumatanggap o nagbibigay ng regalo. Hindi ninyo ba napansin na kung ang regalo ay lubhang mahal o mahalaga ay bumabagay din ang sisidlan, ang balot, o supot? Hindi ba’t kung singsing na diamante ang kaloob ay isinisilid ito sa isa ring mamahaling kahon, o lalagyan. Hindi ba’t iniaangkop natin sa halaga ng regalo ang siya nating pinaglalagyan? Hindi ba’t kung gintong relos ang regalo ay hindi lang natin binabalot sa manila paper ang regalo, bagkus inilalagay sa isang kahon na medyo malaki rin ang halaga at maganda ang hubog, anyo, at kulay?
Simple lamang ito at madaling maunawaan.
Itumbas natin ito sa Mahal na Birheng Maria. Siya ay siyam na buwan na nagdalang-tao kay Jesus na Anak ng Diyos. Siya ang naghatid sa Mesiyas na nagkatawang-tao. Siya ay isang sisidlan na sa tradisyon ng Simbahan ay itinumbas sa “kaban ng tipan” … o sisidlang ang halaga ay ibinagay sa nilalamang kaloob ng Ama sa sangkatauhan.
Ito ang malalim na dahilan kung bakit sa mula’t mula pa ay itinanghal ng Simbahan si Maria bilang isang babaeng pinagpala nang higit sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit, sa kapistahang ito, ang ating pinagyayamang katotohanan ay ang malaking paghahanda ng Diyos mismo upang ang magluluwal sa Kanyang Anak ay maging isang sisidlang kaaya-aya at angkop sa pagka-Diyos ng Panginoong Jesucristo. Kung ginto ang kaloob ay ginto rin halos dapat ang kahong kalalagyan ng kaloob.
Nguni’t sa tuwina, ang pagdiriwang sa Simbahan ay dapat kakitaan ng kaugnayan sa buhay natin sa pang-araw-araw. Ang batas ng pagsamba ay batas rin ng paniniwala, at batas rin ng pagkilos at paggawa. Sa Simbahang Katoliko, wala tayong itinatanghal sa liturhiya na hindi rin natin itinatanghal sa larangan ng buhay, ma pansarili o panlipunan.
Nais kong gawing simulain ng aking pagninilay ang salaysay sa unang pagbasa na halaw sa aklat ng Genesis. Matapos magkasala si Adan at si Eba, ay naghanap ang Diyos – isang paghahanap na tigib ng pag-ibig at puspos ng pagmamalasakit. Ang tanong ng Diyos ay napakasimple: “Nahan ka, Adan?” At si Adan, na alam niyang siya ay nagkasala, ay nagkukubli at nag-aatubiling magpakita sa Diyos na kanyang tinalikuran.
Ito ang kwento ng ating buhay bilang tao. Ito ang patuloy na salaysay ng buhay nating lahat. Kasalanan … pagtatago … pagtanggi … di pagtanggap ng kamalian. Ito ang araw-araw nating nakikita sa susun-susong mga imbestigasyon. Walang umaamin. Walang tumatanggap. Lahat ay tumatanggi. Wala ang umaangkin ng kasalanan. Wala ni isa sa kanila ang nagpamalas ng pagsisisi. Ang milyon-milyong pisong baon sa Russia ay hindi pa alaw kung saan nanggaling magpahangga ngayon. Ang pinuntahan ng mahigit na 700 milyong piso sa abono kuno ay hindi pa natutunton hanggang ngayon. At ang nanagana sa NBN-ZTE deal kahit na hindi natuloy ang kontrata ay hindi pa napangalanan. Ang mga politicong natulungan ng umaagos na pondo sa eleksyon ay pawang walang masamang nagawa. Walang nakukulong. Walang nahuhuli. Walang nangyayaring masama sa bansa. Lahat ay tila bulag, pipi, at bingi. Lahat … ang legislativo, ang ejecutivo, at ang majestrativo. Nababayaran at nasusupalpalan ang lahat.
Ito ang kwento ni Adan at ni Eba. Nahan ka, Adan? Nag-imbento pa siya ng dahilan … nagtago daw siya sapagka’t siya raw ay hubad. Nguni’t ang kanyang kahubarang higit na masahol ay ang kahubaran sa katotohanan, kahubaran sa pagtanggap ng kamalian.
Babae ang sinisi agad ng lalake. Si Eba ang itinuro ni Adan. At ang babae ay kagya’t naghanap rin ng maituturo. Sisihang umaatikabo ang buod ng kwento … tulad ng salaysay ng ating lipunan na walang malamang gawin kundi maghanap ng mapagbibintangan at mapagtatapunan ng sisi.
At dito ngayon papasok ang larawan ng babaeng bukod na pinagpala sa lahat. Walang sinisi. Walang itinuro. At walang itinanggi. “Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo.” Umako … yumuko … tumango sa paanyaya ng Maykapal na nagwika sa pamamagitan ng anghel. Kung babae ang sinisi ni Adan, babae ang naging susi ng ating pagbabagong anyo. Babae ang umako. Babae ang nagbaligtad sa ginawa ni Eva, na siya namang tinawag ng anghel na “Ave.” Ave Maria, gratia plena, Dominus tecum.”
Ito ang dahilan kung bakit tayo nagdiriwang. Hindi na natin kailangan pang magkubli sa Diyos, sapagka’t may umako, may yumuko, at may tumango sa kanyang kagustuhang iligtas muli ang tao. At ang kaligtasang dulot Niya sa pamamagitan ng Kanyang bugtong na Anak ay naganap, nangyari, at naging makatotohanan sapagka’t may isang babaeng nakipagtulungan sa Kanya.
Magtataka pa ba tayo kung bakit itinanghal Niya ang Kanyang Ina bilang tunay at ganap na pinagpalang bukod sa babaeng lahat? Magtataka pa ba tayo kung ginawa Niya ang babaeng ito na ipinaglihing walang bahid ng kasalanang mana?
Kung ano ang halaga ng kaloob ay siya rin ang halaga ng sisidlan – ang “kaban ng tipan” ang “tore ni David” at “toreng garing” na walang kapantay sa kaninuman.
Nahan ka, kapatid? Ikaw ba’y kasama at kapanig ng mga nagsisikap tumugon, umako, at tumanggap sa patuloy na paanyaya ng Diyos?