Ika-5 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 20, 2008
Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Lk 1:26-38
Panganib at pangamba ang nasa puso ng mga angkan ni Juda, sapagka’t akmang sasakupin ng Assyria at Samaria ang kaharian ni Acaz. Ito ang unang eksena sa ating makabagbag-damdaming kabanata sa ikalimang araw ng ating simbang gabi. Simple lamang ang tagubilin ni Isaias … magtiwala sa Diyos at ipaubaya sa Kanya ang lahat. Tila nagpatumpik-tumpik pa si Acaz. “Hindi ko susubukin ang Diyos … hindi ako hihingi ng tanda.” Tila nagmatigas at nagmagaling si Acaz. Sa kabila ng kanyang pangamba, hindi niya nakuhang humingi ng tanda mula sa Diyos.
Sa kanyang pagsiphayo sa balak ng Diyos, sa kanyang maalab na pagmamahal sa Kanyang bayan, hindi lamang tumanggi si Acaz sa isang tanda. Kanya ring tinanggihan ang takdang magaganap ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagbunsod kay Isaias na magwika nang tahasan. Patuloy ba ninyong titikisin ang Diyos? Siya na mismo, aniya, ang magkakaloob ng isang tanda.
Ito ang tanda na nagtakda sa ating tadhana. “Isang birhen ang maglilihi at manganganak ng isang lalaki, na papangalanang Emmanuel.”
Isang tanda na galing sa Diyos mismo. Wala nang iba. Kay raming tanda ang tinitingala ng tao ngayon: ang tanda ng yaman, kapangyarihan, at posisyon sa lipunan. Ang buong mundo ng kabataan ay hibang sa mga tanda na nakapaskil sa kanilang kasuotan – Nike swoosh, buwaya (Lacoste), dalawang paa (Hang Ten), at marami pang iba. Ang lahat ng iyon ay mga tanda, nguni’t tanda na galing, hindi sa Diyos, kundi sa tao.
Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tanda … isang dalagitang magluluwal ng sanggol. Kay raming mga halimbawa sa Kasulatan ng nagluwal ng sanggol, tulad ni Sara, ng asawa ni Manoah, ni Elisabet, at iba pa. Nguni’t tanging isa lamang sa Kasulatan ang nakatakdang magluwal ng sanggol sa pagkabirhen. Ito ang nakatakdang maganap sa Bagong Tipan sa buhay ni Maria. At ito ang takdang salaysay na binasa natin sa ebanghelyo sa araw na ito.
Kay daming tanda na galing sa tao at sa makamundong mga kalalagayan. Nguni’t tanging Diyos lamang, tulad ng sinabi ni Isaias kay Acaz, ang may angking kakayahang iligtas ang Kanyang bayan.
Kay raming palatandaan sa lipunan natin na nagpapanggap magbigay ng solusyon sa maraming problema. Nariyan ang tanda ng House Bill 5043 … tanda raw ito na naghuhudyat upang kitlin na ang mga batang hindi na dapat kumitang liwanag sa mundong ibabaw. Tanda raw ito na naghuhudyat na pauntiin na ang nag-uumapaw na populasyon sa Filipinas. Nariyan din ang tanda ng kalakaran sa lipunan. Wala nang kadayaan. Ang lahat ay hatid ng malaking pangangailangan. Ang lahat ay tanda ng kung ano ang uso at takbo ng mga bagay-bagay, at takbo ng pag-iisip sa mundo. Itong lahat ay tanda ng pagiging postmoderno o makabago. At ito rin ay tanda na dapat magpadala na lamang sa agos ng postmodernismo, na wala nang kinakatigang totoo at tama.
Nariyan din ang tanda ng pagkamakasarili at pagkakanya-kanya. Ang tanda ng “personal computer,” “personal digital assistant,” “personal entertainment,” – lahat ng personal at pang-isahang pamamaraan ng pagbibigay-aliw sa sarili … ang lahat ng ito ay tanda na ang lipunan ay nilikha upang manggayupapa sa kagustuhan at pagnanasang makasarili.
Nguni’t ang Diyos na mismo ang magbibigay ng tanda sa atin. Naganap ang dakilang tanda na ito sa pagsilang ni Jesus, na atin ngayong ginugunita sa araw ng Pasko. Ito ang takdang kaloob ng Diyos – na ang lahat ay maligtas at tumanggap ng buhay – buhay na ganap at walang hanggan.
Marami ang tanda sa ating paligid. Nguni’t iisa lamang at wala nang iba ang takdang maghahatid sa atin sa kaganapan ng itinatanda at itinuturo ng tandang nabanggit – ang buhay na walang hanggan na dulot ng Panginoon sa pamamagitan ni Kristong Panginoon at Mananakop.
Ito ay hindi lamang tanda. Ito ay takda … nakatakda upang ang sanggol na isinilang ay maging daan sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ang dakilang tanda na hatid ni Gabriel kay Maria. Sa balak at dakilang habag ng Diyos, siya ay itinakda bilang pinagpalang lubos nang higit sa dilang babae. Ito ang tanda na nagtakda maging kay Jose bilang isang mahalagang katuwang sa katuparan ng Kanyang balakin.
Hindi madaling tanggapin ang tanda mula sa itaas. Nagulumihanan si Maria. Nangamba siya at ang balita ay naghatid sa pagkabalisa. Nguni’t itinakda at itinalaga ni Maria ang sumunod sa utos ng Diyos. Niyakap ni Maria ang tadhanang naghihintay sa kanya at nagwika nang buong pananampalataya: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong wika.”
Maraming tanda ang nakatambad sa atin ngayon. Patuloy na humihirap ang marami at patuloy na yumayaman ang kaunti. Marami ang wala nang paniniwala sa eleksiyon at sa tunay na katapatan ng mga politicong sanga-sanga ang dila. Maraming tanda ang lumalaganap … natutuyot ang tubig na sariwa at malinis sa maraming lugar. Nagiging putik ang lupa mula sa kabundukang nakatakda na ang wakas sapagka’t nakalbo na ng mga tampalasang loggers na walang patumanggang nagpuputol ng kahoy sa bundok. Ang mga kagubatan ay nagiging palaruan ng mga mapagsamantalang minero na sumisipsip sa dugo ng bayan nating sinilangan.
Maraming tanda at ang lahat ng ito ay hindi galing sa Diyos. Walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng libo-libo sa pagkaguho ng bundok na inahitan ang tuktok at kinalbo ng mga masisibang nagkakalakal ng ating kinabukasan. Ang mga tanda na galing hindi sa Diyos kundi sa tao ang siyang nagtatakda sa atin upang manatiling mahirap at maging higit pang mahirap paglaon.
Nguni’t sa araw na ito ang magandang balita ay nasasalalay sa isang natatanging tanda na galing sa Diyos. Isang sanggol na lalaki. Isang dalagitang birhen na nagluluwal ng sanggol. Isang lalaking nagtakda ng sarili upang panagutan ang kanyang asawang si Maria at ang anak ni Mariang birhen.
May dakilang tadhana ang naghihintay sa mga taong nakakakita ng tanda at nagbibigay-halaga dito. Diyos na mismo ang nagbigay nito. Wala nang iba. At ang tandang ito na naganap na ang siya natin ngayong pinanghahawakan nang buong pananampalataya. Isang tanda. Isang takdang buhay na ganap. At isang mataginting na tadhana sa piling ng Diyos na siya nating lunggati at sanghaya. Purihin nawa Siya magpakailanman.