frchito

Archive for the ‘Panahon ng Pagdating’ Category

MULA SA KAGUBATAN, KALIGTASAN!

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon B on Nobyembre 29, 2011 at 14:43

Ikalawang Linggo ng Adbiyento(B)
Disyembre 4, 2011

Mga Pagbasa: Isaias 40:1-5.9-11 / 2 Ped 3:8-14 / Mc 1:1-8

Mahirap sa panahon natin ang magsalita tungkol sa pag-asa. Wala nang kakayahan ngayon maghintay ang mga tao. Sa bilis ng daloy ng kaalaman, ng impormasyon, sa pamamagitan ng information superhighway na tinatawag mahigit sampung taon na ang lumipas, sa panahon ng tinatawag na iCloud, kung saan lahat ng kaalaman ay matatagpuan sa pindot ng ilang butones, mahirap ang magwika hinggil sa pag-asa.

Kaakibat ng pag-asa ang paghihintay, at hindi na uso ngayon ang maghintay. Lahat ay instant … instant coffee, instant noodles, at marami pang iba. Ayaw na rin ng mga tao ngayon maghintay habang nag-buboot ang computer. Gusto natin ngayon ay deretso na na cloud, sa alapaap ng impormasyon, na makikita sa iPod, iPad, Galaxy tablets at mga Cherry tablets, gamit man ay Android, o iOS5.

Tila pumanaw na rin sa lipunan natin ang kahinahuhan. Lahat ngayon ay pandalasan, mabilisan, at dapat gawin kara-karaka. Ang pagmumuni-muni ay hindi na ginagawa, bago magpasya. Sapat na ang i-google ang katanungan, at ang suliranin ay nabibigyang-sagot sa cyberspace. Sa walang puknat na pagbanat ng mga komentarista sa radio, TV, at websites, pati ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali. Pati reputasyon ng matataas na tao ay puedeng magiba kung nagkasawing palad kang makabangga ang mga makapangyarihang taong may hawak na mikropono maghapon, araw-araw.

Sa kalalagayang ito ng mundo, parang paahon, hindi pababa, ang magwika tungkol sa pag-asa. Para kang isang sirang plaka, (na hindi na rin nauunawaan ng mga bata ngayon), o parang long-playing cassette tape na ayaw nang umikot, na lagi mo pang kailangang paikutin ng isang Bic ballpen o lapis.

Ito rin ang katayuan ng mga Israelita nang sumulat si Isaias. Kagagaling lang nila sa pagkatapon sa Babilonia. Mapait na karanasan. Maramdaming yugto sa kanilang kasaysayan. Ito rin ang katayuan ni Juan Bautista nang siya ay unang mangaral. Mahirap mangaral lalu na’t ang kasuotan mo ay tulad ng suot ni Juan – balat ng hayop. Mahirap magpapaniwala sa tao lalu na’t tulad din ni Juan ay pulut pukyutan ang iyong kinakain, at hindi ang mararangyang pagkain ng mga taga siyudad.

Lalung mahirap ang ikaw ay paniwalaan ng tao kung nangangaral ka na ikaw naman ay laki sa gubat, kasama ng mga halimaw sa kadiliman ng kagubatan, at malayo sa kabihasnan. Mahirap kang tanggapin ng mga tao kung ikaw ay isang probinsyanong magtuturo sa mga laki sa layaw sa lungsod, kung saan ang lahat ay alam ng mga batang paslit, kung saan ang mga bata ay parang matanda na kung kumilos.

Ito ang pinagmulan ni Juan Bautista … gubat, parang, tila kadiliman. Ito naman ang dulot ni Juan Bautista – kaliwanagan, kabatiran, kaligtasan!

Ito ang kabalintunaan ng kaligtasang dulot ng Diyos. Tila isang hiwaga, na ang simple at payak ang siyang itinanghal, na ang maliit at tila walang kaya ang siyang inatangan ng malaking pananagutan! Mula sa kagubatan ay lumitaw ang mensahe ng kaliwanagan. Mula sa kadiliman ay suminag ang isang matinding kaliwanagan ng kaligtasan, na galing hindi sa isang matipuno at makapangyarihang tao kundi sa isang ang suot ay balat ng hayop, at ang pagkain ay pulut pukyutan.

Ito ang kabalintunaan ng Diyos na mapagligtas … ang pangako ay isang Hari, hindi ng kalakasan at kapangyarihan, kundi Hari ng kapapayapaan! Ito ang tila isang kabaligtarang dulot ng isang malaking sorpresa mula sa Diyos na tagapagligtas …

Sa gitna ng isang tila imposibleng katatayuan ay naganap at nangyari ang isang nakagugulat na pangyayari – isang hindi kinikilala bilang malaking tao ang lumabas at nag-utos: “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!”
May aliw ba kayang naghihintay sa isang bayang nagupiling at natapakan ang dangal sa pagkatapon sa Babilonia? May aliw bang karapatan ang isang bayang tulad natin na magpahangga ngayon ay hindi pa natin natutunan ang daang matuwid ng walang pag-iimbot na paglilingkod at pamamahala? May aliw bang dapat asahan ang isang bayang tulad natin, na tuwing magbabago ng administrasyon, ay bago ang direksyon at napapalitan ang lahat ng adhikain ng nakaraan, at walang inaatupag kundi ang paghigantihan ang nakalipas? May aliw bang nararapat hintayin ang mga taong ang pag-iisip ay dalang-dala, at bilog na bilog ng mga mapanlinlang na mass media, na naghuhubog ng kuro-kuro ng publiko?

Magulo at masalimuot ang panahon natin. Hindi ito malayo sa sitwasyon ng kagubatan at kadiliman. Nasaan kaya ang mga nakinabang sa mga katiwalian noong nakaraan? Kasama na sila sa pagsigaw upang gumulong ang ulo ng mga wala na sa poder ngayon. Nguni’t mahirap isipin na wala nang katiwalian sa lahat ng sangay at antas ng gobyerno sa buong kapuluan.

Puno at dulo ng magandang balita sa ikalawang Linggo ng Adbiyento ang katotohanang ito … Mula sa kagubatan ay lumitaw ang kaligtasan. Mula sa kadiliman ng kagubatan ay sumulpot si Juan Bautista – hindi kilala, hindi tanyag, at lalung hindi inaasahan. Mula sa kalagitnaan ng kalungkutang dulot ng pagkatapon ay sumulpot rin si Isaias na naghatid ng pangako ng aliw at kagalakan: “Aliwin ninyo ang aking bayan; aliwin ninyo siya … hinango ko na sila sa pagka-alipin; pagkat nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa sa akin.”
Ito ang pag-asa. Hindi ito bunga ng katiyakan at kasiguraduhan. Ito ang bunga ng isang kabukasang isip sa sorpresang naghihintay sa atin, mula sa Diyos ng sorpresa, sa Diyos na hindi natin maikakahon at mailalagay sa sisidlan. Ang pag-asa ay galing rin sa kahandaang magulat sa sunod na kilos ng Diyos na hindi natin inaasahan, tulad nito … mula sa kagubatan ay lumitaw ang sinag ng kaligtasan.

Magulong magulo ang panahon natin. Puno tayo ng pangamba. Hindi natin alam kung hanggang saan ang sasapitin ng suliraning pang ekonomiya sa Europa at sa America. Hindi natin alam kung hanggang saan ang paghihiganting ito ng kasalukuyang administrasyon, at hanggang saan ang mararating ng isang gobyernong pinag-aagawan ng mga dilawan, at ng iba pang puersang magkatunggali, kung saan ang patakaran ay walang kaibahan sa nauna – “Kami naman ngayon!” Hindi rin natin batid kung tunay na hustisya ang sasapitin ng mga ngayon ay pinagpipiyestahan sa TV, radio, internet, at periodiko. At higit sa lahat, hindi natin batid kung itong programang ito ay magtatagal, o isa lamang ningas cogon, na maglalaho rin bukas at makalawa, at tuloy tuloy pa rin ang dating gawi sa lahat ng antas ng pamahalaan at lipunan.

Pag-asa ang pinanghahawakan natin, at wala nang iba. Pag-asa itong may kaakibat na panganib. Puedeng umasa na lamang sa Diyos at wala nang gawin. Puedeng maghintay na lamang tayo at maghalukipkip at magkibit balikat na lamang sa mga nangyayari.

Subali’t ito ay tunay na Kristianong pag-asa kung tulad ni Juan, na lumitaw mula sa kagubatan, ay nagdulot ng isang panibagong tulak upang lutasin ang problemang bumabagabag sa atin: “patagin ang mga lubak; tuwirin ang mga landas … ihanda ang daraanan ng Panginoon!”

Mula sa kagubatan ay daratal ang kaligtasan! Ito ang diwa ng tunay na pag-asa!

MABUSILAK NA NAGMAMADALING-UMAGA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 23, 2010 at 06:49

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 24, 2010

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5.8-11.16 / Lk 1:67-79

MABUSILAK NA MADALING-ARAW!

Kailan ba natin huling ginamit ang larawan ng madaling-araw na mabusilak? Kailan ba natin naranasang ang alindog ng walang hanggang liwanag ay sumilay sa buhay at bayan natin?

Ito ang larawang tumatambad sa atin sa huling araw ng Simbang Gabi!

Sa ating makamundong karanasan, hindi busilak ng nagmamadaling umaga ang hinintay natin noong isang araw. Marami sa mga kaibigan ko sa US mainland ang nagpuyat, naghintay, at nagbantay para sa total lunar eclipse. Marami pa sa buong mundo, kasama ako, ang nagmatyag sa USTREAM, upang makita ang buwan na nilalamon ng kadiliman, at namula, hindi nag-busilak, nang ito ay matakpan ng higanteng telon, upang maglaho sa paningin ng mga tao. Marami sa mga estudyante ko sa Guam ang nagmatyag sa gabi ng nakaraang Miercoles upang makita ang nakita ng marami sa Texas, at sa maraming lugar sa North America sa madaling araw! Ilan sa kakilala ko ang nabigo sapagka’t hindi mabusilak na buwan ang kanilang nakita, kundi nagpupuyos na mga itim na ulap na nagdala ng ulan sa mga taga California!

Sa Pilipinas, sa dami ng mabubusilak at kumukutitap na mga christmas lights, at sa haba ng trapiko saanmang dako ng Kamaynilaan, marami ang hindi nakatunghay sa nagkakamatis na buwan habang kinukublihan ng kung anong damuhong humarang sa ilaw ng araw na para sa buwan!

Nguni’t tuloy pa rin ang marubdob na paghihintay ng Pinoy sa Pasko. Tuloy ang Simbang Gabi, at tuloy pa rin ang pagkutitap ng mga artipisyal na ilaw sa mga lansangan ng Maynila at buong kapuluan!

Sa umagang ito, muli tayong inaanyayahan … tingnan, tunghayan, at masdan ang mabusilak na madaling-araw, ang maalindog na liwanag na walang hanggan, ang araw ng katarungan. Patuloy natin ngayon isinasamo sa Kaniya: “Halina at silayan kami at ang mga nabubuhay sa ilalim ng anino ng kamatayan!”

Taos-puso at puno ng emosyon naming ginagawa ang panalanging ito. Tulad nang sa panahon bago dumating ang Mesiyas, ang puso namin at damdamin ay puno pa rin ng bagong pag-asa, bagong pagsuyo, at bagong pagsusumamo upang makamit namin ang kaganapan ng mga pangakong kaakibat ng pagsilang ni Jesus, Panginoon, Manliligtas, Mananakop, at Mesiyas!

Kadiliman ang bumabalot sa atin. Ang tanging isang buwan ng pag-asa natin, ay hindi lamang nagkakamatis sapagka’t natatakpan ng dambuhalang mga suliraning hindi natin kayang lapatan ng lunas. Ang buwan na hindi na natin napapansin sa dami ng mga pinagkakaabalahan natin sa buhay, ngayon ay hindi lamang nilalamon ng dambuhalang anino … Sa maraming antas at aspeto ng buhay natin, pinapanawan na tayo ng lagablab ng pag-asa. Maraming katanungan ang sumasagi sa puso natin tuwing may nangyayaring hindi dapat mangyari: mga boarding houses na nasusunog, at nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga talubatang dapat sana ay pag-asa ng kanilang tumatangis na magulang … mga nasasawi sa mga bus na minamaneho ng mga tampalasang mga driver na bangag sa shabu, o lasing sa anumang inuming nakalalasing! … mga naulilang pinanawan na ng pag-asa na mabigyang hustisya ang kanilang hinaing sa loob ng maraming taon … mga taong magpapasko na malayo pa rin sa kanilang mahal sa buhay sapagka’t kailangan magtrabaho para sa kanilang pamilya …. mga kriminal na napalalaya, dahil sa kaya nilang magbayad nang malaki sa mga mahistrado, at sa mga kinauukulan … mga batang paslit na patuloy na “nang hoholdap” ng mga sasakyan sa gitna ng mga lansangan upang punasan ang salamin ng sasakyan, na matapos maganap ay lalu mong dapat ipa-car wash dahil lalung dumumi ang iyong sasakyan, at kung hindi ka pumayag ay magagasgasan ang tagiliran ng iyong sasakyan!

Mahaba ang listahan natin … Nagdurugo ang buwan ng pag-asa, hindi nagkakamatis. Naglalaho ang buwan na sagisag ng ating minimithi, sapagka’t nakublihan ng mga tiwaling makapangyarihang mga tao, na kayang gumawa ng mga “milagro” araw-araw, at baluktutin, baliktarin, at pawalaing-bisa ang mga batas. Butas ang batas sa harap ng mga tiwaling kawani ng gobyerno na may madidilim na balak. Tulad nga ng nabanggit ko na sa loob ng siyam na araw na ito … dito lamang sa atin na ang kriminal ay nagiging maginoo kapag nagbago ang administrasyon. Dito lamang sa atin na ang dating tinutugis ng batas ay ngayon ay biglang naging maginoo at “honorable” muli dahilan lamang sa napalitan ang mga namumuno!

Mayroong matinding lunar eclipse sa bayan natin. Kapag eclipse ang pinag-uusapan, matinding eclipse ng Diyos ang nagaganap, hindi lunar or solar eclipse lamang. Sa panahon natin, kung kailan ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali, ang Diyos ay nakublihan na ng maraming mga dambuhalang mga katotohanang nagpapabago ng takbo ng isipan at kultura ng bayan.

Kahapon, binigyang pansin ko ang mga palabas at napapanood natin, salamat sa showbiz … Pagsasalamin ba kaya lamang ito ng katotohanan sa lipunan natin? Sa tingin ko, ay hindi lamang salamin ng realidad. Ito man ay isang makapangyarihang nagsusulong ng isang bagong kamalayan, bagong kaisipan, bagong takbo ng kalinangan na unti-unting humuhulagpos sa tama, sa batas moral o sa katotohanang moral. Ang lahat ay puede na sapagkat ito ay sining. Ang lahat ay maari nang ipakita maging sa batang musmos, at batang paslit sapagkat mayroon tayong “freedom of expression.” Ang lahat ay nagiging tama o amoral sapagka’t “hanap-buhay” lamang ito.

Di ba’t ito ang malimit nating marinig sa maraming mga jeepney driver na tigil dito, tigil doon, bara dito at bara duon, at kapag tinanong mo, ang sagot ay “naghahanap-buhay lang naman kami?”

Di ba’t ito ang dahilan kung bakit hindi natin matanggap ang mga heneral sa hukbong sandatahan na, habang halos mamatay sa gutom ang mga sundalo na wala ni sapatos o sapin sa paa, o wala ni duling na galunggong upang pamatid gutom tuwing pasko, ay nagpapakasasa naman ang mga ito sa milyon milyong piso na ipinuslit sa Europa o sa America?

Di ba’t ito ang tanong natin kung bakit may mga mayayaman at makapangyarihan sa piitan na mayroong sariling country club sa loob ng piitan?

Nagkukubli ang buwan ng ating masidhing pag-asa!

Nguni’t dahil dito ay hindi nagkukubli ang pananampalataya natin. Hindi natin pinapayagan na matakpan ng kadiliman ang maalindog na walang hanggang liwanag na sumilay, sumisilay, at patuloy pang sisilay sa buhay natin bilang tagasunod ni Kristo!

Ito ang liturhiya ng Simbahan. Ito ang kahulugan ng ating pagpupuyat o paggising ng maaga sa siyam na araw na ito. Tayo ang nagpapanatili ng mabusilak na madaling araw. Tayo ang nagtataguyod upang buwan ng pag-asa ay hindi lamunin ng nangangamatis na mga paghamong handang lunukin at lamunin ang lahat ng mga pagpapahalagang hawak natin.

Ito ang maliiit na magagawa nating lahat. Sama-samba, sabay-sabay, kapit-bisig, kapit-kamay! Ito ang dahilan kung bakit kaya pa rin nating sambitin ang panalanging mataginting at puno ng pag-asa: “O Mabusilak na madaling-araw, alindog ng walang hanggang liwanag, araw ng katarungan: Halina at sumilay sa lahat naming nabubuhay sa kadiliman at napapasa ilalim sa anino ng kamatayan! Alleluia! Alleluia!”