frchito

MABUSILAK NA NAGMAMADALING-UMAGA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon A on Disyembre 23, 2010 at 06:49

Ika-9 na Araw ng Simbang Gabi(A)
Disyembre 24, 2010

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5.8-11.16 / Lk 1:67-79

MABUSILAK NA MADALING-ARAW!

Kailan ba natin huling ginamit ang larawan ng madaling-araw na mabusilak? Kailan ba natin naranasang ang alindog ng walang hanggang liwanag ay sumilay sa buhay at bayan natin?

Ito ang larawang tumatambad sa atin sa huling araw ng Simbang Gabi!

Sa ating makamundong karanasan, hindi busilak ng nagmamadaling umaga ang hinintay natin noong isang araw. Marami sa mga kaibigan ko sa US mainland ang nagpuyat, naghintay, at nagbantay para sa total lunar eclipse. Marami pa sa buong mundo, kasama ako, ang nagmatyag sa USTREAM, upang makita ang buwan na nilalamon ng kadiliman, at namula, hindi nag-busilak, nang ito ay matakpan ng higanteng telon, upang maglaho sa paningin ng mga tao. Marami sa mga estudyante ko sa Guam ang nagmatyag sa gabi ng nakaraang Miercoles upang makita ang nakita ng marami sa Texas, at sa maraming lugar sa North America sa madaling araw! Ilan sa kakilala ko ang nabigo sapagka’t hindi mabusilak na buwan ang kanilang nakita, kundi nagpupuyos na mga itim na ulap na nagdala ng ulan sa mga taga California!

Sa Pilipinas, sa dami ng mabubusilak at kumukutitap na mga christmas lights, at sa haba ng trapiko saanmang dako ng Kamaynilaan, marami ang hindi nakatunghay sa nagkakamatis na buwan habang kinukublihan ng kung anong damuhong humarang sa ilaw ng araw na para sa buwan!

Nguni’t tuloy pa rin ang marubdob na paghihintay ng Pinoy sa Pasko. Tuloy ang Simbang Gabi, at tuloy pa rin ang pagkutitap ng mga artipisyal na ilaw sa mga lansangan ng Maynila at buong kapuluan!

Sa umagang ito, muli tayong inaanyayahan … tingnan, tunghayan, at masdan ang mabusilak na madaling-araw, ang maalindog na liwanag na walang hanggan, ang araw ng katarungan. Patuloy natin ngayon isinasamo sa Kaniya: “Halina at silayan kami at ang mga nabubuhay sa ilalim ng anino ng kamatayan!”

Taos-puso at puno ng emosyon naming ginagawa ang panalanging ito. Tulad nang sa panahon bago dumating ang Mesiyas, ang puso namin at damdamin ay puno pa rin ng bagong pag-asa, bagong pagsuyo, at bagong pagsusumamo upang makamit namin ang kaganapan ng mga pangakong kaakibat ng pagsilang ni Jesus, Panginoon, Manliligtas, Mananakop, at Mesiyas!

Kadiliman ang bumabalot sa atin. Ang tanging isang buwan ng pag-asa natin, ay hindi lamang nagkakamatis sapagka’t natatakpan ng dambuhalang mga suliraning hindi natin kayang lapatan ng lunas. Ang buwan na hindi na natin napapansin sa dami ng mga pinagkakaabalahan natin sa buhay, ngayon ay hindi lamang nilalamon ng dambuhalang anino … Sa maraming antas at aspeto ng buhay natin, pinapanawan na tayo ng lagablab ng pag-asa. Maraming katanungan ang sumasagi sa puso natin tuwing may nangyayaring hindi dapat mangyari: mga boarding houses na nasusunog, at nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga talubatang dapat sana ay pag-asa ng kanilang tumatangis na magulang … mga nasasawi sa mga bus na minamaneho ng mga tampalasang mga driver na bangag sa shabu, o lasing sa anumang inuming nakalalasing! … mga naulilang pinanawan na ng pag-asa na mabigyang hustisya ang kanilang hinaing sa loob ng maraming taon … mga taong magpapasko na malayo pa rin sa kanilang mahal sa buhay sapagka’t kailangan magtrabaho para sa kanilang pamilya …. mga kriminal na napalalaya, dahil sa kaya nilang magbayad nang malaki sa mga mahistrado, at sa mga kinauukulan … mga batang paslit na patuloy na “nang hoholdap” ng mga sasakyan sa gitna ng mga lansangan upang punasan ang salamin ng sasakyan, na matapos maganap ay lalu mong dapat ipa-car wash dahil lalung dumumi ang iyong sasakyan, at kung hindi ka pumayag ay magagasgasan ang tagiliran ng iyong sasakyan!

Mahaba ang listahan natin … Nagdurugo ang buwan ng pag-asa, hindi nagkakamatis. Naglalaho ang buwan na sagisag ng ating minimithi, sapagka’t nakublihan ng mga tiwaling makapangyarihang mga tao, na kayang gumawa ng mga “milagro” araw-araw, at baluktutin, baliktarin, at pawalaing-bisa ang mga batas. Butas ang batas sa harap ng mga tiwaling kawani ng gobyerno na may madidilim na balak. Tulad nga ng nabanggit ko na sa loob ng siyam na araw na ito … dito lamang sa atin na ang kriminal ay nagiging maginoo kapag nagbago ang administrasyon. Dito lamang sa atin na ang dating tinutugis ng batas ay ngayon ay biglang naging maginoo at “honorable” muli dahilan lamang sa napalitan ang mga namumuno!

Mayroong matinding lunar eclipse sa bayan natin. Kapag eclipse ang pinag-uusapan, matinding eclipse ng Diyos ang nagaganap, hindi lunar or solar eclipse lamang. Sa panahon natin, kung kailan ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali, ang Diyos ay nakublihan na ng maraming mga dambuhalang mga katotohanang nagpapabago ng takbo ng isipan at kultura ng bayan.

Kahapon, binigyang pansin ko ang mga palabas at napapanood natin, salamat sa showbiz … Pagsasalamin ba kaya lamang ito ng katotohanan sa lipunan natin? Sa tingin ko, ay hindi lamang salamin ng realidad. Ito man ay isang makapangyarihang nagsusulong ng isang bagong kamalayan, bagong kaisipan, bagong takbo ng kalinangan na unti-unting humuhulagpos sa tama, sa batas moral o sa katotohanang moral. Ang lahat ay puede na sapagkat ito ay sining. Ang lahat ay maari nang ipakita maging sa batang musmos, at batang paslit sapagkat mayroon tayong “freedom of expression.” Ang lahat ay nagiging tama o amoral sapagka’t “hanap-buhay” lamang ito.

Di ba’t ito ang malimit nating marinig sa maraming mga jeepney driver na tigil dito, tigil doon, bara dito at bara duon, at kapag tinanong mo, ang sagot ay “naghahanap-buhay lang naman kami?”

Di ba’t ito ang dahilan kung bakit hindi natin matanggap ang mga heneral sa hukbong sandatahan na, habang halos mamatay sa gutom ang mga sundalo na wala ni sapatos o sapin sa paa, o wala ni duling na galunggong upang pamatid gutom tuwing pasko, ay nagpapakasasa naman ang mga ito sa milyon milyong piso na ipinuslit sa Europa o sa America?

Di ba’t ito ang tanong natin kung bakit may mga mayayaman at makapangyarihan sa piitan na mayroong sariling country club sa loob ng piitan?

Nagkukubli ang buwan ng ating masidhing pag-asa!

Nguni’t dahil dito ay hindi nagkukubli ang pananampalataya natin. Hindi natin pinapayagan na matakpan ng kadiliman ang maalindog na walang hanggang liwanag na sumilay, sumisilay, at patuloy pang sisilay sa buhay natin bilang tagasunod ni Kristo!

Ito ang liturhiya ng Simbahan. Ito ang kahulugan ng ating pagpupuyat o paggising ng maaga sa siyam na araw na ito. Tayo ang nagpapanatili ng mabusilak na madaling araw. Tayo ang nagtataguyod upang buwan ng pag-asa ay hindi lamunin ng nangangamatis na mga paghamong handang lunukin at lamunin ang lahat ng mga pagpapahalagang hawak natin.

Ito ang maliiit na magagawa nating lahat. Sama-samba, sabay-sabay, kapit-bisig, kapit-kamay! Ito ang dahilan kung bakit kaya pa rin nating sambitin ang panalanging mataginting at puno ng pag-asa: “O Mabusilak na madaling-araw, alindog ng walang hanggang liwanag, araw ng katarungan: Halina at sumilay sa lahat naming nabubuhay sa kadiliman at napapasa ilalim sa anino ng kamatayan! Alleluia! Alleluia!”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: