frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

BUO. GANAP. WALANG PAGTANGGI. WALANG PAGTATANGI. PAG-IBIG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon A on Oktubre 17, 2011 at 13:45

Ika-30 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 23, 2011

Mga Pagbasa: Exodo 22:20-26 / 1 Tes 1:5-10 / Mt 22:34-40

Natural at normal para sa atin ang makihalubilo sa taong kinasanayan na natin … mga taong kilala natin at kapalagayang-loob natin. Madaling mahalin ang kasa-kasama na natin at kabatak o “kakosa” natin sa maraming bagay. Madaling pagmalasakitan ang mga nakikita natin at nakakasama sa kasalukuyang panahon. Subali’t mahirap mahalin ang malayo sa atin … ang hindi natin nakikita o nakakasama … Mahirap magsabing mahal natin ang taong nakatira sa kabilang panig ng mundo, sa lugar na hindi natin kailanman mararating kundi sa panaginip lamang.

Natural at normal din ang magmahal sa sarili. Madaling mahalin ang sarili at unahin ang sarili. Sa isang banda, nararapat lamang, yamang ang sarili natin ang “pinakamalapit” sa atin. Dala-dala natin tuwina ang sarili natin. Kahit saan tayo pumunta at ano man ang gawin natin, ay “kasama” natin ang sarili.

Hindi kataka-taka na ang utos ng Diyos ay nakabatay sa pagmamahal sa sarili: “Ibigin mo ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”

Himayin natin ito nang kaunti. Una, ang pagmamahal ay nagmumula sa sarili.
Di ba kasabihan sa Ingles, “charity begins at home.” Nagmumula ito at nababatay sa pag-ibig na lehitimo sa ating sarili.

Pero … wag tayong padahas-dahas. Hindi pa tapos ang istorya. Hindi pag-ibig kung hindi buo. Hindi pag-ibig kung hindi ganap. Hindi pag-ibig ang may pagtanggi, at lalung hindi pag-ibig kung may pagtatangi.

Himayin pa natin ito. Hindi natin puedeng sabihin na mahal natin ang sangkatauhan o pamayanan kung hindi natin isinasama rito ang hindi pa isinilang, ang walang kamuang-muang, ang mahihina, at walang kaya. Hindi natin maaaring sabihin na mahal natin ang sangkatauhan kung tumatanggi tayo sa mga hindi pa isinisilang, sa mga balo, mga biuda, mga ulila, at mga banyaga.

Di ba’t ito ang mensaheng pahatid ni Isaias? Na nangunguna sa kanyang listahan ang mga walang kaya, ang mahihina, at walang kapangyarihan?

Hindi ba’t ito rin ang pahatid ni Pablo na nakaranas ng “katakot-takot na hirap” dahil sa pagtanggap sa Mabuting Balita? Hindi ba’t pagdama at pakikiramay ang hatid ni San Pablo sa mga taong inusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos?

Ito rin ang katumbas ng aking pakikidama at pakikipag dalamhati kasama ng mga nagdaranas ng kung ano-anong pahirap at pasakit dahil sa kanilang pagdedepensa sa turo ng Simbahan tungkol sa pagmamalasakit sa inosenteng buhay. Batid kong hindi lang panlilibak, kundi pagbabatikos ang kanilang sinasapit, mapasa facebook, mapasa mga lansangan, at sa mga pahayagan o chat rooms.

Malinaw sa tanghaling tapat ang turo ng Panginoon tungkol sa pag-ibig …

Ang pag-ibig ay dapat laging GANAP at BUO … magmahal sa Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.

Kung ito ay ganap at buo, ang pagtanggi sa kaninuman ay hindi pag-ibig na wagas. Pagtanggi kung hindi natin sakop sa pagmamahal ang mga walang kaya, at wala pang kaganapan ng pisikal na pamumuhay, kahit buhay na sa sinapupunan.

Kung ang pag-ibig ay walang pagtatangi, ito ay bumabalot at umiinog sa lahat, sa may kaya at walang kaya, may juicio o walang ganap pang juicio, malusog at buo ang pangangatawan, o manco o may kulang o anumang kapansanan. Tao rin ang hindi pa nakalalakad, nakapagsasalita, nakapangangatuwiran, o hindi pa iniluluwal sa kaliwanagan.

Sa maka syentipikong salita, ang anumang nagtataglay ng kabuuan ng “human genome” ay tao, hindi baboy, hindi hayop, hindi fetus lamang kundi tao. Tulad ko. Tulad mo. At malinaw ang utos tungkol sa buo, ganap, tunay, at wagas na pag-ibig. “Mahalin mo ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”

Sa kabila nito, dapat kong sabihin ang katotohanang hindi natin mababago o mapapalitan. Kaakibat ng pag-ibig ang pagdurusa at pasakit. Sinabi rin ito ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: “Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakot-takot na hirap.” Tulad ng dinadanas ng mga taong nagtatanggol sa opisyal na turo ng Simbahan tungkol sa pagmamalasakit sa inosenteng buhay. Tunay na kaakibat ng tunay, ganap, buo at wagas na pag-ibig ang tulad ng sinapit ng siyang nagmahal nang lubos at nagdipa ng kamay sa krus.

Ganoon katindi ang kanyang pag-ibig!

Tayo … hanggang saan ba ang hangganan ng ating pag-ibig?

BANTAY-GABAY O BANTAY-SALAKAY?

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 29, 2011 at 13:14

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Setyembre 4, 2011

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mateo 18:15-20

Mahirap ang magmalasakit sa kapwa. Kung minsan, sa iyong pagmamalasakit, ikaw pa ang masama sa bandang huli. Sa aking hindi na maikling kasaysayan, na mas mahaba na ang nagdaan kaysa sa darating pa, may ilan rin naman akong karanasan tungkol dito. Gumawa ka ng maganda at may magsasabi ng kung anong hindi maganda, na hindi man lamang sumagi sa iyong guni-guni … Di ba talangka mentality ang tawag dito?

Nguni’t tulad ni Exequiel sa unang pagbasa, may taong inaatangan ng pananagutan sa kapwa, para sa kapakanan ng iba, at hindi ng sarili. Si Exequiel ay siyang naatangan upang maging isang bantay, isang gabay, isang may malasakit para sa bayan ng Diyos.

Nakakalungkot na ang sinasapit ng Simbahang Katoliko ay puro paninira at paninisi … Sa kanyang kagustuhang maging bantay-gabay ng tunay at wagas na kapakanan ng sangkatauhan, sari-saring bansag ang ipinupukol sa kanya. Sa kanyang pagnanais na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, at higit na malawak na kabutihan ng bayan, inuusig siya at sinisiil, pati ng mga taong nagsasabing sila raw ay katoliko.

Pananagutan ang kanyang pasan … Ngunit iba ang pananagutan at ang sagutin. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinapayo niya na wala dapat tayong sagutin sa isa’t isa, liban lamang sa iisang bagay – ang pag-ibig. Wala raw tayo dapat anumang utang sa kapwa, kundi ang pagkakautang ng pag-ibig.

Sa totoo lang, ito ang talagang mahirap gawin. Sinuman sa inyo na nakakabasa nito at nakarananas ng aking naranasan ay sasang-ayon sa akin … Mahirap mahalin ang nagpapahirap sa iyong buhay. Mahirap patawarin ang nag-uusig sa iyo nang walang habas at walang dahilan. Mahirap ngumiti kapag ikaw ay niyayapakan o niyuyurakan kahit wala kang ginawang masama.

Malamang na tulad ni Jeremias, si Exequiel ay nakatikim rin ng lahat ng ito.

Sa ating panahon, hayagan na at palasak ang lahat ng uri ng pagkamakasarili at paghahanap ng sariling kapakanan lamang. Mayroon ngayong tinatawag na “narcissism epidemic” o laganap na kultura ng pagkamakasarili, ayon sa mga sikolohistang tanyag at bihasa. Ang kalinangan ngayon ng kabataan ay umiinog sa paghahanap ng sariling ginhawa at pagpapasasa. Walang iniisip na komunidad, o samahan, o ang pangangalaga sa kapakanan ng kapwa.

Sa panahon natin, kay raming nagsasabing sila raw ay naglilingkod sa bayan. Nguni’t hindi maglalaon at napapagtanto nating sila ay hindi bantay-gabay kundi mga bantay-salakay – mga taong nagsasamantala sa kamangmangan o kahinaan ng iba.

Wala nang lalayo pa sa kalinangang isinusulong ng Simbahan at ng Ebanghelyo. Hindi pagsasarili ang turo ng ebanghelyo, kundi ang pagsasama-sama. “Kung saan may dalawa o tatatlo na nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.

Hindi madali ang magpatawad. Subali’t lalung mahirap kung tayo ay lubos na makasarili. Ang pagkamakasarili ay nakikita sa kakulangan ng kakayahang makita ang pananaw ng kapwa, ang kawalang kakayahang makaunawa ng paningin ng iba, at ang patuloy na pagsisikap upang bumagsak o malugmok ang iba sa paghihirap.

Sa araw na ito, gusto nating alalahanin ang lahat ng mga bantay-gabay: ang mga namumuno, ang mga may pananagutan, ang mga nanunungkulan, ang mga may hawak na kapangyarihan, ang mga naglilingkod sa kapwa sa pamamagitan ng pamumuno saan man, sa pamahalaan man o sa simbahan.

Hiling natin sa Diyos na matulad nawa silang lahat sa halimbawa ni Exequiel, sa halimbawa ni Hesukristo, sa halimbawa ng Beato Juan Pablo II, at marami pang iba.

Nguni’t hiling rin natin na tayo na nasa ilalim ng mga naglilingkod ay matutong magbuklod hindi bunsod ng pagsalungat sa namumuno, kundi ang matuto sa paanan ng Panginoong Hesukristo na siyang nagpapaalaala sa atin: “Saanman may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa ngalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ito ang isa sa mga palatandaan ng pagiging tunay na bantay-gabay – ang pamumuno kasama at sa ngalan ng Panginoon, at hindi ng sarili.

P.S. Hindi ako tiyak na makakapag-post sa darating na tatlong linggo dahil sa isang mahabang lakbayin na palipat-lipat ang lugar sa Europa. Gayunpaman, sisikapin ko pa ring gawin ito.