frchito

Archive for the ‘Tagalog Homily’ Category

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Ika-3 Linggo Taon K, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 18, 2010 at 14:22


Ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon (Taon K)
Enero 24, 2010

Mga Pagbasa: Nehemias 8:2-4a, 5-6, 8-10 / 1 Corinto 12:12-30 /
Lucas 1:1-4; 4:14-21

Kagalakan ang himig ng unang pagbasa … pagdiriwang, pagsasaya, pasasalamat … dala ng kabatirang sa kabila ng pagkatapon sa Babilonia, nakabalik ang mga Israelita sa kanilang bayan upang muling ipundar at itayo ang kanilang bayan. Nakatutuwang isipin kung paano sila nagdiwang … nagpatirapa, umiyak, nakinig kay Ezra habang binasa niya ang aklat ng Kautusan. Naantig ang kanilang damdamin sa kabaitan ng Diyos, at sa mga katagang namutawi sa labi ni Ezra: “Huwag kayong umiyak … Umuwi na kayo at magdiwang. Ang walang pagkain at inumin ay bahaginan ng mayroon, sapagkat ang araw na ito’y dakila sa Panginoon.”

Kagagaling lang natin sa isang mahabang pagdiriwang at pagsasaya. Matapos ang Pasko, mayroon pa tayong huling hirit. Mahigit 3 milyong katao ang dumagsa sa Quiapo para magpugay sa Panginoong Jesus Nazareno. Pagkatapos nito ay may isa pang higit na matinding hirit ang Pinoy … nagdiwang nang todo-todo … humataw at humirit pa nang labis ang lahat sa Aklan, sa Bacolod, sa Marinduque, sa Tondo, sa Pandacan, sa halos lahat ng lugar sa buong kapuluan … higit sa lahat sa Cebu, upang ipagdiwang ang musmos na sanggol na siyang naghatid sa atin ng kaligtasan. Mahigit na 8 milyong katao, local man o turistang banyaga, ang dumagsa sa Cebu para sa Sinulog festival.

Tulad ng karanasang ipinahayag ni Nehemias, at tulad ng pangaral ni Ezra sa kanyang kababayan, “ang kagalakang dulot niya ay magiging kalakasan ninyo.”

Kagalakan at kalakasan … swak na swak ito sa kulturang Pinoy, sa ating isipin at saloobin. Mahalaga para sa atin ang kagalakan at kasayahan. Mahalaga para sa atin ang diwa ng piyesta, ang pagbubunyi at pagdiriwang sa maraming dahilan, umulan man o umaraw, umunos man o humupa ang panahon … mapa-trahedya o mapa-komedya, mapariwara man o mapanuto ang bayan … mayroon tayong laging natatagong hibla ng pagsasaya at pasasalamat, pagdiriwang at pagbubunyi sa Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.

Subali’t sa kabila ng lahat ng pagdiriwang, mayroon tayong dapat pang pag-ukulan ng pansin. Matapos ang piyesta at todo-todong pagdiriwang, mayroong mahalagang paalaala ang liturhiya natin sa araw na ito. Bukod sa paalaala na huwag umiyak at tumangis na galing kay Ezra, mayroon ring pagunita si Pablo sa atin: ang pangangailangang tayo ay kumilos bilang isang buong bayan, isang katawan, bagama’t may maraming mga bahagi.

Matay nating isipin, wala tayong kaibahan sa mga taga Corinto. Ang mga taga Corinto noong panahon ni Pablo ay puno ng pagtutungayaw, tigib ng lahat ng uri ng intriga at masalimuot na samahan. Watak-watak ang kanilang lipunan, at ang kaisahan ay tila isang imposibleng adhikain. Ito ang dahilan kung bakit ginawang misyon ni Pablo ang mga taga Corinto, at ang liham na ito na puno ng mainit na pangaral tungkol sa kaisahan ay galing sa kanyang masidhing pagnanasa na makintal sa kanilang isipan ang kaisahan.

Tapos na ang pagdiriwang para sa sanggol na mananakop. Ayon sa ebanghelyo, lumaki siya at lumago sa karunungan at sa edad. Tulad niya, lumalago din dapat ang ating pananampalataya. Lumalago din dapat ang kakayahan nating magdiwang nang wasto at may kapararakan, may kinahihinatnan. Bagama’t maraming magagandang bagay ang kaakibat ng lahat ng mga pagdiriwang na ito, tulad halimbawa ng katotohanang 25 milyong piso lamang ang ginastos ng Sinulog Foundation para sa lahat ng naganap sa Cebu noong Linggo, tulad ng katotohanang libo-libo ang sumama sa prusisyon, sa mga Misa, sa nobena at pang-espiritwal na pagdiriwang parangal sa Santo Nino, alam rin natin na marami ring dapat pang bigyang-pansin. Marami pang dapat pag-ukulan ng atensyon liban sa pagsasayaw sa kalye at pagsigaw ng “Hala Bira” o “Viva Pit Senyor!”

Ito ang isa sa mga tinutumbok ng ebanghelyo ni Lucas ngayon. Tumayo si Jesus sa sinagoga at nagbasa. Tulad ng naganap sa panahon ni Ezra, nakinig ang lahat. Marahil ay naantig rin ang kanilang damdamin, lalu na nang binasa niya ang tungkuling dapat gampanan ng Mesiyas na darating … ang magbigay kaluwagan sa mga sinisiil … ang mangaral sa mga dukha ng Magandang Balita … ang ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Nakinig silang lahat. Ngunit hindi sila napako sa pakikinig lamang. Hindi sila nanatili sa pagdiriwang lamang. Hindi sila nasiyahan sa pagsasaya lamang.

At ito ay nagmula mismo sa sinugong Mesiyas na hindi na cute na sanggol na kay sarap pisil-pisilin at amuy-amuyin … hindi na isang batang paslit na inuugoy-duyan sa kalye na nararamtan ng lahat ng uri at kulay ng kasuotan, na inilalagay sa mga tindahan at negosyo upang maging swerte o palamuti.

Hinahamon niya tayo ngayon … tinatawagan at inuutusan … “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Ginawa niya ang ganang para sa kanya … tinupad … isinabuhay. Alam nating lahat ang kwento at ang kanyang nahita matapos ang lahat … paghihirap at kamatayan sa krus!

Nakikinig lang ba tayo? Nagdiriwang lang ba tayo o nagsasayaw sa kalye minsan isang taon? Nagpupunta lang ba tayo sa Quiapo para lamang makahawak sa lubid at matapos nito ay magpapaloko tayo muli sa mga trapo na gumagastos ng limpak-limpak para mabili ang ating dangal? O tayo ba ay sasama kay Jesus na nagpakit na halimbawa? … Natutupad habang nakikinig!

LINGKOD NA ITINAAS, PINILI AT KINALUGDAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Enero 4, 2010 at 17:10

BINYAG NG PANGINOON
Enero 10, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 40:1-5, 9-11 / Gawa 10:34-38 / Lukas 3:15-16-21-22

Paumanhin sa taga-basa: ako ay masyadong natabunan ng gawain matapos ang simbang gabi kung kaya’t hindi ko nagampanan ang pinakagusto kong gawain – ang magsikap maging daan ng magandang balita sa pamamagitan ng blog na ito. Pasensya na po!

Kay bilis ang daloy ng panahon … tapos na ang panahon ng pagsilang o Kapaskuhan sa araw na ito. Noong isang linggo lamang, pinagnilayan natin ang epipaniya ng Panginoon – ang kanyang pagpapakilala sa madlang-tao. Sa araw na ito, itinutuloy natin ang paggunita sa kanyang malalim na pagpapakilala at pagpapahayag ng sarili bilang Diyos.

Pero matay nating isipin, hindi sa kanyang balikat lamang napatong ang tungkuling magpahayag at magpakilala. Ang kanyang Ama mismo, ang Diyos Ama, ang siyang nagkusa at nagbalak upang siya ay makilala ng tanan bilang Anak ng Diyos mula sa kaitaasan.

Mahabang panahon ang ginugol ng Diyos upang maganap ang pagpapahayag na ito. Isinapaloob ng Diyos ang kanyang pagpapahayag sa takbo ng kasaysayan ng bayang pinili – ng bayang Israel. Sa katunayan, sa unang pagbasa, ang mapait na karanasan ng pagkatapon sa Babilonia ang naging daan upang bigkasin ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias ang matamis na balita ng kaligtasan sa kabila ng kapaitan at kapighatian.

Mataginting ang tunog ng magandang balitang ito … ang pagpapakilala ng Diyos sa “lingkod na aking itataas na aking pinili at kinalulugdan.” Ang kapaskuhan ay walang iba kundi pagdiriwang ng naganap na ito sa ating kasaysayan – ang pagdatal ng Mananakop sa katauhan ni Kristong Panginoon!

Ito rin ang parehong magandang balitang naganap rin sa kasaysayan ng bayang hinirang ng Diyos, na mismong ang Ama sa langit ang nagwika at nagpakilala: “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ito rin ang ipinagmamakaingay ni Pedro sa aklat ng mga Gawa: “Ipinagkaloob sa kanya ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan bilang katunayan na siya nga ang hinirang. Sapagka’t sumasakanya ang Diyos.”

Kasaysayan ang naging daan at panuto ng Diyos sa Kanyang pagpapahayag at pagpapakilala ng sarili. Ito ang malinaw na tinutumbok ng Banal na Kasulatan.

Nguni’t ang pagpapakilala ng Diyos sa pamamagitan ng kasaysayan ay nangangahulungang may kinalaman rin Siya sa takbo ng ating kasaysayan ngayon, bukas, makalawa, at magpakailanman. Siya ang Panginoon ng kasaysayan, at sa Kanya umiinog at umiikot ang takbo ng kasaysayan. Siya ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang simulain at siyang hantungan.
Bilang maestro at panginoon ng kasaysayan, mayroon siyang maaaring ituro sa kasaysayan rin natin ngayon, bukas, at kailanman, dito, doon, at saanman.

Sa yugtong ito ng kasaysayan ng ating bayan, nararapat magkatotoo sa buhay natin ang pinananampalatayanan natin, ang pinaniniwalaan natin, ang inaasam at hinihintay natin sa diwa ng pag-asa. Nais kong isipin na habang tayo ay naghahanda sa eleksyong darating, habang tayo ay namimili ng kung sino ang dapat mamuno sa atin, dapat nating kilalanin ang Diyos na nagpahayag at nagpakita sa atin sa katauhan ni Kristo. Dapat nating tandaan na ang Diyos na nagpahayag sa pamamagitan ni Kristo, ay dapat nating pakinggan at sundin.

Subali’t sa kasawiang palad, marami tayong ingay na higit na pinakikinggan. Nandiyan ang mga estasyon ng TV, mga komentarista, mga mangangalakal na silang nagluluklok halos sa mga manok na gusto nilang umupo sa kapangyarihan. Nandyan ang mga komersyanteng nakagagawa ng paraan upang ang kanilang manok ang siyang maghari at magmando sa bayang hibang na hibang sa showbiz at sa mga palabas na puro pugad ng kababawan.

Maraming tinig ang nagwiwika at nagpaparamdam. Sala-salabat ang daang tinatahak ng tapat na taong ang hangad lamang na tunay ay maglingkod at isulong ang kaunlarang pangkalahatan ng bayang Pinoy.

Batay sa kasaysayang natutunghayan natin sa Kasulatan, hindi lahat ng mga nagnanais mamuno sa bayan ay kinasihan ng Diyos. Hindi lahat ay kapani-paniwala at hindi lahat ay may angking kakayahang isulong ang kalooban ng Diyos, bagkus ang kaloobang makatao lamang nila. Hindi lahat ay may takot sa Poong Maykapal, at lalung hindi lahat ay kaanib, kapanig, at kapanalig ng taong may takot sa Diyos.

Malinaw ang turo ng kasaysayan ng kaligtasan … ang Diyos ang nagluluklok as pinunong kanyang napupusuan. Ang Diyos ang siyang dapat masunod kung ang pag-uusapan ay may kinalaman sa ating kapakanang pangkalahatan at pang kabuuan.

Maliwanag pa sa tanghaling tapat ang kaloobang pahatid Niya sa pamamagitan ni Isaias: “Ito ang lingkod ko na aking itataas, na aking pinili at kinalulugdan.”

Naganap ito sa pagsilang ni Kristong Panginoon. Nagaganap ito kung ang tao ay may takot sa Diyos at pumipili ng siyang karapat-dapat, hindi yaong mga ungas at sakim sa salapi at sa kapangyarihan – mga tampalasang nagkukubli sa likod ng isang mababaw na pagsasakanya ng pangaral at halimbawa ng mga personahe sa Biblia.

Nagpakilala ang Diyos sa pamamagitan ng buhay at pagkamatay ni Jesus. Ang nakakilala sa kanya ay nagpugay at tumalima sa kanyang mga pangaral. Walang saysay ang anumang gimik, anumang palamuti, at anumang mga ka-ek-ekan kung walang kumilala at tumalima sa kanyang mismong ang Diyos ang nagwika: “Ito ang pinakamamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Handa ba tayong pumili ng pinunong napupusuan ng Diyos? Handa ba tayong sumunod sa kanyang mismong si San Juan Bautista ang nagwika: “Hayan ang kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.”

Siya ay Diyos at tao … taga-sunod at pinuno … Guro at Panginoon … payak, dukha, at mayamang walang katulad … lingkod na itinaas, pinili at kinalugdan!