frchito

Posts Tagged ‘Homiliya sa Tagalog’

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

In Panahon ng Pasko, Propeta Malaquias, Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 22, 2011 at 15:00

Ika-8 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 23, 2011

Mga Pagbasa: Mal 3:1-4.23-24 / Lucas 1:57-66

PARANG APOY NA NAGPAPADALISAY

Gayak na sana akong mamuno sa isang pag-akyat muli sa bundok sa Benguet matapos ang Pasko, sa Mt. Pulag, ang ikalawang pinakamataas ng bundok sa Pilipinas, sunod sa Apo. Subali’t sa mga araw na ito, bukod sa sinapit ng mahigit isang libo sa Mindanao, at marami pang tumatangis at naghihirap, at sapagka’t pati sa hilagang Luzon ay tila wala pa ring tigil ang ulan, hindi angkop na kami ay sumuong sa panganib para lamang makipagniig sa kalikasang nagmamaktol, kumbaga.

Kinancela ko na ang aming lakad. At gagamitin ko na lamang ang panahon sa paghahanda para sa isang serye ng seminar na aking ibibigay sa Hong Kong sa unang Linggo ng Enero sa bagong taong darating.

Isang pagdadalisay ang proseso ng pag-akyat sa bundok. Bago pa man gawin ito, matinding preparasyon ang kinakailangan … pagbabawas ng timbang, pagsusunog ng taba, at pagsasanay ng buto at kalamnan upang mabata ang walang patid na tila pag-akyat sa walang katapusang hagdan patungo sa alapaap. Bukod sa rito, ang kasanayang umiwas sa mga balakid, sa mga natural na patibong saanmang dako, ang maging bihasa sa pag-iwas sa potensyal na mga panganib, lalu na ang kakayahang manguyabit at gumapang sa mga lugar na kung ikaw ay madulas ay isa ka nang estadistika pag-uwi, kung iuuwi ka ng mga kasama mo.

Ang pagdadalisay na ito ay mahirap. Mahirap magbawas ng timbang. Mahirap magpatatag ng mga kalamnan at kasu-kasuan. Mahirap magpawis at magbanat ng mga butong matagal nang napahinga sa trabahong mental ay trabahong laging nakaupo at nag-iisip.

Nguni’t tapatin natin ang sarili. Kailangan natin tuwina ng pagdadalisay. Kailangan natin ng walang tigil na pagpapanibago, walang katapusang pagsisikap maging higit pa, lampas pa, at lalu pang mahusay sa lahat ng aspeto ng buhay.

Ito ang isang tinutumbok ng unang pagbasa halaw kay Propeta Malaquias. May halong takot at pangamba ang mga larawang ikinikintal niya sa atin. “Sino,” aniya, “ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y nagpakita na?” Larawan ito ng sugong mananakop na magpapamalas ng tiyakang paglilinis, tiyakang paghahanda, at hindi isang larawan ng isang sugong patumpik-tumpik ang malamya sa paghahanda sa mga taong naghihintay sa kanyang pagdating.

Ito ang larawan ng isang sugong hindi patay-patay kumbaga, hindi urong sulong, at lalung hindi tila isang jellyfish na walang buto at walang kalasag na matigas at matibay.

Heto ang tinutumbok ni Propeta Malaquias. Ang sugong darating ay may mga hinihingi sa atin, may mga dapat tayong gampanan at gawin, at may mga dapat na mga alituntunin.

Hindi ito isang pasyal lamang sa Luneta o sa ilalim ng buwan. Ito ay may kinalaman sa tama at wastong pag-uugali at pamumuhay. At para marating ang wasto, ay dapat magdaan sa pagdadalisay.

Walang lantay na ginto ang hindi magiging puro at dalisay kung hindi manggagaling sa isang lantayan, sa isang proseso ng paglilinis, pagpapakabuti, at pagdadalisay. At alam nating lahat na ang lantayan ng ginto ay hindi lamang nakukuha sa ihip ng hangin. Hindi ito nakukuha sa simpleng pagtatahip, o pagpapahangin lamang tulad ng pinahahanginan ang bagong bayong palay. Ang lantayan ng ginto at pilak ay pinadadaanan ng matinding apoy, at tanging sa pamamagitan lamang ng apoy, nagiging dalisay at lantay ang ginto at pilak.

Ang ating bayan ay matagal nang nagdadaan sa matinding lantayan. Hanggan ngayon, tayo ay sinusubok at pinadadalisay sa maraming mga suliranin at problema, at mga trahedyang patung-patong. Sa makamundong pagkilatis, tila walang katuturan ang mga suliraning ito. Nguni’t sa mata ng Diyos, ang lahat ay may kabuluhan, may katuturan, may dahilan, at may patutunguhan.

Tumatangis ang marami ngayon sa trahedyang naganap sa Mindanao. Tumangis na tayo di lang miminsan sa Ondoy at Pepeng, sa Marikina at sa Bulacan, at sa marami pang lugar na binisita ng matinding trahedya. Di man tayo natuto sa una, sa ikalawa, sa ikatlo, o sa mga susunod pa, malinaw sa mata ng pananampalataya na tayo ay dapat magising, tayo ay dapat matuto, at tayo ay dapat tumalima sa kalooban ng Diyos. At walang dalisay na ginto at pilak na hindi hinulma sa lantayan sa pamamagitan ng matinding init at apoy ng pagdadalisay.

Dangan nga lamang at hindi apoy ang dumadalisay sa atin, kundi sunod-sunod na baha. Pero iisa ang dapat nating matutunan sa lahat ng ito. Tinatawagan tayo sa isang panibagong buhay. Tinatawagan tayo upang matutong sumunod, matutong maging maka-Diyos, at matutong iwaksi ang lahat ng uri ng kabuktutan, kaswapangan, at panlalamang sa kapwa tao.

Maliwanag na matinding liksiyon ang naghihintay sa atin – ang iwaksi ang pagbebenta ng lupa sa mga alam na nating lugar na daanan ng tubig, ng mga lugar na hindi dapat tinatayuan ng mga bahay. Maliwanag na dapat nating matutunan na ang puno ay hindi na basta na lamang at sukat at walang habas na tinatabas at pinatutumba, para lamang sa ikayayaman ng kaunti. Maliwanag rin na dapat nating tanggalin sa puwesto ang mga namumunong tampalasan at silang pasimuno sa lahat ng uri ng panggagahasa sa kalikasan. Maliwanag rin na ang buhay ng tao ay dapat natin pahalagahan, at hindi itrato bilang animal, bilang insekto na puede paglaruan ng mga banyagang ang tanging pakay lamang ay panatiliin ang level ng kanilang luho at pansariling kapakanan.

Maraming liksyon … sanlaksang aral … sandamakmak na pawis at luha ang kailangan. Wala tayong ibang daan liban sa daang tinahak ng Mananakop. Ang daang ito ay tila daan ng parang apoy na nagpapadalisay, hindi lang sa bakal, kundi sa kabuuan ng ating pagkatao.

Halina, Panginoon, at papadalisayin kaming lahat, ayon sa iyong anyo at wangis!

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

In Simbang Gabi, Tagalog Homily, Taon B on Disyembre 21, 2011 at 14:22

Ika-7 Araw ng Simbang Gabi (B)
Disyembre 22, 2011

Mga Pagbasa: 1 Sam 1:24-28 / Lu 1:46-56

PUSPOS NG GALAK AT PASASALAMAT

Mahirap mapuno ng galak sa mga araw na ito … Sa bawa’t sandaling natutunghayan ko ang mga video at mga larawang makabagbag-damdamin sa trahedyang naganap sa Iligan at sa Cagayan de Oro, mahirap isiping ang hinihintay nating Kapaskuhan ay may tunay at wagas na kahulugan, para sa mga, sa biyaya at awa ng Diyos, ay may pagkakataong magsama-sama, mag-salu-salo at magkaniig pa bilang isang buong pamilya ngayong Pasko.

Hindi ko maubos maisip ang pait at hapdi ng damdaming nararamdaman ng mga namatayan, na bukod pa rito ay nawalan ng buong kabuhayan, ng lahat ng kanilang ipinundar sa mahaba at maraming taon nilang pagsisikhay. Bagama’t naranasan ko rin ang maraming paskong kami, bilang isang malaking pamilya, ay nagdiwang sa magkakahiwalay na lugar sa maraming taon, hindi ko maubos maisip ang mga batang mga pamilyang, sa pagkamusmos ng mga anak, at kawalang malay ng mga batang paslit, ay bigla na lamang nagising sa isang katotohanang wala nang masasayang paskong maaring makita sa hinaharap, para sa marami sa kanila.

Sa mga sandaling ito, bilang Pari, wala akong malamang sabihin. Wala akong makitang angkop na pananalitang makapagpapalubag ng kaloobang namimighati, nagdadalamhati, at yinuyurakan ng matinding pasakit na mas matalim pa sa balaraw na tumitimo sa kalamnan.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako ay nag-aral ng counseling/therapy ay ito. Maaga akong nakadanas ng pagdadalamhati ng isang Ina na nawalan ng isang anak noong panahon ng mga Hapon. Noong ako ay bata, malimit kong makita ang Nanay Ipay (Lola ko sa Ina) na sa pagdating ng takipsilim ay laging tumatangis mag-isa. Nakatingin sa lumulubog na araw ay habang ang mga labi ay nagdadasal ng orasyon, ay panay naman tulo ang luha ng pagtangis sa kanyang anak na lalaking pinaslang ng mga sundalong Hapon (o Koreano).

Hindi ko makakalimutan nang kami bilang mga bata ay naglalaro ng baril-barilan. Sapagka’t iniidolo namin noon si Fernando Poe, Jr. kaming lahat ay nagiging sundalong Pinoy (o Americano) at sundalong mga Hapon. Nagpapanggap kaming mga Hapon o Kano, at panay ang gaya namin sa salitang Hapon na natututunan namin sa mga sine ni Fernando Poe. Isang araw, nakita namin ang Lola namin na bigla na lamang natigilan, nanginginig ang buong katawan, nang makita niya at marinig na nagpapanggap bilang mga Hapon. Ngayon sa aking katandaan, ay alam kong ito ay isang halimbawa ng tinatawag naming Post-traumatic stress disorder, isang sikolohikal na kondisyon ng isang taong hindi pa lubusang nakalalampas sa pagtangis sa isang biglaan at malupit na pagkapatay sa kanyang anak.

Ang puso ko ay patuloy na nagsisikap yumakap sa lahat ng tulad ng Lola namin, na aming binigyang-pasakit nang kami ay nag-asal Hapones, na ngayon ay nagdadaan sa hindi natin lubos na mauunawaang kahirapang pangloob.

Nguni’t bilang Pari ay tungkulin ko rin na ikonekta ito sa magandang balita ng Panginoon.

Pero tatapatin ko kayo … ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi nakamit kailanman liban sa daan ng pighati, daan ng paghihirap, at daan ng pagtalikod sa sarili. Ilang beses na natin binigyang pansin ang dakilang pagkatapon ng bayan ng Diyos, na siyang naging dahilan kung bakit si Isaias at ang iba pang propeta ay nagbigay hula, nagwika, at nangako tungkol sa darating na kaligtasan mula sa Diyos.

Tatapatin ko uli kayo … Ang lahat ng maganda sa araw ng Pasko ay hindi magaganap kung walang tulad ni Ana, na matagal nag-asam, matagal naghintay bago magka-anak. Hindi matutupad ang kaligayahan ng Pasko kung walang Zacarias at Elisabet, Joaquin at Ana, at Maria na, sa kabila ng kagulumihanan, ay nagsuong ng sarili sa matinding pananagutan. Hindi mangyayari ang kasaganaang isinasapuso natin tuwing Pasko, kung walang Jesucristong nag-alay ng buhay, nagdaaan sa lahat ng uri ng pasakit at hilahil, maganap lamang ang pangako ng kanyang Ama.

Sa aking pagbabalik-isip sa buhay ko, hindi kami makararating sa narating namin, at makatapos hanggang sa postgraduate level, kung wala kaming magulang na marunong magsinop, marunong magtiis, at marunong magpaliban ng kanilang sariling kapakanan para lamang kami ay mapag-aral. Sa maraming mga pista sa aming bayan, na wala kaming panghanda, ay hindi kami makakatikim ng masarap-sarap kung wala kaming Nanay Ipay na, lingid sa aming kaalaman, ay may paiwi palang baboy kung kani-kanino, upang paghahati-hatian ng tatlo niyang anak, at napakaraming apo. Siya, na hindi naman nagkakain ng baboy, ay siyang nag-paanyo upang kami ay makatikim rin ng kaunting handa sa Pasko o Pista.

Mga kapatid kong nagdadalamhati … Ito yata ang buod ng magandang balita na dapat nating ikagalak. Walang kaligayahang naghihintay, kung walang kapaitang handang tanggapin nang maluwag sa puso. Walang ginhawa kung walang paggawa, at walang tagumpay kung walang pagsisikhay.

Ito ang telon sa likod ng awit ng pasasalamat ni Ana at ni Maria. At ang telon na ito ay kwento, hindi ng isang maluwag at marangyang pamumuhay, kundi isang salaysay ng pagpapahindi sa sarili, paghihintay, pagsisikhay, at pag-aalay ng kaunting meron sila.

Ang Diyos na nagkakait kumbaga ngayon, ay may nakalaang luwalhati hindi maglalaon. Ang luwalhating pangako niya ay higit pa sa anumang makamundong bagay na atin ngayong inaasam, na ngayon ay ipinagdadalamhati natin at tayo ay nawalan, o naubusan, o hindi napagkalooban.

Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat, ay dapat tayo magpasalamat sa kanya. Sa kabila ng lahat, ay dapat tayong umawit. Sa araw ng Pasko, wala mang anumang rangya o yaman o anumang inaasam ng lahat, magsaya tayo. Sapagka’t ito ang buod ng pasko … Puspos tayo ng galak at pasasalamat, sapagka’t ang dakilang kaloob na si Kristong Panginoon, ay sumasaatin, at hindi na kailanman maanod ng baha, madadala ng mga mandarambong, at maipagkakait ng mga pulitikong pulpol, at masisibang negosyante na ang tanging pakay ay makapanlamang, makapanlait, at makakitil ng buhay ng mga anak-pawis at mga simpleng taong ang tanging hanap, tulad ni Ana, ay ang kaloob ng isang sanggol na lalaki.

Siya si Jesus. Siya ang ating buhay. Siya ang dahilan ng Pasko. At siya ay Emmanuel, sumasaatin!