frchito

Posts Tagged ‘Panalangin’

AMA NAMIN!

In Karaniwang Panahon, Taon K on Hulyo 27, 2013 at 16:41

images-10Ika-17 Linggo ng Taon K

Hulyo 28, 2013

AMA NAMIN!

Sa ating bayan, mahirap ang lumapit sa mataas na taong hindi mo kilala. Lagi kang naghahanap ng padrino, ng taong tutulong sa iyo at maghahatid sa iyo. Bihira sa ating kultura ang taong bigla at basta na lamang papasok sa opisina ninuman nang walang namamagitan.

Hindi tagapamagitan ang hinahanap natin, kung tutuusin nating mabuti. Hindi tayo naghahanap ng fixer, ika nga. Hindi tayo naghahanap ng taong gagawa ng bagay na dapat nating gawain. Ang ating tunay na hanap ay isang taong may kaugnayan sa sinumang gusto nating marating o makapulong.

Si Abraham ay itinuring ni Pablo bilang ating Ama sa pananampalataya. Sa kwento sa unang pagbasa, narinig natin kung paano siya naki-usap, kung paano siya nagmakaawa sa Diyos, maligtas lamang ang mga taong mabubuti, kahit sasampu na lamang ang natitira. Nakita natin kung paano namagitan si Abraham, at kung paano niya pinalambot ang loob ng Diyos kung kaya’t ang kaparusahang nararapat sa mga taga Sodom at Gomora ay hindi matuloy.

Nanalangin si Abraham. Nagmakaaawa. Namagitan at nanikluhod sa Diyos na maawain.

Iba talaga ang may pinagsamahan. Kung tutuusin, si Abraham ay hindi na banyaga sa Diyos, at ang Diyos ay hindi na iba kay Abraham. May pinagsamahan sila. May kaugnayan. May pinagsaluhang pangarap at panawagan. Magmula nang siya ay tumugon sa panawagan ni Yahweh, na siya ay lumisan sa Ur at magtungo sa bayang pangako, naging karapat-dapat si Abraham upang manikluhod at humiling sa Diyos.

At ano ang dahilan nito? Sapagka’t sila ay may pinagsamahan na.

Mahirap ang maki-usap para sa sinuman. Pero nagiging madali kung ang ating pinakikiusapan ay may kaugnayan na sa atin, kung may pinagsamahan na tayo.

Tunghayan natin ang kwento sa ebanghelyo. Dalawang tao ang sinasabi nanghihingi ng tulong. Ang una ay naggambala ng kapitbahay sa kalagitnaan ng gabi dahil wala siya ni anumang puedeng ipakain sa bisita. Mapilit ang kanyang tono sa panghihingi ng tulong … makulit. Sino sa atin ang hindi magbibigay na lamang wag lamang tayo kulitin nang ganoon? Ang isa naman ay may kinalaman sa kakayahan nating magbigay nang kung ano ang hinihingi ng isang anak.

Ano ang sikreto? Ano ang dahilan at sila ay pinagbigyan?

Nasa unahan ng ebanghelyo ang sagot. Ano ba ang turo sa atin ng Panginoon? Napakasimple. Para bagang sinasabi niya na hindi tayo makadidiretso sa sinuman kung wala tayong relasyon, kung wala tayong kaugnayan, kung wala tayong pinagsamahan.

Ito ang sinabi ni Pablo sa ikalawang pagbasa. Hindi na tayo iba sa Diyos. Hindi tayo mga banyagang hindi niya kilala. “Nalibing tayo,” aniya, “kasama ni Kristo sa binyag.” At hindi lamang yan, “binuhay tayong muli kasama niya, matapos patawarin ang ating mga kasalanan.”

Di ba maliwanag ito? Na tayo ay may kaugnayan na sa kaniya?

Dahil dito, ang turo ni Jesus ay ito. Kung tayo raw ay mananalangin, tumawag raw tayo sa Diyos ng “Ama Namin.” “Papa,” “Ama,” “Itay.”

Ito ang kaugnayang hindi Niya mapahihindian. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay karapat-dapat magdasal at lumapit sa Kanya nang may pananampalataya at pagtitiwala.

BANTAY-GABAY O BANTAY-SALAKAY?

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Agosto 29, 2011 at 13:14

Ika-23 Linggo ng Taon(A)
Setyembre 4, 2011

Mga Pagbasa: Ezekiel 33:7-9 / Roma 13:8-10 / Mateo 18:15-20

Mahirap ang magmalasakit sa kapwa. Kung minsan, sa iyong pagmamalasakit, ikaw pa ang masama sa bandang huli. Sa aking hindi na maikling kasaysayan, na mas mahaba na ang nagdaan kaysa sa darating pa, may ilan rin naman akong karanasan tungkol dito. Gumawa ka ng maganda at may magsasabi ng kung anong hindi maganda, na hindi man lamang sumagi sa iyong guni-guni … Di ba talangka mentality ang tawag dito?

Nguni’t tulad ni Exequiel sa unang pagbasa, may taong inaatangan ng pananagutan sa kapwa, para sa kapakanan ng iba, at hindi ng sarili. Si Exequiel ay siyang naatangan upang maging isang bantay, isang gabay, isang may malasakit para sa bayan ng Diyos.

Nakakalungkot na ang sinasapit ng Simbahang Katoliko ay puro paninira at paninisi … Sa kanyang kagustuhang maging bantay-gabay ng tunay at wagas na kapakanan ng sangkatauhan, sari-saring bansag ang ipinupukol sa kanya. Sa kanyang pagnanais na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, at higit na malawak na kabutihan ng bayan, inuusig siya at sinisiil, pati ng mga taong nagsasabing sila raw ay katoliko.

Pananagutan ang kanyang pasan … Ngunit iba ang pananagutan at ang sagutin. Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinapayo niya na wala dapat tayong sagutin sa isa’t isa, liban lamang sa iisang bagay – ang pag-ibig. Wala raw tayo dapat anumang utang sa kapwa, kundi ang pagkakautang ng pag-ibig.

Sa totoo lang, ito ang talagang mahirap gawin. Sinuman sa inyo na nakakabasa nito at nakarananas ng aking naranasan ay sasang-ayon sa akin … Mahirap mahalin ang nagpapahirap sa iyong buhay. Mahirap patawarin ang nag-uusig sa iyo nang walang habas at walang dahilan. Mahirap ngumiti kapag ikaw ay niyayapakan o niyuyurakan kahit wala kang ginawang masama.

Malamang na tulad ni Jeremias, si Exequiel ay nakatikim rin ng lahat ng ito.

Sa ating panahon, hayagan na at palasak ang lahat ng uri ng pagkamakasarili at paghahanap ng sariling kapakanan lamang. Mayroon ngayong tinatawag na “narcissism epidemic” o laganap na kultura ng pagkamakasarili, ayon sa mga sikolohistang tanyag at bihasa. Ang kalinangan ngayon ng kabataan ay umiinog sa paghahanap ng sariling ginhawa at pagpapasasa. Walang iniisip na komunidad, o samahan, o ang pangangalaga sa kapakanan ng kapwa.

Sa panahon natin, kay raming nagsasabing sila raw ay naglilingkod sa bayan. Nguni’t hindi maglalaon at napapagtanto nating sila ay hindi bantay-gabay kundi mga bantay-salakay – mga taong nagsasamantala sa kamangmangan o kahinaan ng iba.

Wala nang lalayo pa sa kalinangang isinusulong ng Simbahan at ng Ebanghelyo. Hindi pagsasarili ang turo ng ebanghelyo, kundi ang pagsasama-sama. “Kung saan may dalawa o tatatlo na nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.

Hindi madali ang magpatawad. Subali’t lalung mahirap kung tayo ay lubos na makasarili. Ang pagkamakasarili ay nakikita sa kakulangan ng kakayahang makita ang pananaw ng kapwa, ang kawalang kakayahang makaunawa ng paningin ng iba, at ang patuloy na pagsisikap upang bumagsak o malugmok ang iba sa paghihirap.

Sa araw na ito, gusto nating alalahanin ang lahat ng mga bantay-gabay: ang mga namumuno, ang mga may pananagutan, ang mga nanunungkulan, ang mga may hawak na kapangyarihan, ang mga naglilingkod sa kapwa sa pamamagitan ng pamumuno saan man, sa pamahalaan man o sa simbahan.

Hiling natin sa Diyos na matulad nawa silang lahat sa halimbawa ni Exequiel, sa halimbawa ni Hesukristo, sa halimbawa ng Beato Juan Pablo II, at marami pang iba.

Nguni’t hiling rin natin na tayo na nasa ilalim ng mga naglilingkod ay matutong magbuklod hindi bunsod ng pagsalungat sa namumuno, kundi ang matuto sa paanan ng Panginoong Hesukristo na siyang nagpapaalaala sa atin: “Saanman may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa ngalan ko, naroon akong kasama nila.”

Ito ang isa sa mga palatandaan ng pagiging tunay na bantay-gabay – ang pamumuno kasama at sa ngalan ng Panginoon, at hindi ng sarili.

P.S. Hindi ako tiyak na makakapag-post sa darating na tatlong linggo dahil sa isang mahabang lakbayin na palipat-lipat ang lugar sa Europa. Gayunpaman, sisikapin ko pa ring gawin ito.