frchito

Posts Tagged ‘Tagalog Homily’

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO NG IGOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2009 at 04:56

dead tree
Ika-33 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 15, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 12:1-3 / Hebreo 10:11-14,18 / Marcos 13:24-32


Maraming aral ang maaaring dulot ng liturhiya natin ngayon. Sa Linggong ito, bago magwakas ang taong liturhiko, puno ng mga aral ang mga pagbasa, at ang buong liturhiya natin sa Simbahang Katoliko. Isa sa mga lumulutang na aral ay walang iba kundi ito: may wakas ang lahat … ang panahon, ang daigdig, ang buhay na makalupa, ang kapangyarihan, ang yaman, ang katanyagan at lahat ng pinahahalagahan ng tao sa mundong ibabaw, kasama rin ang paghihirap ng tao.

Sa susunod na Linggo, huling Linggo ng taon, paksa ng liturhiya ang isang katotohanang walang wakas – ang paghahari ni Kristong Panginoon sa buong daigdig at sa kalangitan.

Subali’t tunghayan muna natin ang sinasaad ng mga pagbasa. Sa hula ni Daniel, mataginting ang katotohanang umaalingawngaw sa ating pandinig: may hinaharap tayong buhay na walang hanggan. Ito ay lumilitaw sa mga pananalitang punong puno ng pag-asa: “mga pangalang nakasulat sa aklat ng Diyos, mga parang tala sa kalangitan magpakailanman, mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig” …

Ang lahat ay tumutuon sa wakas – wakas ng lahat ng totoong alam natin, wakas ng lahat ng karanasang kaakibat ng ating pagiging tao sa lupang bayang kahapis-hapis.

Subali’t ang wakas na ito ay hindi lamang isang pagtatapos na tulad ng pagwawakas ng isang sine. Ang pagtatapos na ito ay kaakibat ng isang mataginting ring katotohanan – ang pagka-Diyos at Panginoon ni Kristong Mananakop at tagapagligtas. Ito ay isang wakas na may dahilan, may batayan, at may hantungan – ang paghahandog ni Kristong Punong Pari “dahil sa mga kasalanan,” na sapat na sapagka’t siya ay “naluluklok sa kanan ng Diyos.”

Malimit nating sabihin bilang Pinoy na “nasa huli ang pagsisisi.” Nasa wakas ang pagkatuto at pagkadala kumbaga. Nasa wakas ang pagkabatid na tayo ay nagkamali.

Subali’t ito nga ba ay totoo para sa atin? Natututo nga ba tayo?

Maraming buhay ang nagwakas dahil sa tatlong magkakasunod na bagyong dumatal sa bayan natin. Maraming kinabukasan ang nawasak o lumabo dahil sa matindi pang kahirapang hatid ng bagyong nagdaan. Maraming buhay ang nalagutan ng hininga at pangarap na naparam ng baha at unos at pagguho ng lupa.

Maraming iba pang sakunang hatid, hindi ng bagyo, kundi ng politika at mga tampalasan at makasariling mga namumuno ang paulit-ulit na dumating sa bayan natin.

Marahil ay mayroon tayong aral na mapupulot sa mga pahatid sa atin ngayon. Ito ang aral na pahiwatig sa atin na may kinalaman sa tama at wastong pagbabasa sa mga tanda ng panahon. Ito ay batay sa katotohanang ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag ng sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Patuloy siyang nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga nagaganap sa lipunan natin.

Sa mga labi mismo ng Panginoon ay narinig natin ang pangangailangang magbasa nang nagaganap, matuto sa mga aral ng kalikasan, at maging bihasa sa pagtunton ng kung ano ang niloloob ng Diyos para sa atin.

Ang unang liksiyon na dapat natin ngayon alalahanin ay ito: ang mga huling bagay, kumbaga … ang katotohanan na may kamatayan, may langit, may purgatoryo, at may impyerno. Ito ang apat na mahahalagang aral sa atin sa pagsapit ng wakas ng taon ng simbahan. Ito ang apat na katotohanang dulot sa atin ng pagkabatid na may wakas ang panahon sa daigdig na ito.

Pero ang aral na ito ay may taglay na sangang aral na karugtong at kaakibat nito. Kung may wakas ang lahat, mayroon higit na mahalaga kaysa sa lahat. Mayroong katotohanang hindi naaagnas, hindi nagwawakas, at hindi naglalaho. Ito ang katotohanang mapagligtas – ang katotohanang ang punong pari na nag-alay ng sarili para sa atin, ay maghahari magpakailanman.

Kung ito ang pinakamahalaga, may aral din itong kaakibat para sa atin habang tayo ay naglalakbay sa buhay makamundo.

At ang aral na ito ay may kinalaman sa puno, sa igos, sa ilat, sa ilog, sa lawa, sa dagat at lahat ng nilikha ng Diyos. Hindi atin ito. Sa kanya ang lahat. Hindi natin angkin ang mundong ito. Tayo ay tagapag-alaga lamang. Hindi natin dapat abusuhin ito, kundi gamitin lamang nang tama, sapagka’t ang liksiyon ng puno ay malinaw.

Nakalimot na yata ang marami sa atin na tayo ay mga temporaryo at pansamantala lamang sa mundong ito. Ito ang liksiyon ng puno ng igos. Subali’t nang matuto tayong gawing diyus-diyusan ang pera, natuto rin tayo maging sakim, natuto rin tayong maging mapagkamal, madamot at walang kabubusugan.

Hindi ba’t ito ang dahilan sa mga baha? Bukod sa binabago na natin ang klima, at bukod sa kinalbo na natin ang lahat ng gubat, ay tinakpan nating lahat ang daluyan ng tubig, kung kaya’t ang liksiyon ng puno ay hindi na natin pinakinggan at inalintana.

May bukas pa. May pag-asa pa. Nguni’t dapat tayo magising sa katotohanan. May hangganan ang lahat. May wakas ang lahat. At habang naghihintay tayo ay dapat tayo maging mapagmasid at marunong bumasa ng mga tanda.

“Unawain ang aral mula sa puno ng igos…”

Hayward, CA
November 9, 2009

BAYANG DUMUDULOG, BANAL NA LUMULUHOG

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Oktubre 27, 2009 at 18:33

blog-all-saints
Kapistahan ng Lahat ng mga Banal
Todos los Santos
Nobyembre 1, 2009

Mga Pagbasa: Pahayag 7:2-4,9-14 / 1 Juan 3:1-3 /Mateo 5:1-12a

Hindi na ako masyado nagbabasa ng mga kasaysayan ng mga banal. Hindi sapagka’t hindi ako naniniwala sa kanilang kabanalan. Sampalataya ako sa kababalaghang ginawa ng Diyos para sa mga banal. Sampalataya ako sa masugid nilang paghahanap sa mukha ng Diyos. Sampalataya rin ako sa biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos na siyang may-akda at simulain ng lahat ng kabanalan.

Hindi nga lang ako masyadong hanga sa mga lumilipad sa alapaap, tulad ni San Jose de Cupertino. Hingi nga rin lang ako masyadong nabibighani ng mga banal na nakikipag-usap sa mga hayop, tulad ni San Francisco de Asis. Hindi rin ako masyadong natutulala sa mga kwentong ang mga banal ay nakita ng mga tao na nasasa dalawang lugar sa iisang parehong pagkakataon, tulad ni Don Bosco, na diumano ay nakita sa Torino at nakita rin sa Barcelona sa parehong magkasabay na araw at oras.

Huwag ninyo ako pagdiskitahan. Hindi ako suwail na walang pagsampalataya sa mga banal. Wala akong sinabing hindi ito totoo. Wala akong sinabing ang lahat ng ito ay mga kasinungalingan. Ang akin lamang sinasabi ay ang mga kababalaghang gawa ng Diyos ay hindi dahilan upang humanga tayo sa mga banal. Ang sinasabi ko lamang ay ito … ang mga banal ay malapit at pinagpala ng Diyos. At ito ang dahilan kung bakit sila ay pumailanlang tulad ni San Jose de Cupertino. Ito ang dahilan kung bakit sila nakapagwika sa mga hayop, o nakapunta sa dalawang lugar sa parehong araw at oras.

Ang mga banal ay kinasihan ng Diyos dahilan sa isang katotohanan. Dumulog sila sa Kanya, naghanap, nagsikap lumapit.

Ito ang aking hinahangaan sa mga banal. Ito ang hindi lamang dapat hangaan. Ito rin ang dapat tularan. Sila ang mga huwaran na dapat itanghal at ipagmakaingay sa lipunan.

At ito nga ang ginaganap natin sa araw na ito. Pagunita sa ating sarili ngayon ang tugon sa unang pagbasa: “Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa Iyo!”

Subali’t ang dumudulog ay siyang hinahanap ng Diyos na dinudulugan. Ito ang katotohanang dulot sa atin ni Juan: “Isipin natin kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag Niya tayong mga anak ng Diyos at iyan ang totoo.”

Ito ang panawagang dininig at sinunod ng mga banal. Hindi ito mga panawagan upang lumipad at pumailanlang at maging mga salamangkero o magikero. Hindi ito panawagan upang tayo ay makagawa ng mga malalaking kababalaghan. Panawagan ito upang dumulog sa Kaniya at tumalima tulad ng isandaang libo, apat na daan at apatnapu’t apat na mga tagasunod sa kordero na nararamtam ng puting damit na hinugasan sa dugo ng kordero.

Ito ang itinatanghal natin sa pistang ito … ang kabanalang kaloob ng Diyos nguni’t nagkabuhay sa pagdulog ng tao, na lumuhog sa paanan ng Maykapal at naging banal. Ang kabanalang ito ay may malaking halagang pinagbayaran ng mga santo.

Sila ay naging banal at tinaguriang mapalad … hindi sapagka’t sila ay gumawa ng mga kababalaghan, kundi sapagka’t sa kanilang paghihirap ay naganap ng Diyos ang kababalaghan ng kabanalan sa kanilang pagkatao.

Ito ang pagiging mapalad na nakita natin kay Papa Juan Pablo II … ang kaniyang katapatan at matimyas na pag-ibig sa Diyos … ang kanyang matinding paghihirap dahil sa karamdaman, ang kanyang matibay na pagkapit sa pangako ng Diyos na nangahulugan ng matinding paghihirap at pag-uusig.

Ito ang diwa ng katagang “mapalad” na makailang ulit natin narinig sa ebanghelyo. Walang kinalaman ito sa nakatutuwang pangitain ng kabanalang walang kinalaman sa tunay na buhay ng taong may dugo at laman, sa mundong ibabaw.

Ang mga banal ay banal sapagka’t sila ay nagdusa … tulad ni Mother Teresa na nagdusa kasama ng mababaho at nanlilimahid … Ito ang kabanalang walang kinalaman sa mga mababangong rosas na bumalot sa kanilang katawang makatao …

Walang kapalaran at kasiyahan sa taong hindi nagdaan sa pagsuong sa kahirapan. Ang mga banal ay silang nanguna sa pagdulog ng bayan ng Diyos. Sila ang huwaran at tampulan ng lahat ng ating paghahanap at pagsisikap. Sa kanilang paghahanap sa mukha ng Diyos, sila ay nagdusa. Sa kanilang pagdulog, sila ay nahulog at nasuong sa lahat ng uri ng paghihirap at pag-uusig.

At ito ang dahilan kung bakit sa ngalan nilang lahat, ang bayan ng Diyos ay hindi lamang dumudulog sa Diyos. Kasama nila at sa ngalan nilang lahat, tayo ngayon bilang simbahan ay lumuluhog, tulad ng ginawa nila habang nabubuhay sa mundong ibabaw.

Lahat kayong mga banal sa kalangitan, ipanalangin ninyo kami!