frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

MAPALAD KA, SAPAGKA’T NANALIG KA

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 18, 2009 at 17:46

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Ika-4 na Linggo ng Pagdating (Adviento) – Taon K
Diciembre 20, 2009

Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45

Kakaiba ang sukatan ng tao ngayon sa pagiging mapalad. Mapalad ang malapad ang papel sa lipunan … ang mga may tangang kapangyarihan, ang mga namumuno at naghahari. Isa ito sa pangunahing sukatan. Mapalad rin ang may malalapad na lupain … ang mga nahirati sa malalawak na tirahan na walang kapit-bahay, walang karibal, walang kasabay sa mga gawaing may kinalaman sa pagiging ordinaryong tao.

Panukat ng kapalaran ang mga bagay na nahihipo, nabibilang, nasusukat at naiipon. Nguni’t ito nga lamang ba ang palatandaan ng kapalaran? Tingnan natin ang mga pagbasa …

Hindi malaking bayan ang Efrata. Mismong si Miqueas na ang nagsabi: “Betlehem Efrata, bagama’t pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang maghahari sa Israel.” Hindi rin marami ang mga nalabi sa Israel. Nguni’t malaki at matayog ang pangakong patungkol sa kanila. Kahit na sila ay mapapasa kamay ng mga kaaway, magbabalik ang mga nalabi sa bayang Israel matapos isilang sanggol na pangako.

Sa sulat sa mga Hebreo, hindi pinansin ng Diyos ang mga mamahaling alay na susunugin, bagkus ang payak nguni’t lubos na pag-aalay ng sarili ng siyang nagwika: “narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.”

Isa sa napansin ko sa maraming kababayan natin sa America na hindi na natin dapat palawigin ay ito. Sa mga party, sa mga handaan at pagtitipon ng magkakababayan, malimit na nauuwi ang usapan sa kung anong bago ang meron sila, anong bagong kotse, anong bagong kagamitan sa bahay, anong bagong laruan ng mga anak, anong bagong dagdag sa bahay na palaki nang palaki at paluwang nang paluwang, kahit hindi kailangang dagdagan ang espasyo sa bahay sapagka’t malalaki na ang mga anak at nagsipaglipatan na.

Isa ring hindi ko gusto naman sa mga prayer communities ay ito. Kapag may bagong bahay o bagong kotse, o anumang “blessing ni Lord,” ang malimit na namumutawi sa bibig ng mga taong “pinagpala” ay “ang bait ni Lord; binigyan kami ng maraming blessing. Panibagong blessing na naman ang ibinigay sa amin.” Hindi ko lubos maisip ang simpleng katotohanang ito. Paano kaya ang may sakit ng cancer, hindi kaya siya blessed in Lord? Paano kaya yung kasamahan nilang walang ibili ng kotse … hindi sila blessed ni Lord. Iyan marahil ang dahilan kung bakit gusto man ng marami ay hindi na sila sumasama sa mga covenanted communities. Hindi nila kaya ang mga blessings ni Lord.

Kung inyong mapapansin, ang pagiging mapalad ay nakasalalay at nakaakibat sa bagay na malalapad, madatung, ika nga, marami, at nabibilang at nailalagay sa espasyo. Kakaunti ang naririnig kong nagpasalamat sa kabila ng isang anak na maysakit, sa isang biglang pagbaligtad ng takbo ng negosyo, o biglang lumiit ang kita, o nawalan ng malaking pagkakataon sa buhay. Halos hindi ko narinig na may nagsabing ang bait talaga ni Lord, at sa kabila ng kahirapan ay nakapagdadasal at nakapagsisimba pa kami.

Sa araw na ito, gusto kong bigyang pansin ang wagas at tunay na kahulugan ng pagiging mapalad. Mapalad ang siyang nagsabi sa Panginoon, “Narito ako O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.” Sa panahon natin kakaunit na ang gustong magpari at magmadre. Bakit?

Simple lang. Hindi mapalad para sa mundo ang walang sariling sasakyan, bahay at lote, at walang kakayahang makipagtagisan sa mga Inglisero at Inglisera. Hindi mapalad para sa daigdig ngayon na manggaling sa isang baryo na tulad ng Efrata. Hindi maganda ang dating ng isang “barriotic,” ika nga, na walang kamuang-muang sa gawaing pang-lungsod. Hindi mapalad ang isang taong sunud-sunuran lamang. Dapat, ayon sa mundo ngayon, ay wala kang bossing, wala kang pinaglilingkuran, at wala kang dapat bigyang paliwanag sa tuwina.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mayroong isang mapalad ang tinagurian ng Diyos. Mga barriotic na mga simpleng tao na galing sa kaburulan ng Judea, sa bundok, ika nga. Ito ay si Zacarias. At higit pa rito, hindi talubata si Zacarias. Isa siyang gurang, damatan, ulyanin na halos na may asawang baog, na hindi nagka-anak.

Sila ang mapalad. Mapalad sila hindi sapagka’t ang kanilang bahay ay mahigit isang libong metro kwadrado, kasama ng isang kasilyas na sinlaki na ng isang bahay sa Pilipinas. Hindi sila mapalad sapagka’t nakatira sila sa Beverly Hills, kundi sa bulubundukin ng Judea. Mapalad sila hindi sapagka’t sila ay naging instant celebrity sa pamamagitan ng extreme make-over. Mapalad sila … at bakit?

Simple lang … Mapalad sila sapagka’t sila ay nanalig! “Mapalad ka, sapagka’t nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.”

Nananalig ba tayo? Mapalad ba tayo?

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, San Juan Bautista, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 7, 2009 at 09:54

Ika-3 Linggo ng Pagdating(K)
Diciembre 13, 2009

Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filemon 4:4-7 / Lucas 3:10-18

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

Noong isang Linggo, binigyang pansin natin ang kahalagahang panatiliing magkasama at magka-agapay ang dalawang aspeto ng turo ng Panginoon: pangako at pangaral. Mahalaga, sabi natin, na hindi lamang puro pangako ang panghawakan natin, kundi pati ang mas mahalaga – ang pangaral. Bawa’t pribilehiyo o kaloob ay may kaakibat na pananagutan. Bawa’t pangako ay may kalakip na pangaral.

Sa Linggong ito, tinaguriang Gaudete Sunday, o araw ng pagsasaya, dahil malapit na ang pagdatal ng Mananakop, dalawa na namang magkatuwang at magkalakip na katotohanan ang atin matutunghayan: pagsasaya at paggawa!

Unahin natin sa una: magsaya … gaudete … ito ang tinutumbok ng una at ikalawang pagbasa. Maraming salita ang ginamit upang ikintal ito: “umawit nang malakas … sumigaw … magalak nang lubusan … masayang aawit sa laki ng kagalakan” … Si Pablo sa liham kay Filemon, ay pareho rin ang sinasabi: “magalak kayong lagi sa Panginoon … inuulit ko, magalak kayo!”

Sa kalagitnaan ng panahon ng Pagdating, wasto lamang na bigyang-pansin natin ang diwa ng panahong ito – hindi pagpepenitensya, bagkus, marubdob na paghihintay sa diwa ng pag-asa ang siyang bumabalot sa ating kamalayan sa araw na ito.

Nguni’t ang paghihintay bang ito at pag-asa ay isa lamang mababaw na damdaming dapat manaig sa kabila ng lahat ng kabuktutan at kasalanang naghahari sa daigdig na iniikutan natin? Tayo ba ay dapat mabalot ng kagalakan dahil sa 57 katao ang pinaslang nang ganoon na lamang at sukat nang walang kalaban-laban? Tayo ba ay dapat magpanggap na masaya ang lahat sa kabila ng walang awa at walang pusong pagkitil sa inosenteng buhay sa kadahilanang sila ay nasa maling lugar sa maling oras? Tayo ba ay dapat magkunwaring masaya ang bayang Pilipino kahit na puro pandaraya at panlilinlang ang inaatupag ng naka luklok sa kapangyarihan? Totoo bang sa ikatlong linggo ng panahon ng pagdating ay dapat tayong “umawit sa laki ng kagalakan?”

Hindi ito ang naririnig ko sa mga pagbasa. Totoo na ipinagtatagubilin ni Pablo at ni Sofonias na tayo ay kailangang magalak. Nguni’t ang kagalakang ito ay nakatuon sa isang pangakong ang katuparan ay bumabagtas at lampas sa mga makamundong adhikain at hangarin na atin ngayong inaatupag sa mundong ibabaw.

Ang kagalakang ito ay may kinalaman sa mga pangakong mesiyaniko na dumating na, patuloy na dumarating, at darating pa. Ang kaganapan nito at katuparan ay hindi kailanman natin makakamit ngayon at dito, kundi sa kaganapang darating sa muling pagbabalik ng Mananakop.

Ito ang kagalakang malalim, wagas, lubos, at pang sa walang hanggan!

At dito papasok ang tunay na magandang balita … Hindi ito isang malikhaing pagnanasa lamang … hindi ito isang paghahangad na walang basehan sa kasaysayan at sa anumang turo ninuman. Sa likod ng pangakong ito, ay isang pangaral, tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo.

Ano ba ang pangako? “’ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon” … “wala nang kasawiang dapat pang katakutan” … “nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos” … “malapit nang dumating ang Panginoon.”

Subali’t ano ba ang pangaral? Narito … sa katauhan, buhay, at pagkamatay ni Juan Bautista. Siya ang naging tampulan ng lahat ng katanungan ng mga tao: “Ano ba ang dapat naming gawin?” Si Juan Bautista, na isinugo ng Diyos upang maging tagapaghatid ng balita at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon, ang siyang tinanong ng mga taon.

Ano nga ba ang dapat natin gawin? Heto … Una, “huwag sumingil nang higit.” Ikalawa, “huwag manghingi sa pamamagitan ng pamimilit o pagpaparatang nang di totoo.” Ikatlo, “masiyahan sa iyong sahod.”

Ano ang dapat natin gawin? Simple lamang! … ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katarungan. Ang katarungan ang siyang buod ng ipinangangaral ni Juan Bautista. Ito ang magandang balitang ating hinihintay – ang katarungan ng Diyos na darating sa atin sa pamamagitan ng “prinsipe ng kapayapaan,” na maghahatid sa atin sa daan tungo sa kapayapaan.

Sa madaling salita, hindi ito isang walang batayang paghihintay … hindi ito isang paghahangad na walang kapalit na pagsisikap. Hindi ito isang trabahong tamad na pagnanais, na walang kaakibat na pagpupunyagi. Hindi ito isang hungkag na pangako na walang kahugpong na pangaral!

Dito natin makikita kung tunay at wagas ang ating pagiging Kristiyano. Dito natin mapatutunayan kung ang ating pagnanasa at may kalakip na pagsisikap.

Kung meron, kung ang dalawang ito ay tunay na magkadaup-palad sa buhay natin, nasasa atin na ang pangako … nasasa atin na ang pagpapatotoo ng pahayag ng Panginoon: “Magsaya … “Nasa piling mo na ang Panginoong Diyos” … “masaya kang aawit sa laki ng kagalakan.” Kung gayon, alam mo na ang dapat mong gawin!