frchito

Posts Tagged ‘Katotohanan’

MAGANAP NAWA, HINDI AYON SA AKIN, KUNDI SA IYONG WIKA!

In Adviento, Catholic Homily, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi on Disyembre 19, 2010 at 13:26


Ika-5 Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 20, 2010

Mga Pagbasa: Is 7:10-14 / Lucas 1:26-38

Sala-salabat ngayon ang mga salita … salu-salubong, masalimuot, magulo, at di miminsang mapanlinlang. Bilang educador sa nakaraang 33 taon, nakikita ko ito halos araw-araw … mga batang napakadudulas ang dila, mabilis magbulaan, mahusay magsinungaling, at matatas magbulalas ng kawalang katotohanang bagay. Huling-huli na akto ay may palusot pa rin …

Noong isang buwan, may isang bata kaming estudyante na isinuplong ng isang kaklase na gumagamit ng isang iPod na nakaw sa kaklase. Nang ipinakuha namin ang kanyang iPod, may iba nang balot (casing) … nabago na ang mga nilalaman. Ngunit ang diin ng tunay na may-ari ay kanya raw. Nang aking tinanong ang may hawak ng iPod, ay mabilis niyang sinabi na binili daw niya. Nang tinanong ko kung saan, ay mabilis na binago ang kwento … binili daw niya sa isang mas matandang estudyante sa iskwela. Nang pinatawag ko sa kanya ang kamag-aral na diumano ay binilihan niya, wala siyang maituro.

Sa kabutihang palad, dinala ng ama ng tunay na may ari ang kahon ng orihinal na iPod. Tiningnan namin ang serial number … parehong pareho sa serial number ng iPod na “binili” daw niya. Sa sandaling yaon, nagbago ang kanyang kwento … kinuha daw niya “pansamantala” ang iPod bilang biro sa tunay na may-ari na kanyang kaibigan … kaya nga lang, isang buwan na ang tagal ng kanyang biro, pinalitan na ang balot ng iPod, at nabura na ang lahat ng datos sa nasabing iPod!

Salita … mga salita mula sa taong sanga-sanga ang dila, at matatas sa pagbubulalas ng kasinungalingan!

Matay kong isipin, ganyan tayong lahat … mabilis tumanggi, mahusay magpahindi, at sanay magpatotoo sa palso at kabulaanan. Tingnan natin sumandali ang korte suprema … sa buong mundong sibilisado, ang mali ay mali at ang tama ay tama. Mali ang mangopya ng panulat ng iba at ipasa bilang sariling mga panitik. Pero iba sa Pinas … ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali. Nakalusot ang damuho sa plagiarismo. Sa bagay, sino nga ba naman ang makakasansala sa pinakamataas na hukuman ng bayan!

Wika … vehiculo ng katotohanan. Sabi ng mga paham, ang katotohanan ay ang pagtutugma ng laman ng isip at buga ng bibig. Kung ano ang bigkas ay siya ang diwa. Kung ano ang bulalas ay siya ring kalatas! Ang sumpa ay bigkas na ayon sa wikang maginoo, magiting, at maka-totoo. Isa itong tanda ng kadakilaan ng tao … Sa Tagalog, mayroon tayong kasabihan … ang isda ay nahuhuli sa bibig, ang tao naman ay nahuhuli sa bulalas ng bunganga.

Matindi ang paalaala sa atin ngayon, ikalimang araw ng simbang gabi. Matinding laman ng isip, at dapat pagbulay-bulayan natin lahat. Yaman at tayong lahat bilang kultura ay nagumon na sa palasak na pagsisinungaling – ng mga dating presidente, ng kasalukuyang mga namumuno, ng mga mambabatas na kunwari ay ang gusto nila ang lapatan ng lunas ang kahirapan, pero ang tunay naman palang pakay ay ang mabusog ang kanilang mga bulsa, galing sa parmaseutikal na mga kompanyang nagsusulong ng lahat ng uri ng pagpipigil sa mga pagsilang ng sanggol.

Sa dami ng mga kasinungalingang patuloy na ibinubuga ang mass media, ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali!

Sa araw na ito, isa lamang ang aking gustong bigyang-diin, sa yaman at dami ng nilalaman ng magandang balita. At ang isang mahalagang bagay na ito ay may kinalaman sa wika – wika ng anghel, wika ng Diyos, kaloob ng Maykapal na ipinahatid sa pamamagitan ng isang anghel kay Maria.

Ano ang balitang ito? Parang kabulaanan o kasinungalingan, o parang imposible at hindi puedeng mangyari … Maglilihi ang isang birhen … manganganak ng isang sanggol na tatawaging Emanuel!

Mumurahin, sabi nila, ang mga salita sa panahon natin (talk is cheap!). Sa dami ng mga pangakong napako sa kawalan sa buhay natin, mumurahin talaga, at sa maraming pagkakataon, ay gusto mo rin siguro magmura! Nangopya na at lahat, ay nakalusot pa! Nangako na at lahat, ay nakaisa pa. Nagkunwari na at nanloko ng buong bayan, ay nakatanggap pa ng malaking pabuya. Ang tanging naaagnas sa piitan ay ang walang pera, walang kaya, at walang kakilalang malalaking tao sa larangan ng makamundong kapangyarihan!

Isang mahina, mahirap, at payak na dalagita ang pinagtutuunan natin ng pansin ngayon — si Maria … walang kaya, walang pera, at walang anumang kapangyarihang makamundo. Pero ito ang salaysay ng pag-ibig at paghirang ng Diyos … hindi mo alam kung kanino babagsak… hindi mo alam kung sino ang tatawagin. Hinirang si Maria … pinuno ng grasya … pinagwikaan ng anghel, binalitaan, at inutusan ng Maykapal. Nagulumihanan, sinabihan siya ng mataginting na mga katagang ito: “Huwag kang matakot Maria, kinasihan ka ng Diyos.”

Nguni’t sa kabila ng kanyang takot ay lumutang ang isang katotohanan – na ang narinig niya ay hindi isang hungkag na pangako ng isang lasing o ng isang lasing sa kapangyarihan na ayaw bumaba … ang narinig niya ay mula sa makatotohanang may-akda ng totoo at hindi makapangloloko ng kanyang nilalang, at hindi rin kailanman malilinlang ninuman!

Ano ang tugon ng isang taong masunurin at may tiwala at pananampalataya sa Diyos? “Maganap nawa, hindi ayon sa wika ko, kundi ayon sa iyong wika!” Fiat mihi secundum verbum tuum!

Tumpak. Totoo. At tapos ang usapan … naganap. Nagaganap pa. At patuloy na magaganap kung tayo ay magtitiwala at makikipagtulungan, tulad ni Maria, kasama ni Maria, at sa ilalim ng paggagabay ni Maria, puno ng grasya, bukod na pinagpala sa babaeng lahat!

Maganap nawa! Mangyari nawa sa ating bayan, sa ating buhay, sa ating mga sarili ang pangarap ng Diyos! Hari nawa! Maghari nawa ang Diyos sa bayan nating mahal!

PS.

Muli kong ipinapaskil ang opisyal na MTV ng pagbisita ng relikya ni San Juan Bosco sa Pilipinas at sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo!

PUMALAOT, IHULOG ANG LAMBAT, UPANG MAKAHULI!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 2, 2010 at 13:03

Ika-5 Linggo ng Taon(K)
Pebrero 7, 2010

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a, 3-8 / 1 Taga-Corinto 15:1-11 / Lucas 5:1-11

Ayaw natin ng lahat ng uri ng kababawan. Ayaw natin ng puro pa-cute lamang sa mga naglilingkod sa bayan. Hindi natin gusto ang puro palabas lamang, bagaman at, tila ang mananalo bilang Presidente ay isang taong katulad lamang ng mga kalsadang aspaltado na kanyang pinagkakaabalahan. Ayaw rin natin ng mga kandidatong kaya lamang tumanyag ay dahil sa kanilang apelyidong tanyag. Ayaw natin ng mga pangakong parang ampaw lamang – hungkag at walang laman. At higit sa lahat, ayaw natin ng mga taong sa kabila ng lahat ng pangako at mababagsik na salita laban sa katiwalian, ay tiwali rin palang walang katulad.

Kababawan … ito ang hindi ipinagawa ng Panginoon sa mga disipulo. Tumbukin agad natin … Nang buong magdamag na nagsikap makahuli ang mga disipulo ng isda, muli niyang inutusan ang mga puyat at pagod, at marahil ay wala nang pag-asang mga disipulo: “Pumalaot kayo …”

Isang magandang panalangin ni Sir Francis Drake ang hindi makatkat sa aking isipan. Hiniling niya sa Diyos na hindi siya matulad sa mga taong nanatili lamang sa pampang at malapit sa dalampasigan … mga taong ayaw pumalaot sapagka’t nangangamba, natatakot, nag-aalanganin, nag-aatubili.

Ang pananatili sa pampang ay isang malinaw na tanda ng isang taong ayaw mangahas, ayaw isugal, ika nga, ang katiyakan, at kapanatagan ng kalooban, at walang kakayahang isuong ang sariling kapakanan sa ikabubuti ng pangkalahatan. Ito ang mga taong sukat na sukat ang bawa’t kilos, mga namumunong hindi gagalaw hangga’t wala silang mahihita o kikitain sa anumang transaksyon.

Takot ako sa kababawang ito ng isang taong walang kurap na nagnanakaw sa kaban ng bayan, at naniningil ng labis sa pamahalaan, kahit na ang tunay na kikita ng malaki ay siya rin.

Takot ako sa kababawan ng mga panoorin sa TV na nagsasamantala sa kahirapan, kamangmangan, at kasalatan ng mga taong ang tanging pinanghahawakan lamang ay isang hungkag na pag-asang sila ay baka sakaling maambunan ng biyaya mula sa lahat ng uri ng kababawan at panlilibak sa kapwa na nagaganap sa telebisyon.

Takot rin ako sa kababawan ng mga pastol ng simbahan na laging wala sa kanilang mga parokya, parang mga retiradong mga “tagapaglingkod” na may oras para sa golf at panonood ng TV, nguni’t walang oras sa pagpapakumpisal at pagbisita sa mga maysakit.

Kababawan … ito ang sakit ng mga taong ang gusto ay manatili sa pampang at dalampasigan, namamaybay lamang sa mababaw na tubig ng katiyakan at kawalang-pansin.

Mayroon tayong ilang halimbawa ng kabaligtaran ng kababawan. Una si Isaias, na hindi nag-atubiling sumagot sa Panginoon: “Narito po ako. Ako ang isugo ninyo.” Ang taong handang sumuong sa trabaho ay hindi isang taong mababaw at walang kakayahang lumalim at maging makahulugan.

Isa ring halimbawang tumataginting si San Pablo … Itinuring niya ang sarili bilang “tulad ng isang batang ipinanganak nang di kapanahunan,” subali’t naging apostol. Anong uring apostol ba si Pablo? Siya na mismo ang nagsabi. Hindi basta basta. Hindi patakbuhin. Hindi mababaw at pakitang-tao lamang. Siya na rin ang nagsabi: “Nagpagal ako nang higit kaysa kaninuman sa kanila, bagama’t hindi ito sa sarili kong kakayanan.”

Pumalaot si Isaias. Pumalaot rin si Pablo. Ngunit higit sa lahat, si Jesus ay hindi lamang pumalaot. Mayroon pa siyang ginawa … nagpatihulog siya sa kamay ng mga tampalasan sa ikapapanuto ng sambayanan. Ngayon, sinasabi niya sa atin … Hindi sapat ang kababawan. Walang mararating ang pagkukunwari, panlilinlang, at pangbabalasubas ng bayan. Walang mahihita ang lahat ng uri ng pakitang-tao at pahapyaw na pagtupad sa tungkulin. Hindi makakalayo ang kalsadang pinalitadahan lamang ng manipis na patong ng alkitran o semento.

Malinaw ang tagubilin ni Jesus … pumalaot … lumayo … lumalim … lumarga pa … at ipagtagubilin ang sarili sa Diyos. Higit rito, sinabi niyang kailangang “ihulog” ang lambat sa kalaliman. Kailangang ihulog ang lahat ng personal na katiyakan at kasiguraduhan. Kailangang tulad ng binhi ng mustasa, ay mahulog sa lupa upang yumabong at mamunga.

Iisa ang tinutumbok nito … kailangang lumalim… kailangang magpakatunay, magpakatapat, magpaka-totoo.

Pumalaot … ihulog ang lambat, ibagsak ang lahat ng kababawan at ka-plastikan … magpakatotoo, magpakatunay, at ano ang bunga ng lahat ng ito?

Upang makahuli!

Isang mungkahi para sa lahat … mag-ingat sa lahat ng uri ng kababawan, kabulastugan, at kasakiman … Lahat ng ito ay nauuwi sa kapariwaraan. Pumalaot upang makahuli!