Ika-5 Araw ng Simbang Gabi (A)
Disyembre 20, 2010
Mga Pagbasa: Is 7:10-14 / Lucas 1:26-38
Sala-salabat ngayon ang mga salita … salu-salubong, masalimuot, magulo, at di miminsang mapanlinlang. Bilang educador sa nakaraang 33 taon, nakikita ko ito halos araw-araw … mga batang napakadudulas ang dila, mabilis magbulaan, mahusay magsinungaling, at matatas magbulalas ng kawalang katotohanang bagay. Huling-huli na akto ay may palusot pa rin …
Noong isang buwan, may isang bata kaming estudyante na isinuplong ng isang kaklase na gumagamit ng isang iPod na nakaw sa kaklase. Nang ipinakuha namin ang kanyang iPod, may iba nang balot (casing) … nabago na ang mga nilalaman. Ngunit ang diin ng tunay na may-ari ay kanya raw. Nang aking tinanong ang may hawak ng iPod, ay mabilis niyang sinabi na binili daw niya. Nang tinanong ko kung saan, ay mabilis na binago ang kwento … binili daw niya sa isang mas matandang estudyante sa iskwela. Nang pinatawag ko sa kanya ang kamag-aral na diumano ay binilihan niya, wala siyang maituro.
Sa kabutihang palad, dinala ng ama ng tunay na may ari ang kahon ng orihinal na iPod. Tiningnan namin ang serial number … parehong pareho sa serial number ng iPod na “binili” daw niya. Sa sandaling yaon, nagbago ang kanyang kwento … kinuha daw niya “pansamantala” ang iPod bilang biro sa tunay na may-ari na kanyang kaibigan … kaya nga lang, isang buwan na ang tagal ng kanyang biro, pinalitan na ang balot ng iPod, at nabura na ang lahat ng datos sa nasabing iPod!
Salita … mga salita mula sa taong sanga-sanga ang dila, at matatas sa pagbubulalas ng kasinungalingan!
Matay kong isipin, ganyan tayong lahat … mabilis tumanggi, mahusay magpahindi, at sanay magpatotoo sa palso at kabulaanan. Tingnan natin sumandali ang korte suprema … sa buong mundong sibilisado, ang mali ay mali at ang tama ay tama. Mali ang mangopya ng panulat ng iba at ipasa bilang sariling mga panitik. Pero iba sa Pinas … ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali. Nakalusot ang damuho sa plagiarismo. Sa bagay, sino nga ba naman ang makakasansala sa pinakamataas na hukuman ng bayan!
Wika … vehiculo ng katotohanan. Sabi ng mga paham, ang katotohanan ay ang pagtutugma ng laman ng isip at buga ng bibig. Kung ano ang bigkas ay siya ang diwa. Kung ano ang bulalas ay siya ring kalatas! Ang sumpa ay bigkas na ayon sa wikang maginoo, magiting, at maka-totoo. Isa itong tanda ng kadakilaan ng tao … Sa Tagalog, mayroon tayong kasabihan … ang isda ay nahuhuli sa bibig, ang tao naman ay nahuhuli sa bulalas ng bunganga.
Matindi ang paalaala sa atin ngayon, ikalimang araw ng simbang gabi. Matinding laman ng isip, at dapat pagbulay-bulayan natin lahat. Yaman at tayong lahat bilang kultura ay nagumon na sa palasak na pagsisinungaling – ng mga dating presidente, ng kasalukuyang mga namumuno, ng mga mambabatas na kunwari ay ang gusto nila ang lapatan ng lunas ang kahirapan, pero ang tunay naman palang pakay ay ang mabusog ang kanilang mga bulsa, galing sa parmaseutikal na mga kompanyang nagsusulong ng lahat ng uri ng pagpipigil sa mga pagsilang ng sanggol.
Sa dami ng mga kasinungalingang patuloy na ibinubuga ang mass media, ang mali ay nagiging tama, at ang tama ay nagiging mali!
Sa araw na ito, isa lamang ang aking gustong bigyang-diin, sa yaman at dami ng nilalaman ng magandang balita. At ang isang mahalagang bagay na ito ay may kinalaman sa wika – wika ng anghel, wika ng Diyos, kaloob ng Maykapal na ipinahatid sa pamamagitan ng isang anghel kay Maria.
Ano ang balitang ito? Parang kabulaanan o kasinungalingan, o parang imposible at hindi puedeng mangyari … Maglilihi ang isang birhen … manganganak ng isang sanggol na tatawaging Emanuel!
Mumurahin, sabi nila, ang mga salita sa panahon natin (talk is cheap!). Sa dami ng mga pangakong napako sa kawalan sa buhay natin, mumurahin talaga, at sa maraming pagkakataon, ay gusto mo rin siguro magmura! Nangopya na at lahat, ay nakalusot pa! Nangako na at lahat, ay nakaisa pa. Nagkunwari na at nanloko ng buong bayan, ay nakatanggap pa ng malaking pabuya. Ang tanging naaagnas sa piitan ay ang walang pera, walang kaya, at walang kakilalang malalaking tao sa larangan ng makamundong kapangyarihan!
Isang mahina, mahirap, at payak na dalagita ang pinagtutuunan natin ng pansin ngayon — si Maria … walang kaya, walang pera, at walang anumang kapangyarihang makamundo. Pero ito ang salaysay ng pag-ibig at paghirang ng Diyos … hindi mo alam kung kanino babagsak… hindi mo alam kung sino ang tatawagin. Hinirang si Maria … pinuno ng grasya … pinagwikaan ng anghel, binalitaan, at inutusan ng Maykapal. Nagulumihanan, sinabihan siya ng mataginting na mga katagang ito: “Huwag kang matakot Maria, kinasihan ka ng Diyos.”
Nguni’t sa kabila ng kanyang takot ay lumutang ang isang katotohanan – na ang narinig niya ay hindi isang hungkag na pangako ng isang lasing o ng isang lasing sa kapangyarihan na ayaw bumaba … ang narinig niya ay mula sa makatotohanang may-akda ng totoo at hindi makapangloloko ng kanyang nilalang, at hindi rin kailanman malilinlang ninuman!
Ano ang tugon ng isang taong masunurin at may tiwala at pananampalataya sa Diyos? “Maganap nawa, hindi ayon sa wika ko, kundi ayon sa iyong wika!” Fiat mihi secundum verbum tuum!
Tumpak. Totoo. At tapos ang usapan … naganap. Nagaganap pa. At patuloy na magaganap kung tayo ay magtitiwala at makikipagtulungan, tulad ni Maria, kasama ni Maria, at sa ilalim ng paggagabay ni Maria, puno ng grasya, bukod na pinagpala sa babaeng lahat!
Maganap nawa! Mangyari nawa sa ating bayan, sa ating buhay, sa ating mga sarili ang pangarap ng Diyos! Hari nawa! Maghari nawa ang Diyos sa bayan nating mahal!
PS.
Muli kong ipinapaskil ang opisyal na MTV ng pagbisita ng relikya ni San Juan Bosco sa Pilipinas at sa mahigit na 130 bansa sa buong mundo!