frchito

Posts Tagged ‘Misa de Gallo’

BANGON NA SINTA, HALINA!

In Adviento, Homily in Tagalog, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 20, 2009 at 13:57

Ika-6 na araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Diciembre 21, 2009, Lunes

Mga Pagbasa: Awit 2:8-14 / Lk 1:39-45

Tadtad ng pahimakas ng pag-asa ang maalindog na pananalita ng unang pagbasa. Hango ito sa isa sa pinakanakaka-intrigang aklat ng Banal na Kasulatan, na sa biglang wari ay tila isang nobelang pang-tinedyer na babae. Isa itong awit ng pagsuyo, ng matamis na panunuyo ng magkasintahang parang matagal na napigilan sa pagkikita dahilan sa mahabang tag-yelo o taglamig.

Bumangon na at halina sa piling ko! Ito ang mainit na paanyaya ng magsinta sa isa’t isa. Nguni’t alam natin na ang banal na kasulatan ay isang mahabang salaysay ng marubdob na pagsinta ng Diyos para sa kanyang bayan. Ang salaysay na ito ay bahagi ng mahabang salaysay na ito (meta narrative) na magpahangga ngayon ay salaysay pa ring nagaganap, nangyayari sa pagitan natin at ng Diyos.

Ano ba ang pangunahing hibla ng salaysay na ito? Ano ba ang mayor na elemento o takbo ng salaysay na ito?

Sinagot ito ng Bagong Tipan … Ganoon na lamang at sukat ang pag-ibig na Ama sa atin, kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na anak! Ito ang saad ng ebanghelyo ni San Juan. Ito ang buod ng kasaysayang bumukadkad sa kapaskuhan … isang salaysay na magpahangga ngayon ay atin pa ring sinusuyod at pinagtatagni-tagni, sa kagustuahan nating mabigyang-kahulugan ang karanasan natin bilang tao.

Ano ba ang ating karanasan?

Umiikot ang salaysay ng buhay ng tao sa pagkasalawahan, ang kakayahan nating tumalikod sa tipanan, at mamangka sa dalawang ilog. Ito ang salaysay ng taong, hindi lamang salawahan, kundi balimbing, doble kara, at baligtaran. Ito ang buod ng kasalanan ni Eva at ni Adan at nating kanilang mga supling.

Nguni’t ano ang kinahinatnan ng salaysay na ito? Siniphayo ba tayo ng Diyos at tinikis sa ating pagkagupiling?

Dito ngayon papasok ang ating maalindog na awit … Bumangon na sinta, at halina sa piling ko. Tapos na ang hilahil. Wala na ang unos at ulan, ang nieve at ang taglamig. Sumibol na ang mga figo, namumakadkad na ang mga bulaklak. Panahon na upang suluyan ang mga ubas, at muling nangagsisipag-awitan ang mga bato-bato sa parang!

Awit ito ng patuloy na pag-ibig ng Diyos sa taong salawahan. Awit ito na nagbabaybay ng lahat ng dahilan upang tayo ay bumangon, bumalik, at makipagniig muli sa Diyos.

Hindi ko maubos isipin na ang awit na ito ay puno ng pag-aasam, paghihintay, pag-asa! Kung gayon, ito ay angkop na angkop sa diwa ng ginaganap natin sa simbang gabi – diwa ng pag-aantabay, pag-aantay, at pag-aaguanta sa dilim ng madaling araw, na parang mga abay na naghihintay sa nobyong ganap ikasal sa kanyang kasintahan. Ang galak na bumabalot ay hindi maitago, hindi maipagkaila, kung kaya’t umaawit tayo, tulad ng ginawa natin matapos ng unang pagbasa ng ganito: “Magsaya kayo mga banal sa Panginoon! Umawit ng isang bagong awitin.” (Salmong tugunan).

Wala tayong nieve sa Pilipinas. Pero panay ang bisita ng unos at ng ulan. Wala tayong taglamig sa bayan natin, ngunit masahol pa sa taglamig ang iringan at awayan natin. Ang patayang naganap sa Maguindanao ay masahol pa sa taglamig … masahol pa sa tagtuyot at pagkamatay ng mga punong igos.

Nagkasala tayong lahat at naging hindi karapat-dapat sa luwalhati ng Diyos, ayon kay San Pablo.

Nais kong isipin na ang ating paggising nang maaga at pagpupuyat ay walang iniwan o walang kaibahan sa inaawit ng magkasintahan sa unang pagbasa. Ang Diyos ay tumatawag sa atin. Bangon na, sinta, at halina! Nananawagan Siya sa pagbabalik natin sa kanya. Ang pagpupuyat natin ay simulain ng isang tugon na hindi panandalian lamang. Isa itong tugon rin ng pag-ibig, tulad ng tugon ni Mariang sa kanyang pagkadinig sa balita ng anghel, ay kagya’t umakyat ng bulubundukin ng Judea, upang tumulong kay Elizabet.

Si Maria ay tila tinawagan din ng Diyos: Bangon na, sinta, at halina! Halina at tumulong sa iyong pinsang kagampan! Humayo at ibahagi ang pag-ibig sa kapwa. At pati ang pagpapalang tinanggap niya sa anghel ay ibinahagi niya. At siyang namahagi ay lalu pang higit na pinagpala hindi lamang ng anghel kundi pati ng tao: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala rin naman ang iyong anak na si Jesus!”

Ganyan kahalaga ang tawag ng sinisinta … Bangon na at halina! Kung kaya’t pati ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabet ay halos bumangon rin upang magsaya. Nagtatalon ang bata sa kanyang sinapupunan!

Masaya tayong lahat sa Pasko … ang mayroon at ang wala … ang salat at ang sagana. Walang naiiwang malungkot sa Pasko sa Pilipinas, kahit isang plato lamang ng spahetting matamis at ilang hiwa ng manok ang pinagsasaluhan. Sapagka’t ang puno at dulo at batayan ng tunay na kaligayahan ay malayo sa kung ano ang meron ang magsinta, walang kinalaman sa kalansing ng pera sa bulsa. Ito ay nakasalalay sa maalindog na tinig ng sumisinta sa kanyang sinisinta: “Bangon na sinta, at halina!”

MAPALAD KA, SAPAGKA’T NANALIG KA

In Adviento, Arkanghel Gabriel, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 18, 2009 at 17:46

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi / Misa de Gallo
Ika-4 na Linggo ng Pagdating (Adviento) – Taon K
Diciembre 20, 2009

Mga Pagbasa: Miqueas 5:1-4a / Heb 10:5-10 / Lucas 1:39-45

Kakaiba ang sukatan ng tao ngayon sa pagiging mapalad. Mapalad ang malapad ang papel sa lipunan … ang mga may tangang kapangyarihan, ang mga namumuno at naghahari. Isa ito sa pangunahing sukatan. Mapalad rin ang may malalapad na lupain … ang mga nahirati sa malalawak na tirahan na walang kapit-bahay, walang karibal, walang kasabay sa mga gawaing may kinalaman sa pagiging ordinaryong tao.

Panukat ng kapalaran ang mga bagay na nahihipo, nabibilang, nasusukat at naiipon. Nguni’t ito nga lamang ba ang palatandaan ng kapalaran? Tingnan natin ang mga pagbasa …

Hindi malaking bayan ang Efrata. Mismong si Miqueas na ang nagsabi: “Betlehem Efrata, bagama’t pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang maghahari sa Israel.” Hindi rin marami ang mga nalabi sa Israel. Nguni’t malaki at matayog ang pangakong patungkol sa kanila. Kahit na sila ay mapapasa kamay ng mga kaaway, magbabalik ang mga nalabi sa bayang Israel matapos isilang sanggol na pangako.

Sa sulat sa mga Hebreo, hindi pinansin ng Diyos ang mga mamahaling alay na susunugin, bagkus ang payak nguni’t lubos na pag-aalay ng sarili ng siyang nagwika: “narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.”

Isa sa napansin ko sa maraming kababayan natin sa America na hindi na natin dapat palawigin ay ito. Sa mga party, sa mga handaan at pagtitipon ng magkakababayan, malimit na nauuwi ang usapan sa kung anong bago ang meron sila, anong bagong kotse, anong bagong kagamitan sa bahay, anong bagong laruan ng mga anak, anong bagong dagdag sa bahay na palaki nang palaki at paluwang nang paluwang, kahit hindi kailangang dagdagan ang espasyo sa bahay sapagka’t malalaki na ang mga anak at nagsipaglipatan na.

Isa ring hindi ko gusto naman sa mga prayer communities ay ito. Kapag may bagong bahay o bagong kotse, o anumang “blessing ni Lord,” ang malimit na namumutawi sa bibig ng mga taong “pinagpala” ay “ang bait ni Lord; binigyan kami ng maraming blessing. Panibagong blessing na naman ang ibinigay sa amin.” Hindi ko lubos maisip ang simpleng katotohanang ito. Paano kaya ang may sakit ng cancer, hindi kaya siya blessed in Lord? Paano kaya yung kasamahan nilang walang ibili ng kotse … hindi sila blessed ni Lord. Iyan marahil ang dahilan kung bakit gusto man ng marami ay hindi na sila sumasama sa mga covenanted communities. Hindi nila kaya ang mga blessings ni Lord.

Kung inyong mapapansin, ang pagiging mapalad ay nakasalalay at nakaakibat sa bagay na malalapad, madatung, ika nga, marami, at nabibilang at nailalagay sa espasyo. Kakaunti ang naririnig kong nagpasalamat sa kabila ng isang anak na maysakit, sa isang biglang pagbaligtad ng takbo ng negosyo, o biglang lumiit ang kita, o nawalan ng malaking pagkakataon sa buhay. Halos hindi ko narinig na may nagsabing ang bait talaga ni Lord, at sa kabila ng kahirapan ay nakapagdadasal at nakapagsisimba pa kami.

Sa araw na ito, gusto kong bigyang pansin ang wagas at tunay na kahulugan ng pagiging mapalad. Mapalad ang siyang nagsabi sa Panginoon, “Narito ako O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban.” Sa panahon natin kakaunit na ang gustong magpari at magmadre. Bakit?

Simple lang. Hindi mapalad para sa mundo ang walang sariling sasakyan, bahay at lote, at walang kakayahang makipagtagisan sa mga Inglisero at Inglisera. Hindi mapalad para sa daigdig ngayon na manggaling sa isang baryo na tulad ng Efrata. Hindi maganda ang dating ng isang “barriotic,” ika nga, na walang kamuang-muang sa gawaing pang-lungsod. Hindi mapalad ang isang taong sunud-sunuran lamang. Dapat, ayon sa mundo ngayon, ay wala kang bossing, wala kang pinaglilingkuran, at wala kang dapat bigyang paliwanag sa tuwina.

Sa ebanghelyo natin ngayon, mayroong isang mapalad ang tinagurian ng Diyos. Mga barriotic na mga simpleng tao na galing sa kaburulan ng Judea, sa bundok, ika nga. Ito ay si Zacarias. At higit pa rito, hindi talubata si Zacarias. Isa siyang gurang, damatan, ulyanin na halos na may asawang baog, na hindi nagka-anak.

Sila ang mapalad. Mapalad sila hindi sapagka’t ang kanilang bahay ay mahigit isang libong metro kwadrado, kasama ng isang kasilyas na sinlaki na ng isang bahay sa Pilipinas. Hindi sila mapalad sapagka’t nakatira sila sa Beverly Hills, kundi sa bulubundukin ng Judea. Mapalad sila hindi sapagka’t sila ay naging instant celebrity sa pamamagitan ng extreme make-over. Mapalad sila … at bakit?

Simple lang … Mapalad sila sapagka’t sila ay nanalig! “Mapalad ka, sapagka’t nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon.”

Nananalig ba tayo? Mapalad ba tayo?