Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi
Linggo Diciembre 21, 2008 (Ika-4 na Linggo ng Adviento-B)
Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5, 8b-12, 14a, 16 / Roma 16:25-27 / Lk 1:26-38
N.B. Ang pagninilay na ito ay nagsisilbing homiliya para sa ika-6 na araw ng Simbang Gabi na nagkataong Ika-4 na Linggo rin ng Adviento, Taon B.
Akala ni David ay mayroon na siyang isang matayog na adhika. Naantig ang damdamin niya sapagka’t siya ay nakatira sa isang marangyang bahay na gawa sa matitigas na kahoy na sedro. Nagbalak siya. Nangarap gawan ng bahay ang kaban ng tipan na napapaloob lamang sa isang tolda. Nagmungkahi siyang gawaan ang Kaban ng Tipan ng isang magara at marangyang “David’s Salon.”
Subali’t ang para sa tao ay ang mag mungkahi lamang. Nasa Diyos ang pasya kung ano ang nararapat. Hindi iyon ang ginusto ng Panginoon. Nabigo si David. Ang kanyang pangarap at magandang adhikain ay hindi sinang-ayunan ng Diyos, na nagwika sa pamamagitan ni Natan, ang propeta. Hindi ginusto ng Diyos ang balak niyang David’s Salon.
Di miminsan sa ating buhay na tayo ay nangarap, nagbalak, nadala ng mga matatayog na adhikain. Ilan sa atin ang hindi nag-asam na maging tanyag at makapangyarihang tao noong tayo ay bata pa? Ilan sa atin ang kahit minsan lamang ay hindi sinagian ang isipan ng kagustuhang maging kilalang artista, o manunulat, o anu pa mang maghahatid sa atin sa katanyagan?
Hindi maikapagkakaila na maganda ang layunin ni David – ang mabigyan ng wastong lugar ang kaban ng Tipan. Tulad natin, lahat ng naisipan nating mga adhikain kalimitan ay walang masama, walang lisya, walang linsad sa matuwid, maayos, at kaaya-aya. Subali’t may pagkakataong ang mabuti ay nasasaliwan o nahahaluan ng pansariling mga mithiin at naisin. Hati kung minsan ang ating mga balakin. Gusto natin ang para sa Diyos, nguni’t gusto rin natin ang para sa sarili. Malinis ang hangarin natin; subali’t kahalo nito ay mga hangaring hindi madaling makita at masilayan sa biglang wari. Ito ang tinatawag natin na mga “mixed motives” o sapin-saping mga layunin – tulad ng ginagawa sa mga “salon” ngayon – mga buhok na hindi mo mawari kung ano ang talagang kulay.
May magandang layunin ang House Bill 5043. Hindi natin ito maaaring ipagkaila. Hindi masama ang mangarap na magpaanyo ng magandang buhay sa napakaraming mga mahihirap at mangmang na nabubuhay sa paraang hindi makatao. May magandang layunin rin ang mga nagsusulong ng Cha-cha. Isa rito ang kagustuhan nilang mapadulas ng kaunti ang pasok ng mga investors o mamumuhunan sa bansa natin. Sa bagay na ito ay wala tayong dapat pagtalunan.
Nguni’t sa mga mahahalagang bagay, tulad ng pagbabalak ni David na magmalasakit para sa Diyos, ang Diyos mismo ay nararapat nating sangguniin at tanungin. Mayroong mga bagay na higit sa kakayahan nating matugunan ang kabuuan at kaganapan ng kahihinatnan ng pasyang makatao. May mga adhikaing makatao na hindi angkop sa mithiing maka-Diyos.
At dito pumapasok ang liksiyon ng unang pagbasa sa araw na ito. Nangarap si David. Nagmalasakit siya para sa Diyos. Nguni’t ang balakin niya ay hindi siyang nilulunggati ng Diyos. Nakita ni David ang pangangailangan mula sa kanyang matang makatao. Ang nakita ng Diyos ay ang malawak na katotohanan na may kinalaman sa lalim at lawak ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang bayan.
Sa Ingles, may kasabihang angkop sa ating pinag-uusapan. ‘Man proposes, but God disposes.’ Ang para sa tao ay magmungkahi lamang; ang para sa Diyos ay ang magpasya.
Tingnan natin muli ang salaysay sa unang pagbasa. Maganda ang hangarin ni David, sa biglang wari. Sino ang makatatalo dito? – ang pagandahin at palakihin ang sisidlan ng Kaban ng Tipan? Subali’t ang panukat ni David ng kung ano ang maganda at angkop ay ang kanyang makamundong tahanan, ang kanyang bahay na ginawa sa matibay at matatag na sedro.
Nabaligtad ng Diyos ang usapin. Nais niyang gumawa ng bahay, oo. Nguni’t hindi bahay ayon sa adhikain ni David. Nais niyang gumawa hindi lamang salon kundi balon na pagmumulan ng tunay na luwalhati na nakalaan para sa tao.
Nagwika ang Diyos sa pamamagitan ni Natan: “Ako mismo ang gagawa ng bahay para sa iyo.” Hindi para sa atin ang makamit ang lahat ng katugunan sa lahat ng suliranin. Hindi para sa atin ang mag-asam nang mabuti sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Mabuti ang ilang mga mithiin ng HB 5043, nguni’t hindi lubos na pasok sa balakin ng Diyos. Mayroong kulang; mayroong linsad; mayroong lisya kung ihahambing sa malawak na kalooban ng Diyos.
Maganda ang magbalak ng isang tahanan para sa Kaban ng Tipan. Pero hindi ito ang balak ng Diyos. Ang kanyang balak ay walang iba kundi ang manatiling nasa tolda bilang tanda ng Kanyang walang hanggang pananatili sa ating piling. Ito ang binabanggit sa ebanghelyong narinig natin.
Hindi isang taong dakila at tanyag ang pinili ng Diyos upang matupad ang Kanyang balak na pagliligtas. Pinili Niya ang isang simple at mababang loob na babae. Hindi Siya nagnais ng isang “David’s Salon” upang maging tahanan ng Kanyang Anak, bagkus isang payak na “tolda” bilang pansamantalang sisidlan ng Bagong Tipan. Ang bagong Kaban ng Tipan, na si Maria, ay isang taong salat sa karangyaaan, salat sa karangalan, salat sa kayamanan.
Marami tayong puedeng mapulot sa salaysay na ito. Gaano man natin kagusto ang gumawa ng isang David’s Salon na matayog, marangya, at maganda, ang balak ng Diyos ay napakasimple lamang: ang manatili sa isang tolda, na tanda ng Kanyang pananatili sa piling ng Kanyang bayan. Sa ebanghelyo ni Juan, tahasang binanggit ni Juan Ebanghelista ang katotohanang ito. “At ang Verbo ay nagkatawang tao; at nakipamayan sa atin” na ang literal na nasusulat ay nangangahulugang kumbaga ay “nagtayo ng tolda sa ating piling.”
David’s Salon ba ang gusto natin? Isipin nating mabuti … mamili tayo … alin ang ating tatangkilikin at palalawigin … makataong adhikain, o maka-Diyos na mithiin?
Cuidado lang kapatid. Baka nag-aasam tayo nang higit sa ating kaya, at lisya sa Kanyang balak.