frchito

Archive for Disyembre, 2008|Monthly archive page

“DAVID’S SALON”: MAKATAONG ADHIKAIN; MAKA-DIYOS NA MITHIIN

In Adviento, Simbang Gabi, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 19, 2008 at 17:38

ark-of-the-covenant

Ika-6 na Araw ng Simbang Gabi
Linggo Diciembre 21, 2008 (Ika-4 na Linggo ng Adviento-B)

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1-5, 8b-12, 14a, 16 / Roma 16:25-27 / Lk 1:26-38

N.B. Ang pagninilay na ito ay nagsisilbing homiliya para sa ika-6 na araw ng Simbang Gabi na nagkataong Ika-4 na Linggo rin ng Adviento, Taon B.

Akala ni David ay mayroon na siyang isang matayog na adhika. Naantig ang damdamin niya sapagka’t siya ay nakatira sa isang marangyang bahay na gawa sa matitigas na kahoy na sedro. Nagbalak siya. Nangarap gawan ng bahay ang kaban ng tipan na napapaloob lamang sa isang tolda. Nagmungkahi siyang gawaan ang Kaban ng Tipan ng isang magara at marangyang “David’s Salon.”

Subali’t ang para sa tao ay ang mag mungkahi lamang. Nasa Diyos ang pasya kung ano ang nararapat. Hindi iyon ang ginusto ng Panginoon. Nabigo si David. Ang kanyang pangarap at magandang adhikain ay hindi sinang-ayunan ng Diyos, na nagwika sa pamamagitan ni Natan, ang propeta. Hindi ginusto ng Diyos ang balak niyang David’s Salon.

Di miminsan sa ating buhay na tayo ay nangarap, nagbalak, nadala ng mga matatayog na adhikain. Ilan sa atin ang hindi nag-asam na maging tanyag at makapangyarihang tao noong tayo ay bata pa? Ilan sa atin ang kahit minsan lamang ay hindi sinagian ang isipan ng kagustuhang maging kilalang artista, o manunulat, o anu pa mang maghahatid sa atin sa katanyagan?

Hindi maikapagkakaila na maganda ang layunin ni David – ang mabigyan ng wastong lugar ang kaban ng Tipan. Tulad natin, lahat ng naisipan nating mga adhikain kalimitan ay walang masama, walang lisya, walang linsad sa matuwid, maayos, at kaaya-aya. Subali’t may pagkakataong ang mabuti ay nasasaliwan o nahahaluan ng pansariling mga mithiin at naisin. Hati kung minsan ang ating mga balakin. Gusto natin ang para sa Diyos, nguni’t gusto rin natin ang para sa sarili. Malinis ang hangarin natin; subali’t kahalo nito ay mga hangaring hindi madaling makita at masilayan sa biglang wari. Ito ang tinatawag natin na mga “mixed motives” o sapin-saping mga layunin – tulad ng ginagawa sa mga “salon” ngayon – mga buhok na hindi mo mawari kung ano ang talagang kulay.

May magandang layunin ang House Bill 5043. Hindi natin ito maaaring ipagkaila. Hindi masama ang mangarap na magpaanyo ng magandang buhay sa napakaraming mga mahihirap at mangmang na nabubuhay sa paraang hindi makatao. May magandang layunin rin ang mga nagsusulong ng Cha-cha. Isa rito ang kagustuhan nilang mapadulas ng kaunti ang pasok ng mga investors o mamumuhunan sa bansa natin. Sa bagay na ito ay wala tayong dapat pagtalunan.

Nguni’t sa mga mahahalagang bagay, tulad ng pagbabalak ni David na magmalasakit para sa Diyos, ang Diyos mismo ay nararapat nating sangguniin at tanungin. Mayroong mga bagay na higit sa kakayahan nating matugunan ang kabuuan at kaganapan ng kahihinatnan ng pasyang makatao. May mga adhikaing makatao na hindi angkop sa mithiing maka-Diyos.

At dito pumapasok ang liksiyon ng unang pagbasa sa araw na ito. Nangarap si David. Nagmalasakit siya para sa Diyos. Nguni’t ang balakin niya ay hindi siyang nilulunggati ng Diyos. Nakita ni David ang pangangailangan mula sa kanyang matang makatao. Ang nakita ng Diyos ay ang malawak na katotohanan na may kinalaman sa lalim at lawak ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang bayan.

Sa Ingles, may kasabihang angkop sa ating pinag-uusapan. ‘Man proposes, but God disposes.’ Ang para sa tao ay magmungkahi lamang; ang para sa Diyos ay ang magpasya.

Tingnan natin muli ang salaysay sa unang pagbasa. Maganda ang hangarin ni David, sa biglang wari. Sino ang makatatalo dito? – ang pagandahin at palakihin ang sisidlan ng Kaban ng Tipan? Subali’t ang panukat ni David ng kung ano ang maganda at angkop ay ang kanyang makamundong tahanan, ang kanyang bahay na ginawa sa matibay at matatag na sedro.

Nabaligtad ng Diyos ang usapin. Nais niyang gumawa ng bahay, oo. Nguni’t hindi bahay ayon sa adhikain ni David. Nais niyang gumawa hindi lamang salon kundi balon na pagmumulan ng tunay na luwalhati na nakalaan para sa tao.

Nagwika ang Diyos sa pamamagitan ni Natan: “Ako mismo ang gagawa ng bahay para sa iyo.” Hindi para sa atin ang makamit ang lahat ng katugunan sa lahat ng suliranin. Hindi para sa atin ang mag-asam nang mabuti sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Mabuti ang ilang mga mithiin ng HB 5043, nguni’t hindi lubos na pasok sa balakin ng Diyos. Mayroong kulang; mayroong linsad; mayroong lisya kung ihahambing sa malawak na kalooban ng Diyos.

Maganda ang magbalak ng isang tahanan para sa Kaban ng Tipan. Pero hindi ito ang balak ng Diyos. Ang kanyang balak ay walang iba kundi ang manatiling nasa tolda bilang tanda ng Kanyang walang hanggang pananatili sa ating piling. Ito ang binabanggit sa ebanghelyong narinig natin.

Hindi isang taong dakila at tanyag ang pinili ng Diyos upang matupad ang Kanyang balak na pagliligtas. Pinili Niya ang isang simple at mababang loob na babae. Hindi Siya nagnais ng isang “David’s Salon” upang maging tahanan ng Kanyang Anak, bagkus isang payak na “tolda” bilang pansamantalang sisidlan ng Bagong Tipan. Ang bagong Kaban ng Tipan, na si Maria, ay isang taong salat sa karangyaaan, salat sa karangalan, salat sa kayamanan.

Marami tayong puedeng mapulot sa salaysay na ito. Gaano man natin kagusto ang gumawa ng isang David’s Salon na matayog, marangya, at maganda, ang balak ng Diyos ay napakasimple lamang: ang manatili sa isang tolda, na tanda ng Kanyang pananatili sa piling ng Kanyang bayan. Sa ebanghelyo ni Juan, tahasang binanggit ni Juan Ebanghelista ang katotohanang ito. “At ang Verbo ay nagkatawang tao; at nakipamayan sa atin” na ang literal na nasusulat ay nangangahulugang kumbaga ay “nagtayo ng tolda sa ating piling.”

David’s Salon ba ang gusto natin? Isipin nating mabuti … mamili tayo … alin ang ating tatangkilikin at palalawigin … makataong adhikain, o maka-Diyos na mithiin?

Cuidado lang kapatid. Baka nag-aasam tayo nang higit sa ating kaya, at lisya sa Kanyang balak.

TANDA, TAKDA, TADHANA

In Adviento, Homily in Tagalog, Mahal na Birheng Maria, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Jose, Simbang Gabi, Taon B on Disyembre 18, 2008 at 21:49

life-from-barrenness

Ika-5 Araw ng Simbang Gabi
Diciembre 20, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 7:10-14 / Lk 1:26-38

Panganib at pangamba ang nasa puso ng mga angkan ni Juda, sapagka’t akmang sasakupin ng Assyria at Samaria ang kaharian ni Acaz. Ito ang unang eksena sa ating makabagbag-damdaming kabanata sa ikalimang araw ng ating simbang gabi. Simple lamang ang tagubilin ni Isaias … magtiwala sa Diyos at ipaubaya sa Kanya ang lahat. Tila nagpatumpik-tumpik pa si Acaz. “Hindi ko susubukin ang Diyos … hindi ako hihingi ng tanda.” Tila nagmatigas at nagmagaling si Acaz. Sa kabila ng kanyang pangamba, hindi niya nakuhang humingi ng tanda mula sa Diyos.

Sa kanyang pagsiphayo sa balak ng Diyos, sa kanyang maalab na pagmamahal sa Kanyang bayan, hindi lamang tumanggi si Acaz sa isang tanda. Kanya ring tinanggihan ang takdang magaganap ayon sa kalooban ng Diyos. Ito ang nagbunsod kay Isaias na magwika nang tahasan. Patuloy ba ninyong titikisin ang Diyos? Siya na mismo, aniya, ang magkakaloob ng isang tanda.

Ito ang tanda na nagtakda sa ating tadhana. “Isang birhen ang maglilihi at manganganak ng isang lalaki, na papangalanang Emmanuel.”

Isang tanda na galing sa Diyos mismo. Wala nang iba. Kay raming tanda ang tinitingala ng tao ngayon: ang tanda ng yaman, kapangyarihan, at posisyon sa lipunan. Ang buong mundo ng kabataan ay hibang sa mga tanda na nakapaskil sa kanilang kasuotan – Nike swoosh, buwaya (Lacoste), dalawang paa (Hang Ten), at marami pang iba. Ang lahat ng iyon ay mga tanda, nguni’t tanda na galing, hindi sa Diyos, kundi sa tao.

Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tanda … isang dalagitang magluluwal ng sanggol. Kay raming mga halimbawa sa Kasulatan ng nagluwal ng sanggol, tulad ni Sara, ng asawa ni Manoah, ni Elisabet, at iba pa. Nguni’t tanging isa lamang sa Kasulatan ang nakatakdang magluwal ng sanggol sa pagkabirhen. Ito ang nakatakdang maganap sa Bagong Tipan sa buhay ni Maria. At ito ang takdang salaysay na binasa natin sa ebanghelyo sa araw na ito.

Kay daming tanda na galing sa tao at sa makamundong mga kalalagayan. Nguni’t tanging Diyos lamang, tulad ng sinabi ni Isaias kay Acaz, ang may angking kakayahang iligtas ang Kanyang bayan.

Kay raming palatandaan sa lipunan natin na nagpapanggap magbigay ng solusyon sa maraming problema. Nariyan ang tanda ng House Bill 5043 … tanda raw ito na naghuhudyat upang kitlin na ang mga batang hindi na dapat kumitang liwanag sa mundong ibabaw. Tanda raw ito na naghuhudyat na pauntiin na ang nag-uumapaw na populasyon sa Filipinas. Nariyan din ang tanda ng kalakaran sa lipunan. Wala nang kadayaan. Ang lahat ay hatid ng malaking pangangailangan. Ang lahat ay tanda ng kung ano ang uso at takbo ng mga bagay-bagay, at takbo ng pag-iisip sa mundo. Itong lahat ay tanda ng pagiging postmoderno o makabago. At ito rin ay tanda na dapat magpadala na lamang sa agos ng postmodernismo, na wala nang kinakatigang totoo at tama.

Nariyan din ang tanda ng pagkamakasarili at pagkakanya-kanya. Ang tanda ng “personal computer,” “personal digital assistant,” “personal entertainment,” – lahat ng personal at pang-isahang pamamaraan ng pagbibigay-aliw sa sarili … ang lahat ng ito ay tanda na ang lipunan ay nilikha upang manggayupapa sa kagustuhan at pagnanasang makasarili.

Nguni’t ang Diyos na mismo ang magbibigay ng tanda sa atin. Naganap ang dakilang tanda na ito sa pagsilang ni Jesus, na atin ngayong ginugunita sa araw ng Pasko. Ito ang takdang kaloob ng Diyos – na ang lahat ay maligtas at tumanggap ng buhay – buhay na ganap at walang hanggan.

Marami ang tanda sa ating paligid. Nguni’t iisa lamang at wala nang iba ang takdang maghahatid sa atin sa kaganapan ng itinatanda at itinuturo ng tandang nabanggit – ang buhay na walang hanggan na dulot ng Panginoon sa pamamagitan ni Kristong Panginoon at Mananakop.

Ito ay hindi lamang tanda. Ito ay takda … nakatakda upang ang sanggol na isinilang ay maging daan sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ito ang dakilang tanda na hatid ni Gabriel kay Maria. Sa balak at dakilang habag ng Diyos, siya ay itinakda bilang pinagpalang lubos nang higit sa dilang babae. Ito ang tanda na nagtakda maging kay Jose bilang isang mahalagang katuwang sa katuparan ng Kanyang balakin.

Hindi madaling tanggapin ang tanda mula sa itaas. Nagulumihanan si Maria. Nangamba siya at ang balita ay naghatid sa pagkabalisa. Nguni’t itinakda at itinalaga ni Maria ang sumunod sa utos ng Diyos. Niyakap ni Maria ang tadhanang naghihintay sa kanya at nagwika nang buong pananampalataya: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong wika.”

Maraming tanda ang nakatambad sa atin ngayon. Patuloy na humihirap ang marami at patuloy na yumayaman ang kaunti. Marami ang wala nang paniniwala sa eleksiyon at sa tunay na katapatan ng mga politicong sanga-sanga ang dila. Maraming tanda ang lumalaganap … natutuyot ang tubig na sariwa at malinis sa maraming lugar. Nagiging putik ang lupa mula sa kabundukang nakatakda na ang wakas sapagka’t nakalbo na ng mga tampalasang loggers na walang patumanggang nagpuputol ng kahoy sa bundok. Ang mga kagubatan ay nagiging palaruan ng mga mapagsamantalang minero na sumisipsip sa dugo ng bayan nating sinilangan.

Maraming tanda at ang lahat ng ito ay hindi galing sa Diyos. Walang kinalaman ang Diyos sa pagkamatay ng libo-libo sa pagkaguho ng bundok na inahitan ang tuktok at kinalbo ng mga masisibang nagkakalakal ng ating kinabukasan. Ang mga tanda na galing hindi sa Diyos kundi sa tao ang siyang nagtatakda sa atin upang manatiling mahirap at maging higit pang mahirap paglaon.

Nguni’t sa araw na ito ang magandang balita ay nasasalalay sa isang natatanging tanda na galing sa Diyos. Isang sanggol na lalaki. Isang dalagitang birhen na nagluluwal ng sanggol. Isang lalaking nagtakda ng sarili upang panagutan ang kanyang asawang si Maria at ang anak ni Mariang birhen.

May dakilang tadhana ang naghihintay sa mga taong nakakakita ng tanda at nagbibigay-halaga dito. Diyos na mismo ang nagbigay nito. Wala nang iba. At ang tandang ito na naganap na ang siya natin ngayong pinanghahawakan nang buong pananampalataya. Isang tanda. Isang takdang buhay na ganap. At isang mataginting na tadhana sa piling ng Diyos na siya nating lunggati at sanghaya. Purihin nawa Siya magpakailanman.